Ang Paghihirap ng Damdamin

Mula nang mangyari ang insidenteng iyon sa party, hindi na nakatulog nang maayos si Lovan. Madalas niyang sinusulyapan nang palihim si Zigfred kung naghihinala ba ito sa kanyang siya ang nakita nito sa party pero dedma lang ito.

"Cindal, pahiram muna ako ng vacuum nang malinis ko na itong kwarto nina Senyorita Lovan!" tawag ni Aida habang humahaba ang leeg sa pagtanaw sa kanyang naglilinis sa may sala.

Hila ang hinihinging vacuum ay lumapit siya sa katulong at ibinigay iyon.

Eksakto namang narinig niya ang doorbell sa may pinto ng suite kaya siya na ang nagkusang pagbuksan kung sino man ang nasa labas.

Nagtaka pa siya nang makita si Zigfred na nakahawak sa may pinto habang ang isang kamay ay nakasampa sa balikat ni Leila na nagsusumigaw sa mukha ang hirap na nararamdaman habang napipilitang alalayan ang amo.

Nakasuot lang ang lalaki ng puting polo shirt at pantaong maong. Hindi ba ito pumasok sa trabaho?

Tatalikod na sana siya nang mapansing lasing ang lalaki, kunwari ay wala siyang nakita pero sa malas ay nasulyapan siya ni Leila.

"Pumarine ka nga, Cindal at ika'y tumulong rine. Pagkabigat nitong si Senyorito Zigfred eh," tawag nito sa kanya, halos 'di maihakbang ang mga paa pasulong at muntik-muntikan nang mabuwal kasama ang lasing na lalaki.

Alanganin siyang lumapit. Sa kasamaang palad ay pumiglas si Zigfred at itinulak si Leila. Pasuray-suray itong naglakad palapit sa kanya.

At nang makalapit ay ano't bigla na lang itong nabuwal at muntik nang bumagsak kung hindi agad niya naipulupot ang mga kamay sa beywang nito.

"Ambigat mo!" Hindi niya mapigilang magreklamo. Lahat yata ng bigat ng asawa at nasa katawan na niya, ano mang oras ay pwede silang mabuwal kung tatangkain nitong pumiglas.

Naramdaman niya ang paglapat ng palad ni Zigfred sa kanyang likod kasabay ang pagtukod ng mukha nito sa kanyang balikat. Natigilan siya nang iharap nito ang mukha sa kanyang leeg at lumapat ang bibig sa kanyang balat.

"Uhm..." mahina nitong ungol.

Hindi niya napigilan ang mapasinghap dulot ng sensasyong nanalaytay sa kanyang kalamanan nang maramdaman ang mainit na mga labi ni Zigfred sa kanyang leeg. Mabilis niyang iniyuko ang ulo upang hindi makita ni Leila ang pamumula ng kanyang mga pisngi. Kunwari ay hindi na niya ito kayang buhatin kaya bahagya niyang itinulak subalit siya naman nitong pagyakap nang mahigpit sa kanya na lalo niyang ikinagulat. Ngunit ang mukha ay nakahalik pa rin sa kanyang leeg.

"Ala eh, kaya mo ba'ng dalhin siya sa kaniyang silid?" Tarantang tanong ni Leila sa kanya.

Napilitan siyang tumango at paisa-isang hakbang na pumasok sa kwarto nito hanggang sa wakas ay naihiga niya sa ibabaw ng kama.

"Aba! Ano'ng nangyari?" gulat na salubong ni Aida kanila.

"Aba'y akala ko'y kung sino lang nagdo-door bell! Si Senyorito pala, lasing at muntik nang matumba sa pintuan kung hindi ko agad naalalayan," nanlalaki pa ang mga matang kwento ni Leila sabay muwestra kung ano'ng ginawa niya sa amo.

Ngunit naudlot ang kwento nito nang bigla na lang bumangon si Zigfred at sumuka malapit sa kinatatayuan niya. Napaatras siya sa pagkagulat sabay baling ditong muli nang nahiga sa kama.

"Cindal, maglagay ka ng maligamgam na tubig sa plangganita at dalhin mo rito," Utos ni Leila.

Tumalima naman siya at nagtungo sa kusina. Doon pa lang naririnig na niya ang sigaw ni Zigfred na tila galit na galit kaya't plangganita lang ang kanyang nadala pabalik sa kwarto.

Naabutan niyang nagpapaligsahang humikbi ang dalawang katulong habang nagpakayuko. Si Zigfred ay nakaupo at nakatukod ang dalawang braso sa kama, nagtataas-baba ang dibdib sa galit habang nakatingin sa dalawa.

"Get lost! Get lost!" sigaw sa dalawa sabay turo nakabukas na pinto.

Nahintakutang nagtakbuhan ang dalawa palabas sana ng silid nang makita siya sa may pinto.

"Ano'ng nangyari?" salubong niya sa mga ito.

"Ikaw na ang bahala sa kanya, Cindal. Ako na lang ang gagawa sa trabaho mo," namumutlang hiyaw ni Aida habang tumatakbo palabas ng kwarto.

"Ha? P-pero--"

Hindi na siya makaangal lalo nang tawagin siya ni Zigfred.

"You! Close the door and come here!" pabulyaw nitong utos.

Alanganin siyang sumunod. Mula nang magsanga ang landas nila ng lalki, lagi na itong maawtoridad kung magsalita. Hindi na siya magtataka kung ganito ang asal nito ngayon.

Pero naninibago pa rin siya, lalo na't hindi nito alam na siya ang tunay nitong asawa.

Dahan-dahan siyang lumapit hanggang sa dalawang hakbang na lang ang pagitan nilang dalawa.

Dinig niya pa rin ang pagtataas-baba ng dibdib nito, patunay na galit ito.

Muntik na siyang mapahiyaw nang walang anuman nitong hinawakan ang kanyang braso at kinabig siya palapit. Kung hindi niya naitukod ang kamay sa ibabaw ng kama, malamang ay nagdikit na ang kanilang mga mukha sa lapit nila sa isa't isa.

Nagsimulang makipagsabayan sa pagririgudon ang kanyang dibdib, idagdag pang nalalanghap niya ang amoy alak nitong hininga na ewan ba kung bakit nagbibigay sa kanya ng kakaibang sensasyon.

"Who are you?" Mahina lang ngunit ramdam niya sa boses nito ang tinitimping galit.

"S-sir--" Hindi niya maibukas na mabuti ang bibig sa magkahalong kaba at pagkaliyo.

Humigpit ang hawak nito sa kanyang braso, lalo siyang kinabahan. Subalit maya-maya lang ay napasinghap ito na ikinapagtaka niya, pagkuwa'y suminghot.

Hindi niya napigilan ang sarili't napatitig sa mga mata nito.

"You're so cruel," anitong tiim-bagang na mariing nakatitig din sa kanya ngunit halatang pinipigilan lang ang pagpatak ng luha.

Napayuko siya. Hindi niya kayang tapatan ang nanunumbat nitong mga titig na wari bang alam nito ang lumalabas sa sariling bibig, na alam nito ang ipinapakitang damdamin.

"S-sir. L-lasing po kayo. K-kukuha akong tubig para mapunas--" pakli niya at babawiin na sana ang sariling braso nang lalo pa nitong higpitan ang hawak niyon.

"Do you even know what I had gone through these days? Do you know what I have sacrificed? Huh?" Pumiyok ang boses nito.

Hindi niya alam kung bakit bumabaon sa puso niya ang sinabi nito na tila ba sinusumbatan siya sa mga kasalanan niya gayong wala siyang alam sa kung ano man ang ibig nitong sabihin. Alam niyang dahil lang 'yon sa kalasingan nito kaya kung ano-anong lumalabas sa bibig nito, pero bakit nasasaktan pa rin siya? Heto nga't kusang tumutulo ang luha niya na tila ba ramdam niya ang sakit at pagtitiis na nararamdaman nito.

Paano itong nasasaktan? Paano itong nagtitiis samantalang kasama nito ang impostor na si Shavy at kapiling nito gabi-gabi?