Prologue

Flashback 2 years ago...

"Condolence, hija."

Tango lang at tahimik na pagtanggap sa nakalahad na mga palad ang isinukli ni Erin sa pakikiramay ng mga dumalo sa burol ng kanyang ina. Naubos na ang mga luha niya nang gabing hugutin ng doktor ang makinang tanging bumubuhay sa mommy niya. Wala na siyang lakas maging ang kilalanin isa-isa pa ang dumadaang mga mukha sa harapan niya para magsabi ng pakikiramay. Hindi na nga niya maintindihan kung anong dapat isagot sa 'Condolence', 'Same to you' ba?

Kapag ba nag'Condolence' ka na sa text message, magco-'Condolence' pa din ba sa personal? Kailangan din ba paulit-ulit para more chances of winning?

Hindi naman niya minamasama ang pakikiramay ng mga taong ito, ang sinasabi niya lang naman, sana nagpakita rin sila ng pagdamay noong nabubuhay pa ang mommy niya. Bwisit na bwisit siya tuwing may tatabi sa kanya para ipaalalang mabuting tao ang mommy niya, hello? Nanay niya yon, malamang alam niya iyon. All these pretense and false friendship disgust her. Ang ninang lang naman niya ang may gustong sa bahay iburol ang mommy niya. Kung siya ang masusunod, pinacremate na lang niya ito. Iyon rin naman ang balak nilang mag-ina. Pero ang sabi ng ninang niya, iburol muna nila kahit hanggang tatlong araw lang para makita ng mga kamag-anak. Hinayaan na lang niya.

Nakukulta na ang utak ni Erin dahil sa dami ng taong pumunta sa burol ng mommy niya eh si Ninang Hannah lang naman niya at si Kaloy ang kasama niya magmula nang maospital ito. Hindi niya nakilala ang mga kamag-anak sa side ng mommy niya kaya hinayaan na lang niya ang Ninang ang siyang humarap sa mga bisita. Pumirmi lang siya sa tapat ng kabaong habang tulala sa puting mga bulaklak na itinampok sa ibabaw niyon.

Wala na ang mommy niya.

Niyakap niya ang sarili habang unti-unti na namang bumalong ang luha sa kanyang mga mata.

"Ang daya mo, 'my. Iniwan mo ako rito. Sana sinama mo na lang ako."

Nang maging mas masidhi ang pagtulo ng luha mula sa kanyang mga mata, naramdaman ni Erin ang pagsikip ng dibdib niya hanggang hindi siya makahinga. Habol niya ang hininga habang sapo ang kaliwang dibdib, nagsimula na ring manlabo ang kanyang nakikita. Kumapit siya sa hamba ng inuupuan, gustong magsalita upang humingi ng saklolo subalit walang boses ang lumabas sa kanyang bibig. Heto na nga yata...

Handa na siyang pumikit at yakapin ang wakas nang maramdaman niya ang dalawang bisig na pumaikot sa maliit niyang katawan. Naaninag niya ang pigura na nakatunghay sa kanya, "P-Papa?"

"Stay with me, Erin. Please."

Ingay ng komosyon ang sumunod na rumehistro sa kanyang pandinig bago siya tuluyang lamunin ng dilim.