Kabanata Isa | Old Version

Missing Bodies

Written by: XenontheReaper

- - -

3:26 P.M.

"I-set n'yo na ang camp n'yo't aalis muna kami ni Ma'am n'yo." Paalam ni Sir Roy at inakbayan ang asawa nitong si Ma'am Ria. "May kukunin lang kami sa bayan at babalik kaagad." Sabay lisan sa 'ming camp.

Sinundan lang namin sila ng tingin hanggang sa malusaw sila sa gitna kagubatan.

Sana babalik sila kaagad.

"Magsimula na tayo." Sa gitna ng katahimika'y nagsalita si Lucas na aming presidente.

Hindi naman nagreklamo ang lahat at sumunod sa utos niya. Kaniya-kaniya sa pagkilos ang lahat at may kaniya-kaniyang pinagtutuonan ng pansin na tent.

Dahil sa nag-iisa lang ako sa 'king tent ay mag-isa lang din akong nagtayo nito.

"Tulungan na kita?" Mula sa likod ko'y biglang lumitaw si Wreen na ikinagulat ko.

Fvck! Ano na naman ito?

"H'wag na, kaya ko na 'to." Tanggi ko at hindi man lang siya tinapunan ng tingin.

Pilit akong umiiwas at nagkukunwaring 'di ko na kailangan ang tulong niya.

Kahit sa totoo'y kailangan na kailangan ko talaga pero ayokong magmula ito sa kaniya.

"Kumusta ka na?" Imbes na umalis ay nanatili lamang siya't 'di umaalis sa pwesto. Batid kong gusto niyang makipag-usap.

Ngunit, ayoko. Ayoko muna.

"Hanggang ngayon pa rin ba Eurie?" Tanong niyang ikinatigil ko. "Hindi mo na naman ako papansinin at pakikinggan? Please naman Eurie dinggin mo naman paliwanag ko---"

"Wreen, h'wag ngayon." Matigas kong tugon at pinutol siya. "Ayokong marinig 'yang kasinungalingan at kahayupan mo."

"Pero may sa---"

"Oy tama na 'yan." Sita namin ni Lucas na pumutol din sa sasabihin sana niya. "Nandito tayo para magtrabaho, set aside n'yo muna 'yang personal n'yong issue."

Wala akong narinig na salita mula sa kay Wreen at umalis na. Batid niyang wala siyang mapapala sa 'kin kaya sumuko na ito.

Kung sana 'di niya ako iniwan at ipinagpalit kay Vanessa ay siguradong 'di kami magkakaganito. Kung sana nagsalita muna siya't nagpaalam ng maayos ay hindi ako magkakaganito ngayon. Bumitaw na sana ako.

Handa ko naman siyang pakawalan dahil sa ramdam ko na 'yong malamig niyang pakikitungo sa 'kin, pero 'yong bigla niyang pag-iwan sa 'kin sa ere ay masakit. Mistulang isa akong tanga na kumakapit sa sangang napakarupok at bigla na lang nabali.

Hindi nagtagal ay natapos na rin ako't naitayo ko ang sariling tent na walang tulong mula sa iba. Nagawa ko ring isaayos ang lahat ng kagamitan ko sa loob.

Dala ng pagod ay nahiga ako't hinayaan ang sarili na hilain ng antok.

- - -

Nagising ako na madilim na ang paligid. Ilang oras akong natulog? Ngunit nandiyan naman ang ilang lightbulbs na nakasabit kung saan-saang sanga ng kahoy. Ibig sabihin, na-set na pala nila ang solar panels namin kanina.

"Eurie, pinapatawag tayo ni Lucas." Tango lang ang sagot ko't nagsuot ng jacket. Sumunod kaagad ako sa kaniya papasok sa malaking tent na para sa 'ming kagamitan.

Pagpasok ko'y sinalubong ako ng sari-saring wires sa paligid. Sa gitna nama'y may malaking oblong na mesa na may iilang laptop, mapa, ballpoint pen, papel at iba pa. Medyo malaki rin ang espasyo sa loob na kasyang-kasya para sa 'ming lahat.

"Sina Sir?" Tanong ko sa kanila na abalang-abala.

"Hindi pa bumabalik, pero paparating na 'yon." Sagot ni Ivan na nasa kabilang dulo ng mesa na abala sa pag-oorganisa ng ilang dukumento.

Pumili na ako ng upuan at umupo sa gitna nina Charice at Ivan na kapwa nasa kaliwang bahagi ng mesa. Silang dalawa'y mga malapit sa 'kin at kumportableng samahan.

Nang balingan ko ng tingin si Charice ay abala rin siya sa pagmomonitor ng CCTV's sa kaniyang laptop.

"Na-install na!?" Mangha kong tanong. Hindi ako makapaniwala sa bilis ng kanilang kilos.

"Oo, tinapos talaga nina Marcus at Jimmy kanina."

Napatango na lang ako't hinarap ang aking laptop. "Wow, siguradong makakapagsimula na tayo bukas."

Binuksan ko ito at agad nai-flash sa monitor ang ilang feeds ng CCTV. Mula sa camera 26 hanggang sa camera 50. Napuna kong kasama ko pala si Charice sa pagmo-monitor.

"Correction." Biglang sabat ni Ivan sa usapan namin. "Magsisimula tayo ngayon."

Ang bilis naman!

Napailing na lang ako't hindi na ako nagsalita pa. Mas pinukos ko na lang ang sarili sa laptop.

Habang paisa-isa kong tsini-tsek ang feeds ng bawat camera ay pumasok sa loob si Bella kasama si Kezel. Tahimik lang sila't agad na inukopa ni Bella ang upuan sa harap ko at si Kezel nama'y umupo sa kabilang dulo ng mesa katabi si Charice.

Lahat ng upuan ay okupado na't sina Sir Roy at Ria na lang ang kulang. Maggagabi na pero wala pa rin sila. Nagtataka na tuloy ako kung ano ang binalikan nila sa headquarters at medyo natagalan.

"Since nandito na kayong lahat magsisimula na akong i-distribute 'tong sari-saring task sa inyo kasama ang ilang impormasyon."

Natigil kaming lahat nang magsalita si Lucas na nasa tabi ng projection screen. Sumenyas siya kay Marcus na i-project ang presentation na siya ring sinunod kaagad ng aming kasama. Lahat ng atensyon nami'y nasa kaniya na't taimtim na naghihintay magsalita.

Unang slide ay ang aming logo, isang bilog na may nakasulat na E.C.I. sa gitna. Hindi naman pinatagal pa ni Marcus, ang operator ng presentation at agad na inilipat naman sa kasunod na slide.

MISSING BODIES

Ito ang tumambad sa harapan namin. Ito ang tawag sa kasakulukuyang iniimbestigahan namin na kahapon lang ibinigay ni Chief.

"Bilang isang miyembro ng Elite Crime Investigator tungkulin nating lutasin itong bagong problema sa Jedesvia." Panimula ni Lucas na ikinangiti ko. "Isa itong malaki at kauna-unahang kaso natin kaya hangga't makakaya'y lulutasin natin 'to para sa ikakabuti rin natin."

Isang tango mula kay Lucas at inilipat na naman ni Marcus sa kasunod na slide. Na-project dito ang isang larawan ng lalakeng pamilyar sa 'kin, nakita ko na ito kamakailanlang mula sa telebisyon.

"Siya si Melchor Avila, isang photographer na nawawala na ng isang buwan. Ayon sa asawa niya'y nagpaalam daw itong papasok dito sa gubat na tinayuan natin ng camp para kumuha ng larawan bilang entry niya sa isang kompetisyon. Pero hindi na raw ito bumalik."

...