Palakad-lakad lamang ang isang estranghero nang marinig niya ang isang live broadcast.
"Kasalukuyan pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang serial killer na siyang kumitil sa humigit-kumulang pitumpung katao mula sa iba't ibang lugar. Isang misteryo pa rin kung ano man ang motibo nito sa mga naturang serial killings."
Matapos marinig ang pahayag ay unti-unting gumuhit ang isang nakakikilabot na ngiti mula sa kanyang mga labi.
Bahagyang tumigil ang reporter na tila may natanggap na anumang impormasyon mula sa kanyang earpiece.
"Pasintabi po, kapapasok lamang po ng balita. Kalunos-lunos ang sinapit ng mga bangkay na natagpuan sa isang park. Ang mga naturang bangkay ay hindi na lubusang makilala dahil kapwa mayroong mga hiwa sa leeg at pinagpuputol ang mga parte ng kanilang katawan. Nang rumesponde ang mga awtoridad ay may natagpuang isa pang nag-aagaw buhay mula sa grupo. Napag-alaman na isang gang ang grupong ito at ang naiwang buhay ay ang kanilang leader…" Hindi mabura-bura ang ngiti sa labi ng estranghero. Nagpatuloy siya sa paglakad habang nilalaro ang hawak niyang itak sa kanyang mga kamay.
Bandang alas otso na ng gabi nang dumating ang grupo nila Trevor para tumambay sa isang park. Isang lalaki na nakasuot ng itim na hoodie ang nakaupo at katabi ang isang bag sa isa sa mga benches.
"Hoy, ikaw! Anong ginagawa mo rito?" Unti-unting naglakad palapit si Trevor tungo sa estranghero.
"Aba, boss! Ang yabang n'yan ah! Sumagot ka kapag tinatanong ka!" ani Aron na isang miyembro nang hindi man lang ito natinag sa kanyang pwesto.
"Sandali, alam mo bang turf namin ito?" tanong ni Trevor ngunit nanatili silang walang nakuhang sagot mula sa lalaki.
"Bastos ka! Trespassing ka na nga sa teritoryo namin, hindi ka pa marunong rumespeto!" Dala ng inis at pagkapikon ni Ronald na isa pang miyembro ng gang ay dali-dali niyang nilapitan ang lalaki at sinuntok.
"Ano? Hindi ka pa rin magsasalita? Pipe ka ba?" nanggagalaiti pa ring asik ni Ronald.
"Tama na, Ronald. Bakit agad mong pinatulan?" saad ni Trevor matapos pigilan si Ronald sa akmang paninipa pa nito.
Nagulat na lamang sila nang biglang tumawa ang nakahandusay na estranghero at bahagyang iniangat ng lalaki ang kaniyang mukha. Nakita ng buong gang ang nakakikilabot na maskara ng lalaki na tila isang joker.
"Maskara? Joker? Nababaliw na talaga 'tong g*gong 'to. Bigyan ko pa ng isa," nanunuyang saad ni Ronald.
"Tigil na, pre. Hayaan na natin 'yang baliw na 'yan. Pag-usapan na lang natin yung underground fight bukas," ani Kevin na s'yang kanang kamay ni Trevor.
Akmang iiwan na ng grupo ang estranghero nang sinubukan na lamang nitong tumayo na agad namang napansin ni Ronald na mainit pa rin ang ulo.
"Ano? Gusto mo pa?" ani Ronald at akmang lalapit na sa lalaki.
"Ronald," ani Trevor sa isang nagbabantang boses.
Inabot ni Trevor ang kanyang kanang kamay sa lalaki upang tulungan itong tumayo.
Tinanggap naman ito ng lalaki ngunit laking gulat na lamang ni Trevor nang may mahabang bagay itong idiniin sa kanyang mga daliri. Nakaramdam ng sakit si Trevor at kasabay ng pagtulo ng malagkit na likido sa kanyang kamay ay ang pagkalaglag ng kaniyang mga daliri.
Agad na lumayo si Trevor mula sa lalaki at napasigaw sa sakit. Tuluyan nang tumayo ang lalaki at unti-unting nakita ng buong grupo ang dahilan ng pagkaputol ng daliri ng kanilang leader.
"Tan*ina! May itak siya! Saan niya galing 'yan?!" aligagang saad ni Kurt na isa pang miyembro.
Namayani ang isang nakakikilabot na halakhak mula sa lalaking may hawak na itak habang may dumadaloy na sariwang dugo mula rito. Unti-unting humakbang palapit kay Trevor ang lalaki. Hindi malaman ni Trevor ang gagawin ngunit sinubukan niya pa ring lumaban.
"Tumakbo na kayo!" sigaw ni Trevor at nagpakawala ng isang suntok ngunit agad itong natapatan ng lalaki gamit ang kanyang itak. Naputol na nang tuluyan ang kanang kamay ni Trevor.
Napaluhod na sa sakit si Trevor.
"Tumakbo na kayo! Papatayin tayong lahat ng baliw na 'yan!" nanghihinang saad ni Trevor.
Hindi nakinig ang mga miyembro. Inilabas nila ang mga gamit nilang baseball bats, mga tubo at may iba ring nagdadala ng kutsilyo.
"Pagbabayaran mo ang ginawa mo kay Trevor!"
Unang lumusob si Ronald na kanina pa pikon. Dala niya ang isang bat na gawa sa bakal.
Ipinalo ni Ronald ang kanyang baseball bat sa lalaki. Natamaan ito sa kanyang tagiliran kung kaya't napasuka ito ng dugo.
"Ano ka ngayon?" mayabang na sabi ni Ronald.
Lingid sa kaalaman ni Ronald ay sinadyang magpatama ng lalaki upang makuha nito ang tamang distansya sa kanya.
Lito si Ronald nang hinawakan ng lalaki ang kanyang baseball bat. Bahagya itong hinila ng lalaki upang mas lalong mapalapit si Ronald at hindi na makaatake.
Agad na ginilitan ng estranghero ang leeg ni Ronald. Bumulwak ang dugo mula sa bibig ni Ronald at bumagsak ang katawan sa lupa. Hindi pa rin nakuntento ang lalaki, kinuha niya ang baseball bat at ipinalo sa ulo ni Ronald hanggang sa malusaw ang bungo nito.
"Tan*ina! Sinabi nang umalis kayo! Ngayon na!" sigaw ni Trevor kahit na hirap-hirap na s'ya sa kanyang kalagayan.
"Hindi ba walang iwanan? Wala kaming balak umalis. Ikaw na ang umalis, tumawag ka na ng mga pulis," mahinahong saad ni Kevin kahit na halos mabuwal na s'ya sa kanyang pagkakatayo.
Lumapit ang dalawang miyembro na sina Arvin at Ace upang tulungan si Trevor.
"Naiinip ako, kaya kayo muna ang libangan ko," saad ng etranghero habang may nakakikilabot na ngiti sa kanyang mga labi.
Sinubukang lumaban ng mga miyembro ngunit wala silang panama sa nababaliw na estranghero.
Sumugod si Aron na may dala-dalang kutsilyo ngunit naisaksak lamang ito sa kanyang mata.
Sinubukan ring umatake nila Kurt at Emman gamit ang tubo at baseball bats ngunit ginamit lamang ito ng lalaki upang mabali ang mga buto nila.
Hindi na makagalaw sila Trevor sa kanilang nakikita. Pinagsasaksak ng lalaki ang mga miyembro na lumaban. Pinaggigilit niya ang mga leeg ng mga ito. Ang iba pa ay pinagpuputol ang mga ulo, kamay at paa pagkatapos ay dudurugin hanggang sa lumabas ang utak.
Hanggang sa tatlo na lamang sila Trevor, Arvin at Ace na natira mula sa buo nilang gang.
"Trevor, Ace, umalis na kayo rito. Humingi kayo ng tulong," saad ni Arvin at pinulot ang isang malapit na bat gawa sa bakal.
Labag man sa kalooban nila na iwan si Arvin ay pinilit tumayo ni Trevor habang inaalalayan pa rin ni Ace. Nagtanguan lamang silang tatlo at nagsimula nang tumakbo papalayo ang dalawa.
Hindi pa man nakalalayo ang dalawa nang may gumulong sa kanilang harapan kaya sila ay napahinto.
"Arvin.." sabay na sambit nila Ace at Trevor.
Napaluhod na lamang silang dalawa habang nakatangin sa pungot na ulo na nasa kanilang harapan.
Napasigaw na lamang si Ace dala ng sobrag galit at sakit na kanyang nararamdaman.
Biglang lumapit ang lalaki at walang habas na ipinadaan ang talim ng kanyang itak sa leeg ni Ace. Humandusay sa lupa ang katawan ni Ace habang nangingisay at patuloy sa pag-agos ang dugo.
Nang tuluyan nang tumigil sa paggalaw ang katawan ni Ace ay tila hindi pa s'ya nakuntento at tuluyan na n'yang inihiwalay ang ulo nito mula sa kanyang katawan. Matapos gawin iyon ay agad n'yang binalingan si Trevor. Malakas n'yang sinipa sa ulo si Trevor kung kaya't napahiga na lamang ito sa lupa sa tabi ng ulo ng kanyang mga kaibigan..
"Ano ba'ng ginawa namin sa 'yo? Dahil ba sa pagsuntok ni Ronald sa 'yo?!" nanghihina ngunit galit na asik ni Trevor.
"Suntok?" saad ng lalaki at bahagyang tumawa.
"Hindi, wala lang akong magawa," tugon ng lalaki at muling namutawi ang isang nakakikilabot na ngiti sa kanyang labi.
Lalong nanghina si Trevor sa kaniyang narinig. Naisip na lamang n'ya na talagang tinakasan na ng katinuan ang lalaking kaniyang kaharap.
"Pinatay mo ang mga kaibigan ko dahil lang sa wala kang magawa? Demonyo ka! Patayin mo na rin ako!" galit at naghihinagpis na sigaw ni Trevor.
"Patayin ka? 'Wag muna. Bibigyan kita ng munting regalo," tugon ng lalaki at mas lalong lumaki ang nakakikilabot na ngiti sa kaniyang labi.
Dahan-dahang humakbang ang lalaki tungo sa kinaroroonan ni Trevor.
"Anong binabalak mo?" nangangatal na sambit ni Trevor habang patuloy na pinipigilan ang pagtulo ng masaganang dugo mula sa pinutol na kamay.
Hinigit ng lalaki ang kaliwang kamay ni Trevor. Buhat ng pinsalang natamo ay hindi na nakapalag pa si Trevor sa pwersa ng lalaki nang idiniin nito ang kaniyang kamay sa lupa. Inilabas ng lalaki ang isang kutsilyo at marahang idinampi sa mga daliri ni Trevor.
"'Wag mong gawin 'yan! Tama na, demonyo ka!" sigaw ni Trevor habang pilit hinihigit papaalis ang kanyang kamay sa hawak ng lalaki.
Tila bingi ang lalaki at hindi pinansin ang pagmamakaawa ni Trevor.
"Heto ang regalo ko sa 'yo," kasabay ng paglitaw ng demonyong ngiti ng lalaki ay ang sigaw ng hinagpis ni Trevor.
Pinutol ng lalaki ang mga daliri ni Trevor at itinira lamang ang panggitnang daliri nito.
"Ganda, 'di ba? Lagi kang naka-PA*YU!" Pumailanlan ang nakapangingilabot na halakhak mula sa lalaki habang si Trevor naman ay patuloy sa pagsigaw bunga ng sakit at pagdurusa. Tila narindi ang lalaki sa labis na pagsigaw ni trevor kung kaya't pinalo nito ng baseball bat sa ulo si Trevor na dahilan upang mawalan ito ng malay.
Matapos ang malagim na pagpatay ay umalis na ang estranghero na tila walang nangyari.
Palakad-lakad lamang ang estranghero nang marinig niya ang isang live broadcast ukol sa kaniyang ginawa.
"…Matapos maisugod sa ospital ang leader ng grupo na natagpuan sa isang park ay namatay rin ito dahil sa rami ng dugong nawala at multiple organ failure dahil sa tindi ng pagkabugbog. Ngunit bago ito mawalan ng hininga ay nagbigay ito ng impormasyon tungkol sa killer. "Joker" at "maskara" ang kanyang mga huling kataga."
Napangiti ang lalaking nakasuot ng nakapangingilabot na maskara ng isang joker na may bahid pa ng natuyong dugo ngunit napabuntong hininga rin nang kinalaunan.
"Ang dami ko nang napatay, nakakasawa na puro ganito lang. Pero hindi na rin ganoon kasama, kahit papaano nasugatan at may nabaling buto na 'ko. Pero may kulang pa rin…"
Napatigil ang lalaking sa kaniyang pagsasalita nang may makita s'yang isang anino na nakatayo sa kaniyang harapan..
"Mukhang ako ang makatutulong sa 'yo…."
---------