Sa talim ng titig ni Zigfred sa kaibigan ay napaatras ito, parang pagong na biglang umikli ang leeg at napayuko sa kaba. Ngunit hindi nakuntento't binatukan ito ng lalaki at itinulak palabas ng silid.
"Zigfred? Ano'ng sinasabi ni Jildon?" usisa niya nang makabalik ang asawa.
Inilang-hakbang lang nito ang pagitan nilang dalawa. Subalit bago ito tuluyang makalapit sa kaniya'y muling bumukas ang pinto ng silid, nagmamadaling pumasok si Shavy. Si Zigfred agad ang nakita at patakbong yumakap sa likuran ng lalaking hindi nakatinag sa kinatatayuan dahil sa pagkabigla.
"Tulungan mo ako, Zigfred! Ayukong makulong! Maniwala ka sa'kin. Nasa casino ako kahapon at buong araw ako roon. Pero bigla na lang akong dinakip ng mga pulis dahil sa pagtangka kong pagpatay kay Lovan Claudio at accomplice daw ako ni Bruso Yllavinci! Ikaw lang ang makapagpapatunay na ako si Lovan Claudio, Zigfred! At wala akong kilalang Bruso Yllavinci!" bulyahaw agad nito ng iyak habang nagkukwento't sobrang higpit ng yakap sa katawan ng huli.
Pakiramdam niya, biglang sinindihan ng posporo ang nag-init niyang katawan, lalo ang ulo. Anumang oras ay magliliyab na siya sa nadaramang galit para kay Shavy sa dami ng kasalanang ginawa nito sa kaniya. Ngunit ngayo'y nagagawa pang itanggi ang lahat gayong siya mismo ang nakakita rito kahapon na tumulong sa impostor na nagpanggap madrasta na madrasta niya. Dahil dito'y nakaratay ngayon sa ospital ang kaniyang Yaya Greta at hindi pa nagigising.
Tiim-bagang na pinilit niyang bumaba mula sa kama at eksakto namang pagalit na kinalas ni Zigfred ang mga kamay ni Shavy sa katawan nito saka pabalibag na itinulak ang babae dahilan upang muntik na itong mapasubsob sa carpeted na sahig kung hindi nakahawak sa gilid ng kama.
Pagtayo nito'y palad naman niya ang malakas na bumalandra sa kaliwa nitong pisngi.
Sa magkahalong gulat at takot sa nangyari'y wala itong nagawa kundi ang mapahiyaw sabay salat sa nasaktang pisngi.
Subalit nang makabawi ay nanlilisik ang mga matang bumaling sa kaniya.
"You bitch! Ba't mo ako sinampal, hayup ka!" singhal sa kaniya. Kahit sa itsurang tila hindi pa nakakapaghilamos mula kahapon at bughaghag din ang buhok na para bang sinabunutan ng sampung kalaban ay mangas pa rin itong sunigaw sa kaniya.
Kuyom ang mg kamaong muli siyang lumapit rito at walang anumang binigyan ito ng mag-asawa pang sampal. Mas malakas ang hiyaw na pinakawalan nito bago paupong bumagsak sa sahig.
Muli ay tila nag-aapoy ang mga mata nitong tumingala sa kaniya, para bang kakainin siya nang buhay.
"Hayup ka! Bakit narito kang patay-gutom ka? Bakit kasama mo ang asawa ko? Wala kang karapatang saktan ako nang ganito!" sigaw sa kaniya sa nanlilisik na mga mata.
"Ikaw ang hayup!" ganti niyang singhal at gigil na muli itong nilapitan upang sana ay muling sampalin at sabunutan sa sobra niyang galit kung hindi siya pinigilan ni Zigfred.
"Lovan, baka kung mapa'no ang baby natin," saway sa kaniya.
"Hindi! Papatayin ko ang impostor na 'yan, Zigfred! Pinatay ng pamilya niyan ang mommy ko at kinidnap ang papa ko. Pati mukha at katauhan ko, ninakaw niya! Ngayon, ako naman ang gaganti!"
Pilit siyang kumawala sa bisig ng asawa upang ibunton ang galit kay Shavy na noon ay hindi rin matatawaran ang panggigigil sa kaniya at galit pang mabilis na nakatayo.
"You whore! May relasyon pala kayo ng asawa ko?" akusa sa kaniya. "Zigfred, sabihin mo sa aking hindi mo kabit ang hampaslupang katulong na 'to!" naniningkit ang mga matang baling sa nakatalikod na si Zigfred. Hindi nakuntento't hinawakan sa braso ang lalaki't pilit na pinaharap rito. Ang lalaki nama'y hindi natinag sa kinatatayuan, mahigpit ang pagkakahawak sa kaniyang sikmura upang huwag siyang makahulagpos mula rito.
"Kabit?" Isang mapaklang tawa ang kaniyang pinakawalan.
"Titigan mo ako, animal ka! Ako ang ninakawan mo ng identity at itinapon sa dagat pagkatapos paulit-ulit na hiwain ng kutsilyo ang mukha! Ako ang totoong Lovan Claudio, demonyita ka!" pakilala niya nang pasigaw habang inaabot ang katawan nito at gustong sapakin ngunit ayaw siyang pakawalan ni Zigfred.
Natigagal sandali si Shavy, napaatras habang nanlalaki ang mga matang nakatitig sa kaniya.
Pagkuwa'y bigla na lang napahiyaw at panay ang iling habang nangangatal ang mga labi sa takot.
"Hindi totoo 'yan! Ako lang ang nag-iisang Lovan Claudio! Ako ang asawa ni Zigfred!" Sa kabila ng takot na nararamdaman ay nagawa pa rin nitong maggalit-galitan.
"In your dreams, you asshole!" Lalo lamang siyang nagwala sa narinig at buong lakas na binayo ang dibdib ni Zigfred upang pakawalan siya.
"Bitiwan mo ako! Papatayin ko ang kriminal na 'yan!" singhal niya sa asawang lalo lang atang lumakas at tumigas ang katawan ngunit hindi siya pinakawalan.
Eksakto namang dumating ang mga pulis at agad na pinusasan ang babaeng hindi nakatakas kahit panay ang sigaw at palag.
Doon lang bahagyang lumuwang ang pagkakahawak ni Zigfred sa kaniya. Dahil hindi pa rin humuhupa ang galit, sinamantala niya iyon at buong lakas na itinulak ang asawa saka patakbong nilapitan si Shavy.
Walang nakakilos sa kahit na sino sa mg pulis nang bigla na lang bumalandra sa mukha ng babae ang kaniyang nakakuyom na kamao dahilan upang umalingawngaw sa buong silid ang sigaw ni Shavy bago ito mawalan ng malay sa lakas ng suntok niya.
Napatingin lang ang mga pulis sa ama ni Zigfred nang makabawi. Isang kamot sa batok ang ginawa ng byenang lalaki saka pasimpleng sininyasan ang mga itong lumabas na sa lugar na iyon kasama ang wala nang malay na impostor.
Habang siya'y nagpupuyos pa rin sa galit na sasabunutan pa sana ang kalaban nang muling mahagip ng asawa ang kaniyang braso at kinabig na siya palapit dito, saka niyakap nang mahigpit.
"Tama na, Lovan. Baka makasama sa baby natin," saway na uli sa kaniya.
"Hayup siya! Mga hayup sila! Pinatay nila ang mommy ko! Mga mamamatay tao sila! Masunog na ang kaluluwa nila sa impyerno! Kapag may nangyaring masama kay papa, isinusumpa kong papatayin ko silang lahat!" paghihiyaw niya habang nagpupumiglas sa mga bisig ni Zigfred hanggang sa kumalma siya sa wakas at nagkasya na lang sa paghagulhol.
"Zigfred, ang papa ko. Iligtas mo ang papa ko, maawa ka," pakiusap niya mayamaya, pagkuwa'y yumakap na rin dito.
"I promise you. He will be safe, Lovan. Don't worry too much. Nag-deploy na si Papa ng maraming NBI agents at kapulisan para matunton si Bruso at Alexandra," pagbibigay ng assurance nito.
Saka lang siya tila nahimasmasan ng galit at nanghihinang nagpahiga sa kama. Mabilis namang kumilos ang doktor na kasama ng kanyang byenang lalaki at may kung ano'ng itinurok sa kaniya dahilan upang makatulog siya agad.