Gigil na gigil at walang-tigil na sinipa ni Nevada si Emil na hinang-hiba na nakabulagta sa lupa. Nawalan na siya ng kontrol sa sarili at nilubos-lubos na niya itong pagkakataon na masaktan ang lalake. Buong-lakas ang inilaan niya na may halong galit at matinding poot, habang sinisigaw ng paulit-ulit ang pagmumura niya tungo sa lalake.
"Hayop ka! Napakawalang-hiya mo!" Asik niya, "Demonyo ka!"
Ngunit, natigil siya nang biglang hinawakan ng lalake ang binti niya at hinila ito pabigla. Sa gulat niya'y hindi niya napaghandaan ito at diretsong bumagsak siya kay Emil. Bago pa man siya makabangon upang iwasan at layuan ang lalake ay nahuli na siya nang biglang pinulupot ng lalake ang braso nito sa leeg niya; sa sobrang higpit nito ay wala na siyang nagawa pa kung hindi ang magpumiglas upang kumawala sa lalake.
Hindi maitatangging mas malakas ang lalake kumpara sa kaniya na kahit anong gawin niya'y hindi niya kayang lamangan ang lakas nito, sa halip ay napagod lamang siya at mas lalong kinapos ng hangin.
Sa takot niya'y bigla siyang nakaalala sa nabitawan niyang panlaban, kung kaya't agad niyang inabot ang sariling taser sa tabi.
Binuhay niya ito at dali-daling inilapat sa hita ng lalake bago pa man siya malagutan ng hininga, hindi niya ito inalis at mas itinagal pa sa hita ng lalake hanggang sa tuluyang lumuwag ang pagkakapulupot ng braso nito sa kaniyang leeg. Nabitawan kaagad siya ni Emil at malakas itong napadaing sa sakit.
Gumulong siya agad papalayo saka kumapit sa kalapit na puno upang kumuha ng suporta nang siya ay tumayo. Hinihingal siya't pilit na hinahabol ang paghinga habang binabantayan ang lalake na dumadaing sa natanggap na kuryente. Malalim siyang napahinga hanggang sa siya ay tuluyang nakabawi.
Inunahan na niya ang lalake at mula sa bulsa niya'y kinuha niya ang isang panyo at ito'y itinakip sa ilong ni Emil. Hindi rin naman nagtagal at nanlambot din ito at nawalan ng malay-tao matapos malanghap ang chloroform sa panyo.
▪ ▪ ▪
Dali-dali siyang umalis at lumayo sa kinalulugaran ni Emil nang matagumpay niyang naisagawa ang kaniyang ibinabalak. Tinakbo niya ang loob ng kakahuyan sa gabay ng tumatagos na liwanag ng buwan, kahit na nahihirapan sa suot-suot niyang sandalyas ay tiniis lamang niya ang sakit nito hanggang sa marating niya ang puno na minarkahan niya ng tumitingkad na kulay sa dilim.
Hinawi kaagad niya ang makapal na tambak ng mga tuyong dahon sa paanan ng puno hanggang sa lumitaw ang nakatago niyang itim na backpack sa mababaw na hukay sa lupa. Hinila niya ito palabas at saka inilapag sa lupa; mabilisan niyang binuksan ito at kinuha ang laman nito mula sa loob.
Dali-dali siyang nagpalit ng damit gamit ang nakahandang T-shirt at pantalon mula sa backpack. Pati ang sandalyas niya'y pinalitan niya rin at mula sa may takong ay ipinalit niya ang walang takong para sa mas kumportableng pagtakas.
Hindi rin nakaligtas ang peke niyang nunal sa ibabaw ng labi na kinuha niya mula sa isang bulaklak; pinahid niya ito paalis kasama ang makapal na pulbo at pulang-pula na lipstick na nilagay niya sa mukha. Ang wig naman niyang blonde ay kaniya ring hinubad, saka isinunod ang hairnet na nakabalot sa buhok niya.
Lahat ng kagamitan na ginamit niya ay isinilid niya sa backpack at saka ibinalik ito sa butas na pinagtaguan. Mula sa bulsa naman nito ay kinuha niya ang isang plastik na sisidlan at isang lighter. Agad niya itong binuksan at ibinuhos ang laman ng sisidlan na likido sa buong backpack niya at sinigurong nakalat ito ng maayos.
Nang maubos ang likido ay sinilaban niya ang sariling backpack gamit ang lighter. Naiwan lamang siyang nakatayo sa harapan nito habang pinapanood kung paano lamunin ng apoy ang kaniyang kagamitan. Sa puntong nasiguro niya na walang matitira sa gamit niya ay itinambak niya ang mga kumpol ng tuyong dahon sa paligid upang tumulong sa pagpapalakas ng apoy.
▪ ▪ ▪
Titig na titig si Nevada sa screen ng sariling smartphone habang hinihigop ang maligamgam niyang kape. Kasalukuyan niyang pinapanood ang naka-live na video ng channel ni Emil na ngayo'y nag-viral na dahil sa ginawa niya.
Wala pa ring umaaksyon tanda na wala pang nakakahalata na nawawala si Emil; tiyak na abalang-abala at lunod na lunod ang mga dumalo sa Wood Party sa kasiyahan na hindi na nila namalayan na nawawala na ang namamahala sa kasiyahan.
Gano'n pa rin ang sitwasyon ni Emil nang iwanan niya ito sa kakahuyan, maliban sa gising na ito ngayon at sumisigaw na ng tulong. Sa tulong ng flashlight na nakatutok sa hubo't-hubad niyang katawan ay kapansin-pansing wala na ang markang itim na tatsulok sa dibdib nito, ngunit, may preskong malaking tatsulok na marka naman sa buong tiyan niya na dulot ng sinadyang paghiwa sa kaniyang laman. Sa kabila ng dugong tumatagas ay halata pa rin ang linya ng hiwa, lalong-lalo na ang ekis na nakapatong sa malaking tatsulok.
Ito ay ang simbolo ng kaniyang pag-aalsa laban sa Black Triangle. Ang bigyan ito ng babala sa kaniyang susunod niyang mga plano sa mga miyembro nito at sa katotohanang uubusin niya sila alang-alang sa hustisyang gusto niyang makamit.
Hindi na siya nagtagal pa at itinigil na ang panonood sa video. Ipinagdasal na lang niya na sana'y mahahanap kaagad ito ng mga kaibigan niya nang sa gayon ay masalba pa ito sa kamatayan, kung hindi ay siguradong huling sandali na ito para kay Emil dulot ng pagkaubos ng dugo at ng impeksyon.
Kampante naman siya na walang maibibigay na pagkakakilanlan si Emil dahil pinainom niya ito ng rohypnol bago niya isinagawa ang plano. Natitiyak niyang walang maaalala ang lalake sa mga nangyari.
Saktong natapos naman siya sa pag-inom ng natitirang kape at itinabi na niya ito. Napasandal siya sa kaniyang kinauupuan at malalim na napabuntong-hininga saka napatitig sa labas ng tindahan.
"Kanina ka pa ba rito?"
Mula sa likod niya'y biglang lumitaw ang bulto ng lalakeng hinihintay niya kanina pa.
"Oo, mga sampung minuto na ang nakalipas." Sagot niya.
Pumwesto ang lalake sa harapan niya't inukupa nito ang bakanteng upuan, "Anong balita kay Emil?" Tanong nito.
"Pinagpiyestahan na ang libo-libo niyang subscribers sa Youtube ang katawan niyang duguan at hubad. Bukas na bukas kakalat na 'yon sa iba pang social media sites."
"May nakuha ka ba?"
"Wala, masyadong siyang mahirap kausapin. Napilitan akong palanghapin siya at iniwanan ko na rin itong tulog."
"Kariah, hindi pwedeng ganito. Pangalawa na si Emil at wala ka pa ring nakukuhang impormasyon tungkol sa mga magulang mo at sa gabing iyon," pahayag ng lalake na halatang hindi nagustuhan ang nangyari, "Baka mauuwi na 'to sa wala at ang masaklap pa ay baka mahuli ka nila."
"Buhay pa siya Steve at hindi pa 'yon mamamatay. Pwede ko pa siyang makausap sa susunod at kunan ng sagot." Giit niya.
"At ano na ang plano mo ngayon? Delikadong kumilos ngayon na mahahalatang iniisa-isa mo sila."
"Maghanap muna ng maliliit na sagot," aniya, "Pahiram ng laptop mo at ako na ang bahala."