"Ipagbabawal ko sa'yo ang madalas na pag-inom ng alak nang hindi lumala ang ulcer mo," payo ng babaeng doktor kay Zigfred habang naglalakad sila sa pasilyo ng malaking ospital na 'yon sa Monumento.
Mula nang pumasok sila sa loob ng ospital, hindi na inalis ni Zigfred ang pagkakaakbay sa kanya. Hindi rin siya naglakas ng loob na tapikin ang kamay nito at baka magalit, mapahiya pa siya kay Jildon at sa kasama nilang doktora.
Bumaling ang doktora sa kanya, sabay ngiti.
"O, Mrs. Namumutla ka. May sakit ka ba?" puna nito saka sumabay sa kanya sa paglalakad.
Nag-blush siya agad. Napagkamalan pa siyang asawa ni Zigfred. Sabagay, totoo naman.
"N-naku, hindi po!" mabilis niyang sagot at nahihiyang ngumiti rito.
Pasimple nitong hinawakan ang kanyang kamay saka siya pinulsuhan.
"Umiinom ka ba ng gamot?" tanong na uli.
Kinakabahan niyang binawi ang kamay. Baka malaman nitong nagmi-maintain siya ng gamot dahil sa natamong sugat sa balikat noon, idagdag pa ang maintenance niya sa kanyang pagpapa-plastic surgery.
"H-hindi po," pagsisinungaling niya.
Eksakto namang lumiko ito pakanan sa pasilyo, sumunod lang silang tatlo hanggang sa wakas ay pumasok ang doktora sa isang maluwang na clinic.
Tila alam na alam ang ginagawa, itinuro nito ang isang mahabang bench sa tapat ng work table at dumeretso sa harap ng mesa, binuksan ang drawer niyon at may kinuhang isang banig ng gamot, saka ibinigay kay Zigfred.
"Here, ipainom mo ito sa asawa mo," baling kay Zigfred na tulad niya'y nanatili lang nakatayo paharap sa doktora.
Si Jildon ang hindi nakatiis at tila pagod na umupo sa mahabang bench.
"N-naku, hindi ko po kailangan 'yan, doktora," mariin niyang tanggi sabay iling, duon lang naglakas ng loob na tapikin ang kamay ni Zigfred na nakaakbay sa kanya.
Subalit, parang walang nangyari at pasimple na uli siyang inakbayan ng lalaki.
"Trust me, iha. Kaya ka nahihilo minsan kasi kulang ka sa dugo. Don't worry, vitamins lang 'yan para maagapan ang pagiging anemic mo. At payo ko sa'yo, huwag ka muna uminom ng ibang gamot, maliban sa vitamins," mahabang litanya ng mangagamot sabay turo sa pinto upang paalisin na sila.
Matapos yumukod ang doktor at matamis na ngumiti kay Zigfred ay parang masunuring bata ang huli, hawak siya sa balikat ay basta na lang din tumalikod at isinama siyang lumabas ng clinic.
Tahimik lang na nakasunod si Jildon sa kanila.
Siya nama'y naguguluhan pa rin kung papaanong nalaman ng doktorang nahihilo siya minsan at kulang siya sa dugo. Kahit si Reign ay walang napapansing gano'n sa kanya. At paano nito nalamang may iniinom siyang gamot? Halata ba 'yon sa mukha niya kaya nito nasabing namumutla siya?
--------
Tulad ng sinabi ni Zigfred, nag-grocery nga sila, punung-puno ang compartment ng kotse sa dami ng mga pinamili nila lalo na ang mga prutas at gulay.
Nang papasok na sa hotel ay saka lang inalis ng lalaki ang kamay mula sa pagkakaakbay sa kanya. At nang naroon na sila sa harap ng suite ay saka lang din ito bumaling sa kanya.
"Get inside," malamig na utos. Iyon lang at nagpatiuna na itong naglakad palayo. Sumunod lang din si Jildon.
Siya nama'y nag-doorbell muna sa suite. Nang makitang nakaliko na ang dalawa sa pasilyo ay hinubad niya ang jacket ni Leila pati ang uniform na damit pangkatulong at muling pumasok sa kabubukas lang ding elevator. Pupuntahan niya si Reign. Aalamin niya mismo rito ang update sa clue nila sa mga kasabwat ni Shavy.
Pagkarating lang niya sa clinic ay ipinakita agad ni Reign ang isang newspaper kung saan naglalaman ng brand name na 'El Cosmetica'. Ayon sa pahayagan, matagal na naka-banned ang kompanyang iyon sa pinas dahil napatunayang gumagamit iyon ng fetus at totoong balat ng tao upang maging ingredient sa mga beauty products nila.
"Pero bakit noong buhay pa si mommy ay ang brand na iyan pa rin ang gamit niya gayong matagal na pala iyong banned dito?" takang baling niya kay Reign na lito ring nakaupo sa gilid ng laboratory table.
Tumahimik ito at nag-isip, maya-maya'y pumilantik.
"Naalala mo ang pinuntahan nating birthday party?" baling na uli sa kanya.
"Oo, bakit? Doon ko rin nakita ang lalaking sinasabi ko sa'yong napagkamalan akong si mama," sagot niya, puno ng curiousity ang mukha.
Tumayo ang lalaki at lumapit sa computer nito, umupo sa swivel chair at may ilang minutong nag-research hanggang sa huminto sa ginagawa.
Siya nama'y inaliw ang sarili sa pag-ikot ng tingin sa buong paligid at pupunta na sana sa kanugnog na kwarto pagkakitang bukas iyon, nang tawagin siya ni Reign.
"Look at this. Sabi rito na ang distributor ng 'El Cosmetica' dito sa pinas noong buhay pa ang mommy mo ay isang kilalang pamilya sa Sorsogon. Director Ignacio ang nakasaad rito pero hindi nakasulat kung ano ang eksaktong pangalan," paliwanag nito.
Lumapit siya sa pinsan, binasa ang article na binabasa nito. Tugma nga ang sinasabi nito sa nakalagay sa article.
"Director Ignacio..." paulit-ulit niyang sambit.
Bakit pamilyar sa kanya ang Apelyidong iyon? Parang may kilala siyang Ignacio ang surname, nakalimutan niya lang kung ano ang pangalan nito.
"Sa tingin mo ba, may kinalaman ang Direktor na 'yon sa pagkamatay ni mommy at ito rin ang lihim na kasabwat nina Shavy at ng ina niya sa pagpatay sa'kin?"
Huminga nang malalim si Reign sabay iling.
"Hindi ako segurado kung may koneksyon ang direktor na ito sa nangyari sa papa mo at kung ito rin ang kasabwat ng madrasta mo at kinakapatid. Pero malakas ang kutob ko na magkakilala ang mama mo at ang direktor Ignacio na 'to, at posibleng may kinalaman siya sa pagkamatay ng mama mo," anang pinsan, saka tumayo.
Sandaling katahimikan...
Ilang segundo niyang ini-absorb sa utak ang sinabi nito saka nagpatango-tango pagkuwan.
"Ilang minuto ka na rito. Baka nakauwi na si Shavy at mahalata niyang madalas kang umaalis ng suite. Hindi siya pwedeng magduda sa'yo. Kailangan mong makuha ang loob niya nang makakuha pa tayo ng panibagong clue kung sino ang kasbwat nilang mag-ina," paalala nito sa kanya.
Tama ang lalaki. Baka makahalata pa kahit si Zigfred.
"Pero ano ang koneksyon ng birthday party sa kaso ni mommy?" pahabol niyang usisa sa pinsan.
"Hindi mo naitatanong...halos lahat ng naroon ay mga doktor, specifically plastic surgeons. And they are elites from Sorsogon. Kaya seguro naroon ang sinasabi mong ginoo at napagkamalan kang si Tita Lara," sagot nito habang inio-off ang computer.
Natahimik siya, nag-isip nang malalim. Ibig sabihin, kung gusto niyang malaman ang nangyari sa pagkamatay ng ina niya, kailangan niyang kilalanin ang mga doktor sa Sorsogon noon na andito na sa Manila ngayon.
At sisimulan niya ang paghahanap kay Director Ignacio...