> NATE'S POV <
HOY! CHELSA!
AYOS KA NA BA?
NAG-AALALA TALAGA AKO!
HOY!
PAPASOK KA BA NANG MAAGA?
PASOK AKO NANG MAAGA BUKAS, GUSTO KO KASING MAKITA KA AGAD!
"Haist! Shit!" nasabi ko na lang. Para kasi akong tanga na kinakausap na naman siya sa isip ko. Di talaga kasi ako mapakali. Kanina pa ako rito paikot-ikot sa kama ko habang nakatitig sa pictures namin na nagki-kiss nung sa prom. Yung napulot kong punit na picture, na pinagdikit ko na lang ng masking tape.
Nababaliw na siguro talaga ako sa babaeng yun? O baka kailangan kong bumalik sa doktor, baka may findings na? Haist! Pero napapangiti talaga ako kapag naalala ko ang kiss namin. Hindi, ako lang pala ang nag-kiss sa kanya.
~~~
PUMASOK NGA AKO nang maaga. Nagtaka ang driver, di kasi sanay na ganun ako pumasok na halos madilim-dilim pa.
Pagdating sa school, halos wala pa ngang estudyante. Yung mga guard nagkakape pa nga. Ang makikitang naglalakad lang sa hallway yung mga janitor. Medyo kinakabahan pa ako, baka may multo. Haist!
Ganito ba siya lagi pumapasok? Natanong ko sa sarili ko. Pero parang relaxing 'to, ang tahimik kasi ng paligid. Mga huni ng ibon ang namamayani, at syempre ingay ng ilang sasakyan. Di ko sure kung nandito na siya. Pero talagang inagahan ko, para maunahan ko siya kung sakaling maaga siyang papasok. Dahil ayaw kong mag-isa siyang naghihintay.
Pagbukas ko ng pinto ng classroom namin, tumambad sa 'kin ang isang babaeng naka-pony tail at nakangiti. Bumilis ang tibok ng puso ko at kinabahan ako. Kabang di takot, kundi masaya. Kaba ng umiibig. Nakanaks!
Si Chelsa, naunahan niya pa rin ako. Pagkapasok ko, isinara ko ang pinto at naglakad ako palapit sa kanya. Nakatitig kami sa isa't isa habang palapit ako sa kanya. May kakaibing ngiti sa mga labi namin. Napakasaya ko lang. At nakikita ko rin ang saya sa mukha niya.
Naupo ako sa tabi niya – nakatitig pa rin kami sa isa't isa. At para kaming tangang nakangti lang. Sapat na ang mga titig na yun at mga ngiti para sabihing, magandang umaga. Bigla kong hinila ang tali sa buhok niya.
"Aray!" nasaktan ata siya? Natawa na lang ako. "Panira ka talaga ng moment!" medyo napalakas ang boses niya at hinampas niya ako sa braso.
"Aray!" natatawang daing ko.
"Akala ko ba gusto mo na nakatali ang buhok ko?"
May kinuha ako sa bag ko. "Gusto ko ito ang gamitin mo." at inabot ko ang panaling kulay purple na may butterfly designed. Binili ko 'to sa mall kahapon. Siya talaga ang naisip ko nang makita ko 'to kaya agad na binili ko.
Nakangiti siya pero matalim pa rin ang tingin niya sa 'kin nang kunin niya ang panali. Ang cute niya lang. Habang inaayos niya ang buhok niya, napapatitig ako sa leeg niya. Haist! Aga-aga ang init! Napapalunok pa ako habang pinagmamasdan siya. May papungay mata pa kasi siya kapag napapasulyap sa 'kin.
"Bagay ba?" medyo naiilang na tanong niya. Pero kitang masaya siya.
Napukaw ang diwa ko. Nakangiting napatango na lang ako at hinawakan ko ang malambot niyang kamay. Napahinga ako nang malalim. Parang napaka-perfect na ng buhay ko ngayong kasama ko siya. Kabaduyan man, pero pumasok sa isip ko na sana panghabambuhay na ang mga sandaling 'to. Na sana wala ng wasak, wakas pala. Haist,shit! Ang corny!
"Nagustuhan mo ba?" tanong ko.
Tumango siya. "Salamat."
"Ang lagay, eh salamat lang?" sabi ko at intense ko siyang tinitigan. Kumbaga yung salita ko naka-caps lock!
Pero hinawi niya lang ang mukha ko at pinagtawanan ako. "Loko ka! Syempre nanliligaw ka kaya may gift ka sa 'kin dapat! Sender ka, receiver lang ako! Ganun yun, di ba?" natatawang sabi niya.
"Akala ko ba tayo na? Di ba kahapon, sabi mo kay Kristan?"
"Sinabi ko lang yun!"
"Baka naman pahirapan mo pa ako? Baka patagalin mo pa?"
"Hindi!" sagot niya.
Natawa ako. So, hindi niya patatagalin? "Pakipot!" smirked ko. Tapos yun, hinampas na naman ako.
"Hindi ba 'to panaginip?" seryosong tanong niya at hinaplos niya ang mukha ko.
"Siguro? Kasi dream come true 'to para sa 'yo." Pagyayabang ko at hinalikan ko ang kamay niya. Tapos hinampas niya na naman ako. Pero natawa na lang ako. "Tayo ba yan?" tanong ko sa kanya nang mapatingin siya sa drawing sa arm chair niya.
"Oo." Nakangiting sagot niya.
"Ikaw 'tong butterfly?" turo ko sa paruparo. "At ako 'tong star?" turo ko sa star. Tumango siya. "At love mo ako?" Turo ko sa heart.
Tumango siya. "At love mo rin ako?" tanong niya.
"Oo." Diretsong sagot ko habang nakatitig kami sa isa't isa. "Alam mo bang pumasok na sa isip kong tayo yan nang makita ko yan?"
"Hah?" medyo namula siya. "Obvious ba ako masyado?"
Natawa ako. "Sobra!" sagot ko. Nag-pouted lang siya. "Naguguluhan ako, kasi alam kong star ako. Walang duda dun – "
"Yabang!" singit niya.
"Pero ikaw, ba't butterfly? Parang di bagay?"
"Yun kasi ang tingin ko sa 'yo nun. Na di tayo bagay. Na kahit makalipad ang paruparo, di pa rin niya maabot ang star. Ikamamatay niya kapag pinilit niya pang lumipad nang mataas."
"Para mo namang sinabing may namamagitang kamatayan sa 'ting dalawa."
"Siguro?" seryosong sabi niya.
Kinutusan ko siya sa ulo, mahina lang naman. "Haist! Ayaw ko ng mga ganyang usapan!" smirked ko. Napa-aray naman siya.
Naaalala ko kasi si lolo kapag napag-uusapan ang kamatayan. Si lolo ang nag-alaga sa 'kin, si lolo Donato na papa ni mommy – kung saan kinuha ang baduy kong name. Pero mahal ko si lolo, mas siya ang kinilala kong magulang kaysa kina mama at papa. Kaya nang mamatay siya nung sampung taong gulang ako nun, ayaw ko nang napag-uusapan ang tungkol sa kamatayan. Dahil nasasaktan pa rin ako kapag naiisip ko si lolo. Piling ko lahat ng taong mamahalin ko, iiwanan din ako.
Muli kong hinawakan ang kamay ni Chelsa. "Pero pwede naman akong maging falling star, para di ka na mahirapan na abutin ako." Seryosong sabi ko. At this point kasi, alam ko nang gagawin ko ang lahat para sa kanya. Wag lang siyang mahirapan. At wag lang siyang mawala.
Nakita ko ang namumulang mga mata niya. May mga luhang nagbabandyang dumaloy. Pero ngumiti siya. "Alam mo ba kung bakit gusto ko ang mga butterfly?" tanong niya.
"Syempre hindi. Malay ko ba?" sagot ko at nakatanggap na naman ako ng hampas. "Nakakarami ka na, hah!" daing ko.
"Panira ka talaga ng moment!" sigaw niya. Pero seryoso siya. Kaya tumahimik na lang ako. Eh, malay ko ba naman kasi?
"Pero bakit minsan, parang ang lungkot mo kapag nakakakita ka ng mga paruparo? Napansin ko lang." tanong ko.
Saglit siyang tumahimik bago sumagot sa tanong ko. "Hayaan mo akong magkwento," tumango lang ako sa sinabi niya. "Dahil yun sa kwento ng isang dalagang may taning na ang buhay. Na nakasalalay ang buhay sa alaga niyang paruparo. Kapag namatay ang paruparo, mamatay din siya.
Lagi siyang nakangiti. Sinisiguro niyang maging masaya sa bawat araw, oras, minuto, at maging segundo ng buhay niya, dahil di niya alam kung hanggang kailan buhay ang paruparo.
May takot siya sa kabila ng mga ngiti niya, dahil di niya nga alam kung hanggang kailan mabubuhay ang paruparo.
Pinapaalala sa 'kin ng kwentong yun kung gaano kahalaga ang buhay. Kapag nakakakita ako ng paruparo, yun ang naiisip ko. Na dapat kong i-treasure ang bawat segundo ko sa mundo. Na dapat maging masaya ako sa bawat araw, o sa bawat oras na buhay ako.
Masaya akong makakita ng paruparo dahil pinapaalala nito na buhay pa ako. Na may araw pang naghihintay sa 'kin. Pero nalulungkot din ako, dahil di ko alam kung hanggang kailan buhay ang mga paruparo." Kwento niya. Dama ko ang lungkot niya. Di ko alam, pero parang naapektuhan ako ng kwento niyang yun.
"Haist! Sabi ko ayaw ko ng mga ganyang usapan!" muli ko siyang kinutusan sa ulo. Napa-aw siya. "Kalokohan! Bakit mo iri-relate ang buhay mo sa dalagang yun? At saan mo naman napulot ang kwentong yan?" smirked ko. Napanguso lang siya at ang sama ng tingin niya sa 'kin.
"Pa'no kong may ganung kwento? Na halos ganun?" tanong niya.
"Oo na, totoo na. Pati mga sirena, diwata, mga engkanto, duwende, totoo na. Pati si superman at ang mga aliens. At ako nga pala si spiderman, isekreto na lang natin yan. Haist! Napakaisip bata mo! Lahat naman kasi tayo mamamatay. Pero di mo naman dapat isipin yan. Kasi maaapektuhan lang niyan ang pang-araw-araw mong buhay. Una-unahan lang yan." Palambing ko sanang pipingutin siya pero inunahan niya ako ng hampas. Napaka-sweet namin 'no?
Muli siyang natahimik. "Tama. Una-unahan nga lang yan sa kamatayan." May lungkot sa tinig niya.
"Haist! Tama na nga! Ayaw ko nga ng gan'tong usapan!" tapos kinutusan ko siya ulit.
"Aray! Ikaw!" daing niya habang himas ang ulo at nakahandang hampasin ako. Pero nakaporma akong isalag ang atake niya. "Sasagutin na sana kita, eh." Mahinang sabi niya na sapat lang para marinig ko.
"Talaga?"
"Oo!"
"Di tayo na?"
"Oo nga! Baka nga kasi mamatay na ang paruparo!" ngiwi niya. At talagang pinanindigan niya ang pag-relate sa buhay niya sa walang kwentang kwento niya. Pero salamat na rin dun, di hindi na ako nahirapan na ligawan siya. Dun din naman kasi ang uwi nun.
"Okay. Official na?" Nakangiting tanong ko sa kanya. At matamis ang ngiting tumango siya.
Pero nawala ang ngiti sa mukha niya at napalitan ng inis. "Yun lang yun? Okay lang?!" pasigaw niyang sabi.
"Bakit?" cool na tanong ko.
"Di ka magsisisigaw? O kaya magtatatalon? Di mo sasabihing 'I'm the luckiest man or I'm the happiest man on earth'?" dismayadong sabi niya.
"Hah? Ba't ko gagawin yun?"
"Di ka ba masaya na tayo na?"
"Masaya ako. Eh, kaso expected ko naman na sasagutin mo ako. Binalak mo pa ngang ligawan ako, di ba? Kaya yun. Pero masaya ako." Cool na pagpapaliwanag ko.
"Ang yabang mo!" tapos hinampas niya na naman ako. Haist! Nakakarami na talaga 'to. "Ba't sa mga romantic movies na napanood ko, ginagawa ng mga lalaki yun?" sinamaan niya ako ng tingin.
"Sa movies lang yun. Haist! Ang hilig mo talaga sa mga fantasy. Fiction lang ang mga yun. Di totoo yun." Tiningnan niya lang ako nang masama. Napangiti na lang ako. "CR lang ako." Paalam ko.
Pero di niya ako pinansin. Tumayo ako, tumalikod ako sa kanya at naglakad palabas na abot tainga ang ngiti. Paglabas ko ng room parang gusto kung magtatatakbo. Gusto kong magsisisigaw! Gusto kung ipagsigawan na kami na! Gusto kong magtatatalon. Parang gusto rin lumabas sa katawan ko ang puso ko at gustong magtatatalon kasama ko. Napakasaya ko talaga! Sa dami ng naging gf ko, ngayon ko lang naramdaman 'to! Di ko naman kailangan mag-CR – kaso system malfunction ako!
Pagdating ko sa restroom, dun na ako parang tangang nagtatatalon. At di lang basta talon – nagsasasayaw pa ako. Buti wala pa rin halos tao dahil maaga pa nga. Mahinang sumigaw ako. Ayaw kung itodo baka marinig niya.
"Ako na ang luckiest, happiest at greatest man of all!" sigaw ko na parang tanga lang. Natawa na lang ako sa sarili ko pagtingin ko sa salamin. Baliw na nga ako. Baliw sa babaeng yun, na ang pangalan ay Chelsa!
Paglabas ko ng CR. "Shit!" mahinag nasambit ko. Ang babaeng kinababaliwan ko nasa harap ko. May nakakaloko siyang ngiti. Na parang sinasabing, huli ka balbon! Haist! Ba't ba siya sumunod dito?
Parang gusto kong isubsob ang mukha ko sa pader para di niya makita. Sobrang hiyang-hiya ako! Natatawang tinakpan ko na lang ng mga kamay ko ang mukha ko. Nahuli niya ang ginawa ko! Pinagtatawanan niya ako. Lokong babae 'to!
"Sa movies lang pala, hah?" natatawang sabi niya.
Natawa na rin lang talaga ako. Haist! Epic fail! Bigla niya akong niyakap. Napakahigpit na yakap. Naramdaman ko ang tibok ng puso niya. Parang isang musika ang mga tibok ng puso namin. Musikang napakasarap sa tainga. Mai-LSS ka talaga. Pero tawa pa rin kami nang tawa. What is love? It makes you crazy! In a good way.
"School 'to!" nagulat naman kami sa biglang nagsalita. Si manong janitor, biglang sumulpot sa likod ko. Nandun na ba siya sa CR kanina pa nang nagsisigaw ako? Haist! Pero ano bang ibig sabihin niya sa sinabi niya? Loko yun, hah! Pasimpleng umalis na lang kami.
"Mag-skip tayo ng class. Mag-absent tayo ngayon. Gala tayo!" yaya niya sa 'kin pagbalik namin sa classroom.
"Hah? Chelsa, seryoso ka?"
"Oo! Mag-celebrate tayo, kasi tayo na!" Tumayo siya at hinawakan ang kamay ko. Pero nanatiling nakaupo lang ako.
"Ang aga natin dito sa school, tapos mag-a-absent lang tayo? Ano naman gagawin natin?"
"Sumakay tayo ng jeep, ng bus, ng tren at tricycle! Tapos kumain tayo ng fishball, kikiam at kwek-kwek! At kung anong mapagtripan natin!" masayang sabi niya.
"Seryoso ka?"
"Oo nga! Di ko pa kasi yun nagagawa." Sagot niya tapos biglang sumeryoso ang mukha niya.
"Seryoso ka talaga? Adik ka ba?" natatawang tanong ko. Di ko kasi alam kung seryoso ba talaga siya sa trip niya.
"Oo, adik ako sa 'yo! Kaya tara na!" tapos hinila na niya ako palabas ng room. Haist! Ang babaeng 'to, alam na alam talaga kung pa'no ako papangitiin.
Tumakbo kaming magkahawak-kamay. Parang slowmo ang mga sandaling yun. Kita ang saya sa mukha niya. Maging ako, talagang napakasaya ko. Nagkakatinginan pa kami habang tumatakbo. Para kaming nakawala sa kulungan sa saya. Tumakbo kaming parang tumatakbo sa damuhan. Na parang walang ibang tao. May mga nakakasalubong na kaming papasok na estudyante, pero balewala yun sa 'min. Basta lumabas na lang kami ng gate.
Paglabas ng gate, pumara kami ng jeep. Pagsakay namin kita ang excitement sa mukha niya.
"Alam mo, bad influence ka?" sabi ko sa kanya nang umandar na ang jeep.
"Ikaw ang bad influence! Tinukso mo akong makasama ka, kaya kita niyaya!" nakangiting sagot niya at pahablot niyang hinawakan ang kamay ko.
"Sira!" nakangiting sabi ko at mahigpit kong hinawakan ang kamay niya. At di mawala ang ngiti sa mga labi namin. Parang mga tanga lang. What is love? Nakakatanga!