Ang Panauhin

Marahang dampi ng mga labi sa kanyang noo ang nanggising kay Lovan mula sa mahimbing na pagkakatulog.

Isang mahinang ungol ang kanyang pinakawalan kasabay ng isang inaantok pang ngiti nang idilat ang mga mata. Bumungad agad sa kanyang paningin ang walang kurap na titig ni Zigfred habang nakaupo sa gilid ng kama, nakatukod ang kamay sa kama at nakadukwang sa kanya.

Lumapad ang kanyang ngiti't nakipagtitigan ditong nakasuot na ng office suit, pinatungan iyon ng black coat.

Nang maalala ang nangyari kagabi ay bigla siyang nag-blush, hinila pataas ang kumot na muntik nang maglantad sa kanyang dibdib, ngunit hindi maalis ang mga titig sa nakangiti ring lalaki.

Dahan-dahan nitong hinawakan ang kanyang kamay at itinaas iyon, buong ingat na isinuot sa kanyang daliri ang singsing na pinili niya noon sa loob ng jewelry shop. Iyon din ang isinuot nito sa kanya nang ikinasal sila. Kung paanong napunta iyon sa huli ay hindi niya alam, basta ang pagkakatanda niya'y tinanggal niya iyon nang magising siya sa loob ng suite ng lalaki sa City Garden Hotel kinabukasan din pagkatapos ng kasal.

Pagkuwa'y hinalikan nito ang daliring may singsing.

"I hate to say this but I need to go," alanganin nitong saad, bakas sa mukhang napipilitan lang magpaalam.

Mabilis siyang tumango upang makaalis na ito agad. Kung magtatagal pa ito doon at ganoon kapungay ang mga mata habang nakatitig sa kanya'y baka biglang magbago ang isip, humirit na naman ito ng isa oang round. Ngayon pa lang, dama na niya ang sakit ng buong katawan at hapdi ng kanyang harap sa ilang beses nitong pangangalabit sa kanya kagabi.

Isa pang halik sa noo bago ito pilit na tumayo at mabilis ang mga hakbang na lumabas sa cabin.

Siya nama'y marahang bumangon ngunit nang maramdaman ang panginginig bigla ng mga hita ay muli siyang napahiga. Sa kabila ng sakit na nararamdaman ay napangiti pa rin siya nang maalala kung paano nilang pinagsaluhan ang masarap na palut-gata kagabi kahit na matagal nang tapos ang kanilang kasal. Pinasadahan niya ng tingin ang isinuot nitong singsing kanina. Ngayon niya lang napansin ang ganda ng kinang nito, dahil ba this time ay may halaga na ang bagay na 'yon sa kanya?

Mula sa malalim na pagmumuni-muni ay bigla siyang napabangon nang marinig ang mga katok sa pinto ng cabin. Pilit niyang ininda ang sakit ng katawan ngunit nang makatayo na sa gilid ng kama at makita ang mantsa ng dugo sa gamit na bedsheet ay bigla siyang natigilan.

Kung hindi muling kumatok ang nasa labas ng cabin ay hindi pa siya tatalima. Pulang-pula ang magkabilang pisnging tinanggal niya ang bedsheet upang itago ang palatandaan ng nangyari kagabi.

--------------

Friday...

Sa labas pa lang ng building ay makikita na ang preparasyong ginawa ng kompanya para sa welcome party na gaganapin sa pagdating ng CEO ng subsidiary company sa Dubai.

Ang dinig ni Lovan, isa itong meticulous na CEO, very attentive in every details na nakikita at naririnig. Kaya last week pa lang ay pinaghandaan na ng kompanya ang lahat. Kahit ang rooftop kung saan gaganapin ang party ay noong isang araw pa naka-decorate.

Lahat yata ng department excited sa pagdating ng CEO na 'yon. Kahit ang Arunzado Holdings Corporation ang parent company at subsidiary lang ang kompanya nito, dinig niyang malaki raw ang contribution ng CEO sa paglago ng korporasyon sa iba't ibang bansa.

Pero siya, heto, ilang minuto nang tinititigan ang ginagawa sa screen ng kanyang computer pero mukha ni Zigfred ang paulit-ulit na naka-rehistro roon; ang seductive smile nito, ang mapupungay na mga matang 'di halos kumurap katititig sa kanya, ang paraan ng pagtawag nito kagabi habang pinagsasaluhan nila ang pinakamasarap na putaheng noon lang niya natikman.

"Lovan! Lovan!" Parang busina ng ambulance ang paulit-ulit na tawag ni Crissy pagkapasok lang sa department nila.

Nang makalapit ay agad hinatak ang kanyang braso patayo.

"Ano ba, busy ako," reklamo niya, umirap agad sabay bawi ng kamay.

Para itong teenager, kilig na kilig, pumalakpak pa, bagay na ikinapagtaka ng mga naroon at nakiusyoso na rin.

"Bruha, ano ba'ng nangyayari sa'yo?" Gusto niyang matawa sa ginagawa nito.

"Andito na si Sir Zigfred, kasama 'yong CEO galing sa Dubai!" tili nito.

Bigla siyang nag-blush. Marinig niya lang ang pangalan ng lalaki'y para na siyang kinukuryente sa kilig.

"Lumabas tayo, Lovan. Naroon daw sila sa pasilyo kasama ang lahat ng mga big boss natin at iniikot ang buong building," yaya sa kanya, hinablot na uli ang kanyang braso.

Wala siyang nagawa kundi ang magpatianod na lang matapos damputin ang phone sa ibabaw ng kanyang mesa at isiniksik iyon sa bulsa ng suot niyang slacks.

Nagkatinginan naman ang mga kasama nila, nagsisunuran palabas.

Mabuti na lang at wala roon ang manager, kundi, lahat sila mapapagalitan 'pag nakitang tila sila highschool students na nagpakahilera sa gilid ng department habang inaantay ang pagdaan ng mga bigating boss kasama ang importanteng panauhin galing Dubai.

Nang mapansing gano'n din ang ginawa ng mga empleyado sa iba pang department sa floor nila ay napangiti na lang siya. Kahit paano'y hindi sila nag-iisa.

Biglang kumabog ang kanyang dibdib. Napahigpit naman ang kapit ni Crissy sa kamay niya nang marinig ang pagbati ng mga empleyado sa unahan nilang department.

Excited siyang makita si Zigfred. Ilang oras pa lang itong nawala sa kanyang paningin pero pakiramdam niya, ilang buwan na silang magkalayo.

"Gurl, andito na sila," kinikilig na bulong ni Crissy sa kanya.

Dalawang minuto ang dumaan, dinig na niya ang kalampag ng sapatos ng mga paparating. Napayuko siya, pigil ang excitement sa dibdib.

"Hmm...I've been to many countries lately as a businesman but Philippines is the most memorable one. Women here are very talented, soft-hearted and hospitable." Narinig niyang wika ng isang lalaki, fluent magsalita ng English. Tumawa ito pagkatapos sabihin iyon.

Isang malutong ding tawa ang pinakawalan ng pamilyar na boses ng ama ni Zigfred.

"I bet it's time to have a family of my own and look for a wife here. What do you think, Mr. Arunzado, Sir?" the stranger added and glanced at his companion.

"I agree with you, Mr. Al Zaabi. But it depends on your luck if you can catch a perfect one," pabirong saad ng Chairman, sinabayan pa ng tawa ang sinabi.

Natawa na rin uli ang bisita.

Huminga siya nang malalim upang pakalmahin ang sarili. Sa bawat kasi hakbang na ginagawa ng mga padating, nag-iiwan iyon ng kakaibang kabog sa kanyang dibdib.

Ngunit kung kelan padaan na sa tapat nila ang mga ito ay saka naman umalingawngaw ang malakas na tunog ng kanyang phone. Ayaw niya sana iyong sagutin ngunit siniko na siya Crissy sabay bitaw sa kanyang kamay.

"Sagutin mo na," utos sa kanya.

Napilitan siyang ilabas ang phone sa loob ng bulsa ng kanyang slacks at sinagot ang tawag.

"Halika sa opisina ko," maawtoridad na boses ng nasa kabilang linya.

Sandaling kumunot ang kanyang noo. Minsan lang niya nakausap ang ina ni Zigfred pero kilala niya agad ang boses nito. Bakit ito biglang tumawag?

Mabilis siyang tumalima sa kabila ng kabang nararamdaman. Nakasalubong niya sa pasilyo ang asawang walang emosyong mababanaag sa mukha habang naglalakad ngunit nang magtama ang kanilang paningin at makitang bahagya siyang yumukod ay biglang kumunot ang noo.

Dahil sa sari-saring iniisip sa kung ano ang pakay ng ina ni Zigfred ay hindi niya napansing nakatitig pala sa kanya ang bisitang CEO na galing sa Dubai, hindi napigilang mapahinto sa paglalakad at hinabol siya ng tingin.

Maging si Lenmark na nasa likod ni Zigfred ay napahinto rin sa paglalakad at nilingon na siya.

"Hmm...I think I've already found my future wife," makahulugang sambit ng bisitang binata.

Nagsalubong agad ang magkabilang kilay ni Zigfred, mariing tumikom ang bibig.

"She's mine!" malamig na saad at nagpatiuna nang naglakad palayo sa lugar na iyon.

Hindi agad nakasagot ang panauhin, nagtatanong ang mga matang bumaling sa chairman na nagpakawala ng isang tawa upang palisin ang tensyong biglang pumagitan sa dalawang lalaki.

"We have many beautiful ladies here, but let's focus on our annual meeting first," pakli ng chairman, iginiya na ang bisita at sumunod kay Zigfred.

Si Lovan naman na walang kaalam-alam sa nangyayari ay nanlalamig na ang mga kamay habang palabas ng elevator at binabagtas ang pasilyo papunta sa opisina ng ina ni Zigfred.

Humugot muna siya ng isang malalim na buntunghininga bago kumatok sa pinto at nang mapansing bukas iyon ay marahan siyang pumasok.

"Here she is, Mamshie."

Biglang bumigat ang kanyang dibdib pagkarinig lang sa boses na iyon.

Dahan-dahan siyang bumaling sa nagsalita at nang magtama ang kanilang paningin ay bigla siyang tila naging tuod sa kinatatayuan, halos lumuwa ang mga nata at ang laki ng pagkakabuka ng bibig sa pagkagimbal.