Matapos ang kanilang agahan ay tinungo naman nila si Maya na noo'y kinakatay na ang baboy ramong nahuli si Milo sa labas. Mabilis niyang kinuha ang mga laman-loob nito at sinalok ang dugo nito bago ilagay sa isang malinis na batyang gawa sa kahoy.
Tahimik lang silang nagmamasid habang taimtim na ginagawa ni Maya ang ritwal ng pagbabasbas sa kinakatay niyang baboy. Ang balat nito ay walang kahirap-hirap niyang naihiwalay sa mismong katawan at isinampay iyon sa pinahanda niyang kawayan. Gamit ang basong gawa sa kawayan ay sumalok siya ng dugo mula sa batya at walang kaabog-abog na ininom iyon sa harap ng tribo.
Hindi mo makikitaan ng pandidiri ang mga Mayarinan sa ginagawa ng dalaga bagkus ay bakas sa mukha ng mga ito ang pagkamangha. Pagkamangha sa ginagawang ritwal at mga sinasambit na orasyon ng dalaga na nanunuot sa bawat kalamnan at sistema nila. Tila ba maging ang kanilang puso ay kumakabog sa kasabikan na animo'y sumasabay sa bawat pagwasiwas at bawat pag-indak ng mga paa nito sa lupa.
Maging si Milo ay hindi mapigilan ang mapahanga sa dalaga. Ang buong akala niya ay simpleng pagkain lamang ang gagawin nito sa kaniyang nahuli. Hindi niya lubos akalain na magkakaroon ito ng isang ritwal habang kinakatay niya ang naturang hay*p.
Matapos ang isinasagwang ritwal ay nagpasilab si Maya ng apoy sa harapan niya at doon ay maingat niyang itinuhog sa malaking kawayan ang katawan ng baboy ramo at maayos na isinalang sa apoy. Sa pagkakataong iyon at taimtim nang nagdarasal ng pasasalamat si Maya sa mga diwata at sa May Likha sa biyayang ibinigay nito.
Matapos iyon ay muli siyang kumuha ng baso na gawa sa kawayan at muling sumalok ng dugo bago ito ibinigay sa matiyagang naghihintay na si Gustavo.
"Maaraming salamat." wika ni Gustavo matapos tanggapin ang baso mula sa dalaga. Naupo si Maya a tabi nito at pinagsaluhan nila ang dugong iyon bilang paunang inumin para sa kanilang kagalingan .
Agad na nakaramdam ng kakaibang hagod si Gustavo sa kaniyang inumin. Pakiramdam niya ay biglang gumaan ang kaniyang katawan at nawala ang lahat ng nararamdaman niyang sakit sa katawan.
"Ngayon lang ako nakatikim ng ganitong inumin, nakakamangha. Anong ginawa mo?" tanong ni Gustavo sa dalaga.
"Ang ritwal ng pag-aalay sa mga Diwata at kay Bathala. Sa pamamagitan nito ay malilinis ang anumang maruming esensya na maari natin makuha mula sa pag-inom at pagkain natin sa baboy na iyan. Ginagawa din iyan ni ama kapag nagkakaroon siya ng malubhang sugat sa katawan, minsan naman ang ina kong babaylan ang gumagawa ng ritwal para sa aking ama." paliwanag ni Maya at napatango naman si Gustavo. Tila ba may nalaman siyang kakaibang bagay na labis naman niyang ikinasaya.
"Ang buong akala ko ay isang malaking kasalanan ang pag-iibigan ng isang tao sa mga aswaang. Iyan kasi ang matagal nang iniuukit ng aking mga kaangkan sa aking isipan. Subalit nang makilala ko si Agnes ay biglang nagbago ang lahat. Noon lang ako nangarap ng isang tahimik at matiwasay na buhay. Simula nang makilala ko siya ay itinigil ko na ang pagkain sa karne ng mga tao. Sa tuwing nakakaamoy ako ay para akong masusuka at naiisip ko agad na ang aking pinakamamahal ang aking nilalantakan. Ayokong dumating ako sa puntong iyon kaya sinanay ko ang sarili ko na makontento sa mga karne ng hayop sa kagubatan." Mahabang salaysay ni Gustavo at nakangiting napatingin sa dalaga.
"Nakatutuwang isipin na posible pa lanag mabuhay sa mundo ang anak namin. Nang makita kita ay nagkaroon ako ng pag-asang mabubuhay ang anak ko at gagawin ko ang lahat upang makamulatan niya ay isang payapang mundo na malayo sa mga ganid kong kaangkan." emosyonal na dagdag pa ng lalaki.
"Ang pag-ibig ay walang pinipiling uri, ang ina namin ni Simon ay isang babaylan at ang ama naman namin ay isang gabunan. Ngunit hindi iyon naging hadlang upang ibigin nila ang isa't-isa. Sa tamang gabay ay maayos niyong mapapalaki ang inyong anak. At lagi mong tatandaan, mapagpatawad ang Maykapal, hindi niya tinatalikuran ang mga nilalang na nais manumbalik sa kaniya. Magdasal ka at magnilay, siguradong pakikinggan ka niya. Marahil ay iniadya ng Panginoon na mapunta ka sa Ilawud upang magkakilala tayo, nang sa gayon ay muli mo nang makita ang pamilya mo. May awa ang Diyos, lahat ng nananalangin sa kaniya ay naririnig niya. Hindi man niya ito dinggin agad ay darating ang araw na magugulat ka na lang na natupad na niya ang panalangin mo." nakangiting saad naman ng dalaga.
Napatingala naman si Gustao sa bughaw na kalangitan. Hindi siya makapaniwalang nasisilayan niya ang umaga. Nasa ibang mundo man siya ay alam niyang malapit an rin niyang makasama ang mag-ina niya.
"Konting tiis na lang mahal ko, magkikita din tayo." bulong na wika ni Gustavo sa kaniyang sarili.
Kinahapunan, nasa loob na sila ng kubo ni Apo Sela upang mapag-usapan ang susunod nilang hakbang. ang huling dalawang kristal ang pinakamahirap sa lahat dahil nakalagak iyon sa isla ng mga Anggitay kung saan nagawa na itong sakupin ng mga magindara.
"Ang isla ng mag anggitay ay nasa kaliwa lamang ng aming Isla, may kalayuan ang isla ng Mayari sa mga islang nasa Ilawud kaya mahaba ang magiging pagalalakabay niyo sa dagat. Hindi rin basta-basta ang panganib na makakaharap niyo sa karagatan dahil sa oras na marating niyo ang bukana ay marami nang magindara ang makakaharap niyo," wika ni Apo Sela sa kanila.
"Hindi makabubuti kung sa dagat kayo dadaan kaya nagdesisyon kami ni Inang na gagawan ko kayo ng lagusan patungo sa tuktok ng bundok." sabad naman ni Liway.
"Hindi ba't masama sa katawan mo ang paggamit sa lagusan?" Tanong ni Simon at napangiti naman si Liway.
"Tulad niyo, may tamang ritwal akomg sinusunod upang kahit paano ay hindi ito mapinsala ang katawang lupa ko. Magiging masama lamang ito kung hindi ako dadaan sa ritwal at magamit ko ito ng puwersahan." paliwanag naman ng dalaga.
Sa pagkakataong iyon ay natahimik naman si Simon at maayos na ipinaliwanag sa kanila ni Liway ang kanilang gagawing paghahanda.
"Ang huling kristal ay nasa pinakasentrong isl at iyon ang higit na pagtutuunan natin ng buo nating lakas matapos nating mabawi ang Isla ng mga Anggitay." Wika ni Liway.
"Ang isla a pahingahan ni Bakunawa?" bulalas na tanong ni Milo at napatano naman si Liway.
"Oo, ang pahingahan ni Bakunawa. Kung mapapansin niyo ay hindi nagpapakita ang serpenteng iyon gawa nang lason na nakakalat sa karagatan ng Ilawud." tugon ni Liway.
Maigi nilang pinag-usapan at pinaplanuhan ang mga bagay na maaari at hindi maaaring gawin sa oras na nasa laban na sila.
"Sasama ako." Mayamaya ay bulalas ni Gustavo at lahat sila ay napalingon dito.
"Sigurado ka Manong Gustavo? Mapanganib ang lakad namin at sigurado ka bang kaya mo na?" Tanong ni Milo rito.
"Kaya ko na, hindi rin ako mapapakali kung maghihintay ako rito sa inyo. At isa pa, mas maigi kong marami tayo ang lalakad, paniguradong magiging mahirap para sa inyo ang laban lalo pa't dehado kayo sa numero," saad ni Gustavo at sumang-ayon naman si Apo Sela.
"Tama si Gustavo, malaki ang maitutulong niya sa lakad niyo. Mapanlinlang ang mga magindara at hindi rn ntin batid ang bilang nila at alalahanin niyo, hindi pa natin alam kung ano pang nilalang ang nagkukubli ngayon sa isla ng mga anggitay buhat nang malason na ito. Pakiwari ko'y pinamumugaran na ito ng masasamang nilalang dahil kung mapapansin niyo, kakaiba na ang hanging nanggagaling sa islang iyon," pinal na wika naman ng matanda. Wala nang nagawa pa ang grupo kun 'di isama si Gustavo sa kanilang lakad.
Sa huli ay napagtanto rin nilang malaki nga ang maitutulong ni Gustavo sa kanila. Halos hatinggabi na din nang matapos ang kanilang usapan. Ilang sandali pa ay minabuti na rin nila ang magpahinga pagkatapos magsalo-salo sa isang simpleng hapunan.
Pagsapit ng bukang-liwayway ay muli nang tinungo ni Milo ang lugar na kung saan madalas magpakita ang mga diwata, partikular na ang diwata ng buwan.
Nang marating niya ang lugar na iyon ay agad siyang naupo sa gitna ng damuhan at marahang ipinikit ang mata upang magnilay.
Samantala, abala naman si Maya at Liway sa paghahanda para sa gagawin nilang ritwal na tutulong kay Liway sa paggawa nito ng lagusan. Habang si Simon at Gustavo naman ay abala sa pag-iinsayo sa paggamit ng kani -kanilang sandata at kakayahan.