Homecoming: Chapter 7

Sa may basketball court sa Our Lady of Lourdes subdivision naglaro ang magkaibigang sina Kenneth at Ryan. Dati na rin naman silang naglalaro doon. Iyon ang pampalipas oras nila minsan at pampa-alis ng stress. At kahit alas-tres y media pa lamang ng hapon noon ay okay lang maglaro dahil nga sa covered naman ito at malamig na rin ang panahon dahil sa Christmas season na nga.

"Teka lang! Time out muna!" ang sabi ng hinihingal nang si Ryan.

Tinignan ni Kenneth ang kaibigan habang dinidribble niya ang bola. "O, nakaka-sampung minuto pa lang tayo, suko ka na?"

"Eh sa professional basketball nga may quarter break. Pahinga muna tayo," ang sabi naman ni Ryan na nagpunta sa may bench at uminom ng tubig mula sa tumbler na dala nila.

Si Kenneth naman ay nagpatuloy lang sa pagdi-dribble at pagsu-shoot ng bola. Nang bigla itong magtanong sa kaibigan.

"Paano nga kaya kung magkabalikan kayo ni Jhing, ano?"

"Hindi na nga mangyayari iyon."

"Siya ba iyong dahilan kung bakit hindi ka pa nag-aasawa hanggang ngayon?"

"Bakit naman siya ang magiging dahilan? Eh nine years na kaming hindi nagkikita non?"

"Eh kasi baka hanggang ngayon, hindi ka pa nakaka-move on sa sa kanya. Hanggang ngayon naghahanap ka pa rin ng babaeng katulad niya at iyon ang gusto mong mahalin."

Matagal nang hinala iyon ni Kenneth. Alam niyang si Jenneth ang basehan ni Ryan sa kahit na sinong babaeng makilala nito. Sabi nga nito kanina, Jenneth was the perfect girlfriend for him. And how do you get better once you've had the best?

"Hindi ganoon... Alam mo, tigilan na nga natin iyang love life ko. Ang mabuti pa, ikaw na lang ang pag-usapan natin."

"Bakit ako? Hindi naman ako iyong may ex na biglang nagbalik sa buhay ko."

"Paano ka magkakaroon ng ex? Eh one and only lang si Kristine sa buhay mo?"

"At magiging one and only siya sa buhay ko hanggang sa pagkamatay ko." Feeling niya rin kasi ay si Kristine ang perfect girlfriend at wife para sa kanya.

"Ows? Ang bata pa kaya natin. Marami pa ang pwedeng mangyari at maraming chicks ka pang makikilala."

"Ry, I already found my destiny."

"Okay, sabihin na natin na ikaw ang nakatadhana para kay Kristine. Pero paano kung hindi naman pala siya ang nakatadhana para sa'yo?"

"Huh? Ano bang pinagsasasabi mo? Paano naman mangyayari iyon? Iyong nakatadhana sa'yo, ikaw din ang nakatadhana para sa kanya."

"Eh bakit namatay si Kristine?"

Hindi siya nakasagot. Hindi niya alam ang isasagot sa tanong na siya mismo ay gustong masagot.

"If siya iyong 'the one' para sa'yo, bakit ang aga ka niyang iniwan? Anong klaseng love story iyon?"

"Iyong ibang istorya maikli lang talaga."

"Pare, call me hopeless romantic, pero naniniwala ako na ang mga taong meant to be, hindi kaagad nagkakahiwalay. Kaya nga nagmamahal ulit iyong mga namamatayan ng partner, o nakikipaghiwalay. Kasi, kaya nagtapos iyong relasyon nila doon sa una, kasi hindi talaga iyon iyong taong meant to be nila. Kumbaga sa istorya, prologue lang iyon. Wala pa iyong talagang kuwento."

Ayaw niyang isipin na tama ang sinabi ni Ryan. Na magmamahal pa siya ng iba bukod kay Kristine. Na may iba pa siyang pag-aalayan ng puso niya at ng buhay niya kagaya ng ginawa niya sa yumao niyang asawa.

Tapos iiwanan din siya ulit nito.

"Bakit si Mama? Nung mamatay si Daddy, hindi na siya nag-asawa pang muli," ani Kenneth.

"So, ibig mong sabihin, namana mo iyong kapalaran ng mama mo?"

"Siguro," aniya sabay dribble ulit sa bola. Saka siya nag-layup sa ring na nagmintis naman.

"Eh paano naman kung nagkamali ka pala sa hinala mo?"

Napatingin siya kay Ryan.

"Paano kung iyong 'the one' mo pala, nauna nang dumating? Tapos nawala siya at akala mo, hindi siya iyon meant to be mo. Talos nagmahal ka ng iba. Pero sa huli pala, iyong first love mo iyong 'the one' para sa'yo."

Napaisip si Kenneth. "Parang kayo ni Jenneth? Akala mo wala na kayo, tapos ngayon nagbalik siya. Parang imposibleng nagkataon lang lahat, 'di ba?" He smirked.

Seryoso naman siyang tinitigan ni Ryan. Sa sobrang seryoso ay parang nagiging awkward na ang dating para sa kanya. Para kasing may ibig sabihin si Ryan sa titig nito sa kanya. Parang may gusto itong ipaunawa sa kanya pero hindi naman niya malaman kung ano.

"Tama na nga ang usapang ito! Maglaro na lang ulit tayo," ani Kenneth sa kaibigan. "Tapos na ang quarter break. Halika na! Maglaro na tayo ulit."

Inihagis niya ang bola kay Ryan na napilitang saluhin ito at magpatuloy sa paglalaro.

"Huwag mo kasing masyadong galingan," anito kay Kenneth. "Alam mo naman na sa ating dalawa, ikaw ang nakakalamang sa larong ito."

"Ang dami mo pang satsat." Inagaw ni Kenneth ang bola mula kay Ryan.

"Hoy! Teka lang! Sabi nang huwag gagalingan, eh!"

Napilitang habulin ni Ryan ang tumakbong si Kenneth upang makuha ulit niya ang bola. Pinilit humabol ni Ryan, nang parang bumagal ito sa pagtakbo.

"O, habol pa!" tukso naman ni Kenneth dito.

"Wait lang. Sumasakit ang paa ko." Para ngang medyo umiika-ika ito.

"Hu! Gusto mo lang yatang pumunta sa TGH para makita mo si Jhing, eh."

Sumimangot si Ryan at parang medyo nainis na sa sinabi niya. Na ikinatuwa pa ni Kenneth. Lumapit naman si Ryan sa kanya at muli ay nag-agawan sila ng bola. Dahil yata sa pagkapikon kaya naging mas agresibo si Ryan. Ganunpaman ay nagawa pa ring i-shoot ni Kenneth ang bola sa ring sa pamamagitan ng pag-dunk.

"Aw!" Bigla na lang napaupo si Ryan pagbaba nito sa court matapos subukang i-block ang tira niya. "Teka lang, Pare. Ang sakit ng paa ko."

Tinignan ni Kenneth ang kaibigan na namimilipit sa sakit habang nakahawak sa kanang binti nito, partikular na sa may likuran ng kanang binti nito.

"Ano bang nangyari?" tanong niya dito.

"Basta bigla na lang sumakit. Parang na-strectch iyong binti ko, Ken. Aw!" Literal na napahiga na ito sa sahig.

Tinignan ni Kenneth ang sumasakit na binti ng kaibigan. Mukhang alam na niya ang nangyayari dito.

"Halika." Inalalayan niya ito.

"Saan?" Nakatayo naman si Ryan, pero hindi pa rin ito makalakad.

"Sa TGH."

"Seryoso, Pare?" Parang kinabahan ito.

"Napunit yung muscle mo kaya kailangan nang putulin iyang paa mo."

"Hindi nga?" Pinilit kumawala ni Ryan sa pag-alalay ni Kenneth.

"Joke lang. Na-strain siguro ang hamstring mo. Iuuwi na kita para malampatan na 'yan ng first aide." Muli niya itong inalalayan.

"Hamstring? Iyon ba iyong kinakain?"

"Sige, subukan mong kainin at baka sa ospital na talaga kita dalhin."

Isinakay niya sa kotse ang kaibigan at saka iniuwi sa bahay nito.