Chapter 12
PUMUNTA si Oddyseus sa kagubatan. Gusto niyang makausap ang diwatang sumumpa sa kaniya. At alam niyang oras na ng kabilugan ng buwan ngayon. Ang huling kabilugan ng buwan para sa kaniya na isinumpa.
Ang huling araw kung saan ang pag-asang mawala sa kaniya ang sumpa. Pero malas niya dahil walang babaeng umibig sa kaniya kahit ni isa.
Hanggang ngayon hindi pa rin mawala sa kaniyang isipan ang sinabi noong isang araw sa kaniya ni Olcea. Ang mga katagang 'mahal na yata kita'. Pagkatapos na sabihin sa kaniya niyon ni Olcea agad itong kumawala sa kaniya at nanakbo papalayo na walang paalam.
Naiwan siyang tulala at takang-taka. Kahapon at ngayon ay patuloy parin siyang iniiwasan ni Olcea. Parang may nasabi itong mali kung kaya't hindi siya nito pinapansin ng buong maghapon sa loob ng kampus.
Siyang ikinatuwa niya naman, dahil hindi narin siya nahihirapang iwasan pa si Olcea. Nakakatawa na napakasakit para sa kaniya.
Mahal nga ba siya nito? Kung mahal talaga siya ni Olcea dapat nawawala na ang sumpa ngayon sa kaniya pero walang nangyayaring kakaiba sa kaniya. Andoon pa rin ang sumpa. Baka lang talaga namali lang siya ng narinig noong gabi.
Umiling-iling siya saka tumingala sa langit. Sumalubong sa kaniya ang napakaliwanag na sinag ng buwan. Ipinikit niya ang mga mata at dinama ang malamig na simoy ng hangin. Habang buhay na siyang magiging pangit at kuba.
Matagal narin niyang tanggap ang lahat at hindi na siya umaasa pang mawawala ang sumpang iginawad sa kaniya ng diwata.
"Kanina pa kita hinihintay, Oddyseus," wika ng isang babaeng may malambing na boses.
Dumilat siya saka humarap sa kaniyang likuran. Sumalubong sa kaniya ang mga alitaptap na hugis katawan ng tao. Unti-unting bumubuo iyon ng liwanag na siyang dahilan upang lumitaw sa kaniyang harapan ang napakagandang diwata. Napakagandang diwata na walang mukha, kundi liwanag lamang.
Nasinag siya sa taglay nitong liwanag kung kaya't napapapapikit siya sa tuwing tatama ang paningin niya rito.
"Hindi ka manlang nagpakita sa akin noong isang gabi. Iyon na ba ang babaeng iibig sa 'yo, Oddyseus? Ngunit bakit ganoon? Hindi nawala ang sumpa ko sa `yo? Kabilugan na ng buwan, ang huling kabilugan ng buwan na itinakda para ibigin ka ng isang babae at mawala ang sumpa ko sa 'yo," taka nitong tanong sa kaniya na siyang ikinalumo niya.
Umiwas siya rito ng tingin at siya'y napayuko. "Wala nang pag-asa pang mawala ang sumpa mo sa akin diwata. Walang magmamahal na isang babae sa akin, nakikita mo naman ang mukha ko hindi ba? Kahit ikaw siguro, napapangitan sa akin. Paano pa kaya ang mga babaeng nakakakita sa akin? Imposibleng magustuhan ako ng isa sa kanila," mapait niyang tugon rito.
Lumakad ito papunta sa kaniya saka inikutan siya habang nagsasalita ito.
"Ang pagmamahal ng isang tao ay hindi nakabase lamang sa kung anong kaanyuang kaniyang taglay, kundi sa kung ano ang nasa kalooban niya. Kaya't imposibleng walang magkagusto sa `yo, Oddyseus. Alam kong may mabuti kang kalooban at hindi ako naniniwalang walang magkagusto sa 'yo kahit ni isa lang. Ang pag-ibig ay kusang nararamdaman at sa kung ano ang itinitibok ng kaniyang puso. Hindi sa kung ano ang nakikita ng inyong mga mata. Ganoon ang pag-ibig, Oddyseus. Isang oras na lamang ang natitira para sa 'yo. Magpapakita ako sa 'yo pagkatapos ng isang oras..."
Pinagmasdan na lamang niya ito kung paano maglaho sa kaniyang harapan. Napahinga na lamang siya ng malalim. Uuwi na lamang siya sa kanilang bahay at matulog. Mas mabuti pang iyon ang gagawin niya ngayon.
"BAYARAN MO NA ang utang mo sa akin, Agno! Ipakasal mo sa akin si Olcea! Iyon lang pinapagawa ko sa 'yo para makabayad ka na sa utang mo, hindi mo pa magawa!"
"P–pasensya na Connor, mahirap kumbinsihin ang anak kong si Olcea. Bigyan mo pa ako ng mahabang panahon, makakabayad rin ako sa mga natitira ko pang utang sa 'yo. Pangako ko iyon, hindi lang sa ngayon."
Nanlilisik ang mga mata ni Connor habang nakatingin sa kaniyang ama ng masama. Kasama nito ang mga tauhan na naka itim. Ito na yata ang tinatawag ng karamihan na men in black.
Papasok na sana siya ng kanilang bahay nang iyong eksena agad ang bumungad sa kaniya. Sinasakal ni Connor ang ama Agno niya.
Sa dala ng kaniyang pagkagulat at inis, nabitawan niya ang dalang bag at agad nanakbo sa kinaroronan ng mga ito. Pinagsusuntok niya si Connor sa likuran, dahilan upang mabitawan nito ang kaniyang Ama na hindi na makahinga ng maayos dahil sa pagkakasakal nito.
"Hayop ka! Anong balak mo ha! Papatayin mo ba ang Ama ko?! Walang hiya ka! Umalis ka, isama mo na rin iyang mga tauhan mo!"
Tumawa ito ng pagak habang iniiwasan ang mga atake niya. "Hindi ako mamatay tao tulad ni Oddyseus, Olcea. Huwag mo akong itulad sa kaniya."
Nginisihan niya ito ng napakapait. "Huwag na huwag mong isisi sa iba ang pag-uugali mo, Connor. Dahil hindi n'yon mababago ang paningin ko sa 'yo." Dinuro-duro niya pa ito.
Bigla nawala ang pagtitimpi nito sa mukha at maging ang ngisi nito. Lumabas rin ang tunay na budhi nito.
"Ano ba ang meron sa Oddyseus na `yon, ha?! At bakit ganyan ka kung makapagtanggol sa kaniya?! Ang pangit-pangit no'n! Ni wala nga siyang binatbat sa gwapo kong mukhang 'to at sa kayamanan ko! Ano ba ang nakita mo sa lalaking iyon, na wala sa akin, ha, Olcea?!"
Akma sana siyang lalapitan nang ama niya pero agad itong pinigilan ng mga tauhan ni Connor. Unti-unti sa kaniya lumapit ang lalaki at marahas siyang hinawakan sa kaniyang braso. Napakahigpit ang hawak nito na animo'y nagiiwan na nang marka ang kamay nito sa braso niya.
"Sabihin mo sa akin, Olcea!"
Matapang niya rin itong sinigawan pabalik. "May busilak siyang puso! Iyon ang meron siya na wala ka! Narinig mo? Ano? Sabihin mo nga sa akin kung meron ka no'n, at nang magustuhan rin kitang hayop ka! Pero pasensyahan na lang, dahil si Oddyseus na ang mahal ko!"
Gulat na gulat ito sa kaniyang sinabi. Hindi lang ito ang nagulat maging ang ama niyang sa isang sulok habang pinipigilan ng mga tauhan ni Connor.
"Fucking shit! Pagsisisihan mo ang hindi pag-pili sa akin, Olcea! Pagsisihan mo!"
Binitawan nito ang kaniyang braso at malakas siyang itinulak dahilan upang mapaupo siya sa sementadong sahig ng kanilang bahay.
Galit na galit itong bumaling sa sariling tauhan. "Kayo! Sumama kayo sa akin! Pumunta tayo sa bahay ng kubang iyon, papatayin ko `yong hayop na `yon!"
Nanlalaki ang mga mata ni Olcea, nang makita ang isang bagay na binunot ni Conor sa likod ng pantalon nitong suot. Parang tinakasan siya ng dugo, at tumigil ang pintig ng kaniyang puso. Anong nagawa niya?
"A–anong b–balak mo, Connor?" kinakabahan niyang tanong rito.
Binalingan siya nitong may kakaibang ngisi sa mga labi. "Lilinisin ko lang ang mga sagabal sa plano ko, Olcea. Wawalain ko lang sa landas natin ang kubang iyon, nang sa ganun, magsasama na tayo bilang isang masayang pamilya. Hahaha!"
Para na itong demonyo habang tumatawa papalabas ng kanilang bahay.
"Hayop ka! Huwag mong gagawin iyan, Connor! Magpapakasal na ako sa 'yo, huwag mo lang gawan ng masama si Oddyseus!"
Habol niya rito habang iika-ika siya sa pagtakbo. Masakit ang balakang niya mula sa pagkakabagsak kanina, ngunit nagawa niya pa ring humabol rito.
Nanlilisik ang mga mata nitong lumingon sa kaniya. "Nah, hindi mo na mababago ang isip ko. It's now or never, Olcea. Hahaha!"
Sumilakbo ang kaba sa kaniyang dibdib. Para siyang matatae sa kinatatayuan niya ngayon na wala sa oras. Gusto niya na tuloy lumipad patungo sa bahay ni Oddyseus at iligtas ito. Ngunit wala pala s'ya no'n.
Diyos ko! Si Oddyseus!