HIGHSCHOOL

Pagka-graduate sa elementary, di ko na nakita si Daisy. Nakakalungkot isipin na magtatapos na ang lahat ng di ko manlang nasabi ang nararamdaman ko. Handa na sana ako sa lahat na pwedeng mangyari. Magalit na siya sa akin tatanggapin ko yun at di ko siya masisi. Pero hindi eh, wala akong nasabi kahit isang salita, di ko siya nasilayan manlang. Nabalitaan ko nalang after graduation na namatay pala lolo niya sa Quezon.

So nag-highschool ako ng wala kaming communication, di pa naman uso cellphone nun. May mangilan-ngilan ding may CP pero mahina ang signal. Wala pang facebook and other social medias. Napaka-simple ng buhay nun, walang stress masyado.

Napad-pad ako sa paaralang agricultural. Pagtatanim ng mga fruit bearing trees, at mga gulay ang madalas naming ginagawa sa TLE. Tuwing TLE abg klase, humihiwalay ang mga boys sa girls. Tapos hati din ang pangkat naming mga boys. Pwede kasi kami mamili ng course sa TLE, pwedeng animal husbandry at agronomy. Sa animal husbandry ako napasama kasi andun mga kaibigan kong mababait kapag tulog. Hindi, biro lang, mabait naman talaga sila. Nag-aalaga kami ng swine and broilers. Masaya, na nakakapagod ang agriculture. Masaya kasi nakikita namin ang pinaghirapan namin na nagbubunga ng maganda. Dumadami ang baboy at manok, so prepared talaga kami sa pagiging buhay praktikal.

2nd year Highschool ako nung sinubukan kong mag-laro ng sepak takraw. Ito yung laro na ginagamit lang ang paa at ulo. Bawal tumalbog ang bola sa ground. Isa din akong mapalad na nakuha sa try-out upang lumaban sa triangular meet ng aming school. Dahil sa paglalaro, nakalimutan ko ang pag-dodrawing, nakalimutan ko din ang first love kong si Daisy na ngayon ay 1st yr high school na rin pero wala na akong balita sakanya. Sumapit nga ang triangular meet, at school namin ang host ng game.