Kabanata Sampu [3]: Katapusan

"Tatlo na ang napabagsak!"

Pinaulanan na siya ng bala at todo-yuko lang siya upang 'di matamaan nito. Saglit naman siyang sumilip sa baba at laking-gimbal niya nang makitang nagsilabasan ang mga lalake at naglalakad na ito patungo sa kinalulugaran niya. Hindi rin naman siya tumunganga at nang matahimik ang paligid ay pinagbabaril niya rin ito pabalik bilang ganti, may natamaan naman siyang dalawa o tatlo pero napakarami pa rin ng natira at natitiyak niyang hindi magtatagal ay makakalapit na ang mga ito sa kaniyang kinalulugaran. Akmang gaganti na naman siya sa pagbaril nang sa 'di inaashang pagkakataon ay bigla siyang tinamaan sa kanang braso at muntikan na niyang mabitawan ang baril, malakas siyang napahiyaw sa daplis na natamo at agad na napaupo at hinihingal na napasandal, bagkus ay tiniis na lang niya ito at saka natatarantang nag-isip ng plano.

"Tinamaan na rin ang target, buhay o patay kailangan pa rin siya."

Dahil dito'y nakaisip siya ng nakasamang ideya na hindi niya alam o nasisiguro kung gagana ba, dahil kung papalya ay natitiyak niyang kamatayan talaga ang patutunguhan niya  bilang resulta. Dali-dali siyang humiga sa kalsada, sa tabi ng sasakyan at pinigilan ang paghinga kasabay ang pagpikit ng sariling mga mata. Kahit nakapikit ay ramdam niya ang presensya ng mga lalake na nasa paligid, pigil-hininga at kalmado niyang pinakiramdaman ito at saka naghintay ng tamang pagkakataon. Hanggang sa naramdaman niya rin ang malamig na kamay ng lalake sa kaniyang leeg na kinakapa ang kaniyang pulso, kung kaya't agad siyang napadilat at mahigpit na hinawakan ang kamay ng lalake sabay hila nito pabagsak upang siya'y madaganan.

At gaya ng inaasahan niya ay biglang nagpaulan ng bala ang iba buhat ng gulat tungo sa kaniya; ramdam niya mula sa ilalim ang puwersa ng bala na tumatama sa katawan ng lalakeng nakadagan o nagsilbing harang at proteksyon. Mahigpit ang kapit niya rito mula sa ilalim hanggang sa natigil ang putukan nang mapagtanto ng iba na hindi siya ang tinatamaan, kung kaya't ginamit kaagad niya ang pagkakataong ito at inilabas ang kanang kamay kahit na kumikirot ang kaniyang braso at habang yakap-yakap ang duguang bangkay ng lalake ay inisa-isa niya ang iba pang mga lalakeng nakapaligid sa kaniya. Nang magsibagsakan ito ay nasilid niyang may 'di siya natamaan at akma na itong gaganti, kung kaya't dali-dali niyang tinulak paalis ang katawan ng lalake bilang panharang at mabilis na gumulong papasok sa ilalim ng sasakyan upang sandaling magtago, at saka tuluyang gumulong patungo sa kabilang bahagi.

Pagtayo niya namataan kaagad niya si Tobias mula sa bintana ng ikalawang palapag na pinagbabaril ang mga lalakeng akmang susugod at nagtangkang bumaril sa kaniya, at dahil sa walang silencer ang baril nito ay umalingawngaw ang malakas na putok nito na umani ng mga atensyon mula sa nakarinig. Saglit lang naman niya itong tinapunan ng tingin at saka pinulot ang baril sa paanan ng isang bangkay bilang pamalit nang maubusan na siya, inasinta niya ang kalalakihang naaaninag sa loob ng madilim na palapag at sunod-sunod na nabasag ang bintana kasabay ang pagbulagta ng mga natamaan sa loob. Nang matahimik ang paligid ay agad siyang tumakbo papasok upang suyurin ng maigi ang palapag sa natitirang buhay, ngunit, nang sakto siyang nakaapak sa loob nito ay sinalubong siya ng suntok ng lalakeng nagtatago sa gilid ng pinto.

Hilong-hilo siyang napaatras at nabitawan niya ang hawak-hawak na baril dahil sa lakas, habang sapo-sapo ang pisnging tinamaan ay ininda niya lang ang sandaling pangingibabaw ng kirot nito at binatayan ng maigi ang kilos ng lalakeng kaharao. Sumuntok ulit ito pero mabilis naman siyang nakaiwas at nakayuko bago tamaan ng malaki at mabatong kamao nito, sa kaniyang pagyuko ay mabilis niyang hinugot ang patalim mula sa kaluban ng sariling kaliwang sapatos at sa kaniyang pagtayo ay buong-lakas niyang sinapak ito gamit ang kaliwang kamay kahit na may hawak na patalim.

Marahas niyang hinila ang kuwelyo nito at saka sinipa ang kanang tuhod ng lalake paatras, sa lakas nito ay naiyak na lang ang lalake sa sakit lalo na't umikot o nabali ang sariling tuhod nito. Nahagip naman ng kaniyang tingin ang lalake mula sa loob na nakatutok na ang baril nito sa kaniyang gawi kung kaya't mabilis niyang hinila at hinarang sa harap ang lalakeng hawak pa rin niya na walang-tigil sa pagdaing ng natamo ng tuhod.

At sa isang kurap lang ay todo-pigil si Kariah sa 'di makontrol na puwersang dinudulot ng balang tumatama sa likod ng lalake na para bang sumasayaw, nang matahimik at matigil ang pagbaril ay agad niyang ibinagsak sa paanan ang nanlalanta at walang kabuhay-buhay na katawan nito at saka buong-lakas na hinagis ang kutsilyo patungo sa lalakeng balak pang mag-reload. Sapul naman ito sa leeg at diretsong humandusay sa sahig na nagpupumiglas, pero bago pa man ito bumagsak ay nabaril naman siya nito. At naramdaman na lang niya ang puwersang tumama sa kaniyang sikmura na para siyang tinadyakan, sa lakas nito ay napaatras siya ng tatlong hakbang habang sapo-sapo ang bulletproof vest niyang tinamaan.

Ininda lamang niya ito at muling pinulot ang baril na nabitawan niya, saka sumugod siya papasok sa loob at binaril sa noo ang lalake naghihingalo't pilit na hinuhugot paalis ang patalim sa leeg. Ilang saglit pa ay narinig niya ang mabibigat na yabag pababa ng hagdanan kung kaya't itinutok niya sa gawi nito ang baril upang abangan ang sinumang paparating, pero sa kabila nito ay rinig na rinig naman niya ang sirena ng mga pulis nmula sa malayo na umalarma sa kaniya lalo na't paniguradong papalapit na ito. At iilang hakbang pa ay tuluyang tumambad sa paningin si Tobias na pawisan at balisa na rin, gaya niya ay nangangamba rin ito sa pulis pero kapansin-pansin ang duguan nitong hita na may isang linya ng hiwa.

"Wala nang natitira sa itaas, tara na at baka maabutan pa tayo ng mga pulis."

"Anong nangyari sa hita mo Tob'?" nag-aalala niyang tanong at dali-daling dinaluhan ang lalake upang akayin.

"Mababaw lang ito, ikaw anong nangyari sa braso mo?"

"Daplis lang 'yan."

At sabay nilang tinakbo ang daan palabas, patungo ang nakaabang na sasakyan sa tabing-kalsada na maaaring magagamit pa nga nila. Dali-dali silang sumampa at si Tobias na ang umukupa sa driver's seat upang magmaneho, at wala na silang pinatagal pa at agad na pinaharurot ang sasakyan papalayo. Ngunit hindi pa sila nakakalayo nang makita nila sa kaniya-kaniyang side mirror ang biglaang paglitaw mula sa kanto ng tatlong patrol car na halatang humahabol sa kanila; kumakalat sa paligid ang asul at pulang ilaw na nagmula sa bubong nito at ang sirena nito'y naghahatid ng kilabot sa kanilang dalawa sa pangambang maaabutan.

Nakapako ang tingin ni Kariah sa likod upang tantiyahin ang layo nito, hawak-hawak pa rin ang baril at nangangamba siyang magagamit niya ang armas ngayong mabilis ang pagpapatakbo ng mga pulis. Samantalang si Tobias naman ay panay sa pagtingin sa side mirror at mas binibilisan pa ang pagmamaneho nang makitang humahabol na nga ng mga pulis.

"Kontrolado 'yan ng Black Triangle, hindi tayo puwedeng mahuli." babala ni Tobias na natuon ang sariling atensyon sa pagtahak sa tahimik na kalsada ng madaling araw.

"Kung gano'n, kalaban ko na rin ito." Saad ni Kariah na nasa shotgun seat at mabilis na pinindot ang buton na nagpababa ng bintana na katabi.

Hawak-hawak ang baril ay tumayo kaagad siya at isinilid ang sariling katawan sa bintanang nakabukas, nanatili lamang ang kalahati niya sa loob habang nakaharap sa tatlong patrol car na iilang metro lamang ang layo mula sa kanila. Dinama niya ang malamig na simoy ng hangin ng madaling araw na bumabangga sa likod ng ulo niya at binalewala ang sariling buhok na humaharang sa paningin matapos matangay ng malakas na bugso ng hangin, bagkus ay natuon lang ang kaniyang atensyon sa pag-aasinta ng nangunang patrol car.