Kabanata Siyam [2]: Dugo Para sa Dugo

12:00 am

TAHIMIK LAMANG SI TOBIAS habang nakapuwesto sa rooftop at nakadapang nakatingin sa kalapit na gusali upang magmasid. Gamit ang binoculars na pagmamay-ari ng babae ay masusi niyang inoobserbahan ang loob ng gusaling pinagmamanmanan sa nakalipas na minuto. Pero kahit 'di na niya inaalis ang tingin sa loob ng gusali ay wala talaga silang nakikitang galaw o panauhin man lang, abandonado na talaga. Ito ang pangalawang kusina ng Black Triangle sa syudad, ang inaasahan nila ay tadtad pa rin ito ng mga armadong kalalakihan, pero sadyang salungat ito sa kanilang inaakala.

"Negative 'Riah, wala talagang galaw." pahayag niya sa babaeng nasa kabilang linya ng tawag gamit ang bluetooth earpiece, nasa kalagitnaan na ito gusali at masusing sinuri ang paligid sa bakas ng sinasabing kusina.

"Hindi kaya nalaman na nila na rito na naman ako susugod?" nag-aalalang tanong ng babae na nangangamba sa sariling kaligtasan.

"Shit," mura ng lalake nang mapagtanto.

Agad namang napatigil si Kariah nang para siyang tinamaan ng kaba sa narinig na mura ng lalake, "Anong problema Tob?" tanong nito at hindi na kumilos pa.

"Nakita ko sina Marvin, kakalabas lang nila diyan mula sa emergency exit." pahayag ng lalake na napailing na lang, "Lumabas ka na, hindi ka ligtas na riyan."

"S-Sige," saad ng babae at dali-daling tumakbo papalayo.

"Aabangan kita sa labas, pababa na ako!"

Tanging tunog lamang ng bawat apak ng sapatos ni Kariah ang umaalingawngaw sa tahimik na gusali, ni isang kaluskos ay wala siyang naririnig at nakakabingi na ang katahimikan ngayong hating-gabi. Nawawalan na siya ng pag-asang magagawa pa niya ang kaniyang plano ngayong natunugan na nga siya't nakumpromiso ang lahat. Nasa kalagitnaan na siya ng buong gusali at habang tinatakbo niya ang daan na maraming nakaharang na mga mesa at upuan ay wala talaga siyang nakikitang bakas ng sinasabing dito raw pinoproseso ang droga kagaya no'ng sa convenience store, halatang nilinis na ito bago pa man sila nakarating. Nagtuloy-tuloy lamang siya sa pagtakbo hanggang sa isang kumikislap na pulang liwanag mula sa ibabaw ng mesa ang kumuha sa kaniyang pansin, saglit siyang napatingin sa paligid at tinignan kung wala bang nagmamasid o gumagalaw sa paligid, saka niya dali-daling nilapitan at inalam kung ano ito.

…12…11…10…

"Tobias, m-may bomba!" laking-gimbal niyang bulalas.

Konti na lang ang natitirang oras bago ang pagsabog, bilang na lang din ang kaniyang buhay. Sa takot niya ay dali-dali siyang kumaripas ng takbo papalayo at dinoble ang bilis nito; malalaki ang kaniyang hakbang habang humahangos sa kahirapan ng paghinga, hindi na siya lumingon pa at wala siyang ibang hinahangad sa oras na ito kung hindi ang marating ang pintuan ng gusali bago pa man mahuli ang lahat. Iilang metro pa ang kailangan niyang takbuhin at nauubusan na siya ng hangin sa lakas ng tibok ng sariling puso, pero napakagaan naman ng kaniyang katawan at mistulang may sariling buhay ang kaniyang mga paa na mabilis na tumatakbo.

KABADONG-KABADO SI TOBIAS nang tahakin niya ang hagdanan na gawa sa bakal sa labas ng gusali, maya't maya siyang napapatingin sa gawi ng abandonadong gusali na kinalulugaran ni Kariah at hindi na siya mapakali sa pangambang nadarama. Nais na niyang talunin ito patungo sa baba pero alam niyang mas mapapalala niya lang ang sitwasyon kung kaya't binilisan na lang niya ang pagbaba at nilalagpasan ang iilan sa mga hakbang upang makababa kaagad.

Hindi man siya sigurado pero malakas ang kutob niyang isa nga itong bitag ng Black Triangle lalo na't kitang-kita niyang kampante lang ang mga ito kanina nang magsilabasan sa fire exit ng gusali o ang tinatawag nilang kusina. Hanggang sa nakumpirma nga niya ito nang matagpuan ng babae ang bomba sa loob ng gusali. Para siyang tinamaan ng kidlat sa tindi ng takot na nadarama, bilang resulta nito ay 'di na siya nakatiis pa ang agad na tinalon ang huling linya ng hagdanan nang nasa pangalawang palapag na siya. Tinalon niya ito at sa isang kurap lang ay naramdaman na lang niya ang masamang paglapag sa sidewalk na nasundan ng pagkawala ng kaniyang balanse, kung kaya't upang agapan ito ay mabilis siyang gumulong nang sa gayon ay maibsan naman ang sakit na madarama niya sa paa.

"Tobias!" sigaw ng babae sa tawag nang saktong nakatayo na siya, base sa tono nito ay halatang nasa panganib na nga ang babae, kung kaya't dali-dali niyang sinugod ang gusaling kinalulugaran nito upang saklolohan.

Pero bago pa man siya makalapit ay tinangay siya ng malakas na puwersang kasabay lang ng matinding pagsabog. Tumalsik siya sa gitna ng kalsada at nahampas ang kaniyang ulo nang mahiga siya, sa kabila ng sakit na natamo at kirot sa buong katawan ay nasaksihan pa rin niya kung paano nilamon ng mala-halimaw na apoy ang buong gusali, bagay na ikinagimbal niya. Sa liwanag ng apoy ay nakita na lang niyang wala si Kariah sa labas ng gusali, bigla siyang nanlamig sa takot ng iniisip at kahit anong waksi niya ay mas matimbang talaga para sa kaniya ang katotohanang nasa loob pa rin ang babae.

Dali-dali siyang bumangon at tumakbo patungo sa gusali, malalaki ang kaniyang hakbang at wala na siyang ibang iniisip kung hindi si Kariah. Hanggang sa 'di inaasahang pagkakataon ay nagulantang na lang siya't napatigil nang makita ang kotseng biglang nabuhay sa isang sulok, isang itim na kotseng napakapamilyar para sa kaniya, at kahit nasa malayo ang kanilang distansya ay kitang-kita niya ang seryosong mukha ni Johan at Marvin na nasa driver's seat at shotgun seat na para bang may masamang binabalak. At sa isang kurap lang ay sandaling nawala sa kaniyang iniisip si Kariah nang biglang tumakbo ang sasakyan patungo ito sa kaniyang kinalulugaran, at ang mas nakakagimbal pa ay biglang dumungaw mula sa labas ng bintana si Marvin na may hawak-hawak na mahabang baril na nakatutok sa kaniya.

At bago pa man nito makalabit ang baril ay mabilis na siyang tumakbo papalayo upang maghanap ng harang, hanggang sa umalingawngaw ang putukan ng baril at sa kabutihang-palad ay nakapasok siya sa eskinitang sumalag sa umuulang bala, mula sa kaniyang kinalulugaran ay kitang-kita niya ang pagtalsik ng mga nadudurog na bato na natatamaan kung kaya't napayuko na lang siya at tinatantiya ang distansya ng sasakyan base sa ilaw ng sasakyan nito. Nanginginig siyang sumaldal sa malamig na pader at saka inalis ang magazine ng sariling baril, nang bilangin niya ang natitirang bala nito ay napailing na lang siya nang malamang may limang natitira na lang para sa kaniya.

Nang matigil ang putukan at narinig niyang papalapit na ang kotse ay agad niyang ikinasa ang sariling baril at saka mabilis na lumabas ng pinagtataguan, pero hindi niya nakalabit ang gatilyo nang magulat sa naabutan. Nakita na lang niya nawala nang kabuhay-buhay pa ang dalawang lalake sa loob ng kotse at nagkalat ang sariling dugo nito na kumakapit sa salamin ng kotse matapos tumalsik. Nalipat ang kaniyang tingin sa labas nito at nanindig ang kaniyang balahibo nang makita si Kariah roon na hindi niya halos maaninagan dahil sa nangingitim ang katawan nito sa alikabok; hinihingal ito habang nakahawak sa baril na nakatutok pa rin sa gawi ng mga lalake.