WebNovelMASKARA94.12%

Chapter 9

Damian's POV

Parang paulit-ulit na sirang plaka ang mga sinabi ni Lara sa utak ko. "Pero dahil sa itsura mo ngaun na para kang iwan, sige na. Pero 'di ko sasabihin kung sino. Basta may nagugustuhan na ako dito, matagal na."

Habang bumabalik-balik iyon sa isip ko, pakiramdam ko'y unti-unti akong nauubusan ng hangin. Si Brian ba? Siya ba talaga? Paulit-ulit kong tinatanong sa sarili ko, ngunit parang walang sagot na lumalabas na kaya kong tanggapin.

Bigla akong napasigaw sa opisina. Ahhh!"

Halos lumipad ang mga papeles sa mesa ko dahil sa lakas ng hampas ko. Narinig ko ang tahimik na pagkabigla ng mga katrabaho ko sa labas ng opisina, pero wala akong pakialam. Tumayo ako, galit na galit, at naglakad-lakad pabalik-balik sa maliit kong espasyo.

Anong gagawin ko? Bakit ang sakit nito?

Hindi ko napansin, pumasok si Franco sa opisina, mukhang nag-aalala. "Damian, anong nangyayari sa'yo?" tanong niya, halatang hindi alam kung paano ako papakitunguhan.

Tumigil ako sa paglalakad at tumingin sa kanya. "Franco, hindi ko na kaya. Sinabi ni Lara na may gusto na siya. Pero ayaw niyang sabihin kung sino."

Napakamot ng ulo si Franco, mukhang naiintindihan ang pinagdadaanan ko. "At iniisip mo na si Brian 'yun?"

"Eh sino pa?!" halos pasigaw kong sagot. "Ang lapit-lapit nila sa isa't isa, Franco! Alam mo 'yun! At wala naman akong ibang nakikitang pwedeng magustuhan niya maliban sa kanya!"

Napabuntong-hininga si Franco. "Damian, sa tingin ko, dapat mo nang gawin ang matagal mo nang iniisip. Kung hindi mo pa rin kayang aminin kay Lara ang nararamdaman mo, paano mo malalaman kung sino talaga ang gusto niya?"

Halos hindi ko masagot si Franco. Alam kong tama siya. Pero paano kung sa oras na umamin ako, malaman kong tama ang hinala ko? Paano kung si Brian talaga ang gusto niya?

"Damian," dagdag ni Franco, "wala kang mapapala sa puro hinala. Kausapin mo si Lara. At this point, mas mabuti pang magtapat ka na kaysa magmukha kang baliw dito sa opisina."

Napaupo ako sa silya ko, parang nawalan ng lakas. Alam kong tama si Franco, pero ang hirap nitong gawin. Sa gitna ng lahat, isa lang ang malinaw: Hindi ko na kayang manahimik.

Kung ayaw ko siyang mawala, kailangan ko nang kumilos. Kahit masaktan ako, kailangan kong malaman ang totoo.