'Sana hindi na kami mag-away ni ate.'
"Blow your candle na."
Hinipan ko ang kandila at nagpalak-pakan ang mga tao. Sa walong taon ko dito sa mundo, tatlong taon ko nang hinihiling na sana hindi na kami mag-away ni ate.
"Sana hindi ka na lang nabuhay!"
Tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha ko dahil sa mga kataga ni ate. Wala naman akong ginagawang masama sa kanya. Hindi ko alam kung bakit galit na galit siya sa akin.
"Ma, sabi ni ate sa akin kanina na sana hindi na lang daw ako nabuhay."
Sinumbong ko si ate kanila mama habang kumakain kami. Gusto kong pagsabihan nila si ate dahil hindi na tama ang sinabi niya sa akin.
"Hindi na nagbago ang ugali mo Lyrish. Bagu-baguhin mo nga iyang masama mong ugali!"
Galit na tugon ni mama kay ate. Lihim akong napangiti. Sana naman sa oras na ito, maisip na ni ate na hindi mabuti ang hindi namin pagkakasundo.
"Ni minsan hindi namin naisip ng mama niyo na sana hindi na lang kayo nabuhay tapos ikaw, ganyan ang sasabihin mo sa kapatid mo? Maganda ba iyon? Ayusin mo nga iyang ugali mo. Malapit na akong mapuno sa iyo, Lyrish!"
Pinapagalitan naman ni papa ngayon si ate. Akala ko magbabago na siya.
"Close your eyes then make a wish na."
'Sana hindi na kami mag-away ni ate.'
"Lumayas ka dito!"
Tinulak-tulak ako ni ate palabas ng aming kwarto. Napahagulgol ako habang nakasandal sa pintuan ng aming kwarto ni padabog niyang isinara.
"Hindi na namin alam kung paano ka mababago, Lyrish!"
Nakatungo ako at umiiyak na pinagmamasdan ang aking paa. Naabutan ako kanina ni mama na umiiyak sa labas ng aming kwarto.
"Bakit mo pinapalayas ang kapatid mo? Gusto mong ikaw ang palayasin ko?"
Napatingin ako sa turan ng aming ama. Dapat hindi na ako nagpakita kanila mama na umiiyak. Ayaw kong paalisin nila si ate.
"Happy birthday Erish. Mag-wish ka na."
'Sana hindi na kami mag-away ni ate.'
"Pasipsip ka talaga! Palagi na lang ikaw ang magaling!"
Tila ba kutsilyo na sumasaksak sa aking puso ang mga salita ni ate.
"Aray! Tama na ate!"
Mas lalo akong napa-iyak nang higpitan ni ate ang pagkakasabunot niya sa akin.
"Napaano iyang pasa sa braso mo? At bakit ang dami mong sugat sa braso?"
Tanong ni papa sa akin nang makita ang mga sugat sa aking braso habang ako'y nagsusuklay sa harapan ng salamin dito sa aming sala.
"W-wala po ito pa."
Pagsisinungaling ko sa aming ama upang mapagtakpan ang ginawang pananakit sa akin ni ate. Napagtanto kong mas lumalayo ang loob sa akin ni ate sa tuwing napapagalitan siya dahil sa aming pag-aaway.
"Gawa na naman ba ito ng iyong ate?"
Seryoso na ang boses ni papa. Dahan-dahan akong napatango. Hindi ko pala kayang mag-sinungaling sa aking mga magulang.
"Ano na naman ito, Lyrish?"
Pinakita ni mama ang aking mga sugat dulot ng mga pananakit ni ate.
"Bagay lang iyan sa kanya."
Nanlaki ang mga mata ko nang dumapo ang palad ni mama sa pisngi ni ate. Mama, papa, tama na po. Tila ba dumoble ang kirot sa aking dibdib nang makitang umiiyak si ate.
"Happy 11th birthday, Erish. Hipan mo na ang kandila mo."
'Mama, papa, sana hindi niyo na pagalitan si ate.'
Naisip kong imposibleng hindi na kami mag-away ni ate. Ang hiling ko lang, sana hindi na magalit sina mama sa kanya sa tuwing nag-aaway kami.
"Ikaw ang paborito? Edi ikaw na!"
Nakatanggap ako ng mag-asawang sampal mula kay ate. Naiiyak ma'y pinigilan ko na lang saka ngumiti sa kanya. Nang hindi ko na mapigilan ay niyakap ko siya. Napahagulgol ako dahil dito. Ang sarap palang yakapin ang kapatid kahit na pilit niya akong ipinagtutulakan. Naramdaman ko na lang ang sakit sa aking likuran nang tuluyan niya akong maitulak. Eksakto namang bumukas ang pinto ng aming kwarto.
"Anong ginawa mo sa kapatid mo Lyrish?"
Ramdam ko ang galit ng aming mga magulang. Pinipigilan ko mang umiyak ngunit hindi nagpatalo ang mga luhang nag-uunahan sa pagtulo.
"Ako na naman ang may kasalanan."
Parang balewala lang na sagot ni ate.
"Aba'y sino pa ba dapat?"
Natapos ang gabing iyon ng mga pangaral kay ate.
"Anong wish mo, Erish?"
'Mama, papa, sana hindi niyo na pagalitan si ate.'
"Akin dapat ito! Bwisit ka! Bwisit ka sa buhay ko!"
Ibinato ni ate ang bagong biling cellphone sa akin nila mama at papa saka niya ako pinaghahampas. Hindi ako gumaganti dahil alam kong mas lalaki ang gulo. Ang pagpigil sa aking luha na lamang ang aking nagawa.
"Papa, kita ko kanina si ate Lyrish. Bato niya cellphone ate Erish tapos palo niya ate Erish dami."
Nanlaki ang mga mata ko nang magsumbong kanila papa ang apat na taong gulang naming kapatid. Hindi! Hindi pwedeng pagalitan na naman nila papa si ate.
"Sa susunod na saktan ka ng ate mo, Erish, saktan mo rin!"
Dahil sa inis, iyan na lamang ang litanya ni mama.
"Hindi ko kailangan ng anak na ganyan."
Hindi ko alam ang magiging reaksyon sa tinuran ng aming ama.
"Dalaga ka na Erish. Mag-wish ka dali!"
'Mama, papa, sana hindi niyo na pagalitan si ate.'
"Matalino ka nga, bulok din naman iyang ugali mo. Bait-baitan sa harap nila mama at papa? At least ako, totoo. Hindi katulad mo, fake!"
Wala akong nagawa kundi ang umiyak. Masyadong inutil ang mga luha ko. Gusto ko mang labanan, gantihan o saktan si ate, alam kong hindi tama iyon. Mas lalala ang sitwasyon.
"Bakit ang baba ng grado mo Lyrish? Bagsak ka pa!"
Tanong ni mama kay ate habang pinapakita ang grado nito.
"Ano naman sa inyo? Nung mataas ba ang grado ko, naging proud kayo sa akin? Hindi naman diba?"
Pilit na pinapakalma ni mama ang sarili niya. Ayaw niyang pagbuhatan ng kamay si ate. Maigi na lang at wala pa si papa dahil tiyak na hindi lang sampal ang abot ni ate sa kanya.
"You're already fourteen, Erish. Anong birthday wish mo?"
'Lord, baguhin niyo na po si ate. Sana magka-ayos na kami at sana hindi na rin siya pagalitan nila mama at papa.'
"Hindi ba't si ate mo iyon?"
Napatingin ako sa direksyon na tinuro ng aking pinsan. May kasamang lalaki si ate at magkahawak-kamay sila. Bawal pang magkaroon ng kasintahan si ate!
"Sino yung kasama ng ate mo na lalaki sabi ng pinsan mo?"
Napalunok ako sa tanong ng aking ama.
"Baka kaklase lang po niya."
Kailangan kong pag-takpan si ate. Tiyak na mas magagalit siya sa akin kapag nalamang sinumbong ko siya kanila papa. At isa pa, wala ako sa lugar upang magsabi 'nun. Obligasyon nila iyon.
"Nanay, may malaking problema kay Lyrish."
Narito kami sa bahay ng aming lola. Ang ina ng aking nanay. Maging ako ay hindi alam ang sasabihin ni mama.
"Ano iyon?"
Kapwa kami tinakasan ng hangin. Hirap huminga dahil sa kaba at tensyong nararamdaman. Si ate naman ay nagsimula ng umiyak. May kutob na ako pero ayaw kong paniwalaan iyon.
"Nitong mga nakaraang buwan, inoobserbahan ko na siya."
Nagsimula nang umiyak si mama. Tila ba nalagutan ako ng hininga. Kahit wala pang sinasabi si mama, parang alam ko na ang kasunod.
"Buntis si Lyrish."
Nagsimulang tumulo ang mga luha sa aking mga mata. Hindi ako makapaniwala sa narinig. Hindi pa tuluyang nag-sink in sa utak ko ang sinabi ni mama. Para akong nabingi at tanging mga pangarap ni ate ang pumasok sa aking isip. Tila ba ipinapahiwatig nito na hanggang pangarap na lang ang mga iyon.
"Labing walo ka lang Lyrish! Paano mo ito nagawa?"
Puno ng galit at pighati ang mababakas mula sa mga luha ng aming lola. Maging ako ay nakaramdam ng galit sa aking sarili. Kung sinabi ko kaya kanila papa na may kasintahan na si ate, hindi kaya hahantong sa ganito ang sitwasyon?
"Tita, what's your biggest regret?"
Inosenteng mukha ni Lucas ang bumungad sa akin. Siya ang anak ni ate.
"Ang biggest regret ko? Hindi ako naging mabuting kapatid sa mama mo. Hindi ko naiparamdam kung gaano ko siya kamahal. It's all my fault."
Nagsimulang kumawala ang mga luha sa aking mga mata. Niyakap ako ni Lucas.
"Don't cry na tita. It's your birthday pa naman."
Napatigil ako sa sinabi ni Lucas. Hindi ko naalala, kaarawan ko pala.
"Happy birthday tita. Ano pong wish niyo?"
Napapikit ako at dinama ang hangin.
'Sana maging masaya na ako.'
"Tapos na po? Tara na tita. Naghihintay na sila lola sa bahay. May celebration po. Sige mama, bye bye muna ah? Babalik kami sa susunod. Sayang nga lang at wala ka sa birthday ni tita. I love you. Thank you for sacrificing your life para maipanganak ako."
Hindi ko na mapigilan ang mapahagulgol sa sinabi ni Lucas. Napatingin ako sa puntod ni ate.
'I'm so sorry kung ako ang naging kapatid mo. Sorry sa mga kasalanan ko. Mahal na mahal kita ate.'