Dalawang araw na ang nagdaan, sila'y ligtas na nakarating sa Kaharian ng Azeroth bandang alas-tres ng hapon. Gamit ang kaliskis ng ina ni Ophelia, pinauna ni Ybrahim ang dalawang babae na pumasok sa loob ng kastilyo habang siya naman ay pansamantalang hinihiling na makausap nang mag-isa sina Haring Isidro at Reyna Hesperia sa trono.
Nang sila'y nakatiyak na walang piratang sundalong nagmamasid, lumitaw sina Ophelia at Lysandra sa paningin ng hari at reyna.
"Maligayang pagbabalik, Lysandra, Bathalumang Ophelia," nakangiting wika ni Reyna Hesperia. "Mabuti naman at hindi kayo napahamak sa karagatan."
"Malaki ang tulong ni Ophelia sa aming paglalakbay," sabi ni Lysandra. "Nakagawa siya ng paraan upang kami'y maglaho sa paningin ng mga kaaway at mapabilis ang takbo ng barkong pampirata gamit lamang ang dalawang ordinaryong kalikis at tatlong pinakamahalagang kaliskis."
"Mabuti naman kung ganoon," sambit ni Haring Isidro. Pagkatapos ay tumingin siya sa heneral. "Nasaan pala ang iyong alagang dragon? Hindi ba't palagi mo siyang kasama?"
"Nagtungo siya sa akademiya upang kumain." Napangiwi ng ngiti si Ybrahim. Iniisip niya na palaging nauuna at nawawala si Ignis sa tuwing ito'y kakausapin ni Ophelia.
"Hayaan mo na siya," sambit ni Lysandra. "Nararapat lang sa kanya ang magpahinga. Palagi natin siyang inuutusan."
Tumango si Ybrahim, nauunawaan ang punto ng kabiyak. "Tama ka . . ."
Mamayamaya pa'y, biglang umalingawngaw ang boses ng isang batang lalaki mula sa likuran ng hari at reyna. Tumakbo ito patungo sa kanyang mga magulang na may abot tainga ang ngiti. Dalandan ang kulay ng kanyang buhok at tsokolate naman para sa mga malalaking mata.
"Ama! Ina!"
"Roan!"
Lumuhod si Ybrahim at tinanggap ang mainit na yakap mula sa anak bago niya ito binigyan ng halik sa ulo.
Ngumiti si Reyna Hesperia. "Bibigyan muna namin kayo ng oras upang makipag-usap." Tumingin siya kay Haring Isidro at sila'y pansamantalang umalis.
Itinuon muli ni Ybrahim ang atensyon sa anak. "Pasensya ka na, Roan. Natagalan kami ng iyong ina."
Umiling-iling si Roan bago tumingala sa ama. "Ang mahalaga po ay nakarating kayo!"
"Ang bait talaga ng anak namin!" Ginulo ni Ybrahim ang buhok ng anak bago ito lumipat sa mga bisig ng ina.
"Hindi ka naman nalungkot?" malambing na tanong ni Lysandra.
"Hindi po," masayang sagot ni Roan. Hindi nawawala ang kanyang masiglang ngiti. "Madalas po kaming maglaro ni Ate Hermosa para hindi ako malungkot!"
"Mabuti naman, anak." Hinalikan ni Lysandra ang matumbok na pisngi ni Roan.
Biglang pumasok sa eksena si Koronel Alcazar. Nang makita ang heneral, siya'y tumuwid ng tayo bago sumaludo. "Maligayang pagbabalik, Heneral Sandoval!"
Sumaludo rin si Ybrahim at sumilay ang isang malapad na ngiti. "Salamat, Koronel Alcazar, sa lahat ng iyong ginawa."
Samantala si Roan naman ay napansin ang katahimikan ni Ophelia. Pinagmasdan niya ang mga pakpak ng bathaluman pati na rin ang mga kakaibang hugis na balintataw.
Tinuro niya ito at nagtanong, "Ina? Siya po ba si Bathalumang Ophelia?"
Tumingin si Lysandra sa bathaluman bago ngumiti nang matamis. "Oo, anak. Lumapit ka sa kanya."
Humiwalay si Roan mula sa yakap ng ina at nahihiyang lumapit ito.
Umukit ang isang mainit na ngiti mula sa mga labi ni Ophelia. Siya'y yumuko at pinantayan ang mga mata ng paslit. "Huwag kang mahiya. Ikinagagalak kitang makilala, Roan." Marahan niyang kinuha ang mga maliliit na kamay ni Roan at siya'y nginitian.
Sa mga oras na iyon, nakaramdam si Ophelia ng kakaibang kapangyarihan na dumadaloy sa dugo ni Roan.
Napansin ni Ybrahim ang pagbabago sa mukha ng bathaluman. "May problema ba?"
Umiling-iling si Ophelia. Hinaplos niya ang pisngi ni Roan bago tumindig. "Katulad mo ang iyong anak, Ybrahim. Batid ko ang mga elementong kaya niyang ipamalas."
"At ano ang mga iyon?"
Habang nagpapaliwanag si Ophelia, hindi niya pinapansin ang ginagawa ni Roan sa kanyang kanang pakpak. Nilalaro ito ng paslit habang si Lysandra naman ay abala sa pagbantay at saway.
"Mercurio at Neptuno," tugon ni Ophelia. "Hindi lang iyon, pati na rin ang Veturno."
Nagulat ang lahat sa kakayahan ni Roan. Kahit na ganoon ang naging reaksyon ng kanyang mga magulang, ikinatuwa nila iyon. Marahil ang kanilang anak ay ang pangalawang nilalang na nagtataglay ng maraming elemento.
"Ibig sabihin ba nito ay . . . maaaring dumami ang mga nilalang na may taglay na iba't ibang elemento?" namamanghang tanong ni Hermosa.
"Oo." Tinaas ni Ophelia ang kanyang kanang pakpak at makikita si Roan na masayang nakasabit doon. "Ang kailangan lang gawin ni Roan ay . . . magsanay sa tamang gulang upang mahasa ang kanyang tatlong elemento."
Hinablot ni Lysandra ang makulit at pasaway na anak mula sa bathaluman. "Salamat sa impormasyon, Ophelia." Binitbit niyang palayo si Roan na naka-ismid ngayon sa kanyang dibdib. "Titiyakin namin na mapapalaki si Roan nang maayos at gagamitin ito sa kabutihan."
"Paumanhin sa inyo," singit ni Reyna Hesperia, at sila'y napalingon sa kanya, "ngunit kailangan na nating pag-usapan ang tungkol sa digmaan."
Lumapit si Haring Isidro at tumingin kay Ybrahim. "Sa palagay ko ay . . . ngayon na ang tamang panahon, Heneral Sandoval."
Batid ng heneral kung ano ang tinutukoy ng hari kung kaya't siya'y tumango at sila'y nag-usap tungkol sa susunod na hakbang.
🔱 🔱 🔱
Pagsapit ng dilim, muling nagkaroon ng pagpupulong sa loob ng koloseyo. Halos mapuno ang mga luklukan sa rami ng mga dumalong piratang sundalo na galing sa Kaharian Azeroth. Naroroon din ang mga ipinadalang tagahatid ng balita sa iba't ibang kaharian – na suot ang mahiwagang hikaw pang komunikasyon – sapagkat ang digmaan ay hindi mangyayari sa isang pook. Ito'y magaganap nang sabay-sabay sa bawat kaharian.
Napagkasunduan nina Reyna Aglatea at Haring Isidro na magdadala lamang ng sampung libo na hukbo sa bawat kaharian. Ang hindi tumupad sa kasunduan ay mahahatulan ng kamatayan. Tiyak na hinding-hindi iyon gagawin ni Haring Isidro dahil matagal nang hinahangad ng mga nilalang sa buong Warcadia ang kalayaan at kapayapaan.
Sa loob ng luklukan ng hari at reyna, nagtatago sina Ybrahim, Lysandra, at Ophelia. Kumakabog-kabog ang dibdib ng heneral, kinakabahan dahil sa mga lihim na ibubunyag ngayon sa harapan ng mga tao.
Napansin ni Lysandra ang pagkabalisa ng asawa kung kaya't nilapitan niya ito at hinawakan ang magkabilang pisngi. "Ybrahim . . . huminahon ka." Nagtama ang kanilang tingin at puminta ang isang mapagmahal na ngiti sa kanyang mga labi. "Ang magpapalaya sa ating lahat ay ang katotohanan. Huwag kang matakot at magtiwala ka lang sa sarili mo."
"Tama ka . . ." Humupa ang kabang nararamdaman ni Ybrahim dahil sa mga katagang iyon. "Dapat ako'y magpakatatag para sa inyong lahat. Nakasalalay sa akin at kay Ophelia ang kinabukasan ng Warcadia."
Ngumiti si Lysandra at binigyan niya ito ng isang matamis na halik. "Gawin mo ang nararapat na gawin. Nandito lang kami sa tabi mo."
"Salamat, mahal ko," malambing na sambit ni Ybrahim.
Habang sila'y nag-uusap, malalim ang iniisip ni Ophelia sa sulok. Sumasalamin ang kalungkutan sa kanyang mga asul na mata. Noong una ay akala niya na magiging madali ang lahat, ngunit hindi pa rin niya magawang kalimutan si Ybrahim. Kahit na alam niyang hindi na ito tama, pinili pa rin niyang mahalin ito hanggang sa huli dahil sa nag-iisang rason na kanyang itinatago.
"Ophelia?"
Bumalik sa realidad ang bathaluman bago hinarap ang pirata. Nang sila'y nagsalubong ng tingin, inilahad ni Ybrahim ang pinakamainit na ngiti.
"Magsisimula na tayo. Alam mo na ba ang iyong gagawin?"
Tumango si Ophelia. "Handa na ako."
"Kung ganoon, mauuna na ako."
Pinagmasdan ng bathaluman na lumabas ang pirata at magpakita sa mga piratang sundalo. Bumaba ito at nagtungo sa gitna ng koloseyo. Mamayamaya pa'y, narinig niya ang sigawan at hiyawan ng mga ito bago humupa ang ingay.
Nawa'y gabayan ka ng mga nakatataas na bathala at bathaluman . . .
Samantala si Ybrahim naman ay buong tapang na hinarap ang kanyang buong hukbo na pinamumunuan. Bagaman madilim at ang mga tanglaw lamang ang nagsisilbing ilaw sa koloseyo, ang kanilang mga tingin ay makikitang nakapako sa kanya, hinihintay siyang magsalita.
Huminga nang malalim si Ybrahim at nilakasan niya ang kanyang boses upang marinig ng lahat.
"Batid ko na lahat kayo ay naghihintay sa susunod nating hakbang hinggil sa mga taong isda. Batid ko rin na nais ninyong makilala ang . . . natitirang bathaluman."
Pinagmasdan niya nang taimtim ang mga piratang sundalo na tumatango at nagbubulungan sa luklukan.
"Kung naaalala ninyo ang huwad na kasunduan namin ni Reyna Aglatea, hindi iyon mangyayari. Hindi tayo papayag sa kanyang nais na isuko ang nag-iisang bathaluman."
Biglang tumindig ang isang babaeng pirata. "Kung hindi natin isusuko si Bathalumang Ophelia, dadanak muli ang dugo!"
"Baka lipulin tayo ng mga taong isda!" sabi ng isang lalaking pirata.
"Oo nga!" sumang-ayon ang iba.
Mahinahong ngumisi si Ybrahim. "Hindi rin iyon mangyayari kung makikinig kayo sa ating magandang plano. Upang maging kawili-wili ang ating pagpupulong, nais kong makilala ninyo ang aking pinakamatalik na kaibigan."
Nang binitiwan niya ang mga salitang iyon, may lumipad palabas mula sa trono ng hari at reyna. Napasingap ang karamihan sa nasaksihan nang lumapag ang nilalang sa tabi ni Ybrahim.
"Siya ang ating bathaluman—si Ophelia," pagpapakilala ni Ybrahim.
"Ikinagagalak kong makilala kayong lahat." Nilahad ni Ophelia ang isang malumanay na ngiti. "Ako si Ophelia, ang natitirang bathaluman ng Warcadia. Pansamantala kong iniwan ang Planetarium sapagkat narinig ko ang balita ukol sa digmaang pinahayag ni Reyna Aglatea."
Nagkaroon ng iba't ibang emosyon sa koloseyo. Sa una ay nabigla ang lahat dahil nagpakita na ang bathaluman, ngunit nagawa nilang ayusin ang sarili bago isa-isang lumuhod.
Si Ophelia naman ay natulala dahil sa magalang na pakikitungo sa kanya. Marahil ang katapatan nila sa kanyang uri ay kamangha-mangha, at siya'y naninibago sa mga nagaganap.
Huminga nang malalim ang bathaluman, itinupi ang mga pakpak, at tumayo nang tuwid. "Bumangon kayong lahat!"
Nagtinginan ang mga piratang sundalo bago bumalik sa kanilang upuan.
Nagpatuloy sa pagsasalita si Ophelia, "Sa nalalapit na digmaan, hindi dadanak ang dugo. Mayroon tayong paraan upang maibalik ang dating mga mabubuting taong isda."
Lumiwanag ang mukha ng mga piratang sundalo dahil sa narinig na magandang balita kung kaya't nagkaroon muli ng bulungan sa loob ng koloseyo. Kung si Ophelia ang magpapaliwanag ng mga plano, ang tiwala nila'y hindi maglalaho.
"Bago ang lahat . . . mangako kayo sa akin na ang inyong mga pakiwari ay maririnig lamang sa hudyat ni Haring Isidro. Ang una nating tatalakayin ay ang tungkol sa totoong pagkatao ng inyong . . . heneral."
Namilog ang mga mata ng piratang sundalo samantala naman ang iba'y napakunot ng noo, nalilito sa nangyayari.
Bumuntong-hininga si Ophelia bago sinulyapan si Ybrahim. Nilapitan niya ito, nginitian, at marahang kinuha't pinisil ang mga nanginginig na kamay. "Nakatitiyak ako na magbabago ang kanilang pananaw tungkol sa inyong lahi."
Gumaan ang loob ni Ybrahim dahil sa mga salitang binitiwan ng bathaluman. Dahil dito, tinipon niya ang kanyang tapang at hinarap ang mga piratang sundalo.
Muling humupa ang ingay. Sumabay sa nakanenerbiyos na eksena ay ang liwanag ng buwan na tumatama sa buong koloseyo. Dagling umamo ang kanyang balisang puso at ito'y naging daan upang maipahiwatig niya ang mga itinatagong emosyon.
"Batid natin na ang planetang Mercurio ay para sa mga taong mas higit pa sa espesyal. Sila'y nagtataglay ng kakaibang elemento—tulad ko," paliwanag ni Ybrahim. "Ang hindi ninyo alam, itong planeta ay para sa mga nilalang na kalahati ang lahi. Ang mga taong dragon at taong sirena lamang ang nakakaalam nito ayon sa ating bathaluman." Nilipat niya ang tingin kay Ophelia bago ibinalik sa mga piratang sundalo na nasa luklukan. "Dahil sa nangyaring madilim na kasaysayan, ako lamang ang nag-iisang . . . kalahating sireno."
Bakas ang pagkagitla sa mukha ng mga piratang sundalo, liban kina Haring Isidro, Reyna Hesperia, at si Koronel Alcazar na nag-aalalang pinapanood ang pagpupulong sa luklukan. Batid nila ang magaganap, lalo na si Lysandra na matiyagang naghihintay.
Pinagmasdan ni Ophelia ang mga piratang sundalong pinapatahimik ang iba. Siya'y nalulugod sapagkat tinutupad nila ang hiniling na pangako kung kaya't siya naman ang nagsalita.
"Batid ko na alam ninyo kung papaano kami nagkakilala ni Ybrahim. Napadpad siya sa dalampasigan ng Planetarium noong siya'y bata pa lamang, hindi ba?"
Tumango at nanatiling nakatuon ang kanilang atensyon kay Ophelia.
"Nang mabatid ko ang lahing sireno na dumadaloy sa kanyang dugo, aaminin ko na ako'y natakot. Ang mga taong isda ang naging sanhi kung bakit nasa bingit ng pagkalipol ang aming lahi. Ngunit nagbago ang aking pananaw nang napagtanto ko na siya ay isang inosenteng bata lamang—na nakapasok sa Planetarium. Papaano nangyari iyon? Walang sino man ang maaaring makatapak sa isla liban kung siya ang sinasabing tagapagligtas ng buong Warcadia, at hindi ako nagkamali. Si Heneral Ybrahim Sandoval ang susi sa kinabukasan nating lahat."
Sa hindi inaasahan, panandaliang lumihis sa plano si Ophelia. Binuhos niya ang kanyang tunay na nararamdaman at sinama niya ang pagmamahal kay Ybrahim. Umapaw ang emosyon sa bawat salitang binibigkas at nagsimulang umismid ang mga piratang sundalo, pati na rin ang mga babaeng naluluha.
"Isa siyang napakabait na nilalang. Noong ako'y nawalan ng mga magulang sa murang edad, ang tanging nilalang na walang humpay sa pagturo sa akin tungkol sa buhay ay walang iba kundi si Ybrahim, ang aking matalik na kaibigan. Marami akong hindi alam. Marami akong . . . naging pagkakamali at kasalanan sa kanya. Marami rin akong natutunan dahil sa kanya. Bandang huli, nalaman ko ang kahalagahan ng pagpapatawad sa kapwa at sa sarili."
Lumabo ang paningin ni Ophelia at kumirot ang kanyang puso. Binubuhos niya ang lahat ng mga emosyon na matagal na niyang kinikimkim. Tiyak na makukumbinsi ang lahat sa mga taos-pusong salita na binibitiwan niya.
"Nagsusumamo ako sa inyong lahat . . . magagawa ba ninyong patawarin ang mga taong isda sa oras na malaman ninyo ang buong katotohanan? Nagkaroon ako ng isang kaibigan na siyang magpapatunay kung ano talaga ang nangyari sa Kaharian ng Vesperia, at siya ang makasasagot sa lahat ng ating mga katanungan."
Huminga nang malalim ang bathaluman at siya'y lumingon sa trono ng hari at reyna. Mula roon, nagpakita si Lysandra sa mga piratang sundalo. Ang kanyang mahabang dalandan na buhok ay nakaipit ngayon sa magkabilang hasang. Kitang-kita nila ito at nagkaroon muli ng iba't ibang reaksyon sa loob ng koloseyo.
"Isang sirena!"
"Sirena ang asawa ni Heneral Sandoval?"
"Hindi ba't Lysandra ang ngalan niya?"
Naglakad si Lysandra patungo sa tabi ni Ybrahim. Binigyan nila ang isa't isa ng isang mainit na ngiti bago naghawakan ng kamay.
Ito na ang pagkakataon ni Lysandra upang magpaliwanag sa mga piratang sundalo. Naririnig niya ang sariling pintig ng puso dahil sa labis na kaba, tila ba'y hinihigop ang lahat ng hangin palabas ng kanyang baga. Buong tapang niyang hinarap ang mga ito habang hawak pa rin ni Ybrahim ang kanyang kamay, pinapaalam na malapit na silang makaraos sa problema.
"Una sa lahat . . . patawad sa mga nagawa naming mga taong isda. Hindi namin ninais na mangyari ang kahindik-hindik na digmaan sa pagitan ng mga taong dragon," taos-pusong sambit in Lysandra. "Narito ako ngayon sa inyong harapan upang ipabatid sa inyo ang buong katotohanan."
Ang buong koloseyo ay nabalot sa katahimikan. Interisado ang mga piratang sundalo sa magiging paliwanag ni Lysandra sapagkat matagal nang naging palaisipan ang pagtalikod ng mga taong isda mula sa kabutihan.
"Ang totoong kaaway nating lahat ay walang iba kundi si Reyna Aglatea. Hindi namin alam kung papaano siya nagpasakop sa kadiliman, ngunit gumawa siya ng itim na salamangka upang kontrolin kaming lahat sa tulong ng nakatataas na bathala sa planetang Pluto," diin ni Lysandra.
Nanlaki ang mga mata ng piratang sundalo. Tama ba ang kanilang narinig? Si Reyna Aglatea ang may pakana ng lahat? Ngunit bakit? Papaano? Bakit siya tinulungan ng nakatataas na bathala sa planetang Pluto?
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Lysandra at kaagad niyang ipinaalam sa lahat kung papaano lulutasin ang kanilang suliranin.
"May paraan upang magising sa katotohanan ang mga taong isda. Ito'y sa pamamagitan ng pagbunot sa kanilang naiibang kulay na hibla ng buhok. Hindi magiging madali ang paghanap nito, lalo na sa mga sireno, ngunit ito lamang ang paraan upang walang dumanak na dugo at bumalik sila sa kanilang pag-iisip. Dito nagmumula ang itim na salamangka ni Reyna Aglatea. Hindi rin tayo makasisiguro kung mawawala ang sumpa sa oras na matalo natin ang aming reyna, ngunit ito ang ating pagkakataon na manalo sa digmaan."
Pagkatapos magsalita ni Lysandra, napuno ng ingay ang koloseyo.
Ano kaya ang magiging resulta ng kanilang plano? Magtatagumpay kaya sila?