Zumba.
Ito ang buhay weekend ko. Isa 'to sa mga na-miss ko noon nang bumalik ako sa Manila. At tingin ko sobrang mami-miss ko rin ito kapag naka-graduate na ko . . . ilang buwan na lang pala.
6:30 am pa lang. Kakatapos ko lang maki-zumba dito sa Burnham Park.
Ang saya lang kasi kahit hindi ako marunong sumayaw, okay lang; walang kaso 'yun sa iba. Ang mahalaga e nasimulan mo ang araw mo ng malusog, masaya at nakangiti. Ang sarap sa pakiramdam na malaya kang nakagagalaw nang hindi iniisip ang sasabihin ng iba. Walang magpapatigil sa'yo. Hindi ka nila i-dya-judge. Tanggap niyo ang isa't-isa.
Napangiti na lang ako sa mga pumasok sa isip ko. Kornik. Basta, gustong-gusto ko ang bawat umaga ko dito sa Park. Tahimik. Mapayapa. Magaan sa pakiramdam.
Ilang minuto na kong nakaupo dito sa isang bench, nagpapahinga habang nakatingin lang sa lake. Ang totoo, naiisip ko siya—si Prim.
Kumusta na kaya siya? Ngayon ang kasal ng Ex niya.
Naniniwala akong hindi na siya pupunta sa kasalang iyon. Hindi naman ako gano'n ka-sure. Hindi ko naman kasi siya tinanong, pero naramdaman ko na nagbago na ang isip niya kahapon nang gawin niya ang happy ending ni Lion.
Gusto ko talaga 'yun—ang ginawa niyang ending ng story. Gusto ko 'yung idea na muling mapapansin ni Lion ang ganda ng paligid at ganda ng mundo kahit . . . wala na ang babaeng minahal niya. Gusto ko 'yung simbolismo ng muling pagtubo ng mga kuko at ngipin ng leon. Unti-unti, hindi natin masabi kung gaano katagal. Basta, isang umaga, napansin niyang tumubo na ang mga ito at mas matitibay pa kumpara sa dati niyang mga kuko at ngipin. Mas matibay na siya ngayon.
Gusto ko 'yun. Gusto ko ang story. Gusto ko rin ang gumuhit na ngiti sa labi ni Prim pagkatapos niya iyong isalaysay. Gustong-gusto ko.
Muli akong tumayo, binitbit ko ang jacket na hinubad ko nang mag-zumba ako kanina at nagsimula na akong mag-jogging. Kadalasan bago ako umuwi, nakakaikot ako rito sa Park nang tatlo hanggang limang ulit. Sa lamig kasi dito, parang di ko agad maramdaman ang pagod.
Pagdating ko sa kabilang side ng Park, napatigil ako. Sa isa sa mga bench, 'di kalayuan, naroroon siya.
Pramis, hindi ko na inaasahan na makikita ko siya uli, pero . . . gusto ko.
Nakatalikod siya sa may lake, nakatungo habang nakadiretso ang mga paa niya na gumagawa ng 30 degree-angle sa lupa.
Muli akong nag-jog ngunit mas mabagal kumpara kanina. Inisip ko na baka mapansin niya ko kapag dumaan ako sa harap niya.
Epic fail. Nakalampas na ko sa kanya. Tumigil ako. Walang tumawag. Napakamot na lang ako ng ulo.
Nag-jog ako backwards. Nakayuko pa rin siya. Tulala at nakatingin lang sa mga paa niya. Hindi ko alam kung napaano na siya.
Naisip kong baka nilalamig na siya suot niya. KDi siya naka-jacket ngayon. Naka-sleeveless lang siya na puti at itim na palda na hanggang tuhod lang niya. Iba rin.
Nag-jog in place ako sa harap niya. Wala pa rin. Natawa na lang ako sa sarili ko.
"Miss pwedeng maki-upo sa tabi mo?"
Tumingala siya. Bakas sa mukha niya ang pagkagulat nang makita niya ang walang kasing gwapo kong mukha. Nyay, walang gano'n!
"O, ikaw pala 'yan?" napabulalas niya.
"Nagkita na naman tayo." Umupo ako sa tabi niya. "Kumusta?"
Tumango lang siya at iniwas ang tingin sa'kin. Parang ang ibig sabihin niya naman e okay lang siya, hindi niya nga lang ma-express into words. Siguro kasi hindi naman talaga siya okay. Ang ewan ko rin kasing magtanong.
"Ano palang ginagawa mo rito?" pambawi kong tanong.
"Malapit lang dito 'yung hotel na tinutuluyan ko. Wala lang akong magawa kaya naisipan kong tumambay dito."
"Hanggang kailan ka nga pala dito sa Baguio?"
"Ang totoo, uuwi na sana ako ngayong umaga kaya lang 'yung nabili kong ticket sa bus e para sa mamayang gabi pa."
Napangiti ako. Sabi ko na nga ba. Tama ako. Wala na siyang balak pumunta sa kasal na 'yun.
"Naiisip mo bang naiisip ko?" tanong ko.
"Sira. Siyempre hindi," natatawa niyang sagot, "ang hilig mo sa tanong na 'yan, ha."
Napangisi ako. "Hindi ka dapat umalis ng Baguio."
Kumunot ang noo niya. "May trabaho kaya ako sa Manila. Kailangan kong umuwi."
Umiling ako. "Hindi pa kasi ako tapos . . . hindi ka dapat umalis ng Baguio nang hindi pa nakakapag-enjoy."
"Ah, akala ko naman ayaw mo na kong paalisin dito." Tumawa siya nang mahina.
"Anu-ano na ba napuntahan mo rito?"
"Do'n pa lang sa Camp John Hay."
"Saan mo ba gustong simulan? Sa Camp John Hay, marami pa tayong pwedeng puntahan do'n. May Minesview Park din. Botanical Garden. San mo ba gusto?"
"Uhmm, saan nga ba?" ani Prim habang kinakamot ang kaniyang baba. "Ba't hindi natin simulan . . . doon."
Sinundan ko nang tingin ang itinuturo ng kaniyang daliri sa bandang kanan. "Gusto mong mag-bike?"
Tumango siya. "Tara!"
Hinawakan niya ko sa braso at hinatak papunta kung saan nagre-rent ng bike. Napakamot na lang ako ng ulo kasi 'di ko masabi sa kanya. Bigla akong nahiya.
"Dalawa po Manong, para sa aming dal—"
"Isa lang po, para sa kanya lang," pagputol ko kay Prim.
Inangat niya ang tingin niya sa'kin.
"Grabe ka, iiwan mo talaga ako."
Napakamot ulit ako sa uli at medyo yumuko. "Hindi ako marunong mag-bike."
Napatigil siya at parang nagpipigil ng tawa.
"Ba't ka tumatawa?"
"Hindi naman ako tumatawa. Pero seryoso, sa laking tao mong 'yan."
Tumango lang ako na parang bata. Feeling ko ang cute kong tingnan kaya siya napangiti. Nyay!
Binaling niya ulit ang tingin kay Manong, "Sige po, isang bike lang . . ."
Nakahinga ako nang maluwang.
"Isang bike lang po, para sa kanya."
Nagulat ako sa sinabi niya habang ang kamay niya e nakalahad sa ilalim ng mukha ko. Tumingin siya sa'kin. "Tuturuan kitang mag-bike."
"Ayoko," automatic na bigkas ng labi ko.
"Please." Nakatitig lang siya sa'kin. Kumurap-kurap pa ang mga mata niya. Nagpapa-cute ba siya sa'kin? Effective ha.
Haist. Parang 'di ko siya kayang tanggihan. "May magagawa pa ba ako."
"Yes!"
Parang ang saya-saya niya. Parang hindi siya nasaktan. Parang wala siyang pinagdadaanan.
"Kaya mo 'yan. Ako nga hindi ko alam kung kaya ko, pero susubukan ko siyang kalimutan." Umakyat ang luha sa mga mata niya.
Haist. Mali pala ako. Hindi siya talaga masaya. Nasaktan siya. May pinagdadaanan talaga ang taong 'to.
Ngumisi ako. "Iba rin. May baon ka pang hugot. Magba-bike lang po tayo."
Tumawa siya. "Sorry naman. Valedictorian e, magaling. Akalain mo na-connect ko pa ang moving on sa pagba-bike."
"Hanga na talaga ako sa'yo," sabi ko bago muli siyang tumawa.
+ + +
"Sige diretso lang sa pag-pedal. Dahan-dah—ay!"
Expected naman, natumba ako.
Tumakbo siya palapit sa'kin. Hindi pa naman kalayuan ang narating ko . . . asa pang makarating ako nang malayo.
"Okay ka lang ba?" nag-aalala niyang tanong.
Tumayo ako at pinagpag ang shirt ko. Puti pa naman.
Napansin kong tinatayo niya ang bike, kaya kaagad ko siyang tinulungan.
Tumingin siya sa'kin, "Don, alam mo ba 'yung sinabi ni Albert Einstein tungkol sa pagba-bike?"
"Hindi e."
Tumikhim siya. "Sabi niya, life is like riding a bicycle. To keep your balance, you must keep moving."
Ngumiti na lang ako kasi alam ko hindi lang para sa akin ang mga salitang iyon . . . sinasabi niya rin iyon higit para sa sarili niya.