CHAPTER 2

Sa nakalipas na ilang taon ay wala siyang ginawa kung hindi ang mag-aral nang mabuti upang maipagmalaki siya ng kanyang ina na nasa langit at ng kanyang ama na abala sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

Gusto niya kasing masuklian ang paghihirap na ginawa ng kanyang magulang kaya noong nagkokolehiyo siya ay wala siyang inatupag kung di pag-aaral lang.

Nagkamit siya ng parangal bilang Dean's Lister at Cum Laude noong nagtapos siya sa University of the Philippines kaya kung anuman ang narating niya ngayon, ito ay dahil sa kanyang pagsusumikap at siyempre sa tulong na rin ng mga taong nagmamahal sa kanya.

Hindi pa rin niya maiwasang alalahanin ang nakaraan tuwing siya lang mag-isa sa isang lugar habang ginagawa ang kanyang mga dapat gawin tulad ng pagtsi-check ng mga sanaysay na pinasulat niya sa unang seksyon na na-meet niya kanina.

Kasalukuyan siyang nasa faculty room ngayon dahil break time niya. Mamaya pa niyang alas-nuwebe mami-meet ang susunod na seksyon na tuturuan niya kaya habang may libreng oras siya ay tinatapos niya ang kanyang mga paper works para pag-uwi ng bahay ay wala na siyang gagawin.

"Miss Chastain Del Fuego may tawag po kayo sa telepono," magalang na sabi ng sekretarya nila sa Grade School.

"Ahh... Sige susunod na lang ako Miss Nora," wika niya pagkatapos ay itinabi ang hawak niyang ballpen at notebook na kanyang tsine-check.

Isa siyang guro sa Grade School. Mahigit limang taon na rin siyang nagtuturo roon. Napili niyang magturo sa private school dahil hindi pa siya handang magtrabaho sa pampublikong paaralan kung saan mas maraming tambak na trabaho para sa mga gurong tulad niya at kaunti lang ang oras sa pagtuturo sa mga bata.

Hindi niya alam kung sino ang tumawag para lang kausapin siya. Pero tiyak niyang magulang ito ng estudyante niyang bumaba ang grado sa kanyang asignaturang Filipino.

Pagkarating niya sa loob ng Principal's Office ay kinuha niya agad ang telepono at inilapit sa kanyang kanang tainga.

"Hello! Good morning this is Ms. Del Fuego..."

"Ms. Del Fuego, gusto ko lang po itanong kung ano ang kalagayan ng anak ko sa subject mo at kung bakit bumagsak si Adrian."

"Mrs. Reyes siguro hindi nasabi o ipinakita ng anak niyo sa inyo ang Diary niya kung saan may mga performance task siyang hindi nagawa. Ilang beses ko pong sinulatan ang Diary niya para mag-comply siya pero di siya nagpapakita sa akin tuwing uwian nila."

"Pero sa tuwing tinatanong ko kasi siya kung may mga dapat siyang gawin ay palagi niyang sagot na tapos na siya."

"Dapat po kasi kapag umuuwi sila ay kinukuha niyo po ang Diary nila para i-check at pirmahan. Lahat po kasi ng mga ginawa nila sa bawat subjects niya ay doon po inilalagay."

"Paano ba 'yan di ko kasi laging natse-check ang Diary niya dahil busy din kami ng asawa ko sa trabaho namin. May puwede pa ba kaming gawin para makapasa ang anak ko?"

"Misis sa tingin ko kailangan niyo pa pong tutukan saka payuhan siya na mag-aral nang mabuti at gawin ang mga performance task niya sa tamang oras. Mahusay na bata si Adrian kaya po kung mapapaalalahanan niyo po at masusubaybayan siya tiyak kong makakasama siya sa may mga Honors," nagpapaunawang sabi niya sa kausap.

"Sige po, sisikapin namin ng asawa ko na i-motivate siya na ayusin ang pag-aaral niya. Salamat po," wika ni Mrs. Reyes bago niya ibiniba ang kabilang linya.

Nakahinga siya nang maluwag dahil madaling kausap at marunong makaintindi ang magulang ni Adrian. Hindi katulad ng ibang magulang na nakikipagmatigasan pa muna sa kanilang mga guro bago sumunod sa kanilang mga payo.

Mayamaya ay biglang lumapit sa kanya ng nakangiti ang kanilang punong-guro.

"Kumusta naman ang pakikipag-usap mo sa magulang ng estudyante mo?" nakangiting tanong ng kanilang butihing principal.

"Ayos lang naman po. Mabuti nga e madaling makaintindi noong ipinaliwanag ko sa kanya kung bakit bumagsak ang anak niya."

"Hay... Mabuti na nga lang. Kasi kung iba 'yan baka puro reklamo lang ang gagawin nila at ang masaklap pa ay sa 'yo o sa adviser pa isisi ang kapabayaan nila sa kanilang mga anak."

"Tama po kayo Mrs. Lucas. Ganoon po talaga. Ayaw kasi nila imulat ang mga mata nila na may pagkukulang sila bilang isang magulang. Lahat na lang kasi ay inaasa na lang nila sa aming mga guro. Sige po babalik na ako sa faculty," nakangiting sabi ko pagkatapos ay naglakad na palabas ng Principals Office.

Tiningnan niya ang kanyang relong pambisig habang dahan-dahang naglalakad sa hallway. Nakita niyang dalawampung minuto na lang ang natitira bago ang susunod niyang klase.

Kaya binilisan niya na ang paglalakad para agad na makabalik sa faculty room. Pagkarating niya sa kanyang table ay agad niyang inilabang ang kanyang mga gamit na dadalhin para sa pagtuturo.

Hindi na siya nagdadala ng libro kasi naka-Powerpoint na ang mga kailangan niyang ituro sa kanyang asignatura at kabisado niya na rin ito dahil sa ilang taon niya na itong itinuturo.

HABANG nasa kanyang klase at naghihintay na matapos ang kanyang mga estudyante na gawin ang kanilang performance task ay nakatunghay lang siya sa mga ito.

"Miss Chastain tapos na po ako sa tula ko pero hindi ko po alam kung tama ang ginawa ko e," nakatungong sabi ng kanyang estudyanteng babae habang nagkakamot sa kanyang batok.

"Sige ilapag mo r'yan at titingnan ko 'yong ginawa mo kung tama o hindi. Bago ko ibalik sa 'yo ay itatama ko kung ano ang dapat itama sa ginawa mo kung meron man," nakangiting sabi ko sa kanya. Pagkatapos ay bumalik na rin ito sa kanyang upuan.

Mayamaya ay sunod-sunod na rin ang pagpapasa ng mga estudyante niya ng kanya-kanyang mga piyesa ng tula.

"Ms. Chastain si Luke po hindi gumawa ng performance task niya," sumbong ni Dean sa kanya.

"Ganoon ba? Sige lalapitan ko para alamin kung ano ang dahilan niya at hindi siya gumawa."

Agad siyang tumayo sa kanyang upuan para puntahan si Luke. Sa section ng Indurance ay sa kanya lang ako namomroblema pagdating sa gawaan ng performance task.

Kunot-noo siyang nakatingin kay Luke habang nakahalukipkip ang kanyang mga kamay. "Bakit hindi ka gumagawa ng tula mo?"

"Ah... Mi-miss kasi po..." nauutal na sabi ni Luke habang di makatingin ng diretso sa kanyang mga mata.

"Luke...gusto kong marinig ang dahilan mo kung bakit ka hindi nakagawa ng tula," nangungumbinsing sabi ko sa kanya.

"Miss kasi po medyo hi-hirap po kasi talaga ako sa pagsulat ng tula gamit ang Wikang Filipino."

"Bakit di ka lumapit sa akin para magtanong o kaya sa mga kaklase mo? O sige dahil next subject niyo na ay ipapatuloy ko ang mga tula ng mga hindi pa tapos. Pati ikaw, kailangan mo ring tapusin ang tula mo bukas na bukas saka magdala ka ng diksyonaryo na Ingles-Tagalog para hindi ka mahirapan."

Nakita niyang nabuhayan ang kanyang estudyante dahil sa sinabi niya. Magaling kasi Luke pagdating sa 'oral recitation' sumasablay lang talaga siya kapag 'written' na.

Tumalikod na siya at naglakad pabalik sa platform. Hudyat na 'yon para iligpit na ng mga estudyante niya ang kanilang mga gamit para maghanda sa susunod nilang asignatura.

Pagkatapos niyang magpaalam sa kanila ay kinuha niya na ang kanyang pouch kung saan nakalagay

ang mga ballpen, whiteboard marker at USB niya.

Handa na ulit siya para sa susunod na seksyon na kanyang pupuntahan bago mag-lunch break. Dalawa na lang ang natitira tapos ay break time niya na ulit kaya matse-check niya na ulit ang mga tula ng ibang seksyon.

Pagkatapos mamaya pag-uwi niya ay makakapagpahinga at magkakaroon na rin siya ng oras para i-video call ang papa niya.