Kabanata 26.1

Dear Diary,

Hindi na rin bumalik demonyo kong ama. Mabuti at kahit papaano naging tama ang desisyon niya. Kung sana ay oras na humiling akong mawala na sa mundo ang demonyo kong ama ay pwedeng mangyare, hindi na sana ako magiging ganito.

Pero di bale na. Kapag naghahanap naman ako ng trabaho sinasabihan ko lagi si mama na wag bubuksan ang pintuan. Humingi na rin kami ng pera sa mga kapatid ko para palitan ang doorknob at key-in-knob lock para wala na siyang kakayahang makapasok sa bahay.

May spare key pa kasi 'yon ng gate at ng pintuan. Nagtanong nga mga kapatid ko kung bakit kailangang palitan ang mga nabanggit ko, sinabi ko na lang na may nababalitang magnanakaw na rumoronda sa village.

Buti naman hindi na sila ulit nagtanong. Ayaw pa rin kasi ni mama ipaalam sa kanila kahit na gustong-gusto ko ng sabihin. Ang hirap kasi kamutin ang bibig na sobra ng nangangati. Baka mamaya niyan madulas na ako.

Pero wala na akong magagawa. Desisyon iyon ni mama. Hindi ako pwedeng makialam. Atupagin ko na lang ang paghahanap ng trabaho. Nagdala na rin ako ng cutter para pang-proteksyon sa akin kahit pa may mga pinag-aralan akong pang-depensa.

Nakakapagod at sobrang hirap lumabas ng bahay ng hindi ka napapalingon-lingon sa paligid. Para kang magnanakaw sa sarili mong bahay oras na may makakita sa aking ganoon ang histura ko. Kailangan ko kasing maging alerto para sa kaligtasan ng mama ko bago ako umalis.

Ako na lang ang natitirang kasama ni mama sa bahay, hindi ako pwedeng magkamali. One wrong move and it'll end her life, and mine as well.