Homecoming: Chapter 9

Kinabukasan, madaling araw pa lang ay nakahanda na si Kenneth para sa kaniyang biyahe papuntang Boracay. Alas-diyes kasi ang flight niya, at dahil sa traffic ay kailangan niyang makaalis bago mag-alas-cuatro para may sapat pa siyang oras para mag-check in sa airport.

Bago lumabas ng bahay ay pinuntahan muna niya ang anak sa silid nito. Mahimbing namang natutulog si Darlene sa kama nito. Pumasok siya sa loob at saka umupo sa kama nito.

Nakatalikod sa kanya si Darlene. Inayos niya ang pagkakakumot nito at saka hinalikan sa may sintido.

"Promise, Anak. After this, babawi ako sa iyo."

He looked fondly at his daughter habang hinahaplos ang mahaba nitong buhok. Gusto pa sana niyang mag-stay doon at panoorin ito sa pagtulog pero kailangan na niyang umalis at pumunta sa airpot.

Muli niya itong hinalikan bago tumayo mula sa pagkakaupo sa kama ni Darlene. Pagtapak niya sa may pintuan ng silid ay parang nag-iba ang pakiramdam niya. Parang ang bigat sa dibdib niya na umalis nang hindi nakikita ang mukha ng anak.

Pero hindi na niya ginising pa ang anak. Lumabas na lamang siya ng silid at dumiretso na sa kanyang destinasyon.

**********************************************************

Alas-otso ang pasok ni Darlene sa eskwelahan. Seven o'clock ito ginigising ng Lola Marie niya para kumain ng breakfast at maghanda para sa pagpasok nito sa eskwelahan.

"Lene…" Pumasok ng kwarto si Aling Marie. Umupo ito sa kama ng nakatalikod na si Darlene at saka hinawakan ang balikat nito. "Lene, gising na."

Umungol naman si Darlene.

"Alam kong masama ang loob mo sa pag-alis ng daddy mo kanina. Alam ko namang naiintindihan mo, 'di ba? Kailangang gawin iyong ng daddy mo para sa kumpanya, at ginagawa niya iyon para sa iyo. Para maging maayos ang buhay ninyo. Para maging komportable ka at maibigay niya sa iyo ang lahat ng pangangailangan mo, pati na rin kung ano ang gusto mo. Darating din iyong time na magkakaroon ng maraming oras para sa iyo ng daddy mo. Kaya huwag ka nang malungkot. Hayaan mo, kakausapin ko ulit siya. Sasabihin ko sa kanya na mag-lie low siya ng konti sa trabaho at nang makapag-bonding naman kayo."

Hindi pa rin tumitinag sa pagkakahiga si Darlene.

"Lene…" Niyugyog ni Aling Marie ang balikat nito. "Lene gising na… Lene…"

Muli ay umungol lamang ang bata. Muli naman siyang niyugyog ng lola niya. Nang bigla itong may maramdaman sa pagkakahawak niya ng balikat nito. Dinama nito ang noo ng bata upang makumpirma ang hinala niya.

Napatayo si Aling Marie at dali-daling bumaba sa may kusina.

"Lita!" tawag ni Aling Marie sa katulong.

Kaagad namang sumagot ang katulong. "Ate?"

"Kumuha ka nga ng panghilamos kay Darlene. Parang may lagnat eh. Kukunin ko lang iyong thermometer sa may cabinet para ma-check iyong temperature niya."

"Sige po."

Kinuha ni Aling Marie iyong thermometer sa may medicine cabinet sa may common CR sa ibaba. Pagkatapos ay bumalik na siya sa kwarto ng kanyang apo sa may second floor ng kanilang bahay.

"Lene, Apo…" Iniharap niya ang apo sa kanya. "Lene…" Hinawakan niya ang pisngi nito at muli'y nadama ang mataas na temperature ng apo.

"Hmm… Lola…"

"Anong nararamdaman mo Apo?" Nag-alala na siya sa itsura nito. Medyo namumula na ito sa init siguro ng temperature nito.

Muli ay umungol lamang si Darlene. Pinunasan ng alcohol ni Aling Marie ang thermometer bago inilagay sa kili-kili ng kanyang apo. Siya namang pagdating ni Lita dala ang isang palangganang may tubig ay saka pamunas.

"Mukhang natuloy na po iyong sinat ni Darlene, ah," ang sabi nito.

"Kahapon nga pagdating niya matamlay na siya. Akala ko dahil lang iyon sa nagtatampo siya kay Kenneth. 'Di ba naalis na iyong lagnat niya noong Linggo ng gabi? Nakapag-aral na nga siya noong Lunes tsaka kahapon," ang sabi naman ni Aling Marie.

"Baka po nabinat, Ate."

"Huwag naman sana…"

Ang alam ni Aling Marie, mas malala ang binat kaysa sa lagnat mismo. Noong Sabado ng hapon ay nilagnat na si Darlene. Sumasakit daw ang mga kasu-kasuhan at ulo nito at saka nagsusuka. Ang hinala nila ay trangkaso lang. Hindi na nila ito pinatingin sa doktor dahil Linggo ng gabi ay nawala na rin ang lagnat niya. Nakapag-aral na nga siya ng dalawang araw.

Tinignan niya ang thermometer, at nag-alala siya sa nabasa doon. Forty degrees Celsius.

"Lola…"

Napatingin siya sa apo.

"Lene… Ano ang nararamdaman mo, Darling?"

"Iyong tiyan ko, Lola…"

"Masakit ang tiyan mo?" Hinimas niya ang sikmura nito.

"Lola…"

Natataranta na siya sa pagdaing ng apo. Nang bigla na lamang itong sumuka.

"Ay!" Napatili na rin si Lita.

"Kumuha ka ng pamunas." Sinikap na pakalmahin ni Aling Marie ang sarili.

Kaunti lamang ang sinuka ni Darlene. Nilinis naman iyon kaagad ni Lita at si Aling Marie naman ang naghilamos kay Darlene. Pinalitan din niya ang suot nito.

"Lola…"

"Ano iyon apo?"

"Ang sakit…"

"Alin, iyong tiyan mo? Masakit pa ba?"

"Hmm…" Hinawakan ni Darlene ang ulo.

"Dito? Masakit?" Hinawakan ni Aling Marie iyong noo ng apo.

"Hmm-hmm…"

Halos puro ungol na lang ang ginagawa ni Darlene. Hindi na ito makapagsalita.

"Ate, baka dahil sa taas ng lagnat niya," ang sabi naman ni Lita.

"Darlene, kain ka muna tapos inom ka ng gamut, ha?"

Humalinghing si Darlene sabay ng pag-iling nito.

"Eh paano maalis iyong sakit ng ulo mo?"

Muli ay humalinghing si Darlene na parang nagta-tantrums na bata. Halata ang hirap na dinaramdam nito dahil sa mataas na lagnat.

"O sige. Uminom ka muna ng gamot. Safe naman daw iyon kahit hindi ka kumain. Tapos kapag okay ka na, kumain ka kahit konti lang, ha?"

Tumango si Darlene. "Hmm…"

"Lita, kunin mo nga iyong Tempra sa may cabinet."

"Sige po, Ate."

Bumaba muna si Lita upang kunin ang gamot ni Darlene.

"Lene…" Hinawakan ni Aling Marie ang kamay ng apo. "Nandito lang si Lola, ha? Huwag kang mag-alala, aalagaan kita."

Hindi maitago ni Aling Marie ang pag-aalala sa apo. Ngayon pa na wala ang kanyang anak na si Kenneth. Naihiling niya na sana ay hindi naman ganoon kalala ang lagnat ni Darlene. Maalis na sana ito kaagad para hindi na rin mag-alala ang kanyang anak na ngayon ay papunta sa malayong isla ng Boracay.