Chapter 715

"Teacher Yang, iyan ang itawag mo sakin." Panimula ng nasabing lalaking guro habang makikitang nakaupo ito sa upuan.

Kaharap lamang nito si Wong Ming na kanina pa nagtataka sa kilos ni Teacher Yang.

Ewan ba niya ngunit ramdam niyang napakalakas ng gurong ito.

Kung di siya nagkakamali ay isa itong Golden Warrior Realm ang cultivation level ng nasabing kaharap niyang guro.

"Teacher Yang, hindi na ko magpapaligoy-ligoy pa, nandito ako dahil sa isang misyon." Seryosong saad ni Wong Ming habang nakatingin ito kay Teacher Yang.

"Ipinadala ka ni Zhiqiang hindi ba?! Kahit kailan ay talagang hindi nito kinalimutan ang pangako nito sa aming master." Nakangiting wika ni Teacher Yang habang makikitang mayroon itong iniisip.

"Master?! Teka... Wag niyo pong sabihing disipulo din ng Dark Oath Guild si Faction Master Zhiqiang?!" Seryosong tanong ni Wong Ming na halatang naging interesado sa sinabi ni Teacher Yang.

"Oo, hindi lang basta disipulo dahil kaming dalawa ay mayroong iisang Master na nagturo." Simpleng sagot naman ni Teacher Yang. Halatang hindi nito idinetalye lahat na siyang naiintindihan naman ni Wong Ming.

"Panata na nito ang magpadala ng mga disipulong sa tingin niya ay magkakaroon ng totem mark na siyang maging katuwang niya sa pananatili ng lakas ng Flaming Sun Guild noon na ngayon ay ganap ng Faction." Salaysay naman ni Teacher Yang na kitang-kita ang ngiti sa mga labi nito.

Napakunot-noo naman si Wong Ming sa sinabing ito ni Teacher Yang. Alam niyang ang ngiting iyon ay may pait.

Naisip naman ni Wong Ming na medyo malalim ang pinaghuhugutan ng loob ng nasabing gurong ito na sa tingin niya ay may mataas na katungkulan sa Dark Oath Guild.

Imbes na magtanong pa si Wong Ming ng kung ano-ano pang personal na bagay ay agad niyang inilihis ang usapan.

"Alam niyo po ba ang patungkol sa Red Skull Alliance, Teacher Yang?! Alam niyo ba ang paparating na delubyo sa Dou City?!" Ang tanging natanong na lamang ni Wong Ming na kakikitaan ng labis na pagtataka.

Agad namang nanlaki ang pares na mata ni Teacher Yang.

Hindi niya aakalaing itatanong ito ng binatang disipulo mismo na galing sa Faction ni Zhiqiang.

"Isang malaking pasakit talaga ang Red Skull Alliance na iyan. Kaguluhan lamang ang hatid ng alyansang ito na kinabibilangan ng mga rebelde't masasamang mga nilalang na iyan. Matagal ng panahon na nag-eexist ang grupong iyan ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin mapuksa-puksa." Makahulugang saad ni Teacher Yang na makikitang hindi natutuwa sa nasabing organisasyong ito.

"Bakit po Teacher Yang, may ginawa ba sa inyo ang alyansang ito ng Red Skull?!" Tanong ni Wong Ming na naging interesado sa nasabing paksang pinag-uusapan nila.

"Malabong makapunta at manakop ang Red Skull Alliance sa Dark Island. Ang siyudad ay pinoprotektahan ng makapangyarihang lawang nakapalibot rito. Isa pa ay hindi gugustuhin ng Red Skull Alliance ang banggain muli ang mga katulad naming may mga Totem Mark na galing sa islang ito." Makahulugang sagot naman ni Teacher Yang na siyang nagpagulo naman sa isip ni Wong Ming.

"Bakit ayaw na ayaw nila na kalabanin kayo? Imposibleng dahil lang sa totem mark na galing rito?! Kung di ako nagkakamali ay may nakita akong nilalang na mayroong mga pulang mga marka." Seryosong saad ni Wong Ming.

Nanlaki muli ang mnga mata ni Teacher Yang sa sinabing ito ni Wong Ming.

"Tutal ay kukuha ka ng sarili mong totem mark ay hindi na ako magdadalawang-isip na sabihin ang patungkol sa bagay na nakapaloob sa totem marks..." Panimula ni Teacher Yang habang huminga pa ito ng malalim at nagpatuloy na magsalita habang naghihintay si Wong Ming sa susunod na sasabihin ni Teacher Yang.

"Ang totem mark na nandito sa Dark Island ay isang Totem Legacy. Mula mismo ito sa ninuno namin. Tanging ang malalakas na nilalang lamang ang nakakakuha ng mga pambihirang totem marks. Ang markang nakukuha ay hindi kailanman nabubura. Nakukuha lamang ito sa pamamagitan ng pagpaslang ng isang nilalang sa loob ng misteryosong lugar na iyon. Ang markang iyon ay kulay itim ngunit hindi ibig sabihin niyon ay isang itim na mahika iyon bagkus iba-iba ang kulay nito depende sa elementong pagmamay-ari ng sinumang makakakuha nito. Kaibahan sa Red Skull Alliance, ang totem mark nila ay sapilitan o artificial na nilalagay lamang ngunit hindi maaaring balewalain ang lakas ng Red Totem Mark dahil kayang-kaya nitong paslangin ang sinumang may taglay na black totem marks. Tinatawag na Blood Mark ito dahil may nababalitaan na ang ilan sa mga indibidwal na meron nito ay hindi kinakaya ang lakas ng markang ito na nauuwi sa kamatayan. Palaisipan pa rin kung saan galing ang markang ito ngunit batid naming may madilim itong pinagmulan." Mahabang salaysay ni Teacher Yang. Maging siya ay nahihiwagaan din rito ngunit sigurado siya sa lahat ng sinabi niya maging ng iba pa.

"Hindi ba't parang andali namang solusyunan Iyon? Pwede naman sigurong dakpin o kunin ang nilalang na iyon at e-eksamin ang katawan nito?!" Mungkahi naman ni Wong Ming habang nakangiti.

"Iyon ang nakakapagtaka binata sapagkat ang Red Totem Mark na ito ay napakamisteryoso at karamihan sa mga nahuhuli namin ay parang nasunog ang parte ng katawan na merong marka kasabay nito ang pagkamatay ng sinumang miyembro ng Red Skull Alliance." Seryosong wika naman ni Teacher Yang na maging siya ay labis ding nagtataka sa misteryosong penomena na ito.

Natahimik na lamang si Wong Ming. Alam niyang hindi talaga madali ang kalabanin ang Red Skull Alliance na ito. Masyadong maingat ang mga galae nito na siyang hindi na rin bago para sa kaniya. Alam niya at ramdam niya ang parehong frustrations nila sa Red Skull Alliance na iyan.

Masyadong matinik ang Red Skull Alliance na ito at tago pa rin ang operasyon ng mga ito.

Minsan niya ng nakaharap ang isa sa malakas na miyembro ng Red Skull Alliance ngunit napatunayan niyang biktima lamang pala ito.

Naniniwala siyang balang araw ay mapupuksa rin ang masamang organisasyong ito.

Creak! Creak!

Mabilis na napalingon si Wong Ming at si Teacher Yang sa pintuan nang bumukas itong bigla.

"Paumanhin po, Teacher Yang ngunit pinapatawag na po kayo ni Teacher Xiulan." Tila hinahapo pang wika ng nasabing disipulo ng guild na ito.

Doon lang napansin ni Wong Ming na tila namamawis ang binatang nakatayo pa rin sa pintuan.

Natahimik na lamang bigla si Teacher Yang at tiningnan ang nasabing disipulo.

Lumakad si Teacher Yang patungo sa binatang iyon at may sinabi ito na siyang hindi naman narinig ni Wong Ming.

Agad na ring umalis si Teacher Yang habang nagmamadali ito. Ewan ba ni Wong Ming ngunit biglang sumeryoso ang mukha ni Teacher Yang.

Napasimangot si Wong Ming dahil di man lang siya tinapunan ng tingin ni Teacher Yang.

Napakamot naman bigla sa batok nito ang lalaking pawisan at nagwika.

"Ahaha... Masanay ka na dun binata. Ako nga pala si Weimin. Ano nga pala ang pangalan mo?! Wag ka mag-alala dahil inihabilin ka ni Teacher Yang sa akin. Di ko alam kung bakit nahuli ka, meron pa namang nauna sa'yo na galing rin sa Flaming Sun Faction. Siguro ikaw yung huli sa slot kasi kulang ng isa ang mga dumating na nauna sa iyo." Sambit ng binata na nagpakilala.

Napahinga naman ang kalooban ni Wong Ming sa sinabing ito ng nagpakilalang Weimin ang pangalan. Akala niya rin ay siya lang ang ipinadala rito.

Akala niya rin ay naghihinala na si Faction Master Zhiqiang sa kaniyang pagkatao.

Ewan. Basta ang importante ay makakakuha siya pagkakataon upang lumakas ulit.

Ito na rin siguro ang pagkakataon upang mas lumakas pa siya at magapi sa hinaharap ang Red Skull Alliance na nagdulot ng malaking delubyo sa teritoryo na sakop ng Dou City, ang lungsod kung saan siya nagmula at nagka-isip.