Chapter 3 - The Favor

CURUAN HIGHWAY... 

"SI MS. ELLAH!" Malakas ang sigaw ni Homer sa mga kasama habang nakikipagpalitan ng putok sa mga kalaban.

Umuulan ng bala sa pagitan ng dalawang grupo.

Panay ang iyak ni Ellah sa loob ng sasakyan.

Sa kagaya niyang hindi sanay sa putok ng baril at balang tumitilamsik ay parang mamamatay sa takot!

Pagkalipas ng ilang sandali, natigil ang putukan. 

Unti-unti niyang inangat ang paningin. 

Bagama't halos mawalan ng lakas ay pinilit niyang tumayo at marahang lumabas ng pinto. 

Doon na tumambad ang nakakapangilabot na tanawin na halos magpatulala sa kanya. 

Naliligo sa sariling dugo ang pinuno ng mga gwardya niya!

Napahagulgol na siya habang naninigas ang katawan.

"M-Ms. Ellah..." 

Nanlaki ang mga matang binalingan niya ang driver nila. Bagamat may tumutulong dugo mula sa gilid ng noo ng tsuper ay lumabas ito ng pinto at tinungo ang kanyang kinaroroonan.

"Mang Jude! Si Homer!"

Dinaluhong nito ang gwardya at idiniin ang palad sa leeg ng pinuno. 

Pigil-hiningang nakatingin ang dalaga, umaasang buhay pa ang gwardya. 

"Homer!"

Lumuhod siya at niyugyog ang gwardyang naliligo ng dugo habang nakahiga sa malamig na semento. 

Unti-unti nitong idinilat ang mga mata. 

"Ms...Ms. Ellah, salamat at ligtas po kayo. Pakisabi kay... don Jaime maraming salamat sa... lahat." 

"Homer hindi huwag! Tataasan ko ang sahod ninyo mabuhay ka lang pakiusap Homer! Kahit hindi na kayo magpa gwapo! " 

Tipid itong napangiti.

"Patawarin niyo kami... Ms. Ellah pero hindi ka na namin ma protektahan pa."

Tuluyan ng napahagulgol ang dalaga.

"Ms. Umalis na po tayo, delikado rito!" 

"Mang Jude tumawag ka ng ambulansiya, buhay pa si Homer buhay pa siya!" 

Nanlulumong pinagmasdan ni mang Jude ang mga kasamahang mga nakahandusay. 

"Ms. Pakiusap u-umalis na po tayo, hihingi ako ng tulong sa lolo mo ang mahalaga makaalis na tayo."

Marahang tumayo si Ellah at naging sunod-sunuran na lang siya rito. 

Habang daan ay tinawagan ng tsuper ang amo.

"Don Jaime, nasa Curuan po kami..."

Habang papalayo ang kanilang sinasakyan ay hudyat na rin ng kanilang tuluyang pag-iwan sa mga butihing gwardya na nakahandusay at wala ng buhay. 

---

LOPEZ MANSION...

"ILIGTAS NIYO ANG APO KO!"

Halos mamutla si don Jaime ng mapag-alamang tinambangan ng kung sino ang apo.

Agad nagsialisan ang mga tauhan ng don.

Madalas ng mangyayari ang pananambang sa matanda ngunit hindi sa apo nito kaya ganoon na lang ang takot ng don.

Tila wala sa sarili ang dalaga pagdating ng mansyon bagama't agad siyang sinalubong ng abuelo.

"Ellah! Apo!" 

Nanlalaki ang mga mata ng don habang nakatingin sa kanyang itsurang duguan. 

"Lolo... Lolo wala na po sina Homer!" 

Maagap na iniyapos ng don ang mga braso at niyakap ng mahigpit ang apo. Nanginginig ang buong katawan niya sa takot.

"PUNYETA! SINONG MAY KAGAGAWAN NITO!" 

Sa dami ng nakabangga ng don sa negosyo hindi na nito alam kung sino sa mga kaaway ang may pakana.

Marahang kumalas si Ellah sa abuelo at nanghihinang umupo sa naroong sofa. 

Hinarap ng don ang tauhan.

"Jude, ano bang nangyari?" 

Huminga ng malalim ang tauhan at nagsimulang magsalaysay. 

Sa lahat ng paliwanag ng tsuper iisa lang ang pinupunto.

Tinabla ng kanyang mga gwardya ang kalaban upang iligtas siya.

Itinaya ang mga buhay upang masigurong mabubuhay siya!

Unti-unting pumatak ang mga maiinit na likido mula sa kanyang mga mata hanggang sa tuluyang humagulgol. 

Kinakain siya ng matinding kunsensiya dahil siya ang dahilan ng pagpanaw ng mga mababait na gwardya.

Tumiim ang kanyang titig sa kawalan at mariing kumuyom ang mga kamay. 

"Sinisigurado ko... magbabayad sa batas ang may gawa nito!" 

---

ONE MONTH LATER 

QUEZON CITY...

Nakatingala si Gian sa isang bagama't luma ay magarang mansyon.

Binalikan niya ang tirahan ng pamilya Villareal kung saan itinakwil ang mga magulang.

Nagbabakasakali siyang dito matatagpuan ang mag-anak na nasa larawan.

Ngunit tila wala ng nakatira sa naturang bahay.

Ang mga pader ay inakyatan na ng mga damo, luma at kinakalawang na ang gate. Ang fountain sa harap ay wala ng tubig.

Nilingon niya ang kapaligiran.

Malayo ang bawat bahay ng mga narito.

Gano'n pa man ay sinikap niyang may dumaan na maaring mapagtanungan.

Wala siyang ala-ala sa buong angkan maliban sa hindi magkasundo ang mga ito.

Naalala niya ang sinabi ng abuela noong nabubuhay pa ito, high school pa lang siya, edad kinse.

"Lola, nasaan po ba ang pamilya ni papa bakit hindi ko sila nakikita?"

"Malupit si don Manolo, tutol siya sa pagpapakasal ng anak ko sa iyong ama dahil mahirap lang kami. Itinakwil ang iyong ama

mo noong nabuntis ang mama mo, ni hindi sila nakatapos ng pag-aaral. Dito sila nagpunta sa akin. Kaya ipinanganak ka dito na sa Bulacan, taga Quezon City ang lolo mo."

"Puntahan natin lola."

"Paglaki mo apo, dadalawin natin sila."

"Sir, may kailangan ho kayo?"

Napalingon siya sa isang may edad ng lalaki.

"Ah, alam niyo ho ba kung saan na ang nakatira dito noon?"

"Matagal ng walang nakatira diyan, abandonado na 'yan."

"Gaano na ho katagal?"

"Matagal na.

Pero ayun sa mga kwento rito noon, malupit ang may-ari ng mansyon na isang don daw."

"Don Manolo?" Pananantiya niya.

"Hindi ko matandaan, sige hijo at nagmamadali ako.

Sandali kaanu-ano mo ba ang nakatira diyan noon?"

"Ah, wala ho, kakilala lang.

Sige ho salamat."

Tumalikod siya at umalis.

Ang lawak ng Luzon. Nasa Maynila siya at nasa Bicol ang imbestigador niya ngunit wala ng impormasyon tungkol sa angkan niya.

Mukhang kailangan na niyang bumalik ng Zamboanga upang tumanggap ng panibagong misyon.

Ngunit bago iyon ay kailangan niya munang bisitahin ang yumaong abuela.

BULACAN CEMETERY...

"Kumusta po, lola?"

Marahang tumayo sa harap ng puntod ng kanyang abuela.

Inilagay niya ang bulaklak na hawak sa lapida nitong may nakaukit na pangalan.

Erica Marasigan.

"Salamat sa pagmamahal, pag-aalaga at gabay ninyo sa akin, la."

Marahan niyang hinaplos ang lapida ng nag-iisang nagpalaki sa kanya.

Wala na siyang mga magulang mula ng bata pa kaya ito na lang ang nag-iisang nagtaguyod sa kanya.

Naalala niya ang sinabi ng abuela sa ospital bago ito pumanaw.

"Gian apo... Kapag wala na ako, hanapin mo ang pamilya ng papa mo, sila na lang ang natitira mong kamag-anak. Pero huwag kang magtanim ng sama ng loob."

"Magpagaling ka la at sabay natin silang dadalawin. Mangako kayo lola!"

"Oo... pangako, apo."

Ngunit ang pangakong iyon ay hindi natupad.

Pumanaw ang abuela na hanggang ngayon hindi pa rin nakikilala ang mga kamag-anak.

Isang buwan na siya sa Luzon ngunit wala talagang solidong impormasyon.

Tumunog ang kanyang cellphone sa loob ng bulsa ng suot ng maong na pantalon, kinuha niya ito at sinagot ang tawag.

"Vince, pare?"

"Pare kumusta? Mag-iisang buwan ka ng wala ah, malungkot ang grupo, na mimiss ka ni Chief."

Tumawa siya. "Ikaw yata naka miss sa akin eh?"

"Sa totoo lang si Hailey talaga."

Naglaho ang ngiti niya. Kasamahan nila ang babae at alam niyang may gusto ito sa kanya.

"Hindi pare, mukhang may bago kang misyon kaya kailangan mo ng bumalik."

Humugot siya ng malalim na paghinga.

"Ano 'yon?"

"Pagdating mo na lang."

Matapos makipag-usap, tinawagan ni Gian ang detective.

"Kumusta, anong update?"

"Sir, wala pa talaga pasensiya na.

Pero susuyurin ko ang buong Luzon."

"Nanggaling ako sa ancestral house sa Quezon, pero matagal ng walang nakatira roon. Pero puntahan mo pa rin, suyurin mo lahat."

"Yes, sir!"

Humugot siya ng malalim na paghinga.

Ang naipong pera niya ay ginamit sa pagpapahanap sa mga kamag-anak para sa pagtupad sa pangako sa abuela.

Ngunit mukhang walang pag-asa. Ipapaubaya na lang muna niya ang pagpapahanap at magtrabaho muna para may pang sahod sa imbestigador.

Sinubukan na niyang hanapin sa internet ngunit ang daming lumabas na Manolo Villareal na hindi naman niya kilala ang mukha ng matanda.

Kinabukasan ay bumalik si Gian ng Zamboanga.

Mahaba na rin ang bakasyon niya dahil wala namang nangyari sa paghahanap niya. Handa na ulit sa panganib na misyon!

---

PHOENIX AGENCY... 

"WELCOME BACK CAPTAIN!" 

Sinalubong si Gian ng kanyang mga kasamahan at magaang niyakap ng Alpha Team. 

Ngumiti lamang siya at dumeretso sa opisina ng hepe, papaliko siya nang harangin ng isang babaeng malawak ang ngiti.

"Welcome back sir Gian! I miss you I mean we miss you!" sabay yakap pero mabilis niyang naiharang ang kamay.

"Hailey, stop it," malumanay niyang sita.

"Oh, sorry sir!"

Tumango siya at dumeretso na sa opisina ng hepe.

"Welcome back Villareal!" nakangiting bati ng opisyal. 

"Thank you sir!" tugon niyang sumaludo sa amo bago umupo.

"Kumustang bakasyon?"

"Umuwi ako ng Luzon, dinalaw ko ang puntod ng lola ko." 

"That's good. Kaya kita pinabalik dahil dito," tugon nito may inabot na isang folder na agad niyang binasa.

Kumunot ang noo niya. "Jaime Lopez?" 

"Nabalitaan mo bang muntik nang makidnap ang apo ni don Jaime?" 

Umiling siya. Hindi na bago sa ang mga anak-mayaman ay lapitin ng kidnapping.

"Sino ang may pakana?" 

"Duda ako sa naging resultang kidnap for ransom," makahulugang tugon ng kausap.

"Anong ibig niyong sabihin?"

"Siya ang misyon mo."

"Si don Jaime?"

"Ang apo niya."

Kumurap-kurap siya.

Sa sitwasyon nitong nakidnap at nakaligtas naman, hindi niya maisip anong gagawin sa apo ng pinakamaimpluwensiyang tao sa lugar.

"Anong klaseng misyon?"

---

LOPEZ MANSION... 

"Anong sinabi mo?" Sita ng dalaga sa Presidente ng kumpanya. 

Kasalukuyang nakaupo sa metal na silyang nasa hardin ang mga ito habang nagkakape nang marinig niya ang sinabi ng presidente. 

Taga report ito ng mga nangyayari mula nang hindi siya pumasok sa opisina. 

"Ms. Ellah, Chairman, hindi natin nakuha ang BMG dahil tinaasan ni Mr. Garcia ang porsyento ng produkto nila." 

"Ano? Bakit daw? Maayos ang usapan namin noon!" Hindi niya napigilan ang pagtaas ng boses dahil sa narinig. 

Si Mr. Garcia ang manager ng kumpanyang BMG na siyang magiging supplier nila.

Ang kanilang negosyo ay isang minahan ngunit nagkukulang na sila ng produkto kaya kinakailangan nilang mamili sa ibang kumpanya. Pinakamataas na kalidad ang produkto nito.

"Sa ngayon gumagawa na kami ng paraan upang makausap muli si Mr. Garcia," anang Presidente. 

"At anong gagawin niyo? Magmamakaawa?" sarkastikong tanong niya. 

"Hindi naman sa gano'n Ms." 

"Mr. Go, ginagawa mo ba ng maayos ang trabaho mo?" singhal na niya sa may edad na lalaki. 

"Ellah!" sita ni don Jaime at tiningnan siya ng matalim. 

"Dapat na yata akong pumasok lolo. Ako ang kausap ng BMG ako ang dapat tumapos." 

Naglaho ang galit ng don at napalitan ng pag-aalala. 

"Kaya mo na ba?" 

Hinarap ni don Jaime ang Presidente. 

"Mr. Go, maraming salamat makakaalis ka na." 

Tumayo ang lalaki at yumuko. 

"Sige po don Jaime, Ms. Ellah, natutuwa akong babalik ka na sa kumpanya." 

Pagkaalis ng lalaki ay nagharap sila ng abuelo. 

"Kung talagang desidido kang bumalik sa kumpanya, kailangan mo ng bagong gwardya." 

Tumiim ang titig ni Ellah sa kawalan. 

"This time, I want only one, siya na rin ang driver ko."

"Hija, kailangang mas marami pa!"

"Aanhin ko kung mamamatay lang din naman?"

Natahimik ang don.

Isang buwan na hindi siya pumasok sa trabaho dahil sa trauma. 

Ang mga araw na iyon ng pagpapahinga ay sapat na para sa gaya niya.

At sa loob ng isang linggo ay napag-alaman nilang kidnap for ransom ang nangyari sa kanya nang hindi naman bigating tao sa lipunan at ngayon nakakulong na ito.

"Pera lang naman pala ang kailangan, kailangan pang pumatay." Huminga siya ng malalim.

"Salamat po lolo at tinulungan niyo ang pamilya ng mga bodyguard ko."

"Naaawal ako sa kanila hija."

Ngayon, kailangan na ulit niyang bumalik sa trabaho.

---

PHOENIX AGENCY... 

"Makakaasa po kayo Don Jaime."

Dinig ni Gian ang sinabi ng kanilang head habang papasok siya sa opisina nito kinabukasan.

Pinapatawag siya ng head nila at mukhang alam na niya kung bakit. 

Namataan siya ng amo. "O, nandiyan ka na pala Gian, pumasok ka."

Tumuloy siya sa loob at namataan ang isang matandang kaharap ng kanilang head kasama ang isang lalaki na nasa likuran nito.

"Gian, si Don Jaime Lopez, " pakilala ng kanilang head.

Hinarap niya ang matanda. Huminga siya ng malalim upang pakalmahin ang sarili.

Kilala ito bilang isa sa pinakamaimpluwensiya at makapangyarihan sa lugar.

Ngunit hindi niya gusto ang pagdalaw nito.

"Good afternoon, don Jaime," bati niya at bahagyang yumukod.

"Gian, humihingi ng pabor si don Jaime."

"No."