Cindal

Sinikap ni Lovan na tumayo nang tuwid kasama ng sampung nagpakahilirang katulong sa loob ng suite ni Zigfred habang ilang beses na isa-isa silang sinipat ni Shavy maging ng kanyang byenang babae.

Kung paanong napasama siya sa ibang mga katulong na narito ay malaki ang naging kontribusyon ni Reign doon. Nalaman nitong naghahanap si Shavy ng tatlong katulong kaya't ipinakilala siya sa kaibigan ng may-ari sa isa sa mga agency na tinawagan ng ina ni Zigfred.

Isang linggo niyang pinag-aralang mabuti ang ugali ni Shavy at hinulaan kung ano ang klase ng katulong na gusto nito.

Kung tama ang bilang niya, limang beses na siyang sinisipat ng babae mula ulo hanggang paa, pagkuwa'y nagsasalubong ang kilay at umiiling.

Lalo tuloy lumalim ang galit niya rito ngunit hindi iyon ang dapat mangibabaw ngayon. Kailangang gumawa siya ng paraan upang mapasama siya sa tatlong mapipili nito.

"Ano'ng pangalann mo?" sa wakas ay tanong sa kanya nang muling huminto sa kanyang harapan.

"C-c--indal po, M-a'am." Sinadya niyang gawing pautal-utal ang boses nang sumagot.

Ngumiwi ang babae, pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa at huminto sa bahagya niyang nakaumbok na tiyan, pagkuwa'y muling tumitig sa kanyang mukha.

"Ayuko sa kan--" anito, nang biglang marinig ang pagbukas ng pinto ng suite dahilan upang agad itong mapaharap sa pumasok.

Inaasahan na niyang makikita roon si Zigfred ngunit ano't nanlamig pa rin ang kanyang mga kamay nang masulyapan ang haggard na mukha ng lalaki...tila ba hindi nakatulog sa loob ng isang buwan, halata ring hindi pa nag-aahit sa haba ng begote at balbas nito.

Biglang sumasal ang tibok ng kanyang puso nang masulyapan itong tumingin sa dako niya at huminto sa paglalakad.

"Sige ayan na lang, Mama," ani Shavy na nakaturo pa rin sa gawi niya ang daliri ngunit ang mukha ay nakaharap kay Zigfred.

"Ikaw, at ang dalawa sa dulo, maiiwan kayo rito. Ang iba, pwede na kayong umalis," utos ng byenang babae matapos siyang piliin kasama ng dalawa pa.

Lihim siyang nakahinga nang maluwang. Muntik na siyang hindi matanggap. Aminin man niya o hindi pero naging silent savior niya si Zigfred nang mga oras na iyon.

Lihim niyang sinulyapan ang lalaking pabagsak na naupo sa L-shaped sofa sa sala habang si Shavy naman ay tumabi rito't parang pugitang ipinulupot ang dalawang kamay sa leeg nito. Pero nagulat siya nang sa halip na lambingin ito ng lalaki ay sa kanya palihim na sumulyap, nagtama ang kanilang mga mata. Agad siyang nagbaba ng tingin. Namukhaan kaya siya ng huli? Huwag naman sana.

"Ano'ng pangalan mo?" usisa ng ginang sa unang napili ni Shavy bilang katulong.

"Liela po, Senyora," magalang na sagot ng trenta anyos na yatang babae.

"Ako naman po si Aida," sabad ng katabi niya hindi pa man tinatanong ng amo.

"Ikaw ang magiging personal maid ni Lovan," anang byenang babae rito.

Bumakas ang pagsalungat sa kanyang mukha. Hindi maaari! Siya ang dapat maging personal maid ni Shavy upang malaman niya kung sino ang mga taong nakakausap nito. Sa ganoong paraan, madali niyang malalaman kung sino ang mga taong kasabwat pa ng babae sa ginawa ng mga ito sa kanyang pamilya.

Pero kung ipapahalata niya ang nararamdaman, baka maghinala ang kanyang byenan kaya minabuti niyang tumahimik na lang.

"At ikaw naman, ano ang pangalan mo?" usisa nito sa kanya.

Kunwa'y nahihiya siyang sumulyap dito. "C-c-indal po, Ma-am," sagot niya nang pautal.

"Ikaw ang maglilinis ng buong suite. Seguraduhin mong walang maiiwang dumi lalo na sa kwarto ni Zigfred at ayaw ng anak kong naaalikabukan ang kanyang bedroom," mariing utos ng kanyang byenang babae.

"O--po, Ma--am," masunurin niyang tugon.

Kumunot ang noo nito. "Ganyan ka ba talaga magsalita?" curious na tanong sa kanya.

Dalawang beses siyang tumango at ipinakita ang may pangil na ngipin nang ngumiti.

Narindi ang ginang at mabilis siyang itinaboy upang ipalinis ang kwarto ni Zigfred.

Gusto niyang magreklamo. Wala sa plano niyang maging katulong sa bahay na 'yon pero wala siyang choice kundi gawin iyon.

-----------

Gabi na nang matapos niyang linisin ang buong suite. Dahil hindi makalapit kay Shavy, pinagkasya niya ang sarili na alamin kung may mga hidden camera sa buong suite ngunit wala. Alam naman niyang hindi talaga 'yon palalagyan ni Zigfred kaya't kung sakaling may makita siya roo'y seguradong gawa 'yon ni Shavy.

"Cindal, malalim na ang gabi ah. Halika na, magpahinga na tayo," tawag ni Liela sa kanya nang makita siya nitong nagpupunas pa rin sa ibabaw ng center table sa sala.

Mula nang makita niya sina Zigfred at Shavy na pumasok sa silid ng lalaki kaninang hapon ay hindi pa rin lumalabas ang mga 'to. Kanina pa niya gustong mag-alburuto sa inis. Bago siya magpunta rito, inihanda na niya ang sarili sa kung anuman ang pwedeng makita sa dalawa.

Hindi alam ni Zigfred na si Shavy ang kasama nito sa bahay na 'yon kaya natural na may mangyari sa dalawa lalo na at kanina pa ang mga ito sa loob ng kwarto.

Wala sa sariling naihagis niya ang hawak na basahan sa ibabaw ng sofa at padabog na nagmartsa papasok sa kwarto nila ng katulog, ang silid na inukupahan nila noon ng kanyang ama.

Nagtataka namang sumunod sa kanya si Liela.

"Hayyy, nakakapagod. Buong araw akong pinag-ayos ni Senyorita Lovan sa mga gamit niya," reklamo ng kapapasok lang na si Aida sa loob ng kwarto nilang tatlo.

Kunwari ay pinagpag niya ang ibabaw ng kama ngunit naghihintay sa sasabihin pa nito.

"Ang alam ko, ilang buwan lang silang ikinasal. Mabuti at hindi ka pinaalis sa silid no'ng maglabing-labing sila, ayeehehe!" kinikilig na sabat ni Liela nang hindi na magsalita pa si Aida. Sa punto nito kapag nagsasalita'y halatang isa itong Illongo. May Illongo siyang katrabaho noon kaya alam niya ang punto ng mga taga-Iloilo.

Umismid ang personal maid ni Shavy.

"Ano'ng labing-labing eh wala naman sa kwarto 'yong amo nating lalaki, naroon sa mini-library daw. Hanggang ngayon, ando'n pa rin," sagot ni Aida.

Lihim na nagdiwang ang kanyang puso, gumaan din sa wakas ang pakiramdam. Ngayon lang niya naalalang, may mga lihim na pintuan pala ang kwartong iyon ni Zigfred.

Tila hapong-hapong ibinagsak ng babae ang katawan sa ibabaw ng malambot na kama.

Siya nama'y tinapos ang ginagawa at nagpaalam na kukuha muna ng tubig sa kusina.

Naiwang nag-uusap ang dalawa at wala pa atang balak na magsitulog.

Sa halip na magtungo sa kusina ay nagtungo siya sa sala at pinatay ang ilaw sa buong paligid upang mabilis niyang makita kung meron mang nakalagay na hidden camera sa paligid.

Nagulat siya nang makita ang kumikislap na munting liwanag sa taas ng chandelier.

Tama nga ang hula niyang may inilagay na hidden camera si Shavy. Hindi lang isa, meron din kahit sa may pinto ng suite upang malaman kung sino ang naglalabas-masok doon.

Pagkatapos masaulo ang kinaroroonan ng mga hidden camera ay muli niyang binuksan ang ilaw sa sala, saka nagtungo sa loob ng kusina at ganoon din ang kanyang ginawa.

"Why? Are you afraid there are hidden cameras in here too?"

Muntik na siyang mapalundag sa takot nang magsalita ang baritonong boses na 'yon sa kanyang likuran.

Kasabay ng pagbukas ng ilaw ay siya ring pagkabig ng lalaki sa kanyang beywang.

'Zigfred!'