Kabanata 9

Hapon na at si SPO1 Mansalta ay kasalukuyang pumipirma ng mga mga papel na ipapadala dahil ngayon ang kanilang report. Naka-abang ang mga kasamahan nitong pulis sa labas para maghanda sa kanilang pag-alis. Ang mga naka-sulat sa papel ay pawang kathang-isip lamang, dahil wala naman itong ginawa kundi ang samantalahin ang mga tao sa mahihirap na sektor.

Ikinarga sa sasakyan ang mga papel na kanilang inipon at isinilid sa loob ng kahon. Nakahanda na ang buwayang pulis para i-report ang kanyang kasinungalingan.

•••••

"Marco, nasaan si Maximo?" tanong ni Manang Sella dahil nais ng matanda na linisan ng magkapatid ang bubungan nila. Nagkalat kasi ang mga tuyong dahon ng mangga na tinangay ng malakas na hangin kahapon kaya naman hindi nag-atubiling tumakbo si Marco papunta sa kanilang bahay at ayain ang kapatid na kasalukuyang nagsisibak ng kahoy.

Magaling na si Maximo. Maayos na itong nakakalakad at nakakatakbo na rin ngunit hindi pa rin kasing tulin ng dating nakagawian.

Iniabot ni Manang Sella ang walis-tingting at dust-pan sa magkapatid.

"Sige, kayo ng bahala riyan, mamamalengke muna ako." sabi ng matanda bago naglakad bitbit ang lumang bayong.

Umakyat ang dalawa sa bubong at winalisan angmga nag-kalat na dahon. Narinig ni Mang Sella ang paglagutok ng kanyang bubong kaya naman tumingin ito sa itaas at muling ipinaalalahanan ang magkapatid.

"Ingatan niyo 'yang bubong ko, bago lamang iyan nako. Kapag iyan nasira kayo ang itatapal ko riyan!"

Tumawa na lamang ang magkapatid at ipinagpatuloy ang pagwawalis. Tirik ang araw at wala man lang panangga sa sikat ng araw ang magkapatid. Ngunit hindi nila iniinda ang nakapapasong linawag dahil kailangan nilang matapos ang pagwawalis bago magtakip-silim dahil dadaan pa sila sa palengke upang mamili ng kanilang kakainin.

Naiwan si Neneng Sarah sa kanilang bahay upang alagaan ang mga bata. Si Neneng Sarah na ilang araw ng matamlay at hindi nagsasalita. Hindi kasi mawala sa isip nito ang sinabi ng pulis sa kanya habang siya ay pinagsasamantalahan.

"Sa susunod na magkita tayo, sumama kana sa akin."

Paulit-ulit iyong sumasagi sa kanyang isipan. Nadala na ito ng takot at hindi na nagbabalak pa na lumabas.

Tagaktak ang pawis ng dalawang paslit, kahit sinong dumadaan sa harap ng bahay ni Manag Sella ay napapatingin sa kanila. Walis ng walis lamang ang mga ito at isang sigaw ang kanilang narinig.

"Hoy! Magdahan-dahan naman kayo."

Nagkatinginan ang dalawa at palihim na nag-ngitian. Parang mga pitong taong gulang na naglalaro.

"Ano nangyari diyan sa paso mo?"

Natigilan si Maximo sa tanong ng kapatid. Napahawak ito kanyang peklat bago nagsalita.

"Si Boy Jackpot, loko 'yun pasalamat siya may tama ako no'n kaya hindi niya natikman ang galit ko." pagyayabang sa sabi nito.

Natawa naman si Marco dahil sa tinuran ng kapatid, puro kayabangan ang alam. Manang-mana sa kanilang ama na kinalimutan sila.

"Sa tingin mo babalik pa si Tatay?"

Napakamot na lamang sa ulo si Marco dahil sa sinabi ng kapatid. Umaasa pa pala ito na babalik ang kanilang Ama para kunin sila at alagaan.

"Hindi ko alam, siguro, o baka hindi na." sambit niya.

"Si Nanay kasi dapat hindi tayo iniwan sa kupal nating tiyahin, kung pababalikin tayo roon? Nako, ayoko na. Mas okay na ako sa ganitong buhay."

Parang mga matatanda kung mag-usap ang dalawang paslit. Dalawang buwan na lamang kasi ay kaarawan na ni Maximo. Halos magkasunod lamang ang kanilang kaarawan. Malapit na mag dise-sais si Marco at kinse naman si Maximo. Ang kanilang kaarawan ay parang normal na araw na lamang.

Matapos ang dalawang oras na paglilinis ay dumating si Manang Sella sakay ng isang pedicab. Agad na kumilos ang dalawa para alalayan ang matanda na buhatin ang mga dala nito.

"Ang dami naman nito Manang, kayo lang naman 'yung naka-tira diyan sa inyo, pero 'yung binili mo pang-handaan na. Ano po bang meron?" tanong ni Marco.

"Ang dami mong tanong, buhatin mo nalang 'yung kangkong na nakabalot."

Tumawa na lamang ang matanda dahil sa bangayan ng dalawa.

"Kanina pa ba kayo tapos?" tanong ng matanda.

"Hindi po, katatapos lang po namin. Sakto lang po ang dating mo."

Itinaas-taas nito ang kilay sa harap kapatid para sumang-ayon sa kanyang sinabi. Dahil ang totoo ay kanina pa sila naghihintay sa pagdating matanda.

Tumango na lamang ang dalawa at naupo sa harap ng lamesang gawa sa salamin ang ibabaw. Natutuwa ang dalawang paslit dahil nakikita nila ang kanilang mga paa sa ilalim ng lamesa. Hindi matutumbasan ang tuwa ng dalawang bata, talaga namang sabik ang mga ito na makakain dahil kanina pa kumakalam ang kanilang sikmura.

"Ano pong tawag diyan sa aparador na naka-saksak?"

Napakunot ang noo ng matanda dahil sa sinabi ni Marco. Hindi nito alam kung matutuwa siya sa tinuran ng bata.

"Hindi 'yan kabinet! Prigirator 'yan." pagmamalaking tugon ni Maximo.

Natawa ang matanda dahil sa mga pinag-sasabi ng mga ito.

"Refrigerator 'yan."

Napa-isip ang dalawang bata kung paano bigkasin ang salitang binigkas ng matanda.

"Ah, basta lumalamig okay na 'yon."

Napakamot na lamang sa ulo si Marco.

Inilapag ng matanda ang pagkain sa lamesa at pinagsaluhan nila ito.

Hindi pa man lubos na nauubos ni Maximo ang hawak nito sa kanyang kanang-kamay ay dumampot nanaman ito ulit gamit ang kaliwa.

•••••

Matapos kumain ay ibinigay sa kanila ang bayad at nagpasalamat ang mga ito sa matanda. Dahil marami naman ang binili nitong pagkain, pinabaunan nito ang dalawang paslit ng dalawang balot ng longganisa. Kaya naman hindi na dadaan pa sa palengke ang mag-kapatid.

"Ang bait ata ngayon ni Manang Sella." Natatawang sabi ni Maximo.

"Mabait naman talaga si Manang Sella, ikaw lang naman 'yung nasusungitan sa kanya. Pasaway ka kasi."

Binatukan ni Maximo ang kanyang Kuya Marco ngunit mabilis itong naka-ilag. Napikon ito kaya walang nagawa si Marco kundi ang tumakbo.

Hinahabol ito ni Maximo. Parang bumalik sa panahong buo pa ang kanilang pamilya, malawak na ngiti ang namamayani sa labi ng magka-patid. Nakayapak ang mga ito at hindi alintana ang maputik na daan na kanilang tinatapakan.

•••••

"Ang husay naman pala!"

Pumalakpak ang mga opisyales ng lungsod dahil sa ginawang report ni SPO1 Mansalta, isang mahusay na pagpapanggap nanaman ang isinalaysay ng buwayang pulis. Ipinalabas nito na bumababa ang kaso ng mga magnanakaw sa barangay na kanyang sinasakupan. Hindi nito alam na may nagmamasid sa kanya at pinag-aaralan ang bawat galaw na kanyang ginagawa. Isa iyong mahigpit na labanan ng mga buwaya sa lungsod na kanilang pinagtataksilan.

"Ano sa tingin mo? Dala ba niya?"

Dalawang lalaki ang nasa loob ng isang sasakyan at pinanonood ang paglabas ng mga grupo ni Mansalta.

"Matagal-tagal din kaming hindi nagkita ng hinayupak na 'yan."

Tumawa ang lalaking nakasuot ng itim na salamin at polo. Nasasabik ito sa muling paghaharap nila ng kanyang mahigpit na katunggali sa larangan ng pangungubra.

Sumakay na ang mga pulis at lumarga na. Sumunod naman ang mga ito at dahan-dahang nag-maneho para hindi mahalata.

"Ang galing mo talaga boss." Sabi ng driver nito.

Ngumisi ito at dumukot sa bandang likuran ng sasakyan. Isang M16 Rifle ang kinuha nito at tinanggal ang magasin. Sinuri kung may laman pa, nang mapasin na kulang ng laman ay dinagdagan niya ito habang kagat ang ibabang labi.

Isang kasa ang bumasag sa katahimikan sa loob ng sasakyan. Dalawa lamang silang nasa loob at hindi na nagsama pa dahil magpaparamdam lang naman siya sa kanilang kalaban.

"Ready kana? Galingan mo pagmamaneho mo, ayoko ng tatanga-tanga maliwanag?"

"Yes Boss."

Humarurot na ang sasakyan nila at ng mapantayan ang sasakyan ni Mansalta ay agad na pinaputukan ang mga ito.

Nabasag sa salamin ng Police Mobile at agad lumiko ang dalawang lalaki.

Malakas na tawanan ang nangyari. Lubos na ikinasaya nila ang kanilang ginawa, parang nasisiraan na ng ulo ang mga ito at pumunta sa kaliwang direksyon.

Tinamaan ng bala si Mansalta sa braso at ang dalawang kasamahan nito ay natamaan sa ulo na sa tingin niya ay patay na ang mga ito.

Hindi alam ni Mansalta kung sino ang gumawa niyon sa kanila. Wala siyang ideya kung ano ang pakay ng mga ito sa kanya o kung kanino man sa grupo. Malakas ang loob niya na siya ang target ng mga ito.

Napabuntong-hinga na lamang ito at itinuloy ang pagmamaneho kahit na kumikirot ang tama sa kanyang braso.