Panimula

Napaupo ako sa buhanginan sa may dalampasigan. Nakakagaan kasi ng pakiramdam ang tunog ng dagat at ang tanawin na makikita mo rito habang papalubog ang araw.

Niyakap ko ang tuhod ko at ipinatong ko ang baba ko rito at tahimik na pinagmasdan ang paggalaw ng alon sa dagat at ang unti-unti nang nagtatagong araw.

Naramdaman ko naman na may umupo sa tabi ko na naging dahilan ng aking paglingon.

"Ang ganda ng tanawin 'no?" Aniya sabay ng kaniyang pag-upo.

Napatango na lang ako bilang kasagutan at ibinalik ang aking tingin sa palasantingan na hatid ng papalubog na araw sa harapan ko.

"… parang ikaw." Dugtong niya. Dama ko ang pagtitig niya sa akin. Pero imbis na lingunin siya ay pinili kong ituon ang tingin ko sa araw.

Hindi ko siya kayang titigan.

Dug dug dug…

Tila nawalan ng tunog ang ingay na nagmumula sa mga alon na nagbabalik-balik na yumayakap sa dalampasigan at ang mga taong tuwang-tuwa na nagtatakbuhan at naliligo sa dagat.

Tanging pintig lang ng puso ko ang naririnig ko.

Kasabay ng paglingon ko sa gawi niya ang kaniyang pag-iwas ng tingin at ibinaling ito sa dagat.

Napangiti siya nang malungkot.

"Pero 'di ko naman hinihiling na ibalik mo yung nararamdaman ko sayo…" Ramdam ko't dinig ang lungkot sa kaniyang boses.

Dahan-dahan siyang napayuko at pasimpleng bumakat ng mga linya sa buhanginan gamit ang kaniyang hintuturo na mistulang may iginuguhit.

"… alam ko naman na siya pa rin ang laman ng puso mo at hindi ko siya mapapalitan diyan."

Napatingin siya sa akin nang nakangiti. Subalit kahit ngiti ang kurba ng kaniyang labi ay salungat ito sa sinasabi ng kaniyang mga nanunubig na mata na parang sa ilang segundo lamang ay nagbabadyang tumulo ang kaniyang mga luha.

"Pero sana ay maturuan mo rin ang sarili mo…"

"… na pagbigyan din akong maging dahilan ng pagngiti mo sa araw-araw, panghabambuhay." Sa kaniyang pagsambit ng huling salita'y pagbagsak ng kanina pang nagbabadyang mga luha sa kaniyang mga mata.

----