"Naihayag mo sa akin noon na matagal ng panahon mula noong lumayo ka sa magulong mundo at itinago ang sarili sa kagubatang ito." Pag-alala ni Aya. "Hindi ko nais na magambala ang iyong pananahimik kung kayat minamabuti kong huwag ng ipaalam sa iyo ang tungkol sa kasama ko."
"Salamat sa iyong pang-unawa, hindi ko lamang mapigilan ang aking sarili. Pakiwari ko ay minsan ko ng nakita ang iyong kasama."
"Kaibigan, sabi mo sa akin noon na daang taon ka ng naririto sa kagubatan kaya sinisiguro ko sayong ngayon pa lamang kayo nagtagpo ng aking kasama." Paniniguro dito ni Aya.
"Marami ka mang hindi aaaring ihayaag sa akin ngunit nasisiguro ko na marami parin tayong pag-uusapan kaya maupo muna tayo." Alok ng ginoo at naupo nga sila.
Sa kanilang pagitan ay may pahabang misa na may nakapatong na sungkahan.
"Marahil ay pagsikat ng araw mamaya ay magigising na siya." Napabuntong hininga pa siya matapos sabihin yon.
"Hindi ko pa ba nasasabi sa iyo na dahil sa sarado ang kalahati ng kanyang mida kung kayat hindi hindi ko siya magigising?" Naguluhan si Aya sa winikang iyon ng kaibigan kaya naman ay tinitigan niya na lamang ito at hindi makapagsalita. "Kailangang mabuksan muna ang saradong bahagi ng mida ng iyong kasama, sa ganoon ay makakasapok na ng tuluyan ang hiwaga ng aking kambit at magagawa ko na siyang gisingin."
"Kung ganoon ay sino ang maaaring makapagbukas ng kanyang mida?" Nag-aalala si Aya na baka hindi na nila maabutan pa ang heneral at mahatulan na ito ng parusa.
"Mas mainam kong yung mismong nagsara kung nabuhay pa ito matapos magsagawa ng sumpa. Pero kung patay na ito ay pwedi naman kahit sinong salamangkero nalang basta higit ang lakas ng salamangka nito." Sagot ng ginoo na parang kay dali lamang makahanap ng salamangkerong mas malakas kaysa sa nagsara ng mida ng prinsipe.
"Ibig sabihin ay magtutungo kami sa pinakamalapit na bayang gumagana ang salamangka upang makahanap doon ng magbubukas ng mida ng kasama ko at babalik na naman dito upang magising mo siya." Nag-aalala si Aya na kung magpapabalik-balik nga sila ay baka maubusan na sila ng panahon at maparusahan na ang kanilang heneral.
"Pwedi pero may isa pang pinakamainam na paraan." Wika naman ng ginoo.
"Ano iyon?" Mabilis na tanong ni Aya.
"Isama mo ako palabas, malay natin, baka malakas parin ang aking salamangka kahit na daang taon na ang limipas mula noong huli ko itong ginamit. Pagnagkaganoon ay hindi ka na mahihiripang maghanap ng ibang salamangkero." Sagot nito.
"Ngunit—"
"Kaibigan," putol nito sa pagtanggi sana ni Aya. "Noong tinulungan kita ng mahulog ka noon ay inaasahan ko na darating ang araw na ito. Sa matagal na panahong pamamalagi ko rito ay ikaw pa lamang ang nahulog sa napakataas na banging yun at nabuhay parin. Naisip ko na marahil ay iyon na ang hudyat upang magbalik ako."
"Kung ganoon ay boo na nga ang iyong pasya at hindi ko na mababago iyon." Wika ni Aya. Nalulungkot siya dahil ang kaibigan niyang nagawang magtago sa magulong mundo ng napakahabang panahon muling sasabak ng dahil sa kanya, at hindi niya nais iyon. "Mamaya pagsikat ng araw ay agad tayong maglalakbay. May panahon pa tayo para matulog."
Agad ng tumayo si Aya at pumasok sa silid kung nasaan ang prinsipe ng hindi na nilingon ang kaibigan. Natulog siya sa sahig sa baba ng hinihigaan ng prinsipe.
Sa loob ng kagubatang iyon ay hirap ang araw na masinagan ang kinaroroonan nila. Salamat na lamang sa mga alagang manok ng kaibigan ni Aya at nangagtilaok ang mga ito hudyat ng bagong umaga.
Kinarga sa likuran ng kaibigan ni Aya ang prinsipe sa kanilang paglalakbay. Pumasok sila sa lihim na daan na animoy isang yungib. Madilim sa loob kaya agad na sinindihan ni Aya ang dalang sulo at nauna na siyang naglakad.
Pagdating sa dulo ay itinulak ni aya ang batong dingding at nagbukas iyon. Pumasok ang sikat ng araw sa loob kaya naman ay pinatay na ni Aya ang sulo at iniwan iyon sa loob saka lumabas kasunod ang dalawa.
Lumuwang ang ngiti ni Aya ng makitang hindi lamang ang sikat ng araw ang sumalubong sa kanila dahil paglabas kundi ay naroon din nag-aabang sa kanila si Aso.
"Mabuti at naparito ka!" Natutuwang salubong ni Aya sa alaga at hinimas pa ang ulo nito na kapantay lang niya.
"Iyan ba ang iyong kambit?" Tanong sa kanya ng ginoong kaibigan.
Hindi nais ni Aya na magsinungaling dito kaya naman ay minabuti niyang hindi na lamang sagutin ang tanong nito.
"Marahil ay nabibigatan ka na sa kasama ko," sabi niya na lamang. "Ipatong mo na lamang siya dito sa ibabaw ni Aso."
"Aso?" Takang tanong ng ginoo. "Aso ang ipinangalan mo sa aso?"
"Ang dami mong tanong." Angal ni Aya. "Eh ikaw nga hanggang ngayon ay hindi ko parin alam ang pangalan at hindi ako nangungulit."
"Yun kung may makukulit ka eh maging ako nga mismo nakalimutan ko na pangalan ko." Tinulungan ni Aya ang ginunoo na mailipat sa ibabaw ni Aso ang prinsipe na mahimbing parin sa pagtulog.
"Hay!" Napabuntong hininga si Aya matapos maayos sa likuran ni Aso ang prinsipe. "Sana isang araw ay makatulog din ako ng ganyan kahimbing."
"Pwedi naman ngayon mismo kung nais mo ay sasamahan pa kita sa iyong panaginip ng hindi iyon maging bangungot upang maging mahimbing ang iyong pagtulog." Nakangiting wika ng ginoo.
"Parang nangangati yata ang kamao ko." Pasaring niya sa kaibigan habang isinasara na nila ang lihim na pintuan.
"Ah eh nagbibiro lang naman ako kaibigan." Pagbawi nito sa sinabi kanina at nataas na ang mga kamay na nakahandang sumalo sa suntok ni Aya.
"Pwes ako hindi!" Akmang susutok na si Aya ay mabilis ng tumakbo ang ginoo at tatawa-tawa pa ito na mas ikinainis ni Aya kaya hinabol na niya ito.
Naghabulan sila sa daan ng kagubatang iyon.
"Papatayin kita pagnaabutan kita!" Sigaw pa ni Aya habang ang ginoo naman ay mas lalo pang nang-inis sa kanya.
Natigilan si Aya sa pagtakbo ng mahagip ng kanyang paningin ang isang pana na pasalubong sa kanyang kaibigan na tumatakbo.
"Umiwas ka!" Sigaw ni Aya na animoy salamangka ang binanggit.