NAPABUNTONG – HININGA na lamang si Sharlene habang inaayos ang lamay ng kanyang lola, siya lang ang lumaki sa kanyang lola, dahil ang kanyang magulang ay nagkahiwalay at sa lola siya bumagsak.
Sumasakit ang ulo niya ngayon sa gastos na susuungin na naman niya, pero, hindi siya dapat mag – isip nang ganoon dahil inalagaan siya ng kanyang lola noong bata siya.
"Ash," sabi niya sa bata.
Tiningnan na lamang siya ng kanyang anak. "Magpahinga ka na muna." Nginitian niya lamang ito.
Para walang gulong mangyari sa kanilang magkakapatid, siya na ang umako sa resposibilidad na iyon, gusto niyang maging tahimik man lang ang huling hantungan nito.
"Can we talk, Sharlene?" nagulat siya, kaya naman agad niyang nilingon kung sinong taong makikipag – usap sa kanya.
Nasalubong niya ang tingin nito, kahit tahimik siyang tinitingnan, alam niyang nayayamot ito sa kanya.
"Dumating ka na pala, hindi ka man lang nagsabi, Martin." Tanging nasabi niya at tinitigan ang kanyang asawa.
May kaunting bisita na sila na kung saan tinutulungan siya sa paghahanda ng lamay na mangyayari mamayang gabi. Marahas siyang hinila sa braso ng kanyang kausap, lumayo sila sa mata ng mga taong nakapaligid sa kanila.
"Ano ito?" madiin nitong tanong sa kanya.
"Dito ko na sa bahay na mangyayari ang lamay, para hindi na masyadong magastos pa." tamad niyang sabi, ayaw niyang makipagtalo sa asawa niya.
"Bakit? Hindi mo lang ito pamamahay, Sharlene. Bakit hindi mo sinabi sa akin, uuwi ako rito na ganito ang madadatnan ko?" tanong nito sa kanya.
Pinakalma niya ang kanyang inis sa sinasabi ng kanyang kaharap ngayon.
"Pwede ba, Martin, magulo ang utak ko ngayon." sabi pa niya na iiwasan na lamang niya ang kanyang asawa.
"Huwag kang umasang tutulong ako sa pagpapalibing sa lola mo, hindi lang iyan ang iniisip kong gasto rito sa bahay sa pamilyang ito." Tumataas na ang boses ng kanyang kausap.
Matalim niyang tinitigan ang asawa niya, gusto niyang ipamukha rito na wala naman itong naidulot na mabuti sa kanya, ni isang kusing ng pera para sa anak ay tinitipid pa ito. Gustong – gusto niyang sampalin ang kaharap niya, subalit, pinipigilan niya ang kanyang emosyon ngayon.
"Huwag kang mag – aalala, hindi ka maglalabas ni isang sentimo sa pagpapalibing ng lola ko." Tumalikod na siya para makaalis na.
"Dapat lang, Sharlene! Dapat lang!" sabi pa nitong binigyan din siya na matalim na titig.
"Papa!" tawag ng batang si Ashley sa ama nito.
Kaya naman napabaling na lamang silang dalawa.
Nakita pa ni Sharlene na yumakap ang bata sa ama nito. Ginulo na lamang nito ang buhok.
"Anak, magpapahinga na muna si Papa." Rinig niyang sabi nito.
Ngumiti lang ito sa kanyang asawa. Tiningnan siya nang mataman.
"Pupunta na muna ako sa bahay ng kaibigan ko." Sabi pa nito sa kanya.
Hindi na lamang siya sumagot, hinayaan na lamang ito. Bumalik na siya sa kanyang gawain.
"Anak, babalik din si Papa, huwag kang mag – aalala."
Nakita na naman niyang nalulungkot ang mga mata nitong tiningnan ang amang papalayo ulit sa kanilang mag – ina.
"Babalik ba kaagad si Papa?" tanong nito sa kanya.
Tumango na lamang siya para hindi na malungkot ang kanyang anak.
"Pumasok ka muna?" tanong na lamang niya sa bata.
Matamlay itong tumango sa kanya at agad pumasok sa bahay. Inilibot niya ang kanyang paningin. Nasa labas ng kanilang bahay ang funeral service sa kanyang lola, maayos na ang upuan at may mga tent na, pinabili na rin niya ang mga kapatid niya ng gamit.
Hindi na niya kailangang kwentahin ang gastos na manggagaling ulit sa sariling bulsa niya, dahil, kailanman, kahit may kapatid siya, nahihirapan itong maglabas ng pera kapag usapang pampamilya, tinitiis na lamang ni Sharlene ang lahat.
Hindi ka dapat nag – iisip nang ganito, Sharlene! Pinagalitan niya ang kanyang sarili. Ayaw niyang magpakita ng kahinaan ni kahit sino man.
Masasabing maswerte siyang may napangasawa siyang may – kaya sa buhay, iyon ang paniniwala sa kanya ng mga taong nakapalibot sa kanya. Ang totoo'y hindi siya maswerte sa pag – ibig, napangiti siya nang mapakla noon.
Pinakasalan lamang siya ng asawa niya dahil nabuntis siya sa isang gabing pagkakamali na iyon, sinasabi ng instinct niya na nagloloko ang kanyang asawa nang patalikod. Alam niya iyon, dahil siya ang nakakita kung paano siya niloloko nito.
Gustong – gusto niyang kumawala sa kanilang relasyon, ngunit, iniisip niya ang kanyang anak, kung makikipaghiwalay siya, ang bata ang maiipit.
Ayaw niyang ulitin ang nangyari sa kanya noon na iniwan siya ng kanyang magulang. Lumaki siya sa broken – family, hindi niya dapat ulitin dahil alam niyang pakiramdam na walang magulang.
Napahawak siya sa upuan noon, mahirap magbubulag – bulagan kung sinasampal ka na ng katotohanan. Napipilitan lang ang asawa niyang si Martin na tanggapin ang bata, kaya palagi itong umaalis dahil ayaw siyang makita.
"Ate." May naramdaman siyang tumapik sa kanya.
Nilingon niya ito, hindi siya nagsalita noon ."Tapos na po kaming mamili ng mga gamit, aalis na muna kami, babalik kami mamaya – maya." Sabi ng kanyang kapatid na si Vivianne.
Tumango lang siya bilang pagsang – ayon. "Salamat." Sabi pa niya.
Hindi na ito nagsalita at umalis na ito. Umupo siya na tinitingnan ang larawan ng kanya lola. Hindi pa niya nakakausap ng personal ang doctor na humawak sa kanyang lola. Dahil diretso siyang umuwi galing sa trabaho.
Mamaya ko na aasikasuhin ang lahat. Ako lang naman ang kumikilos nang mag – isa. Napasabi na lamang sa kanyang isipan.
Matagal ng may sakit ang kanyang lola at palagi itong pabalik – balik sa ospital, dahil nagiging komplikado na ito, dahil kumakayod siya sa trabaho, binabayaran niya lamang ang mga kapatid niyang bantayan ang kanilang lola.
La, ako lang ba ang pamilyang pupunta sa lamay mo? Ako lang ba ang aasahan mong iiyak sa iyo? Sunod – sunod niyang tanong.
Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.
Ikaw lang yata ang kakampi ko sa mundong ito, ikaw lang ang kakampi ko sa pamilyang papalihim akong sinusuka. Pumatak ang kanyang mga luha noon.
Nagiging mahina na naman siya ngayon. Napabuntong – hininga na lamang siya. Napahikbi siya, tahimik na humihikbi habang minamasdan ang larawan ng kanyang lola.
May tumapik sa kanyang balikat.
"Condolence." May narinig siyang boses.
Tinitigan niya ito. "Salamat." Tumabi ito sa kanyang tabi na minamasdan ang larawan.
"Nandito na ang katawan ng lola mo." Sabi pa nito.
Tumango na lamang siya, agad ibinaba ito sa service ang isang kabaong at buong ingat itong pinasan ng nagtutulungang mga kalalakihan.
Hanggang sa makaabot ito sa harap kung saan nakahanda na ang lahat. Noong naayos na, lumapit siya sa kabaong, tila natutulog lang ang kanyang butihing lola.
Iniligay niya ang isang picture frame. Bumalik siya sa pagkakaupo. Nagsidatingan na rin ang mga tao para sa mangyayaring lamay sa kanila.