> NATE'S POV <
PAGLABAS KO NG convenience store, saktong palabas din si Chelsa ng taxi. Nakangiti siya, pero kakaiba ang pakiramdam na nararamdaman ko. Parang may iba sa kanya? Tumakbo siya palapit sa 'kin at bigla niya na lang akong niyakap.
"Ganun mo ba ako ka-miss?" pabirong tanong ko nang yakapin niya ako. Niyakap ko rin siya, biglang na-miss ko rin siya kahit magkasama lang kami kanina.
"Oo. Sobra." Seryosong sagot niya at lalong humigpit ang yakap sa 'kin.
"Hey, may problema ba?" pag-aalala ko. May nasi-sense kasi akong iba sa kanya ngayon? O baka sobrang in love lang talaga sa 'kin nito?
Hindi siya sumagot. Kumalas siya sa pagkakayap sa 'kin at ngumiti lang siya. Oo, nakangiti siya, pero parang iba ang sinasabi ng mga mata niya? Ngumiti na lang din ako, baka kasi kung ano-ano na naman ang iniisip ko? Baka pinoproblema ko na naman ang mga bagay na di naman dapat dahil hindi naman talaga nag-e-exist?
Hinila niya ako bigla at pumara siya ng jeep. Tapos patulak niya pa akong pinapasok. Ngumiti na lang ako. Tinaas-taasan lang kasi ako ng kilay nang tinggan ko siya ng masama at ngisian ko.
"Tama na, baka matunaw na ako niyan?" pabulong na sabi ko sa kanya. Kanina niya pa kasi ako tinititigan habang nasa byahe kami. As in, talagang tutok na tutok yung tingin niya sa mukha ko. Sinasalubungan ko siya ng kilay kapag nililingon ko siya, pero ayun, mag-i-smile lang at magpapa-cute sa 'kin. Dyahe kaya, pinagtitinginan na kami. "Haist, pinagtitinginan na tayo." Sita ko.
"Mas okay na tingin ko ang makatunaw sa 'yo, wag lang ang mga yan sa harapan natin." Pabulong niyang sagot. Napangiti ako nang tingnan ko ang tatlong babaeng estudyante sa harap namin. Same age lang din ata namin sila. Kinindatan ko pa yung tatlo para asarin siya.
"Aw!" Haist! Bigla niya akong kinurot. Pero inakbayan ko na lang siya. "Girlfriend ko." Ani ko sa tatlo. Ayun, simangot silang inirapan kami. Napangiti na lang kami ni Chelsa.
Nakatitig na naman siya sa 'kin. Ako, nakatitig din sa kanya. Ewan, pero iba talaga ang pakiramdam ko? Ano bang nangyayari sa kanya? Haist! Kung ano-ano na naman ang naiisip ko!
~~~
"OKAY, BRO. FINALLY!
See you, bro, bye!" masayang balita galing kay Edward. Pagkababa namin ng jeep nang marating namin ang mall, saktong tumawag siya. Nag-text kasi ako sa kanya kung nasaan na siya?
"Ano raw? Ba't parang ang saya mo?" tanong ni Chelsa.
"Nagkita sila ng ka-chat niya."
"Talaga?"
"Umm." Tango ko. "Mukhang luma-love life na si Edward."
"Buti pala, di ka niya iniiwasan." Biglang naging seryoso siya.
"Di ba sabi ko, di na natin pag-uusapan 'to. Wag mo nang alalahanin yun. Maaayos din kami ng tropa." Tumango lang siya sa sinabi ko.
Naglakad na kami, tapos sumenyas siya na akbayan ko siya. Napangiti na lang akong inakbayan siya at yung kaliwang kamay niya niyakap niya sa baywang ko. Di naman kami masyadong PDA, slight lang. Ang classic lang, naka-couple shirts pa kami. Kaya naman may ilang pinagtinginan kami.
"Saan tayo?" tanong ko.
"Manood tayo ng sine." Masayang sagot niya.
#5. MANONOOD KAMI NG SINE NI NATE.
Ayun, papasok na kami ng sinehan. Kasama pala sa list niya na gagawin namin for one month ang manood ng sine. Ang babaw lang? Manonood kami ng korning romantic-comedy movie. Wala akong hilig sa mga ganitong genre ng movies, mas gusto ko action o kaya fantasy-adventure. At wag rin lang horror. Di ko kasi nakikitang entertaining yun, eh. Nananakot lang.
Ang epic lang sa mga gf lakas magyaya, eh, magpapalibre lang naman. At nagpabili pa siya ng bucket ng popcorn at jumbo size ng soft drinks. Haist! Pero okay lang, love ko naman siya. At talagang napakasaya niya ngayon. Para siyang batang first time manood ng sine. O baka kinikilig lang 'to dahil makakasama niya ako sa loob ng madilim at malamig na sinehan at may romantic movie pa ang panonoorin namin? Di kaya may balak sa 'kin 'to?
Habang tumatakbo ang pelikula, natatawa ako di dahil sa comedy scene. Kundi sa malakas niyang tawa, sabay subo ng popcorn at nabilaukan pa siya. Hinampas niya ako, ang sama daw ng ugali ko dahil pinagtatawanan ko siya.
Ayun, may drama scene. Parang mas affected pa siya kaysa sa mga bida. Kung makaluha wagas? Haist! Kulang na lang masinok. Trip ko nang iwan, eh.
Kissing scene? Haist! Ang awkward ng feeling? Ang epic pa, nagkatitigan pa kami. Tapos yung pasaway kong kamay, ginapang yung kamay niya at hinawakan. Parang nanuyo lalamunan ko? Sisipsip sana ako sa soft drinks, kaso siya rin. Ayun nagkauntugan kami tapos titigan. Ba't ba kasi isa lang ang binili namin na soft drinks? Nagbukas bigla ang ilaw.
Napatayo kami at naglakad na palabas. Di naman ako nanghihinayang kung bakit sa end part na ng movie ang passionate kissing scene ng mga bidang characters sa romantic-comedy films. Sobrang hindi. Di talaga!
"Wala lang. Gusto lang talaga kitang makasama." Nakangiting sagot niya nang tanungin ko siya kung ba't siya biglang nagyayang gumala.
Naglakad-lakad lang kami, window shopping lang. Habang pinag-uusapan ang ibang tao sa mall at ginagawan ng kwento ang bawat makasalubong. At may pagkamasamang ugali rin pala 'tong gf ko. Nang may makitang magsyota na magka-holding hands at may kasamang isa pang lalaki. Sabi niya, naawa siya dun sa babae. Nang tanungin ko kung bakit? Sagot niya, yung dalawang lalaki daw kasi may lihim na relasyon. Dami kong tawa mga bente.
"Kayo yun, hah!" nagulat naman ako sa biglang sigaw niya. Tinuro niya ang poster namin ng tropa sa stall ng fruit shake. Yung ginawa namin four months ago nang kunin kaming commercial model para sa brand na yun.
"Hi, sir!" nakangiting bati ng babaeng service crew. Nakilala niya yata ako? Madalas kasi kaming bumili ng tropa rito. At madalas pa, kaming dalawa lang ni Cristy. Ngumiti lang ako at inakbayan ko si Chelsa para di na magtanong kung nasaan si Cristy. Siguro naman maiisip nito na kami na?
"Anong flavor sa 'yo?" tanong ko kay Chelsa.
"Kahit ano. Ang hirap mamili. Ikaw na lang mag-decide." Parang bata na naman siya. Kumikislap pa ang mga mata. Pero kanina iba ang reaksyon niya nang mapagmasdan niya ang poster namin. Magkaakbay pa naman kami ni Cristy at talagang napakasaya lang ng ngiti namin dun. Para lang kasi kaming naglalaro ng tropa nung araw ng pictorial.
"Okay. Dalawang four season." Order ko.
"Ayaw kong ganun. Gusto ko isang flavor ng fruits lang." ngiwi niya. "Dalawa sa mango, miss." Order niya. Haist! Napasalubong na lang kilay ko. Ako daw mag-decide?
"Gawin mo na yung commercial." Biglang sabi niya nang magpahinga na kami at naupo sa food court ng mall pagkakuha ng order namin na mango shake. Napa-sip na lang ako sa drinks ko. "Ano ba yung gagawin ninyong commercial?" tanong niya pa.
"Chip-mate." Matipid na sagot ko.
"Alam mo bang paborito ko ang corn chips na yun?" parang na-excite na sabi niya.
"Dahil sa 'kin?" pabiro ko. Dati na kasi kaming gumawa ng commercial para sa corn chips na yun. Renewal lang para sa bagong commercial ang gagawin namin.
"Syempre." Nakangiting sagot niya. "Gawin mo na, please." aniya pa.
Palambing na kinurot ko na lang siya sa pisngi. "Okay." Sagot ko. Bilis ko din kausap minsan, eh, 'no?
"Talaga?" at di na naikaila ang excitement niya. Di ko alam kung ba't din ako umuo. Pero pakiramdam ko kasi kailangan kong sundin lahat nang sinasabi niya. Ewan, pero parang biglang sumulpot sa pakiramdam ko ang feeling na baka mawala siya. Ayaw ko siyang mawala kaya kailangan kong sundin kung ano ang gusto niyang mangyari.
"Di ka magseselos?" pabirong tanong ko. Gusto kong maging relax at maging cool sa sitwasyong 'to. Ayaw kong mapansin niyang may kung anong inaalala ako. Baka kasi OA lang ako mag-isip at pinaglalaruan ako ng nararamdaman ko? Lagi kong sinasabing masyadong in love siya sa 'kin at sobrang lakas ng tama niya. Pero ako yata ang nasobrahan sa lakas nang tama sa kanya? Haist! Shit!
Matipid na ngumiti lang siya at umiling. Ano yun? Yun lang ang reaksyon niya? Loko 'to, hah!
"Pa'no kong mapadalas ang pagsasama namin ni Cristy dahil sa shoot?" muling tanong ko.
"Okay lang." sagot niya. Haist! Okay lang? Yun lang? Sumimangot na lang ako at napasalubong ng kilay. "Ba't ganyan ka?" tanong niya.
"Bakit?" inis na tanong ko naman.
"Ang moody mo talaga. Biglang salubong ang kilay mo. Galit ka ba?"
"Hindi ka ba natatakot?"
"Saan?"
"Kung biglang magbago ang nararamdaman ko? Pa'no kung biglang ayaw ko na pala sa 'yo, tulad nang nangyari sa 'min ni Cristy? Nang makilala ko siya, agad ko siyang nagustuhan. At nang makilala kita, minahal kita nang biglaan. Pa'no kung may makilala ako at magustuhan ko, at ipagpalit kita? Di ka ba natatakot dun, sa bilis magbago ng nararamdaman ko?" ewan kung ba't ang dami kong tanong? Ano bang pinaglalaban ko? Ano bang gusto kong patunayan?
Ngumiti lang siya. Haist! Ngumiti lang siya? "Di okay." With confidence niyang sabi at nagkibit-balikat pa.
"Okay?" asar na tanong ko.
Natawa siya sa reaksyon ko. Loko talaga! "Ang cute mo." tawa niya.
"I know!"
"Okay para sa 'kin na ganun ka. Okay, para kapag iniwan kita madali kang maka-move on at di ka gaanong masasaktan." Sabi niya. Ang alam ko nagbibiro siya, pero bakit seryoso ang mukha niya sa sinabi niya?
"Seriously?" natawa ako. Well, pinilit kong matawa. "Ako iiwan mo? I dare you to do that."
Ngumiti lang siya at hinawakan ang kamay ko. "I love you," aniya.
"Same here," sagot ko. Nakangiti ako, pero iba ang nararamdaman ko. Parang ang hirap huminga. Bumilis ang tibok ng puso ko – may nararamdaman siyang ayaw niyang maramdaman. Parang may warning ang puso ko na ayaw kong tanggapin.
~Kung mawawala ka, hindi ko makakaya
Harapin ang bukas nang nag-iisa
Kung ako'y iiwan mo, paano na tayo?
Sayang ang pangako sa isa't isa… kung mawa-
Haist! Tuksong may ale na tumunog ang cellphone na nasa bandang likuran namin. At yun pa talaga ang ringtone niya? At parang maximum volume pa? Pambihira!
Napalingon ako sa ale na kausap na ang tumawag sa kanya sa cellphone. Lola na yung ale, halos puti na ang buhok niya. "Nasaan ka na, mahal?" ani nung ale. Naks, makamahal?
"Nasa likod mo, mahal." Nakangiting sabi nung lolo na may kausap rin sa cellphone sa likod ni lolang may kausap sa cellphone. Puti na rin halos ang buhok ni lolo.
Humarap si lola kay lolo. "Salbahe ka, nand'yan ka na pala." Nakangiting sabi nito at palambing na hinampas si lolo. Natawa lang si lolo at niyakap si lola.
"Tayo na, mahal?" yaya ni lolo at naglakad na sila palayo.
Napangiti ako. Nawala nang eksenang yun ang mga negatibong iniisip ko. Si lola parang si Chelsa lang kung makahampas. Nag-iwan yun ng matamis na ngiti sa 'kin. Sana abutin din namin ni Chelsa ang age na yun na magkasama. Nasabi ko sa sarili ko. Paglingon ko kay Chelsa, nakangiting nakatingin din siya kina lolo at lola na kakaalis lang.
"Ang sweet nila, 'no?" sabi niya.
Nakangiting tumango ako at hinawak ang kamay niya. "Mas sweet pa tayo dun, 'pag tanda natin." Sabi ko.
Tiningnan niya ang magkahawak naming kamay at tinitigan niya ako sa mga mata at nakangiting tumango siya. Gumaan ang pakiramdam ko. Salamat kina lolo at lola. Sino bang may sabing walang forever? Mga bitter sila! Pero sana palitan na ni lola yung ringtone niya.
"Di ba, sabi mo walang forever? Eh, ba't sila? Hanggang pagtanda sila pa rin. I'm pretty sure, 'till death, sila pa rin." Sabi ko.
"Walang forever sa kamatayan. 'Pag deads na, end na." sabi niya.
"Panira mode ka na naman." Dismayadong sabi ko at natawa lang siya.
"Exchange gift tayo?" biglang suggestion niya. Ano 'to Christmas?
"Pasko na ba?" ngiti ko.
"Basta!" sabi niya lang, umandar na naman ang kakulitan niya. Tumayo siya at hinila ako.
"Panay kaladkad mo na lang sa 'kin." Sita ko sa kanya. Ngumiti lang siya na parang di ako narinig.
"Maghiwalay na tayo." Sabi niya.
?
?
?
"Hah?" gulat na tanong ko.
"Magkahiwalay tayong bibili ng gift sa isa't isa. After 30 minutes, magkita tayo dun sa inupuan natin."
"Okay." Nasabi ko lang. Akala ko kung ano nang hiwalayan?
"Wag mo naman akong baratin sa gifts mo, hah." Sinamaan niya ako ng tingin sa sinabi niya.
"Ako pa? Bilhin ko pa 'tong mall, eh."
"Yabang!" irap niya tapos iniwan niya na ako. "Bye!" she waved goodbye. Napa-waved din ako at pinagmasdan lang siya habang papalayo.
Kainis! Ba't ganito ang nararamdaman ko habang papalayo siya? Parang pakiramdam ko pamamaalam ang ginagawa niya? Oh, shit! OA mode na naman ako! Pinilit ko na lang ang ngumiti at pinanghawakan ang sinabi niya na after 30 minutes magkikita kami dala ang gift sa isa't isa. Ang epic lang, wala akong maisip na pwedeng ibigay na regalo sa kanya.
Ipabalot ko kaya 'tong puso ko para ito nalang gift ko sa kanya? Okay, corny. In love lang.
10 minutes pa bago mag-30 minutes mula nang maghiwalay kami ni Chelsa, nakabalik na ako sa food court at naupo sa tagpuan namin dala ang gift ko para sa kanya na nakabalot ng violet gift wrapper. I'm sure magugustuhan niya 'to.
After 10 minutes, wala pa rin siya.
After 5 minutes, wala pa rin siya.
Another 5 minutes ang lumipas, wala pa rin siya.
Patingin-tingin na lang ako ng oras sa cellphone ko. Lumipas pa ang sampung minuto, wala pa rin siya. Napapatayo na ako at palingon-lingon sa paligid. Umaasa akong makikita ko siya, pero wala siya. Iniisip ko nang tawagan siya, kaso pinanghahawakan ko talaga ang sinabi niya na after 30 minutes magkikita kami ritong dalawa.
Kinakabahan na ako. Baka bigla na naman siyang mawala tulad nung nangyari sa MOA? Uulitin niya na naman ba yun? Ni di pa nga niya pinaliwanag sa 'kin ang nangyari nun. 20 minutes na ang lumipas mula nang matapos ang 30 minutes namin pinag-usapan, wala pa rin siya.
Nasaan ka na ba Chelsa? nabulong ko sa sarili ko na gusto kong iparating sa kanya. Lumipas pa ang 3 minutes, wala pa rin siya.