Sabado ng umaga. Maagang nagising si Marco para bumili ng almusal, hindi na ito nagpaalam pa dahil tulog pa ang mga kasama nito. Tahimik at madilim pa ang kalangitan. Amoy na amoy niya ang usok mula sa mga karinderya na abala sa pagluluto ng kanilang ititinda para sa maghapon pero ang ibang pagkain ay pawang ininit lamang.
Inabangan ng bata ang pagbubukas ng isa sa sikat na panaderya sa Recto. Alas-kwatro pa lamang ng umaga kaya masyado pang maaga iyon para magbukas ang inaabangan ng mga taga-roon. Ang pandesal ni Pigo.
Ang pandesal ni Mang Pigo ay talaga dinadagsa ng mga taga-roon tuwing umaga. Kailangan maaga magising ang lahat dahil ilang oras lamang ay ubos na agad ang tinda nito. Walang sino mang taga-Recto ang nakapag-hambing ng lasa nito sa ibang klase ng pandesal. Hindi kasi iyon tumitigas na kahit na matagal na nakabalot sa papel na lalagyanan. Talaga namang walang sino man ang makakatapat sa tinaguriang Pandesal ng Masa.
Maingay na busina ng jeep ang umaalingaw-ngaw. Ang ibang mga tao ay kanya-kanyang p'westo sa mga nakikitang jeep. Automatic na sinasabing.
"Divisoria." Kahit walang iniuutos ang driver, galit pa kapag hindi binigyan ng tip.
Malaki ang maynila at talagang pinaka-sentro kung tawagin. Ang bawat kalsada o daanan ay may mapapait na karanasan. Ang bawat kalye ay may bahid ng dugo at ang bawat tao ay may mapapait na kwento, katulad na lamang nila Marco, Maximo at Neneng Sarah.
•••••
"Aba! Maganda ang kitaan ngayon ah!"
Napalingon ang mga binatang kinabibilangan ni Alyas Pio. Nagbibilangan ng mga nakulimbat na alahas.
Biglang kalas ang magbabarkada dahil nandito na ang buwayang pulis. Si SPO1 Mansalta.
Malakas na tawa ang maririnig mula sa malaki nitong bibig at pinagmamasdan lamang ang mga binata na sumuot sa iba't ibang eskinita.
"Mga Gag* mahahanap ko rin kayo! Magtago na kayo ngayon!" sigaw ng matabang pulis.
Sumakay ito muli sa Police Mobile at umikot sa kabilang eskinita. Namataan niya ang isang lalaki na aligaga kaya agad na nilapitan niya ito at hinawakan ang damit.
"Sabi ko sa 'yo magtago kana diba? Bakit ka nagpahuli?" Natatawang sabi nito sabay, suntok sa sikmura ng binata.
"Wala po akong ginagawang masama, wala po akong alahas!" pagmamaka-awa ng binatang halos sumuka na ng dugo.
Nilagyan ito ng posas at isinakay sa sasakyan. Humarurot iyon at nagtungo sa presinto.
Isang malamig na selda ang naghihintay sa kawawang binata.
"Wala po akong ginawang masama kahit kapkapan mo pa ako wala kang makukuha sa akin." nanlalaban na sabi ni Alyas Pio.
"Putang*na ka, 'wag ka nalang mag-salita dahil wala kana rin namang magagawa!"
Naglakad ang buwayang pulis sa kanyang malambot na upuan. Mahigpit na binantayan ang kawawang binata para hindi ito makatakas.
"Sir! Sigurado ka ba diyan?" tanong ni SPO1 Hemis.
"Ano akala mo sa akin tanga? Kilala ko na 'yang mga 'yan, matitikas 'yan pagdating sa alahas."
Sinindihan nito ang kanyang sigarilyo at hinithit habang nakatingin sa binatang naka-upo sa sulok.
Hindi rin nagtagal ay lumarga na muli ang pulis at hinanap ang ibang kasamahan ni Alyas Pio.
Napakagat ito sa labi ng mamataan niya ang mga salot sa lipunan na naglalaro ng kara-krus, nakatunog ang mga iyon kaya agad na nagkalasan. Bumaba ng sasakyan ang pulis at hinabol ang isa sa mga target.
Nagkakagulo ang mga tao sa squatter's area dahil sa ginawang pagsalakay ni SPO1 Mansalta na mag-isa. Hindi na ito nag-sama pa dahil mas kaunti ang makukulimbat niyang alahas kung isasama pa niya ang kanyang mga kasabwat. Hindi magpapalamang ang buwayang pulis gustong-gusto niya na mas malaki ang kinikita niya.
Kinalabit niya ang gatilyo ng baril. Mas lalong nag-panic ang mga tao dahil sa malakas na alingaw-ngaw. Takot na takot ang binatang nagpabilog dahil alam na nito ang magiging kapalaran sa buwayang pulis.
•••••
Dalawa na silang mag-tropa ang nasa loob ng selda.
"Ano? Naitago mo ba?" tanong ni Alyas Pio.
Tumango naman ang kasamahan nito na si Boy Manok. Dahil mahilig itong mag-alaga ng manok at laging nasa sabungan.
Palihim na nakangiti ang dalawang magkaibigan. Tila naisahan nila ang malaking buwaya na naka-upo at may pangalan na nakapatong sa lamesa.
Umaga pa lamang ay selda na ang naging almusal ng magkaibigan. Hinihintay lamang nila na mahuthutan sila ng pulis at ibibigay nila ang isang pirasong alahas na tira sa hatian upang makalaya.
"Sir! Eto na po ang alahas na nakuha namin. Palabasin niyo na po kami!" pagmamaka-awa ni Boy Manok.
Tumayo mula sa pagkakaupo ang matabang pulis at pumalakpak.
"Madali lang naman pala kayong kausap, sige akin na iyang alahas na hawak mo."
Iniabot nito ang alahas na hawak at nilaro ng pulis sa kanyang kamay ang katas ng pinaghirapan ng iba.
"Salamat!"
Lumayo ang pulis sa kanila kaya naging dahilan iyon para tumaas ang tensyon.
"Sabi mo palalabasin mo na kami! Nabigay na namin ang gusto mo! Palayain mo na kami!" sigaw ni Alyas Pio.
"Mga tarantado! Ano akala niyo sa akin tanga? Alam kong nilunok niyo 'yung ibang alahas, kaya 'wag niyo akong gaguhin!"
Kinalampag nito ang selda kaya napa-atras ang dalawang mag-kaibigan.
"Tang*na paano niya nalaman?" bulong ni Boy Manok.
Hindi na umimik pa si Alyas Pio dahil nabuking na sila. Hindi na sila titigilan ng buwayang pulis hangga't hindi nila inilalabas ang mga alahas na nasa loob ng kanilang sikmura.
"Kapag inilabas niyo naman iyon, makakalaya naman na kayo!" sigaw ni SPO1 Mansalta.
Kamot sa ulo na lamang ang nagawa ng dalawa. Hinintay nilang humilab ang kanilang tiyan para lumabas na ang itinatago nilang kayamanan.
•••••
"Baka may tae-tae pa 'to, papakain ko sa inyo 'to kapag may nakita ako dito." sambit ng pulis sa dalawang binata habang nasa loob ng C.R. Hindi talaga sila tinitigilan ng gagong pulis.
"Malinis po 'yan, kinuskos na namin kagaya ng sinabi mo." nanlulumong sambit ni Boy Manok.
Kumikinang na mga gintong kwintas ang hawak ngayon ng pulis. Malaki ang value nito kapag ipinagpalit sa pera kaya naman ganoon na lamang ka-pursigido ang buwayang pulis na makuha ang mga alahas.
Umiiling na lumabas ang dalawa at nanghihinayang sa kwintas na ibinigay nila. Wala naman kasi silang laban kung manlaban man sila sa hinayupak na pulis na iyon. Baka hindi na sila abutan ng kinabukasan kapag iginiit pa nila wala sa kanila kahit na meron naman talaga.
Agad na ibinulsa ni SPO1 Mansalta ang mga kwintas na hawak niya at lumapit sa kanyang kasabwat.
"Eto, balato ko na sa 'yo itong isa."
Napangiti ang kasamahan nito at naghawak kamay silang dalawa.
Isang malaking kalaban ng mga kawatan si SPO1 Mansalta dahil ito rin ang nakikinabang sa pinaghirapan ng mga magnanakaw sa maynila. Nawawalan ng karapatan ang mga mahihirap na gumagawa ng masamang gawain na ilahad ang kanilang hinaing dahil pati rin sila ay sinasamantala ng mas mataas sa kanila. Ginagamit ang kapangyarihan para sa pansariling kagustuhan.
•••••
Habang naglalakad ang dalawang mag-kaibigan ay biglang napangiti si Alyas Pio dahil sa pagkakataong iyon naisahan niya ang buwayang pulis.
"Nakatawa kapa talaga? Wala na ngang natira sa atin," reklamo ni Boy Manok.
"Wala ka bang bilib sa akin? Kilala ko na 'yan si Buwaya. Kaya kabisado ko ang kalakaran kapag napapasok ako sa presinto."
Nagsalubong ang kilay ng binata dahil sa tinuran nito.
"Anong ibig mong sabihin?"
"May natira pang isang kwintas sa akin, pagka-linis ko roon ay nilumok ko muli para maitago."
Malawak na ngiti ang bumakas ngayon sa mukha ni Boy Manok.
"Iba ka talaga! Wala akong masabi sa galing mo!"
Nag-apir ang dalawang binata at tumakbo pabalik sa Squatter's area para ituloy ang kanilang trabaho.
•••••
Hindi na lumabas ng bahay si Marco matapos nitong bumili ng pandesal. Hindi na muna ito nag-trabaho dahil may natitira pa naman siyang pera na ibinigay ng ginang sa kanya noong isang araw. Hindi niya sinabi iyon kay Maximo kasi siguradong wa-waldasin lamang ito sa hindi magandang paraan. Si Neneng Sarah naman ay kasalukuyang pinapalitan ang diaper ni Lauro.
Abala ang lahat sa paglalaro kahit na nasa loob lamang ng bahay. Hindi na nagawa pang lumabas dahil nagbabadyang bumuhos ang malakas na ulan. Ang mga laruang napupulot sa kalsada ay iyon ang inuuwi ni Marco para sa mga kapatid. Masaya na sina Berna at Pitoy sa laruang iyon dahil hindi naman naghahangad ng magagarang gamit ang mga ito.
Lumapit si Marco kay Maximo para kamustahin kung ano ang lagay nito at naabutan niya itong may hawak-hawak na isang papel.
Nang mapansin iyon ni Marco ay agad na itinago ito ni Maximo at ngumiti na parang walang nangyari.
"Ano 'yan?" Sambit ni Marco.
"Wala, wala."
Hindi kumbinsido si Marco sa iwinika ng kapatid kaya naman hinablot niya ang hawak nito.
"Ano ba! 'Wag ka ngang epal, sinabi ko na wala lang 'yan!" nangangalit na sabi nito.
Tinitigan nito ang kapatid bago binuksan ang nakatuping lukot na papel. Natulala siya sa kaniyang nakita. Matagal na panahon na ang lumipas at hindi niya inasahan na makikita niya ang larawan na ito.
"Mama?" Sambit ni Marco.