Tagpo

Sky Russell

"Tumingin ka kasi sa dinaraanan mo! Babasagin mo pa itong salamin ko!" Tsk! Nabangga ako ng isang babae. Ngayon ko lamang nakita ang mukhang iyon. Dahil nagmamadali ako, tuloy-tuloy akong naglakad na sa tingin ko'y mas lalo niyang ikinainis.

"Hi, late na ba ako?" tanong ng isang babaeng ngayon ay nakaharang sa aking harapan. Nakakasawa na ang maging sentro ng atensyon. Iyon pa naman ang pinakaayaw ko sa lahat.

"Kung mananatili ka pa riyan, sigurado akong late ka na," sabi ko sa kanya at saka siya nilampasan. Tsk! Papansin!

Nagpatuloy ako sa paglakad. Nang malapit na ako sa gate ay nakuha ng isang babae ang aking atensyon. Nakatitig siya sa akin na tila hinihintay ang aking pagdating. Hindi bago ang mukhang iyon sa akin. Madalas ko soyang makita noon saanman sa loob ng unibersidad na ito. Hindi ko alam kung nagkataon lamang ang mga iyon. Pero, hinayaan ko na lamang. Ang inosenteng mukha niya ay hindi naman siguro gagawa ng masama.

Nilapitan ko siya. "Ano pa'ng itinatayo-tayo mo riyan? Isang minuto na lamang ay magsisimula na ang flag ceremony. " Hinintay ko siyang magsalita.

"A-Ah, pasensya na," wika niya at dali-daling naglakad papasok. Nais yata niyong mahuli.

Tiningnan ko ang aking relo, hinihintay ang pagpatak ng ika-7 ng umaga. Malapit nang magsimula ang flag ceremony ay marami pa ring estudyante sa labas. Sa tagal ng bakasyon, hindi man lamang ba sila nakatulog nang maaga at nang sa gayon ay maaga rin silang magising? Tsk!

7:00 A.M. Agad akong nagtungo sa harapan ng gate. "Huli na kayo. Dito na kayo pipila," anunsiyo ko. Mabuti at dumating na rin ang iba pang SSG officers.

"Ang daming late. First day na first day," rinig kong sabi ni Kira, SSG Vice President, habang papalapit.

"Pagkatapos ng pambansang awit ay dumiretso kayo sa hallway nang hindi umaalis sa pila," muli kong anunsiyo sa kanila.

"Hassle. Bakit ang dami n'yo?" rinig kong sabi ni Kaylie, SSG Secretary, na kararating pa lang.

Natapos na ang pambansang awit.

"Ryle, papilahin n'yo na sila sa hallway. Dito muna ako. Hihintayin ko ang mga bago pa lamang darating," baling ko kay Ryle, SSG Public Information Officer.

"Sige, Sky, kami na ang bahala rito," tigon niya.

Paalis na sana ako nang biglang nagsalita si Kaylie. "Sasamahan na kita," aniya.

"Hindi na," tanging tugon ko bago dire-diretsong naglakad patungo sa may gate. Mabuti at hindi na siya nangulit pa. Dulot na rin siguro ng mga taong nanonood sa amin.

Naghintay lamang ako ng mahigit sampung minuto bago isinunod ang pila ng late sa lahat ng late.

Nang matapos na ang seremonga ay pinatungo kami sa harapan habang nagsasalita si Mrs. Augustus, ang head ng unibersidad na ito. Doon, mataimtim kong pinagmasdan ang mga late na ngayon ay nakapila sa pinakanglikuran, hinihintay kung may mangangahas na tumakas sa pila.

Lumipas ang ilang minuto. Naramdaman kong parang may kanina pa nakatitig sa akin. Malakas ang pwersang kumokonekta sa aming dalawa. Sinuri ko ang buong paligid at natanaw ko iyong babaeng nakabangga ko kanina. Masama ang kanyang mga tingin sa akin. Nalalaman ba niyang nakatingin din ako sa kanya? Maya-maya pa'y biglang nagbago ang lagay ng kanyang mukha na animo'y nakakita ng multo. Natawa na lamang ang katauhan ko sa aking isip.

Nang matapos na ang flag ceremony ay hindi ako sa aking silid nagtungo. Ipinatawag kaming lahat na SSG officers ni Mrs. Arciaga, SSG Adviser.

Pinag-usapan namin ang magaganap na orientation para sa mga tranferee mamaya. Inihanda na rin namin ang gagamiting silid na kapalit ng auditorium, dahil kasalukuyan itong inaayos.

Ako at si Kira ang naatasang magtawag sa Grade 12. Si Kaylie at ang iba pa sa Grade 11. Wala pa ang college students dahil sa Agosto pa ang simula ng kanilang klase. Marami-rami rin akong pupuntahang silid - dalawampu't apat na katumbas ng dalawang gusali.

Matapos ang ilang minuto ay narating ko na ang gusaling pinili kong unang puntahan. Sa itaas ako mag-uumpisa. Habang paakyat akoay naabutan ko si Sir Efren, ang School Paper Adviser ng Ang Mahika, na patungo rin sa fourth floor. Sumabay na ako sa kanya.

"Saan ang punta mo, Sky?" tanong niya sa akin nang makita ang presensya ko.

"Sa ikaapat na palapag po, Sir."

"Sakto. Doon din ang punta ko. Ano ba ang gagawin mo ro'n?"

"Tatawagin ko po ang mga transferee para sa orientation mamaya."

"Hindi ako sigurado kung may transferee sa Grade 12 - Rigel, pero iyon na ang unahin mong section," anyaya niya.

"Wala pong problema, Sir."