NANGINGINIG na ang tuhod ni Madison sa pagod. Matapos ang maigsing opening program nila ay napasabak agad sila sa paglakad. Noong una ay chill lang siya. Sabi sa kanya ay malapit lang naman ang pupuntahan nila sa mismong town - ang Barlig Rice Terraces lang, ang hot spring sa ibaba at ang waterfalls.
"Magpapahinga lang ako," sabi ng dalaga at sumalampak sa damuhan sa gilid ng trail. Pawis na pawis na siya sa kabila ng malamig na panahon.
"Nakakainis ka naman! Maiiwan na tayo ni Lerome," angal ni Arbie at pumadyak. "Tingnan mo nga. Tayo na ang nasa hulihan ng pila." At saka tinanaw ang isahang pila ng mga gustong reporters at local officials na patungo sa falls.
Maang niyang tiningnan ang kaibigan. "Mas inaalal mo pa talaga siya kaysa sa kalagayan ko. Kapag pinilit ko pang maglakad, bubuhatin na ninyo ako sa stretcher."
Hindi naman kasi biro ang nilalakad nila para sa tour nila. Tumawid sila sa pilapil ng rice terraces at ngayon ay nasa gitna na ng kagubatan. Nakakapaglakad naman siya kapag nasa Baguio pero hindi ganito katinding alay lakad. Magandang pagmasdan ang kapaligiran pero di biro ang kailangang pagdaanan para marating. Nakapag-cover naman siya ng malalayong lugar pero di ganito kalayo. Napasubo siya sa assignment na ito.
"Baka kasi gabihin na tayo, Madison," sabi ni Janz. "Anong oras na? Lahat sila madami nang shots pagdating natin. Hahanap pa ako ng magandang anggulo at baka konti lang ang oras natin don. Maglalakad pa tayo pabalik sa bayan. Dapat kasi si Reda Belle na lang ang isinama dito. Hindi pa masungit iyon."
Ibig-ibig nang hambalusin ng backpack niya ang mukha ng kasamahan. Kailangan talagang i-bring up pa ang reporter na gusto nito? Parang nananadya.
Pero naunawaan din niya kung saan nanggagaling ang mga ito lalo na si Janz. Mabigat ang equipment na dala nito. Pare-pareho na silang pagod at lahat ay gusto na lang gawin ang trabaho at magpahinga.
"Sige na. Ako na ang bahala kay Ma'am Madison. Susunod na lang kami."
Pumitlag siya nang makita na nakatayo si Mr. Dimples sa harap niya. Habang halos panawan na siya ng ulirat dahil sa pagod, isang anghel ang tingin niya dito nang mga oras na iyon. Habang gusto na siyang iwan ng iba, ito naman ang maiiwan sa tabi niya.
Nakarinig siya ng kaluskos at ang pagpapaalam ni Janz at Arbie. Pero wala na siyang pakialam dahil nakatunghay lang siya sa guwapong mukha ni Mr. Dimples. Kung alam lang niya na ito ang makakasama niya, kanina pa sana siya nagpagud-paguran. She felt like a giddy teenager. Sabay na-consciou siya sa itsura niya. She could imagine herself right now - magulo ang buhok, pawisan, hulas ang ganda at lupaypay sa damuhan. Hindi ito ang gusto niyang itsura kapag kasama niya ang lalaking gusto niya. Ito nga ang unang pagkakataon na nagsolo sila at pwedeng magkausap tapos ay below sea level ang ganda niya.
Hindi siya atat sa guwapo. Pero minsan lang ang moment na ito. Bigla niyang binuksan ang backpack niya at hinalughog ang loob. Nasaan na ang make up niya? Kailangan niyang simplehan ng retouch bago tuluyang harapin ang lalaking ito.
"Ano ang hinahanap mo?" tanong ni Mr. Dimples sa kanya.
"Yung ano... Yung..."
"Tubig? Pagkain? Gutom ka na ba?"
Huminga siya ng malalim. Paano niya sasabihin dito na kailangan niyang mag-retouch para maganda-ganda naman siya habang kasama ito? Mukha lang niya ang makikita nito sa mga sandaling iyon.
Nagulat siya nang ilabas nito sa bag ang isang litrong bote ng mineral water, nilagang saging na saba at Cloud 9 chocolate bar saka inalok sa kanya. "Heto, Ma'am. Mukhang naubos na ang tubig ninyo."
"Nainom ko na kanina."
"Heto pa. Kailangan ninyo na makabawi ng lakas."
"Salamat," usal niya at kinuha ang bote ng tubig.
Nakalimutan na niya ang pagpapaganda nang sunggaban ang bote ng tubig at tunggain. Uhaw na uhaw na siya. Saka na siya magre-retouch. Survival na ang pinag-uusapan dito. Bagamat sanay siya na kailangang maging maganda sa harap ng camera, aanhin naman ang ganda kung dehydrated na siya? Kailangan muna niyang mabuhay. Kinuha din niya ang saging at halos mapangalahati iyon sa isang kagat. Nang maubos na niya ang isang saging at namumuwalan siya ay saka niya nakita na nakatitig sa kanya si Mr. Dimples na parang amuse na amuse sa kanya.
Pumihit siya patalikod at saka tumungga ng tubig. Taragis! Epic fail na naman. Ano ba, Madison? Wala ka nang poise sa harap ni Mr. Dimples. Wasak na wasak ka na.
Bakit ba hindi siya sanay sa pagpapa-cute sa mga lalaki? Di naman kasi siya interesado dati. Sa trabaho niya, one of the boys siya. Kailangan niyang makipagsabayan sa mga lalaki. May pagka-siga pa siya minsan kapag sila-sila lang ng mga kasamahan. Di lang niya alam kung maa-appreciate ng gaya ni Mr. Dimples.
"Cowboy pala kayo, Ma'am."
"Huh?" usal niya at nilingon ang lalaki. Nakangiti ito sa kanya habang kumakain din ng saging na saba.
"Wala kasi kayong arte. Dalawa lang kayong babaeng kasama dito pero di ka natakot. Di rin kayo maselan sa pagkain."
Nakangiti ito. Ibig sabihin ay okay lang dito kahit wala na siyang alindog at wala siyang poise. Natawa siya. Wala naman pala siyang dapat na ipag-alala. "Wala iyon. Trabaho kasi. Pero di ako sanay sa mahabang lakaran. Pasensiya na. Nakakapaglakad din naman ako sa Baguio pero di ganito at di ganito kalayo."
"Naku, Ma'am. Nagsisimula pa lang tayo."
"Hindi ako nagrereklamo, just to be clear. Hindi lang ito ang inaasahan ko. Sa Sagada kasi convenient ang karamihan sa mga tourist spot na nai-cover ko. May mangilan-ngilan lang na kailangan ng mahabang lakaran."
Tumango-tango ang lalaki. "Alam ko malayo pa kami sa Sagada sa pagiging tourist destination, Ma'am. Ngayon pa lang kami nag-o-organize ng mga tour. Halos lahat ng destinations namin kailangang lakarin pero makikita naman ninyo kung gaano katahimik ang lugar namin at kung gaano kalinis. Kahit na malayo ang lakaran, mababawi naman po kapag nakita na ninyo ang pakay ninyo."
"Lahat ng destination ninyo ganoon ba?" tanong nito. "Hindi ba nakakapagod iyon sa inyo kung guide kayo?"
Nakangiti itong sumagot at uminom ng tubig. "Ma'am, naniniwala kasi ako na ang magagandang tourist destination dito sa Barlig ay parang babaeng sinusuyo. Kahit na ilang bundok pa ang akyatin o ilog na tawirin basta makita lang ang kagandahan. Kapag nakita mo na, mawawala na ang pagod mo."
Mukhang passionate ito sa trabaho nito o ipinagmamalaki nito ang lugar nito. Pero dahil nabanggit nito ang tungkol sa babae, di kaya in love ito ngayon?
"Sabi mo kanina single ka. Pero may nililigawan ka na?"
Tipid itong ngumiti. "Busy pa sa trabaho, Ma'am."
"Pero may gusto kang babae."
"Sa ngayon, gusto ko munang mag-focus sa trabaho, Ma'am. Full force pa kami sa tourism. Kailangan kong suportahan si Lerome."
"Ganoon?" nakataas ang kilay niyang tanong. Paano naman makakasingit ng love life si Mr. Dimples kung bad influence ang kaibigan nitong workaholic. Di man lang siya mabigyan ng chance. Itinukod niya ang siko at nangalumbaba. "Pero na-inlove ka na?"
Tumayo ito at may tinabas nabuho sa kabila ng trail. "Na-in love na rin."
"Anong nangyari?"
Nakita niya ang paglungkot sa mga mata nito. "Wala na iyon, Ma'am. Past is past. Saka matagal na iyon." Kinayas nito ang kahoy at saka inabot sa kanya. "Para sa inyo."
"Anong gagawin ko diyan?" Ipanghahampas ba niya sa babaeng nagdala ng lungkot nito?
"Pangtungkod ninyo, Ma'am. Mas magiging komportable ang paglakad ninyo kung may tungkod. Lumakad po tayo kapag handa na kayong umalis."
Gamit ang tungkod ay tumayo siya. "I am ready."
"Kayo ang bahala, Ma'am."
"Huwag na ma'am. Nakakatanda naman. Call me Madison."
"Madison." Inilahad nito ang kamay sa kanya. "I'm Jeyrick. At kung kailangan mo ang tulong ko o may gusto kang itanong tungkol sa Barlig, nandito lang ako."
Kinamayan niya ito. "Nice meeting you, Jeyrick."
Jeyrick. Pero parang mas gusto pa rin niya ang Mr. Dimples.