Kabanata Pito | Old Version

Missing Bodies

Written by: XenontheReaper

- - -

Wala nang mas nakakabingi pa sa gabing 'to. Sa likod ng mga kababalaghang sinapit namin ay nagmistula pa ring mapayapa ang gubat dito.

Parang walang nangyari.

Malilikot ang daliri ko habang nagtitipa't pilit hinahanap ang nawawalang footage---ang parteng inatake si Jimmy o 'yong pinasok ang tent. May surveillance camera naman kasi sa loob ng main tent kaya siguradong may nakuha ito, pero nagawa pa ring ma-delete ito ng salarin.

Sinubukan ko ring suriin ang keyboard para sa fingerprints niya ngunit sa kasamaang palad ay malinis ito, batid kong gumagamit siya ng gloves o kaya'y pinahid niya ito.

Mautak ang salarin.

Sumuko na lang ako't napasandal sa inuupuan, napahawak ako sa 'king sentido dahil sa nagsisimula nang manakit ang ulo ko. Saglit kong itinitigil ang aking pagmo-monitor at humigop mula sa baso kong puno ng mainit na kape.

Ayokong matulog dahil sa natatakot talaga ako, baka may biglang papasok dito at aatakehin kami bigla. 'Yon ang dahilan ba't ako nagtabi ng baril. Nakasa ko na ito kung kaya't diretso putok na lang kung aatake man siya.

"Sandali lang Eurie, iihi lang ako," Paalam ni Ivan matapos malapag ang ilang dokumentong binabasa, "hindi ko na talaga kayang pigilan." At dali-dali siyang lumabas.

Naiwan akong nakatunganga sa harap ng laptop at napabuntong-hininga. Sa pag-iisa ko'y napuna kong mas lalong lumalala na ang aming problema. Hindi pa nga ito nasusulusyonan ay may bagong problema na naman. Hindi ko alam kung matatapos ko 'to mag-isa na walang tulong sa iba.

Magpapatuloy na sana ako sa pagmo-monitor nang biglang umilaw ang cellphone ko sa tabi. Tinignan ko ito at isang mensahe pala ang natanggap ko mula kay Mama.

'Kumusta na anak? 'Di ako makatulog. I love you.'

Napangiti lang ako't 'di na sinagot si Mama. Baka 'di na 'yon makatulog kapag kukulitin ko pa kaya magkukunwaring natutulog na lang ako.

Gaya niya'y nami-miss ko na rin siya kahit ilang araw pa lang kami rito. Sana lang ay matatapos na ito agad para masamahan ko ulit si Mama, mag-isa lang kasi 'yon dahil sa 'di pa umuuwi si Papa.

Dahil sa hawak-hawak ko ang aking cellphone ay sumagi sa 'king isipan ang sitwasyon nina Wreen. Malamang nasa ospital na ito sa mga oras na 'to o kaya ay papauwi na rito.

Itinipa ko ang numero niya't sinubukang i-dial. Ngunit hanggang ring lang ito. Siguro nasa bulsa niya ito o kaya'y drained na ang baterya niya kaya 'di na niya ito masagot. Gusto ko pa naman sanang kumustahin si Jimmy.

Sumuko na lang ako at napagpasiyahang magpatuloy sa pagmo-monitor.

Ngunit, laking pagtataka ko nang makitang wala ng ni isang feeds sa monitor. Blangko na lahat at may nakasulat na No Signal.

"Ivan? Pakitingin nga sa connection ng wirings, baka naputol." Mahinang utos ko sa kaniya mula sa loob na sapat para marinig niya mula sa labas.

Naghintay ako ng ilang saglit pero walang sagot mula kay Ivan, hindi rin naisaayos ang connection. Malamang hindi niya ito narinig.

"Ivan?" Tawag ko ulit sa kaniya't medyo nilakasan ang aking boses. Pero wala pa ring sagot.

Hindi ko maiwasang kabahan nang walang marinig na sagot mula sa kaniya. Sumama ang kutob ko at masama ang aking naiisip. Ayokong humusga agad at magpaligoy-ligoy, kaya kinuha ko ang aking baril sa tabi at napagpasiyahang lumabas para tingnan siya.

"Ivan?"

"Ivan nasaan ka?"

Bawat hakbang ko palabas ay siya ring malakas na pagdagundong ng aking puso. Damang-dama kong lalabas na ito't sasabog sa sobrang lakas. Nanginginig na rin ang kamay ko at halos mabitawan ko na ang baril. Hindi ko maipaliwanag ba't ako nagkakaganito, pero batid kong epekto lamang 'to ng aking masamang iniisip.

"Iva----Fvck!"

Akma na sana akong lalabas nang biglang nawalan ng power ang aming camp. Sobrang dilim wala na akong naaaninagan pa.

Dali-dali kong kinuha ang aking cellphone sa bulsa't binuksan ang flashlight.

Hindi ko maiwasang maging paranoid kaya bumalik ako't hinanap ang mga babaeng kasama ko, nakahinga naman ako ng maayos nang makitang naroon pa rin sila't mahimbing na natutulog.

Ngunit hindi ko inasahan ang sunod na nangyari.

"Kezel! Bella! Emily!" Sigaw ko sa kanila at malakas silang niyugyog. "Gumising kayo!"

Halos mabaliw ako't mas dumoble ang lakas ng pintig ng puso ko nang makitang biglang sumiklab ang apoy at unti-unting tinutupok nito ang likurang parte ng aming main tent. Umusbong ang makapal na usok na siyang nagpapahirap sa 'kin sa paghinga at pag-aninag sa kanila.

"Lumabas tayo bilis!"

Gulat na gulat din sila't agad na nawala ang kaniya-kaniyang antok. Hindi namin maiwasang hindi mapasigaw nang biglang may sumabog kung saan, mas lalong bumilis ang aming kilos at napatakbo papalayo sa natutupok na main tent.

- - -

"Ba-bakit gano'n?!" Hinihingal na tanong ni Emily nang tumigil kami. "Paanong nasunog ang main tent?!"

Malayong-malayo ang narating namin pero hanggang dito'y kitang-kita namin ang liwanag na dala ng apoy. Unti-unti nang natutupok ang tent namin kasama ang kagamitan namin.

"Hi-hindi ko alam. Hahapin ko sana si Ivan at bi-bigla na lang nagkagano'n." Paliwanag ko.

Napasandal ako sa puno't napaupo sabay sapo ng aking ulo nang maramdamang nangangatog pa rin ako sa takot. Hanggang ngayon ay 'di ko pa rin lubos maintindihan ang nangyari. Sobrang bilis talaga mg pangyayari.

"Teka? Nasaan ba si Ivan?" Tanong naman ni Kezel na nanginginig pa rin sa takot.

"Lumabas siya saglit para umihi pero 'di na bumalik."

Hindi ko maiwasang hindi maubo. Hanggang ngayo'y nangangati ang lalamunan ko dahil sa ilang usok na nalanghap ko.

"Malamang pinaslang na rin 'yon." Sabi ni Bella na nakatulala.

"Bella! H'wag kang magsalita ng ganiyan!" Sumbat ni Emily na halatang hindi nagustuhan ang sinabi ni Bella.

"Ano namang problema Emily?! Maaaring gano'n naman talaga ang nangyari sa kaniya." Giit ni Bella. "Pinaslang nga si Jimmy na mag-isa lang, pati na rin si Charice na kasama natin kanina. Ano na lang kaya si Ivan?"

Natahimik ang lahat at mistulang umurong na ang dila ni Emily. Pati ako'y natigilan din at parang nasampal ng katotohanan dahil sa sinabi niya. Masasabi kong tama nga naman si Bella, hindi malayong natangay na rin ng salarin si Ivan. Bigla na lang kasing nagulo ang camp matapos siyang lumabas at 'di na bumalik.

"A-ano na gagawin natin ngayon?" Nanlulumong tanong ni Kezel.

Nagkatinginan kaming apat at isang ideya ang pumasok sa 'king isipan. "Aalis tayo rito ngayon at lalabas para humingi ng tulong." Desisyon ko.