Kabanata Tatlo | Old Version

Missing Bodies

Written by: XenontheReaper

- - -

8:00 A.M.

Eksaktong alas otso ay umalis na kaming lahat para kumausap ng ilang personahe at magsaliksik. Dahil sa nakabalik na ang mag-asawang moderator namin kanina bandang alas siyete ay naiwan na lang sina Sir Roy at Ma'am Ria para magbantay sa surveillance cameras.

Sa pagbalik nila'y may dala na silang mapa, lubid, baril, binoculars at ilan pang kapaki-pakinabang sa 'ming misyon.  Para kaming mga secret agent o spy dahil sa kagamitan namin, sa totoo nama'y hindi malayo sa pagiging agent 'tong tungkulin naming alamin ang misteryo sa bayan at tugisin ang sinuman o anumang nasa likod nito. Kaya hindi na kataka-taka pa kung magkaroon kami ng ganitong kagamitan. Salamat sa gobyerno't nagawa kaming suportahan dito.

"Okay ka lang ba Eurie?" Tanong ni Wreen habang nagmamaneho ng kotse.

Napatigil ako sa 'king malalimang pag-iisip nang magsalita siya. "Okay lang." Sagot ko't nanatiling nakatingin sa nadaraanang gusali.

Kasalukuyan kaming bumabyahe papunta sa bahay ni Melchor. At kahit na tahimik lang kami'y dama ko pa rin ang malamig na awra sa loob ng kotse. 'Yon ay dahil sa naiilang pa rin ako't nabubwisit sa kaniya.

"Ang tahimik mo kasi."

Napairap lang ako't kinuha ang aking cellphone para libangin ang sarili. Sa paraang ganito'y mabilis lamang ang oras at malilimutan ko siya saglit.

"Urie pwede na ba tayong mag-usap?" Pahintulot niya.

"Hindi pwede." Malamig kong sagot at nagsuot na lang ng headset sabay play ng musikang nasa max volume. "Kausapin mo nobya mo." Iritado kong sagot na para bang babaeng nagseselos.

Fvck!

- - -

Tumigil kami sa harap bahay ng mag-asawang Melchor. Mula sa labas ay kitang-kita mula sa kinauupuan ko ang asawa ni Melchor na nagdidilig ng mga bulaklak.

Naunang lumabas si Wreen at agad naman akong sumunod. Paglabas ko'y tumambad sa 'kin ang malaki nilang bahay at napakagandang paligid. Subalit, napakainit naman dahil sa mataas na ang araw a ang sikat nito'y nanunuot talaga sa 'king balat.

"Tao po." Tawag ni Wreen sa asawa ni Melchor. Sumunod naman ako't sinamahan siya.

Isang ngiti ang salubong sa 'min ng ale. Itinigil niya ang kaniyang pagdidilig at itinabi ang hose na hawak.

"Anong maitutulong ko sa inyo?" Tanong niya habang pinapahid ang basang kamay sa damit na suot.

"Kami po ay mula sa E.C.I o Elite Crime Investigator," sabay naming ipinakita ang aming badge ni Wreen, "nandito po kami ngayon para kausapin kayo tungkol sa pagkawala ng asawa n'yo."

"Gano'n ba? Tara pasok tayo." Anyaya niya't pinagbuksan kami ng gate. Dama kong malaki ang kumpyansa niya't tiwala sa 'ming grupo kaya ahad kaming pinapasok.

Nauwi kaming tatlo sa sofa. Magkatabi kami ni Wreen at kaharap naman namin ang asawa ni Melchor. Matapos malapag ng babae ang kape para sa 'min ay nagsimula na kaming mag-usap.

Siya pala si Analita, isang guro ng publikong paaralan dito sa 'min. Ayon pa sa kaniya'y matagal na silang magkasama ng asawa niya at sa pagsasama nila'y ngayon lang daw 'di na nakabalik ang asawa niya mula sa mga lakad nito.

"Ipagpaumahin n'yo po ginang Analita sa 'king sasabihin, pero maaari kayang lumayas at sumama na sa iba ang asawa mo?" Tanong ni Wreen na siyang ikinabigla ko.

Ang gano'ng klaseng tanong ay napakabigat at 'di napakagandang pakinggan. Hangga't makakaya ay 'di dapat masasaktan ang aming kinakausap.

"Mabait ang asawa ko," nagsimulang umagos ang butil-butil na luha mula kay ginang Analita, "mabuti siyang asawa, buong oras niya'y nasa 'min." Pinahid niya lang ang kaniyang luha't pinigilang maiyak.

"Mayroon bang kaaway o kagalit ang 'yong mister?" Sa pagkakataong 'to ay ako na naman ang nagtanong, ayokong si Wreen 'yong magtanong ulit dahil sa wala itong preno kung makapagsalita.

"W-wala naman. Gaya nga ng sabi ko'y mabait ang mister ko't kailanman wala siyang nakaalitan." Sagot niya.

Maraming nagagalit sa mga mababait.

Nagkatinginan kami ni Wreen at para bang nag-usap sa titig lamang. Sabay kaming napatango at ako na ang nagsalita muli.

"Kung okay lang po sa inyo, pwede po ba naming tignan ang kwarto ng asawa mo?" Tumango lang ang babae't sinamahan kami paakyat.

- - -

Habang binabaybay namin ang hagdan pababa ay tumunog bigla ang alarm ng Cellphone ko.

"Times up." Saad ko.

"Tara na, uwi na tayo sa camp." Sabi ni Wreen at sabay naming nilingon si Ginang Avila na bumababa rin kasunod namin.

"Maraming salamat po sa tulong n'yo't hinayaan kaming mag-imbestiga para sa pagkawala ng asawa n'yo." Tumigil muna kami sa gitna ng hagdanan para magpaalam.

"Walang anuman," nakangiting sagot ng ginang, "dapat ako nga ang magpapasalamat sa inyo dahil sa tulong n'yo sa kaso ng mister ko."

"Sige po, mauna na po kami." Paalam ni Wreen.

Isang ngiti ang sinukli ng matanda at sabay naming nilisan ng ka-partner ko ang bahay ng Avila.

Sa 'ming biyahe pauwi sa camp ay gano'n pa rin, tahimik. Ang pinagbago lamang ay ang pagtigil na sa pangungulit ni Wreen at mas lalo na siyang natuon sa pagmamaneho. Kaya ako nama'y nagkaroon na ng kapayapaan.

Siguro'y dahil ito sa nakuha naming note kanina. Ito siguro'y bumabagabag din sa kaniya kaya napakatahimik niya ngayon. Gano'n din naman ako, hanggang ngayo'y binabagabag ito at kung ano-ano na lang ang iniisip dahil sa note.

Dahil nga sa wala akong ginagawa ay napagpasiyahan ko na lang na gumawa ng report, para ubusin ang aking oras. Kinalimutan ko na lang muna saglit ang tungkol sa note.

"Nandito na tayo." Tipid na sabi ni Wreen.

Mistulang nagbalik ako sa reyalidad nang mapailing at mapagtanong nasa tabi na pala kami ng gubat. Sobrang bilis ng oras at hindi ko namalayang nakarating na pala kami. Inabot ko ang aking bag sa tabi at lumabas na ng kotse.

Iginala ko ang aking tingin sa paligid at nalamang nandito na rin pala ang kotse ng iba kong kasama.

Nauna pala silang makarating dito.

Napakalapit naman kasi ng target nila kaya mabilis lang silang nakabalik, samatalang sa 'min ni Wreen ay aabutin talaga ng kalahating minutong biyahe.

Tahimik pa rin kami habang pinapasok ang masukal na kagubatan. Walang ibang naglalaro sa 'king tenga kung hindi ang mumunting huni ng ibon, mga insekto at tunog ng nababaling sanga't tuyong dahon na naaapakan namin.

Malamig sa loob, ito'y dahil sa walang ni isang sinag ng araw ang tumatagos dulot ng sobrang kapal ng dahon na mula sa nagtataasan at naglalakihang kahoy. Kaya ang sarap tirhan ng ganitong uri ng paligid.

Ngunit, isang problema nga lang ay ang lubak-lubak na lupa. Hindi talaga ito pantay-pantay. Hindi ko alam kung bakit pero ito siguro'y dahil sa malalaking ugat ng kahoy na naglilitawan o kaya'y may malalaking bato sa ilalim ng lupa.

Matapos ang ilang minutong lakaran ay narating namin ang camp. Tahimik na sa labas. Hindi na kami nag-abala pang dumaan sa 'ming tent at agad na pinasok ang main tent.

Nandoon nga sila, nasa kaniya-kaniyang pwesto ang lahat at tanging kami na lang ni Wreen ang wala sa bakanteng upuan.

"Good morning guys." Bati ko sa kanila nang mabaling sa 'min ang atensyon nang pumasok kami.

Agad na tumabi ako kay Ivan at Charice sabay lapag sa mesa ang ilan sa 'ming nakuha na impormasyon.

Tapos na pala silang lahat sa paglalahad ng impormasyong nakalap maliban kila Kezel at Bella na patapos na rin daw.

Habang nagre-report sila'y abala naman ako sa paglilipat ng files mula sa 'king phone patungo sa laptop. Kaya wala talaga akong natandaan at natutunan mula sa report nina Bella, magtatanong na lang ako mamaya 'pag natapos na kami.

Hindi rin naman nagtagal at natapos sila. Nang tuluyan kong nalipat lahat ng files ay eksaktong natapos na rin sina Kezel at Bella. Agad naman akong tumayo't nagtungo sa projector at isinaksak ang wire nito sa 'king laptop.

Mag-isa ko na lang na ipi-present ang report namin dahil sa ayaw ni Wreen, abala kasi siya sa kung anong kinakalikot nito sa kaiyang laptop.

Unang naipakita sa screen ay ang larawan ni ginang Analita Avila, nakuha ko ito kanina habang nag-uusap kami sa bahay nila.

"Siya si Analita Avila, asawa ni Melchor. Ayon sa kaniya't walang kaalitan daw itong asawa niya't isang mabuti raw na ama kaya isang napakalabong dahilan na lumayas siya, lalo na't wala naman itong dala-dalang pera at damit no'ng umalis siya. Isa pa ay malabo rin itong nakidnap dahil wala namang nataggap ang ginang ng tawag mula sa kidnappers." Diretso kong paliwanag para matapos kaagad.

"Napagpasiyahan naming tingnan ang kwarto ni Melchor at nagbabasakaling may makuha kaming lead. At mayroon nga."

Sunod kong ipinakita ay ang larawan ng note na nakuha namin.

Cemetery; 2:30 P.M., October 5, 2013

"Nakasulat ito sa isang sticky note na tinapon na sa maliit na garbage bin. Nang ipakita namin ito sa asawa ni Melchor ay wala raw siyang kaalam-alam na pupunta sa sementeryo ang asawa, kaya labis naming ipinagtaka ito. Ang 2:30 kasi ay ang oras din na nagpaalam si Melchor na pupunta siya dito sa gubat para sa photography niya." Paliwanag ko.

Ano 'to? Nagsinungaling ba sya sa asawa niya?

"Kaya ang ipinagtaka ko ay kung pumunta muna ba itong si Melchor sa sementeryo bago nagtungo sa gubat o kaya'y sa sementeryo lang ito at hindi na nagpunta rito sa gubat." Pagpatuloy ko.

Bakas ang pagtataka sa lahat nang mailahad ko ang aming nasaliksik at malaing palaisipan  sa huli. Pati ako'y nababaliw na sa kakaisip, kung ano nga ba ang totoo. Maaari kasing nawala si Melchor sa sementeryo na siya ring magtatanggal sa kaniya sa listahan ng mga nawawala rito. Pwede rin namang dito nawala si Melchor kung sakaling nagtungo siya rito matapos bumisita sa sementeryo.

"Eurie?" Nakuha ni Wreen ang atensyon ko't pati na rin ang iba naming kasama na sa tingin ko'y nasa malalim na pag-iisip din sa malaking tanong ngayon na nakahain. "Mukhang alam ko na."

Dinala ni Wreen ang laptop niya't nagtungo sa gawi ko. Ipinalit niya ang laptop niya sa 'kin at sa kaniya naman 'yong na-project.

Isang video ang ipinalabas niya, isang CCTV footage. "Connected ang laptop ko sa lahat ng public surveillance cameras ng buong Jedesvia kaya nakuha ko ito." Paliwanag niya na ikinamangha ko. Matalino talaga siya pagdating sa mga ganito.

"Iyan," itinigil niya saglit ang video at itinuro ang isang sasakyan sa projection screen, "pagmamay-ari 'yan ni Melchor. At sa mga oras na 'yan, 2:32 ng hapon ay bumabyahe na siya. Kaya tingnan n'yo kung saan siya nagtungo." Ang sasakyan ay mula raw sa bahay ng mag-asawang Melchor at kasalukuyan na itong nasa  highway ng Jedesvia.

Tahimik ang lahat habang sinusundan ng tingin ang sasakyan ni Melchor, si Wreen nama'y panay sa pagtipa para ilipat ang source ng footage kaya paiba-iba ang anggulo ng video na aming napapanood.

Saan ka ba pumunta Melchor?

Hanggang sa tumigil nga ito na siyang ikinagulat ng lahat.

"Dito sa gubat nga siya pumunta."