Panimula
Pagkatapos kong mai-send ang message kay Karen ay nag-ayos na rin ako para sa usapan namin mamaya. Matapos ang halos isang oras ay nagtungo na ako sa lugar na sinabi ko sa kanya. Natagpuan ko siyang nakaupo sa isang bench, may hawak na malaking boquet ng sunflower.
Nakangiti siyang nakatitig sa hawak niyang bulaklak, animoy kinikilig. Dahil alam kong maaring ito na ang huling beses na masisilayan ko iyon, pinili kong huwag munang magpakita at kinunsinti ang sarili ko sa pagtitig sa kanya.
Sinuri ang kabuuan niya kahit kabisado ko naman na. Mula sa buhok niyang maayos ang pagkaka-wax, ang mga kilay niyang makapal ngunit pantay, sa mga mata niyang laging may kinang, ang mga ilong na hindi ganoon katangos ngunit maganda ang hugis, hanggang sa labi niyang masarap halikan. Maging ang kanyang tindig at paraan ng pag-upo. Nang makuntento ay lumapit na sa ako sa kanya.
Naramdaman din yata niya ang presensiya ko kaya't tumayo siya at sinalubong ako ng may malawak na ngiti. Kung noon ay nakapagpapagaan ng pakiramdam ang mga ngitinng iiyon, ngayon ay sumisikip ang dibdib ko sa sakit.
Nakita ko ang pag-kunot ng kanyang noo nang hindi ko nasuklian ang ngiti niya. Gayon pa man ay iniabot niya sa akin ang hawak na bulaklak. Tinanggap ko iyon ng hindi pinuputol ang titigan namin.
Ilang segundo rin kaming nasa ganoong posisyon ng kunin ang isa kong kamay na nakahawak sa bulaklak. Kung hawakan niya ang mga kamay ko'y parang isang bagay na babasagin, dapat ingatan. Nakatingin lang kami sa isa't-isa ng halikan niya iyon, nag-uusap gamit ang mga mata.
Hawak pa rin ang mga kamay ko ay hinalikan niya ako sa noo, sumunod ay sa pisngi. Nakita kong tumingin siya sa labi ko saka muling tumingin sa'kin, tila nanghihingi ng permiso.
Hindi ako kumibo o nagbigay ng anumang sumagot, hinayaang siya na ang magdesisiyon. Ilang sandali pa'y dahan dahan siyang yumuko.
Alam kong dapat ay pigilan ko ang sarili ko para hindi na kaming mahirapang dalawa ngunit hinayaan ko lang ang sarili kong namnamin ang sandaling ito dahil sa susunod kong gagawin ay alam kong hindi na mauulit ito.
Mababaw lang sa una ang halik ng iyon ng hanggang sa lumalim ng humalik ako pabalik. Hindi ko alam kung paano ngunit nararamdaman ko sa halik na iyon ang pananabik, pagmamahal, at.... takot.
Hindi ko maintindihan kung paano. Pero siguro ay nararamdaman din niya kung anong mangyayari. Habol hininga kaming pareho ng tuluyang bumitaw sa halik. Nakangiti niyang idinikit ang noo sa aking noo.
"I love you, Diane." punong-puno ng pagmamahal niyang sinambit iyon. Apat na salita ngunit maraming ibig sabihin. Na para bang sinasabi niya sa aking kaya niyang isuko ang lahat, kaya niya 'kong ipaglaban. Kaya niyang harapin ang anumang hahadlang sa'ming dalawa. Tila nagpapahiwatig na huwag ko nang ituloy kung ano man ang napagpasiyahan ko.
"I love you too, Karen... so much." pinilit ko mang subukan ay hindi ko napigilang lumuha. Noon ay masaya akong sabihin iyon dahil pakiramdam ko ay ako na ang pinaka- maswerteng babae dahil ako ang minahal niya, ngunit ngayon ay nasasaktan ako.
Nasasaktan ako sa katotohanang hindi ko kayang ipaglaban ang pagmamahal na iyon. Nasasaktan ako dahil sa dinami-rami ng pwedeng pag-alayan niya ng pagmamahal ay ako pa ang pinili niyang sasaktan rin naman siya sa huli.
Niyakap ko siya ng mahigpit na agad niyang tinugon. Naramdaman ko pa ang paghalik niya sa buhok ko at mas hinigpitan pa ang pagyakap sa'kin. Nang bumitaw ako ay nakayakap pa rin siya bewang ko. Tinitigan ko lang siya, hindi na alam kung paanong sasabihin sa kanya ang dahilan ng pakikipagkita ko.
May pagtataka man sa kanyang mukha ay muli siyang ngumiti. Lalo akong nahirapan. Sumisikip ang dibdib ko. Sinubukan kong ibuka ang mga labi ko pero pero walang salitang lumalabas. Tila na-stuck sa lalamunan ko ang mga salitang kailangan kong bitawan.
Hindi ko yata kaya. Hindi ko siya kayang saktan. Paano ko magagawang sirain ang mga ngiting iyon? Paano ko dudurugin ang puso niya? Wala akong maisip na magandang paraan kung paano kong tatapusin ang lahat ng hindi nag-iiwan ng sugat sa kanya.
"May problema ba?" tanong niya habang hinahaplos ang buhok ko. Inipon ko ang lahat ng tapang at lakas ng loob na meron ako.
"Itigil na natin 'to, Karen."
Napaatras siya,may pagtataka sa mukha. Nakita ko ring gumuhit ang sakit sa kanyang mata. Inaasahan ko na ang mga iyon.
"Ano? Hindi kita maintindihan. Akala ko okay tayo? Diane, nagt-trip ka ba? Sabihin mong oo, hindi ako magagalit, please. Huwag kang ganyan." lumuluha na rin ngunit umaasang tugon niya.
Napailing na lang ako habang pinupunasan ang mga luha ko.
"Karen, please. Let's end this. Mas makabubuti 'to para sa'ting dalawa."
Masakit man ay minabuti kong bitawan na ang salitang iyon. Salitang tatapos sa kung ano mang meron kami ngayon. Mabuti nang itigil namin ito hanggat maaga pa.
"Makikipag-break ka na? Matapos mo'kong yakapin at halikan? Hindi kita maintindihan, Diane."
"Karen, para sa'ting dalawa rin naman 'to. Para sa ikatatahimik ng buhay natin. Alam mo rin naman na hindi sang-ayon ang pamilya ko sa relasyon natin. Please, ayaw ko nang dagdagan ang sugat na naidulot ng relasyon na'to sa'ting dalawa."
"Gano'n na lang 'yun? Bibitaw ka na? Suko ka na? Padadala ka sa sinasabi ng iba? Iiwan mo'ko para sundin ang pamilya mo? Diane, kailan ka ba magdedesisiyon para sa sarili mo? Kailan mo uunahin ang sarili mo?" parang bata siyang umiiyak, nakatingin sa akin, nanunumbat ang mga mata, nasasaktan.
Napabaling ako ng tingin. Hindi ko kaya. Anumang sandali ay baka mayakap ko siya at bawiin ang lahat ng sinabi ko. Pero hindi pwede. Kailan kong gawin kung ano ang tama.
"Diane... piliin mo naman ang sarili mo, kung anong magpapasaya sa'yo. Piliin mo naman ako. " dugtong niya na lalong nagpaluha sa akin. Napailing na lamang ako. Nauubusan ng salitang sasambitin.
"Karen, tama na. Please, huwag na nating pahirapan ang isa't-isa. Hindi natin pwedeng ipagpatuloy kung anong meron tayo dahil mali ito. "
"Mali? Dahil babae tayong pareho? Hindi ko maintindihan, paano? Kailan pa naging mali ang pagmamahal?"
"Hindi mali ang magmahal, Karen. Ang mali ay itong relasyon natin. Itong ugnayan natin. Maling-mali. Sa paningin ng ibang tao, lalo na sa paningin ng Diyos."
Nakita kong napamaang siya sa tinuran ko, hindi makapaniwala. Gusto ko mang bawiin ay nasabi ko na.
"Diane..." lumuluhang sambit niya.
Napako lang ako sa kinatatayuan ko hanggang sa unti-unti siyang lumapit sa'kin, hinawakan ang kamay ko at idinampi iyon sa kanyang pisngi at hinalikan.
Nilabanan ko ang mga titig niya. Mata niya ang nakikipag-usap. Sumisigaw ng mga salitang hindi kayang bigkasin ng kanyang labi. Mga salitang hindi man naririnig ay ramdam ko.
"Kung kasalanan mang maituturing ang nararamdaman ko para sa'yo, mas gugustuhin kong maging makasalanan sa paningin ng mundo." Hindi ako makapagsalita.
"Bakit gan'on kadaling tapusin para sa'yo kung ano mang meron tayo? Bakit ang dali mong bumitaw? Bakit hindi mo ako magawang ipaglaban? Ang sabi mo, mahal mo ako? Totoo pa ba 'yun?" nanunumbat na dagdag niya. Lalo akong napaluha.
"Mahal kita. Totoo 'yun. Hindi naman porque natapos ay hindi na totoo 'diba? Karen, mahal na mahal kita. Mahal kita pero hindi sapat 'yung pagmamahal na 'yun para ipaglaban ka."
Kahit ako ay nasaktan sa tinuran ko. Nasasaktan sa katotohanang duwag ako. Na wala akong lakas ng loob para sundin ang laman ng puso ko. Nasasaktan ako sa kaisipang kailangan ko siyang iwan, huwag lang akong talikuran ng mundo, lalo na ng pamilya ko.