Ang Pagkamatay Ni Lara

"Lovan, isasama kita pauwi," basag ng nakatayong si Zigfred sa katahimikan nang sa halos limang oras na nakaalalay sa kanyang panay tulo ang luha habang nakaupo sa gilid ng kama hawak ang kamay ni Yaya Greta na nakaratay sa hospital bed. At nang tuluyang huminto sa paghagulhol ay tulala namang nakatitig lang sa kawalan.

Mugto ang mg matang tumingala siya rito, parang wala pa rin sa huwesyo. Subalit nang makita ang mukha nitong tila hapong-hapo at bakas ang pag-aalala sa kaniya ay doon lang siya natauhan. Namamaga din ang magkabila nitong pisngi dahil sa mga suntok na natamo mula kay Bruso Yllavinci, ang ama ni Shavy. Maging sa gilid ng labi nito ay tumigas na lang ang namuong dugo roon.

"Zigfred..." mahina niyang usal, nagbabanta na naman ang pagpatak ng luha sa mga mata.

Umupo ito sa tabi niya sabay yuko at pinisil ang mainit niyang palad na nakahawak sa kamay ni Yaya Greta.

"Maghahatinggabi na. Hindi ka pa nakakatulog simula nang dalhin natin si Yaya rito," puna nito, malamlam ang mg matang tumitig sa mugto niyang mg mata.

"Lovan, ako na muna ang magbabantay kay Ate Greta. Magpahing ka na muna," sabad ng kaniyang madrasta na nakaupo sa kabilang gilid ng kama at mugto rin ang mga mata sa ilang oras na pag-iyak.

Sandaling kumunot ang noo niya sa paraan ng pagtawag ng ginang sa kaniyang yaya, halatang matagal nang magkakilala ang mga ito.

"Bakit kayo magkasama ni Yaya kanina?" Mula nang mangyari ang insidente at madala roon si Yaya Greta ay noon lang siya nag-usisa sa madrasta.

Malungkot itong bumaling sa yaya at humugot ng isang malalim na buntunghininga.

"Matalik kaming magkaibigan noon. Parehas din kaming nurse sa isang kilalang clinic sa Sorsogon maraming taon na ang nakararaan. At doon din namin nakilala si Lara dahil fiancee ito ng may-ari ng clinic na pinagtatrabahuan namin," sagot nito, nagsimula nang magkwento.

Tahimik lang siyang nakinig. Si Zigfred nama'y bahagya siyang kinabig at hinawakan ang kaniyang magkabilang balikat upang ihilig sa katawan nito.

Habang siya nama'y agad naglakbay ang diwa upang sagutin ang mga katanungang gumugulo sa isip noon. Kung gano'n, ang kaniyang yaya nga ang Greta na tinutukoy nito noon. Pati ang sarili niyang ina ay kilala nito na labis niyang ikinatuwa.

"Naging matalik na magkaibigan sina Ate Greta at Lara. Lahat ng sekreto ni Lara ay sinasabi kay Ate, kahit ang relasyon ni Lara sa may-ari ng clinic. Ang alam ko, mahal na mahal ni Lara ang amo naming si Bruso Yllavinci. Subalit bigla na lang umugong ang bali-balitang isinumbong ni Lara si Doc Bruso sa isang FBI agent na nagbabakasyon lang sa Pinas," patuloy nito sa pagkuwkento ngunit bigla na lang ay pumiyok at namalisbis ang masaganang luha sa mga mata sabay pisil sa palad ng nakaratay na kaibigan.

Sila naman ni Zigfred ay mataman lang nakinig habang hindi inaalis ang paningin sa ginang.

"Tanghali noon at sabay kaming lumabas ni Ate Greta sa clinic para kumain sa malapit na fast-food. Pero nagulat na lang kami nang makita sa TV ang nasusunog na clinic kung saan kami nagtatrabaho at dinakip si Simon Ignacio na driver ng amo naming si Doc Bruso Yllavinci. Ang nagpadakip ay si Lara dahil nagpapanggap lang daw itong si Simon pero ang totoo ay ginaya lang nito ang mukha ng huli. Na patay na raw ang totoong Simon dahil ang driver daw ang unang saksi sa krimeng ginawa ng doktor." Habang patuloy sa pagkukwento ay bahagyang nangangatal ang mga labi nito na tila nanariwa sa isip nito ang nangyari noon at dala pa rin ang takot hanggang ngayon.

"Si S-simon ang matagal ko nang nobyo pero kahit minsan ay wala siyang sinasabi tungkol sa krimeng isiniwalat ni Lara." Humikbi ito, pagkuwa'y napaiyak na nang tuluyan.

Kahit na medyo nahilo nang biglang tumayo ay lumapit pa rin siya sa madrasta, umupo sa tabi at hinagod ang likod nito.

Si Zigfred nama'y sumunod sa kaniya, umupo rin sa kaniyang likuran at mahinang hinagod ang kaniyang likod.

"Inaamin kong nagalit ako kay Lara noon dahil alam kong ang dinakip ng mga pulis ay totoong si Simon. Kilala ko si Simon kahit nakatalikod ito. Pero nanindigan si Lara na ang amo namin iyong doktor. Pagkatapos noo'y hindi ko na nakita pa si Lara. Naglaho ring parang bula si Ate Greta. At si Simon ay nakalaya sa kulungan dahil napatunayang hindi ito nagpapanggap lang. Ito talaga si Simon."

"Pero bakit sinabi ng mommy ko na iyon ay ang finacee niya? Hindi sinungaling si mommy," usisa niya, halata sa boses na ipinagtatanggol niya ang namatay na niyang ina.

Umayos ng upo paharap sa kaniya ang madrasta, nagsusumigaw sa mukha at mga mata nito ang pagkalito.

"Hindi ko rin alam. Totoong mabuting tao si Lara. Katunayan ay humahanga ako sa kaniya bilang model noon dahil kahit mayaman siya at isang celebrity ay nakipagkaibigan pa rin siya sa amin ni Ate Greta. Pero pagkalipas ng maraming taon, nakita ko uli si Simon at hinhanap si Lara dahil may gusto raw siyang ipagtapat sa mommy mo. Kaya hinanap namin siya ngunit nagulat na lang ako nng makita namin siya sa harap ng isang grocery store sa Sorsogon, kasama ang isang dalagita. Noong una'y hindi ko siya nakilala kasi iba na ang mukh niya. Pero nang tawagin siya ni Simon, agad siyang napatingin sa amin," anito.

Wala sa sarili siyang napatayo nang manariwa sa alaala ang tagpong iyon. Naalala niya, noong araw bago nadala sa ospital ang kaniyang mommy, nag-grocery pa sila sa Sorsogon, tapos muntik na siyang masagasaan ng sasakyan pero agad siyang nahawakan ng ina. Tapos narinig niyang may tumawag sa pangalan nito. Sa kung ano'ng dahilan ay bigla na lang nanginig ang kamay ng mommy niya.

"Sinundan namin si Lara hanggang sa bahay na tinitirhan niya at kinausap siya ni Simon. Tanda ko pa, nakita kong may iniabot si Simon sa kaniya na syringe, pero hindi ko alam kung ano 'yon. Ang sabi sa'kin ni Simon, nagpa-plastic surgery daw si Lara at makakatulong daw ang laman ng syringe upang habambuhay siyang maging maganda at hindi tumanda ang mukha niya," patuloy lang sa pagkukwento ang madrasta ngunit hindi pansin ang pamumutla ng kaniyang mukha.

Nag-unahang kumawala ang kaniyang mga luha nang mapagtanto kung ano ang ikinamatay ng kaniyang mommy. Hindi iyon basta sakit lang. Dahil iyon sa laman ng syringe na itinusok sa ina.

"Ang laman ng syringe na iyon ang pumatay kay Mommy," kusang lumabas sa kaniyang bibig.

Gulat na napatayo ang kaniyang madrasta. Si Zigfred nama'y mabilis ring tumayo upang yakapin siya nang makita nitong umiiyak na naman siya.

"Ha? Imposible! Hindi magagawa ni Simon ang gano'ng bagay lalo na kay Lara!" malakas nitong sambit sabay harap sa kaniya ngunit mayamaya'y natahimik at tulalang napalingon kay Yaya Greta na tila patay na buhay na nakaratay sa bed.

"Ate, patawarin mo ako. Hindi ko alam na ako pala ang dahilan kung bakit namatay si Lara," sambit nito, pagkuwa'y muling bumaling sa kaniyang humahagulhol na sa mga bisig ni Zigfred.

"Lovan, hindi ko alam. Patawarin mo ako. Ang alam ko, si Simon ang kasama ko. Ako pala ang dahilan kung bakit namatay ang ina mo," sambulat nito at niyakap ang sarili habang impit na umiiyak.

Hindi malaman ni Zigfred kung sino ang aaluin sa kanilang dalawa ngunit sa huli'y inilahad nito ang kamay sa ginang at ang huli nama'y kusang lumapit sa kanila't niyakap siya sa likuran.

Nasa ganoon silang kalagayan nang biglang bumukas ang pinto at pumasok ang humahangos na si Jildon.

"Zigfred! Dude, nawawala si Senyor Marcus at nag-aagaw-buhay ang kaniyang nurse!" walang gatol nitong pagbabalita.