"N-nabuhay siya, anak. Patayin mo siya uli." Alexandra kept mumbling with fear while pointing at the true Lovan Claudio.
"Shut up!" The fake Lovan scrunched up her face and gave her mother that evil look.
"Can't you see that impostor's face? She just copied it from me!" She scowled.
Si Lovan nama'y nanatiling nakatayo sa tabi ng kama habang nagtatago sa kanyang likod si Francis na nagulat sa sigaw ng impostor na Lovan. Saka lang nagpakita ang lalaki nang tawagin ng asawa ngunit alanganin itong lumapit sa huli.
Takot ma'y hindi iyon naging dahilan para matuliro siya. Sinubukan pa rin niyang tanggalin ang tali ng mga kamay sa kanyang likuran hanggang sa wakas ay nagtagumpay siya ngunit hindi niya inaasahang susugurin siya ng impostor na Lovan at walang tigil na pinagsasampal. Muntik na tuloy niyang mailantad ang nakalaya niyang mga kamay, buti na lang at nahawakan niya nang mahigpit ang tali upang huwag malaglag sa sahig at hinayaang muli siyang masubsob sa ibabaw ng kama.
"You bitch! Ikaw ang dahilan kung bakit galit sa'kin si Zigfred! Dahil sa'yo, niyurakan nila ang pagkatao ko! Papatayin kitang impostor ka!" paghihiyaw nito sa panggigigil sa kanya.
Lalo lang namanhid ang kanyang mukha sa ginawa nito. Hindi nakuntento't sinabunutan ang kanyang buhok saka pilit siyang itinayo at muli sanang sasampalin nang makita sa sugatan niyang labi ang isang nakakainsultong ngiti.
"Hindi mo lang matanggap na kamukha mo pa ang minahal ni Zigfred," aniyang hindi inaalis ang nakakalokang ngiti habang walang kurap na nakatitig sa babae at pigil ang pangangatog ng mga tuhod.
"Hindi totoo 'yan! Ako si Lovan Claudio! Ang kaisa-isang babaeng minahal ni Zigfred at magmamay-ari ng kanyang kayamanan! Isa ka lang impostor na gustong nakawin sa akin ang lahat!" Nanlisik agad ang mga mata nito, pagkuwa'y buong lakas siyang sinuntok sa t'yan.
Parang papel siyang bumagsak sa sahig, namilipit sa sakit mula sa natamong suntok. Sa kabila ng kaniyang kalagayan, lalo siyang nagkaroon ng lakas ng loob na lumaban. Hindi niya hahayaang malagutan ng hininga sa kamay ng masasamang nilalang na katulad ng mga ito.
Hindi pa nahihimasmasan sa nag-uumapaw na pagkamuhi sa kanya, muli na naman siyang sinunggaban, buong higpit na hinawakan ang kanyang buhaghag nang buhok, ipinulupot iyon sa braso nito saka siya hinila patayo.
Nagsisigaw siya sa sakit.
Nakadungaw sa tila humahalakhak na mga mata ng kanyang madrasta ang sobrang tuwa sa nakikitang pagpapahirap sa kanya ng impostor na Lovan.
"Sige, anak. Saktan mo pa siya, at patayin pagkatapos," sulsol pa nito.
"Talagang papatayin ko ang pangit na impostor na 'to!" pasigaw na sagot ng babae't kinaladkad siya palapit sa may pinto habang siya'y parang sirenang pumipiglas ang mga paa dahil sa higpit na pagkakatali sa mga iyon.
Nang makitang hindi sumunod sa kanila si Francis palabas ng kwarto, sinamantala niya ang pagkakataong makatakas at buong lakas na itinulak palayo ang kanyang kalaban, gulat itong napatili at napaatras hanggang sa mawalan ng balanse't muntik nang mahulog sa hagdanan kung hindi nakakapit sa barandilya niyon.
Siya nama'y mabilis na kinalag ang tali sa kanyang mga paa at bago pa muling nakalapit sa kanya ang isa sa tatlo ay nakatayo na siya't kumaripas nang tumakbo pababa sa hagdanan ng malaking bahay na iyon subalit eksakto lang na nalampasan niya ang katatayo lang na impostor nang bigla niyang makita ang sarili sa murang edad na tumatakbo pababa din ng hagdanan habang ang kaniyang kadarating lang na papa ay nakahanda na ang nakadipang mga kamay upang yakapan siya nang mahigpit subalit hindi iyon nangyari dahil may biglang lumapit na ginang, kamukha ng kanyang madrasta, hinila ang kamay ng kanyang papa palayo sa kanya.
Naglahong bigla ang pangitaing iyon ngunit nag-iwan ng kakaibang impresyon sa kaniya ang nangyari.
Maang niyang pinagmasdan ang buong paligid. Pamilyar ang bahay na iyon, amoy pa lang ng salang naghihintay sa kaniyang pagpanoog sa ibaba. Kahit ang mga antique furniture na nasa paligid ay pamilyar din sa kaniya, walang ipinagbago ang bahay na iyon sa bahay na laman ng kaniyang mga panaginip noon.
Bigla ang pagpatak ng kaniyang mga luha habang pinipilit balikan ang alaalang napalis sa kanyang memorya.
Ito ang bahay nila noong nabubuhay pa ang kaniyang mama. Ito din ang bahay nila bago siya maaksidente. Hindi man niya matandaan lahat pero ramdam niyang may malaking koneksyon ang lugar na iyon sa kanyang nakaraan.
"Papatayin kita, hayup ka!" tili ng pamilyar na boses ang pumukaw sa naglalakbay niyang isip.
Nagsalubong agad ang kaniyang mga kilay sa narinig.
Kasabay ng paghawak sa barandilya ng hagdanan at paglingon niya sa may-ari ng boses na may hawak nang baril ay siya ring pagbulusok ng maraming alaala sa kaniyang utak.
Hindi kanyang mukha ang nakikita niya sa babae, kundi mukha ng kinakapatid... si Shavy!
Ito si Shavy! Ang anak ng kaniyang madrastang nabuhusan ng kumukulong mantika ang mukha nang tangkain nitong agawin sa kaniya ang chansi pagkarinig lang ng boses ng kanyang papa upang huwag malaman ng huli ang ginagawa ng mag-ina sa kaniya, sa huli'y lalong nagalit ang papa niya dahil sa nangyari.
Tila siya tuod na tulalang nakakapit lang sa barandilya habang nakatutok sa kaniya ang baril at sa likod ng babae ay ang nakangiti nitong ina at si Francis na nakangisi't pumapalakpak pa--tila tuluyan nang nabaliw.
"Subukan mong humakbang pababa at seseguraduhin ko sa'yong sasabog ang bungo mo!" banta nito sa nanlilisik na mga mata habang tiim-bagang na nakatitig sa kaniya.
Pero pinalis ng mga alaala ang takot sa kaniyang dibdib.
Siya si Lovan Claudio, ang kaisa-isang anak ng isa sa pinakamayamang tao sa buong ka-Bicol-an na si Marcus Claudio. Hindi ang tulad niya ang basta na lang magpapadala sa kahit na ano'ng banta!
"Hindi ka ba nagtataka kung bakit sa kabila ng ganda mo'y hindi ka minahal ni Zigfred?" kaswal niyang wika sa halip na magmakaawa rito na huwag siyang patayin dahilan upang magkaroon ng linya sa pagitan ng mga kilay ni Shavy sa sobrang pagtataka.
"Shut up you whore!" Tumatalsik ang laway nito sa galit nang agad na makabawi.
She smirked.
Nagsimula uling rumihestro sa mukha ng kaniyang madrasta ang takot hindi pa man siya nagsasalita.
"Dahil kahit gaano pa ka-perpekto ang pagkopya mo sa mukhang 'yan, hinding-hindi mo madadaya ang puso ni Zigfred!" pabalya niyang sambit, tiim-bagang na tumitig sa babaeng nanginig agad ang mga kamay at bumaling sa namumutlang ina.
"What is she talking about? Hindi ko kinppya ang mukha ko! Sabihin mo sa impostor na 'yan, Mommy. Akin ang mukha kong ito! Hindi ako nangopya ng mukha!" gigil na bulyahaw nito sa ina ngunit ang baril na hawak ay nanatiling nakatutok sa kanya.
Isang malutong na halakhak ang kanyang pinakawalan na lalong ikinapagtaka ng kanyang kausap.
"A--anak, s-sinabi ko na sa'yo. S-siya 'yan. A-ang anak ni Marcus," garalgal ang boses ng ginang habang nanginginig ang daliring nakaturo sa kanya.
Lalo lang nanlisik ang mga mata ni Shavy, ilang beses na pinaglipat-lipat ang paningin sa kanya at sa ina nito.
Pagkuwa'y mariing umiling. "That's impossible. Wala akong kilalang anak ni daddy maliban sa'kin! Ako lang ang nag-iisang anak ni Marcus Claudio!" giit nito, humigpit lalo ang hawak sa baril.
Hindi siya nagpahalatang umaras pababa ng hagdanan. Idi-distract niya si Shavy upang mawala sa kanya ang atensyon nito at bitiwan nang tuluyan ang hawak na baril.
Muli siyang tumawa nang malakas. "Baka nakalimutan mo nang nabuhusan ng kumukulong mantika ang 'yong mukha nang tangkain mong agawin sa'kin ang chansi para lang huwag kang mabuko ni papa na ginagawa mo akong alipin," pagpapaalala niya sa nang-uuyam na boses.
Namutla bigla ang mukha nito't napanganga sa pagkagimbal.
"O baka naman masyado kang natuwa sa ninakaw mong mukha at katauhan ko kaya nakalimutan mong isa ka lang dating sarat na Shavy at nanghihiram lang ng gamit ng iba," patuloy niya sa pagpapaalala sa kanilang nakaraan.
Napatili na ito sa takot, napaupo sa tiles na hagdanan kasabay ng pagbagsak ng baril.
"M--mommy, s--sabihin mong nananaginip lang ako. H-hindi mo narinig ang sinabi niya 'di ba?" she stammered while staring at her terrified mother.
"W-walang nakakaalam sa nangyari maliban sa'min ni--" Hindi na nito naituloy ang sasabihin at muli na namang tumili nang bumaling sa kanya, tila ba isa siyang multong nakalutang sa harapan nito.
Halos dalawang metro ang pagitan nila ngunit dinig niya ang malakas na kabog ng dibdib nito sa takot.
Wala sa sariling nahawakan nito ang paa ni Francis na panay ang palakpak sa likuran nito, parang batang tuwang-tuwa sa nagaganap.
Sinamantala niya ang pagkakataong nabitiwan ni Shavy ang baril.
Pumihit siya bigla patalikod sa tatlo at kumaripas ng takbo pababa sa hagdanan nang marinig niya ang boses ni Shavy.
"Barilin mo siya Francis. Papatayin niya ako 'pag hindi mo siya pinatay!" matigas nitong utos sa lalaki.
Parang tambol ang biglang pagkabog ng kanyang dibdib at hindi pa man siya tuluyang nakakababa ay umalingawngaw na ang nakabibinging putok ng baril.
Namanhid bigla ang kaniyang katawan kasabay ng pag-ikot ng kaniyang buong paligid.
Pero kasabay ng pagkahulog niya sa hagdanan ay parang dugong biglang rumagasa sa sariling utak ang mga alaalang sampung taong humiwalay sa kaniya hanggang sa pagkahulog sa bangin ng sasakyang kaniyang kinalululanan bago iyon sumabog...