"Guys, sigurado ba kayo?" kinakabahang tanong ng binatilyo sa dalawa nitong kasama. Narito sila ngayon sa tapat ng gate ng most haunted place ng Alannis City o mas kilala sa tawag na Havaianas.
Inilawan ni Gino ang paligid gamit ang flash ng phone niya. Mataas ang gate, ngunit nangangalawang na ito sa kalumaan at may malalaking bitak na rin ang sementong bakod nito. Napalunok ang matabang binatilyo nang makita nito ang mga sign na nakasabit sa gate: Private Property. Danger Zone.
Lumaki ang mga mata niya nang makita ang sirang sign na gawa sa kahoy, ngunit mababasa mo pa rin ang mga letra: DEAD PEOPLE. Kasunod noon ang mga vandalism na gawa sa kulay pula na nagkukulay-itim na sa sobrang tagal ng nakadikit doon.
Maraming nakasulat sa pader sa salitang: KILL. Stay Away! Lalong nadagdagan ang kaba sa dibdib niya nang bumukas ng konti ang gate kahit walang hangin. Gumawa ng kakaibang ingay ang bakal na gate na lalong nagpatindig sa balahibo niya.
"Guys, s-sigurado ba kayo?" ulit na tanong niya.
"Ano ka ba, Gino? Hindi pa tayo nakakapasok sa loob, naiihi ka na?" ang sabi ni Greg sa kanya.
Tinawanan naman siya ni Max na nagvi-video ngayon sa kanila. Mayabang si Greg, lalo na sa school, kaya nang hamunin ito ng mga kaklase nila kung kaya nitong pumasok sa loob ng Havaianas, mayabang na tinanggap nito ang hamon. Kaya vini-video sila ngayon ni Max bilang patunay na pumasok sila sa loob ng haunted na lugar.
Maraming mga kwento ng multo tungkol sa lugar nila kaya sikat ang Alannis City sa mga kwentong kababalaghan, ngunit ang Havaianas ang pinaka-haunted na lugar sa lahat.
Dahil maraming pinatay sa lugar na ito na dating sementeryo. Dinemolish daw ang sementeryo at pinatayuan ng mga buildings, clubs, at casinos. Nabulabog ang mga natutulog na kaluluwa kaya sinapian nila ang mga tao at ginamit ang katawan ng mga ito upang pumatay.
Marami ang nasapian ng mga panahong iyon kaya isa-isa silang lumisan sa lugar, hanggang sa wala nang natira at naging tapunan na ito ng mga taong pinapatay at nire-rape. Kaya pinaniniwalaang lalong dumami ang mga kaluluwang nakakalat sa lugar.
Dahil sa sobrang takot ng mga tao, pinaligiran nila ng bakod ang lugar upang makulong daw sa loob ang mga ligaw na kaluluwa. Naging isolated area na ito at umaalis na ang mga taong nakatira sa tabi nito.
Mga hibang na lang ang maglalakas-loob na pumasok sa loob ng Havaianas.
"G-Greg, si-sigurado ka?" ulit niya.
"Ano ba?! Tayo na nga!" matigas ang ulong pumunta si Greg sa tapat ng gate at tinulak iyon ng malakas kaya bumukas ito nang maluwang sa kanila.
Sinalubong sila ng mga sirang sasakyan at mga abandonadong buildings na ngayon ay parang dinaanan ng malakas na bagyo dahil sa sirang mga pinto at mga bintana.
May matataas din na building na parang mabubuwag anumang oras. Marami na ring mga ligaw na damo ang tumutubo sa paligid at mga basag na bote ng alak at kung ano-ano pang mga sirang gamit ang nakakalat.
Ito ang Havaianas... mas nakakatakot pa ito ngayong nakita niya ito base sa mga narinig niya.
Hindi niya napansing nanigas sa kinatatayuan si Greg kahit hindi pa sila tumatapak sa loob ng gate. Nabuhayan siya ng loob na baka nagbago na ang isip nito.
"Sabihin na lang natin na hindi tayo natuloy," ayo ni Gino dito.
"Hindi! Sasabihin nilang naduwag tayo at magiging katatawanan tayo sa school!"
Naglakas-loob itong tumapak sa loob. Lalo pa nitong nilakasan ang liwanag ng flashlight bago nagpatuloy sa paglakad papasok sa gate.
Nagtinginan sila ni Max, parehong nagdadalawang-isip kung susunod pa ba sila. Kung hindi lang Boss ng mga tatay nila ang ama nito, hinding-hindi nila ito susundin.
Ngunit sa oras na makapasok na sila, biglang nagsara ang gate sa kanilang likuran. Sabay-sabay silang napatalon at napayakap sa isa't isa.
"A-ano n-ng g-ga-g-ga-w-win n-na-t-tin?" nanginginig na tanong ni Gino sa dalawa, na pareho nang namumutla.
Nakita niyang hindi na halos mahawakan ni Max nang mabuti ang video cam dahil nanginginig na rin ang kamay nito. Lalo siyang natakot—dahil ito ang unang beses na nakita niyang natakot si Max, na laging kalmado at kolektado.
Bumagsak ang flashlight na hawak ni Greg at napansin nilang may tinuturo itong nanginginig na daliri.
"B-b-black l-lady..." bulong ni Greg.
Napabuka ang bibig nila, at naipit ang kanilang mga boses sa lalamunan.
Nanigas silang tatlo sa kinatatayuan nang makita nila ang lumulutang na mga paa—nababalutan ng itim ang buong katawan nito, habang sinasayaw ng hangin ang makapal at mahaba nitong buhok.
Nang tumapat ang flash ng camera ni Max sa ulo nito, nakita nilang wala itong mukha.
Nabitawan ni Max ang camera, at sabay-sabay silang napasigaw sa takot bago tumakbo pabalik sa malaking gate.
Nahirapan silang buksan iyon—parang nakalock kahit wala naman silang nakikitang kandado o susi.
Palapit nang palapit sa kanila ang black lady...
"Aaaaah!!!!"
"Aaaaah!!!!"
"Aaaaah!!!!"
Pagkalipas ng ilang sandali...
Napapangiting tinawid ni Chiara ang mga hagdan mula sa unang palapag paakyat ng 7th floor nang hindi tumatapak ang mga paa niya sa hagdanan. Parang hangin ang kanyang katawan habang nililipad ang sarili.
Huminto siya sa pinakamataas na palapag ng building. Ang building na tinitirhan niya ay ang pinakamataas na building sa loob ng Havaianas at tanging siya lang ang nakatira sa lugar na ito. Binili niya ang buong property kaya nasa pagmamay-ari niya ang buong Havaianas.
Nilapat niya ang kanyang kamay sa malamig na semento saka umilaw ang pader at bumukas ang malaking pinto. Pagpasok niya sa loob ay kusa iyon nagsara. Nakaprogram ang 7th floor na tinitirhan niya, matibay ang kanyang security protection upang hindi siya mapasok ng kahit na sinong intruder.
Kinabitan niya rin ng mga surveillance camera ang loob at labas ng Havaianas kaya nakita niyang may pumasok na tatlong makukulit na binatilyo sa teritoryo niya.
Pagpasok niya sa loob ay agad na bumukas ang tokador malapit sa kanyang living room. Tinanggal niya ang kanyang bruhang wig at ang makapal na itim na gown na parang kumot sa kanyang katawan. Sunod na tinanggal niya ang maskara sa mukha, saka niya sinabit sa loob ng tokador. Agad na nagsara ang tokador paglayo niya ng isang metro dito.
Parang presidential suite ang dating ng kanyang kwarto. Sa kanyang rooftop ay may maliit siyang greenhouse, swimming pool, at makulay na garden na napapalibutan ng magagandang halaman at bulaklak. Hindi mo aakalaing sa isang most haunted na Havaianas ay may makikita kang ganito.
Hinubad niya ang lahat ng kanyang saplot pagpasok niya ng bathroom, saka siya nag-hot shower. Paglabas niya ng shower ay binalutan niya lamang ang sarili ng manipis na roba bago siya dumiretso sa rooftop kung saan nakalagay ang kanyang minibar.
Kinuha niya ang paborito niyang alak at nagsalin sa kanyang kopita. Sa tuwing nakakakonsumo siya ng kanyang pagkain ay sinasabayan niya iyon ng paborito niyang alak. Sinipsip niya ang mapait na likido at naramdaman niyang dumaloy ito sa kanyang lalamunan.
She may look like a 16-year-old girl outside, but inside she's a thousand-year-old demon.
Ramdam niyang nadagdagan ang lakas niya at naging stable ang kanyang kapangyarihan. Dahil marami ang fear na nakuha niya ngayon, kahit hindi na siya kumain sa loob ng isang linggo ay hindi pa rin siya manghihina. She's full because of those three idiots.
Nilabas niya muna ng gate ang tatlo bago niya iniwan ang mga itong walang malay. Nahimatay sila dahil inubos niya ang fear sa katawan ng mga ito. Siguradong bukas ng umaga ay magigising din ang mga ito.
Kinaumagahan, sa loob ng Alannis High School Campus.
"Just heard a group of 10th grade entered the Havaianas last night," wika ni Axel kay Blake habang naglalaro sila ng chess sa loob ng SSC office.
"They are just a bunch of idiots na gustong magpasikat. Especially that rich bastard, Greg," sagot ni Blake na hindi tinatanggal ang atensyon sa chessboard.
"Ang sabi nila, magbibigay daw siya ng malaking pera sa sinumang makakarecover ng video camera niya na naiwan nila sa Havaianas."
"Hm..."
"So I was thinking—" Sabay na napalingon ang dalawa sa pinto ng office nang bigla iyong bumukas. Pumasok ang Vice President ng council nila.
"Guys, nakita niyo ba si Zane?" Halatang nagmamadali si Ryker at mararamdaman ang tensyon sa boses nito.
"Bakit? Ano nanamang ginawa ni Prez?" kunot-noong tanong ni Axel. Hindi niya pa naibaba ang piece na hawak niya dahil sa biglang pagpasok ni Ryker.
"Inaprubahan niya ang malaking budget ng drama club." Napahawak si Ryker sa noo at sunod na nasambunot ang kanyang buhok. "Siguradong makakarating ito sa ibang club at makakareceive na naman tayo ng maraming complain dahil dito."
Parehong nawalan ng gana sa paglalaro ang dalawa at nagbuga ng maraming hangin sa bibig. Tapos na ang maliligayang oras nila para mag-relax dahil binagsakan na naman sila ng trabaho ng magiting nilang Presidente na walang ginawa kundi matulog.
"Baka nasa rooftop na naman siya at natutulog," napapakamot sa ulong wika ni Blake. Hindi niya malaman kung bakit ito ang na-elect na President kahit napakatamad nito. Halos sila na ang gumagawa ng trabaho ni Zane, at si Zane naman ang gumagawa ng problema nila.
Hindi nga sila nagkamali. Pag-akyat nila ng rooftop, nakita nga nila itong natutulog na parang patay dahil ilang beses na nila itong tinawag pero hindi pa rin magising.
"Zane... Zane..." yugyog ni Ryker sa balikat ng batugan nilang Presidente.
Parang batang ginusot ni Zane ang isang mata nito at binuka ang kabila na parang sumisilip dahil nasisinagan ito ng liwanag ng araw.
"Siguraduhin niyo lang na may mabigat kayong dahilan para gisingin ako," humihikab na wika ni Zane sa tatlo.
"Kung hindi mo kami bibigyan ng sakit sa ulo, wala na akong pakialam kahit di ka pa magising," nakapamaywang na wika ni Axel kay Zane. Napapailing naman si Blake sa likod nito.
"Bakit mo inaprubahan ang budget ng drama club?" si Ryker na halatang nanggigigil sa tabi.
"Sinusundan nila ako kahit saan ako magpunta. Ilang araw na akong hindi makatulog nang maayos dahil sa kakulitan nila," balewalang sagot ni Zane habang nag-uunat ng kamay.
Nagtinginan naman ang tatlo sa sinabi nito. Gusto nang batukan ni Ryker ang Prez nila dahil sa kababawan nito.
"At anong gagawin mong solusyon ngayong wala na tayong budget para sa natitirang club? Saan tayo kukuha ng pera sa ibang club na nagpapadagdag ng budget nila?" pilit na pinapakalma ni Ryker ang sarili kahit gusto na niyang sumabog.
"Pinirmahan ko na, gusto niyo bang bawiin ko pa?"
Nasambunutan ni Ryker ang sariling buhok. Siguradong pag-graduate nila ay ubos na ang buhok niya.
Wala na silang magagawa. Magwawala ang drama club pag ginawa iyon ni Zane, lalo na at may inihahanda silang malaking event ngayong buwan.
"This asshole knows about this but he still asks," inis na naisip ni Ryker. Hindi nakaligtas sa kanya ang nakatagong ngiti sa gilid ng labi nito.
"I want to kill him!"
Bigla namang nagliwanag ang mukha ni Axel nang may maalala.
"Guys, I think I have a solution."
Kunot-noong napako dito ang tingin ni Ryker at Blake, habang walang reaksiyon na hinihintay ni Zane ang susunod na sasabihin nito...
Samantala, sa loob ng Havaianas
"Oh, come on! Swim faster!" Nanggigigil na tumatalon si Chiara sa kanyang malambot na sofa habang nanonood ng swimming competition sa 40-inch flat screen TV sa kanyang living room.
"Damn it! What are you? A turtle?!" naiinis na wika niya nang makita niyang pumapangalawa lang ang swimmer na chinicheer niya, samantalang sa mga nakaraang competition nito ay lagi itong nauuna.
"Agh! Come on!"
Natigilan siya sa pagtalon nang tumunog ang kanyang alarm — ibig sabihin, may pumasok sa loob ng kanyang teritoryo.
Kinuha niya ang kanyang remote control at pinalitan ang pinapanood. Nakita niyang may isang sasakyan ang pumasok sa loob ng kanyang gate.
"Food."
Iyon agad ang unang pumasok sa isip niya.
Nagtataka siya kung anong nangyayari — bakit sunod-sunod ang dumadalaw sa kanya? Ngunit natutuwa siya dahil hindi na niya kailangang maghintay ng isa o dalawang buwan bago muling may maglakas ng loob na pumasok sa kanyang teritoryo.
Bumaba siya mula sa kanyang sofa at lumapat ang walang sapin niyang mga paa sa carpet.
Kinuha niya mula sa kanyang cabinet ang costume niya, ngunit parang tinatamad siyang magsuot ngayon. O marahil, nagsawa na siyang gamitin ang black lady gown niya.
"Siguro, kailangan ko na magpalit. How about a white lady? A zombie style? A clown?"
Napailing siya sa huli.
Binalik niya muli ang costume sa cabinet at hindi na nag-abala pang magpalit. Nakasando lang siya na itim at maikling itim na shorts.
Tinali niya ang kanyang mahabang buhok pag-akyat niya sa rooftop.
Mula sa tuktok ng rooftop, kitang-kita niya ang pagpasok ng pulang sasakyan sa loob ng Havaianas. Isa-isang lumabas ang sakay ng sasakyan.
"One, two, three..."
Tumalon siya mula sa rooftop at bumagsak sa katabing building na may apat na palapag.
"Four..." bilang niya nang makita niyang lumabas sa kotse ang huling matangkad na lalaki.
Parang may pakpak ang mapuputi at maliliit niyang mga paa na tumatakbo sa tuktok ng mga building. Walang hirap na nakalapit siya sa mga ito sa loob lang ng ilang segundo.
Nagtago siya sa dilim na parang anino ng kadiliman.
"Did you hear something?" tanong ni Axel sa mga kasama.
"What? Are you trying to scare us?" si Blake na binuksan ang ilaw ng sasakyan upang magliwanag ang paligid.
"So, hahanapin lang natin ang video cam..." sabay-sabay na tumingin ang mga ito sa paligid.
"Video cam?" tanong ni Chiara sa sarili.
Agad na nakuha niya ang ibig sabihin ng mga ito. Mabilis na dinaanan ng kamay niya ang basag na cam na naiwan ng tatlong unggoy kahapon.
Napakurap si Blake. Parang kanina lang ay may nakita siyang camera sa bandang kaliwa niya, ngunit biglang nawala. Napailing na lang siya at tinuon ang tingin sa ibang parte ng paligid.
"Guys, ang daming lamok. Mukhang hindi naman mga multo ang nagpapakita dito kundi mga lamok," reklamo ni Axel.
"Gawa tayo ng bonfire," suhestiyon ni Ryker nang may makita itong mga sirang kahoy na upuan at lamesa sa labas ng isang abandonadong restaurant.
Sinundan ito ng dalawa para magbaklas ng kahoy, habang si Zane ay nakasandal sa harap ng sasakyan at humihikab.
Tulog na sana siya pagdating ng bahay galing school, pero muli siyang binulabog ng tatlo para pumunta sa lugar na ito para lamang kunin ang video cam ng Gregoryong iyon.
Seryoso si Ryker na makakuha ng pera para sa budget nila kaya agad na pinatulan nito ang suhestiyon ni Axel.
Kumuha ng gas si Blake sa sasakyan at tinapon sa mga natambak na kahoy bago niya iyon sinindihan gamit ang lighter.
Naninigarilyo si Blake kaya hindi na sila nagtataka kung bakit laging may bitbit itong lighter.
Agad na sumindi at nagliyab ang mga kahoy na lalong nagpaliwanag sa paligid nila.
Nabulabog ang mga lamok kaya lumayo ang mga ito.
"Thank God, akala ko mauubos na ang dugo ko," komento ni Axel, ngunit bigla itong natigilan nang may marinig muli.
"Guys, wala ba talaga kayong naririnig?"
"Ax, sinasabi mo bang bingi kami? Kung may narinig ka, dapat narinig din namin," si Blake na nagsisimula nang mainis sa kasama.
Napaka-weird na nga ng lugar na ito, dadagdagan pa ni Axel ng kaweirduhan.
"Sa tingin niyo, pumunta talaga dito ang tatlong 'yon? Mukhang sa gate pa lang ay aatras na sila," dagdag pa ni Blake habang ibinabalik ang lighter sa bulsa.
Napapakamot sa braso si Axel habang tumitingin sa paligid. Ngunit muli itong natigilan nang maramdaman niyang may bumulong sa tenga niya.
"Hindi ako nagbibiro, may narinig talaga ako!" Napahawak siya sa kaliwang tenga na parang nadapuan ng malamig na hangin.
Kunot-noong nilapitan siya ni Blake.
"Dude, okay ka lang?" natatawang pinisil nito ang kaliwang tenga ni Axel.
Naiinis na hinampas ni Axel ang kamay ni Blake.
Doon naman biglang dumaan ang malamig na hangin na parang pinaikutan sila.
"What was that?" Nawala ang ngiti ni Blake at napalitan ng pagtataka.
Si Ryker, na abala sa paghahanap ng camera, ay natigilan din. Habang si Zane ay inaantok pa rin.
Biglang lumakas at nagliyab ang apoy ng bonfire na ginawa nila.
Lahat sila ay natigilan sa kinatatayuan at pinakiramdaman ang paligid.
"Something is not right. This shitty place is really haunted!" si Axel na nagsimula nang kabahan.
Sa kanilang apat, si Axel ang laging nauunang mag-react sa lahat ng bagay.
Parang hangin na sumasanib si Chiara sa dilim.
Nararamdaman na niyang kumakalat ang takot sa dibdib ng tatlo, ngunit wala siyang makapang-takot sa lalaking nakasandal sa sasakyan na laging nakasuot ng poker face.
Nagpabalot siya sa itim na usok at binulungan niya ito.
Sa kanyang pagtataka, hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha nito at wala siyang maamoy na takot sa katawan nito.
"Hm..." siguro ay hindi pa sapat ang ginagawa niya para matakot ito.
Nagbuga siya ng hangin na kasing lamig ng yelo na pumatay sa nagliliyab na bonfire.
Napaatras ang tatlo palayo sa bonfire, habang nakita niyang umalis sa pagkakasandal ang lalaking may poker face at tinitigan ang namatay na apoy.
Ngunit wala pa rin siyang maramdamang takot mula rito.
"This is creeping me out."
Agad na pumasok ng sasakyan si Axel.
"Guys, ano pang hinihintay niyo? Umalis na tayo dito!" sigaw niya mula sa loob ng backseat.
"N-no, what about the camera?" si Ryker na nagdadalawang-isip.
"Kung gusto mo, iwanan ka na namin dito at hanapin mong mag-isa!" sagot ni Axel.
Hindi na nagdalawang-isip si Ryker. Pumasok na rin ito sa sasakyan at tumabi kay Axel sa backseat.
"Blake, Zane! Ano pang ginagawa niyo diyan? Tayo na!" tawag nito sa dalawa.
Binuksan ni Blake ang driver seat at si Zane naman sa kabilang pinto.
Pakiramdam ni Zane ay may nagmamasid sa kanila. At hindi siya pwedeng magkamali na may narinig siyang bumulong sa kanya kanina, tulad ng sinasabi ni Axel.
Kung ganoon, totoo ngang may multo sa lugar na ito.
Hindi niya gustong maniwala noon dahil hindi pa siya nakakakita, ngunit kahit hindi niya nakita, naramdaman niya ang presensya nito.
Narinig nilang may tumalon sa taas ng sasakyan.
Kahit pilit na itago ni Axel ang takot niya, hindi ito nagtagumpay dahil halatang tumataas ang balahibo nito sa batok.
"Shit! Pinaglalaruan tayo ng multo," si Blake na nagsisimula nang kabahan.
"Tama ka, isip-bata ang multong ito at higit sa lahat, kulang sa atensyon," dagdag ni Zane na bihira lang magsalita.
"Isip-bata? Kulang sa atensyon?"
Ngayon lang niya narinig ang boses nito, at ang mga salitang iyon pa ang una niyang maririnig?
"Hmp! Isip-bata pala ha?"
Sunod-sunod na beses tinalunan ni Chiara ang bubong ng kotse, at bawat pagtalon niya ay palakas nang palakas kaya umuga nang umuga ang sasakyan ng mga ito.
"Damn it, Zane! Bakit mo ginalit yung multo?" sisi ni Axel dito, habang tahimik na nagdadasal si Ryker sa tabi — na ngayon lang nila nalaman na marunong palang tumawag ng Diyos.
Sana lang ay Diyos ang matawag nito at hindi demonyo.
Agad na binuksan ni Zane ang pinto at lumabas ng sasakyan, ngunit wala siyang nakita.
Kusang nagsara ang pinto ng sasakyan.
Biglang bumukas ang gate at umandar paatras ang kotse kahit walang nagmamaneho.
Paglabas ng sasakyan ay biglang nagsara ang gate, at naiwan si Zane sa loob.
Napakabilis ng nangyari — parang dumaan lang ang limang segundo.
Natauhan ang tatlo na nanatiling walang reaksiyon.
Natagpuan na lang nilang nasa labas na sila ng Havaianas, habang naiwan si Zane sa loob.
"Zane!" sabay-sabay na sigaw ng tatlo pagkalabas ng sasakyan, at pilit na binuksan ang gate.
Ngunit nanatili pa rin iyong nakasara sa kanila kahit anong tulak at sipa nila dito.
"Zane!!"
Wala silang nagawa kundi tawagin ang kaibigan nila sa loob.
_____________
You can check out the full story on my website: jilled26.com.
Enjoy reading!