CHAPTER FORTY-FIVE

Naiwan na muna si Vivianne sa hospital, dahil kinakausap pa ni Sharlene ang taong papakiusapan nito tungkol sa napag-usapan nila kani-kanina.

 

Kailangan kong sabihin ang totoo—hindi pwedeng wala akong gawin. Napasabi sa kanyang isipan. Naalala pa niya noon, bata pa siya nang masaksihan niya ang pangyayaring iyon.

 

Matapos ilibing ang babae na kanyang nakita, at tumahimik na ang paligid, dali-dali siyang pumunta sa pinaglagyan ng babae na kanyang nakita.

 

Tinangka niyang tulungan iyon, ngunit, anong magagawa niya? Nag-umpisa siyang hukayin ito pabalik. Ngunit, naabutan siya ng isang malakas na ulan, kaya mas lalo siyang nahirapan dahil maputik na ang lupang kababagong tinabunan.

 

Tatawagin ko si ate, patulong ako sa kanya. Iyon ang naisip sa kanyang murang isipan. Sampung taong gulang siya, at si Sharlene naman ay nasa labindalawang taong gulang.

 

Nagmamadali siyang kumilos nang mahagip ng kanyang paningin ang isang babaeng umiiyak, tumila na rin ang ulan, at ang kanyang mga kamay ay punong-puno ng putik, basa rin siya sa ulan. Napatulala siya sa babae, napalunok siya na tinitigan ako.

 

"A—Ate?" tawag niya rito.

 

Napahinto pa ito sa pag-iyak, tiningnan naman siya nito.

 

Bata? Nakikita mo ako? Tanong nito na may pumuslit na luha sa mga mata nito.

 

Mahina siyang napatango, tiningnan siya ng babae, duguan ang kamay nito.

 

"Pasensya ka na hindi kita natulungan." Paghihinging—tawad niya sa kaluluwang kaharap niya.

 

Hindi ito nagsalita; malungkot siyang pinagmasdan nito. Hinawi pa nito ang kanyang buhok.

 

"Umuwi ka na, hinahanap ka na ng pamilya mo." Napasabi na lamang nito sa kanya.

 

Biglang tumulo ang luha ni Vivianne noon, kaya nagulat na lamang ito sa biglang pag-iyak niya. Wala itong kibo na pinagmasdan siya na malungkot siyang tiningnan.

 

"Pa --- Pasensya na po." Paghihingi ulit niya ng pasensya rito.

 

Bago siya umalis at kumalma ang kanyang emosyon na hindi niya nailigtas ito, binigyan niya ito ng magandang bulaklak na nakita niya.

 

Wala siyang pamilya; siya lamang noon ang bumubuhay sa kanyang kapatid na si Tashia, at isa pa'y pabalik na sana siya sa kanila, dahil tapos na niyang tanggapin ang pera na nanggaling kay Sharlene.

 

Lupaypay ang kanyang balikat at naglakad, hindi na rin niya nasisilayan ang kaluluwa nito, parati siyang bumabalik sa lugar na iyon para dalhan niya ito nang bulaklak.

 

Hanggang nagdalaga siya at pumasok na sa sekondarya, nagulat na lamang siya na pinapatayuan ito ng isang mansion. Ngunit, hindi nito ginalaw ang parte kung saan inilibing ang kaluluwa ng babaeng kanyang nakita.

 

"Vivianne, kakausapin ka raw ni lola." Iyon na lamang ang narinig niya kay Sharlene. Tumango na lamang siya.

 

Pumunta siya sa isang silid, dahil personal silang mag-uusap ni Felicia. Hindi niya alam kung bakit kabado siya pumasok sa loob, ngunit tinibayan niya ang kanyang loob.

 

"Lola, pinapatawag mo raw ako." Iyon na lamang ang nabanggit niya noon.

 

Nakatingin lang ito sa kanya.

 

"Vivianne." Banggit sa kanyang pangalan.

 

Nabigla siya na nakita niya ang kaluluwa nito.

 

"Alam kong kilala mo siya, ikaw ang magiging susi sa kanyang katahimikan, Vivianne." Napasabi na lamang nito sa kanya.

 

"Huwag nating idamay ang bata rito, Felicia; bata pa siya noon, huwag natin siya bigyan ng takot sa mundong ito." Iyon lamang ang narinig niya na tinitingnan siya nito.

 

Nakahinga siya nang maluwag dahil hindi siya haharap dahil natatakot siya. Ngunit, lihim siyang kinakausap ng kanyang lola, hanggang sa napapayag siyang tumistigo. Inihanda na niya ang sarili niya noon, dahil kumikilos ito.

 

Nakahanda na siya nang sasabihin kapag may katanungan sa kanya kung kailan naganap ang pangyayari ng krimen. Ngunit, bigla na lamang binitiwan ng kanyang lola si Leah, at hindi rin natuloy ang kaso noon.

 

Kaya naman, pumunta siya sa bahay ng kanyang lola; may dalawang taong kausap ito.

 

"Vivianne?"

 

Napalingon na lamang siya; nasa third-year high school na ito at siya naman kababago lang mag-aral ng high school.

 

"Sino siya?" tanong nitong kasama ni Sharlene.

 

"Ah, si Vivianne." Sabi pa nito sa kausap.

 

"May kailangan ka ba, Vivianne?" tanong pa ng kanyang kapatid noon.

 

Umiling-iling na lamang siya; hahakbang na sana siya papalayo noon nang tinawag siya ng kanyang lola.

 

"Vivianne, nandiyan ka pala. Halika na muna." Tawag pa nito sa kanya.

 

Napatingin siya kay Sharlene; ayaw niyang pumasok, baka kung anong mangyari sa kanya.

 

Bigla siyang hinila ng kanyang lola, hindi na siya sumagot, at sumunod siya rito.

 

Sumalubong kaagad sa kanya ang pagmumukha nito. Napalunok siya.

 

"Siya ba ang batang tinutukoy mo noon?" tanong naman ng babae.

 

Tumango lang si Felicia.

 

"Lola, anong ibig nitong sabihin? Nasaan iyong babaeng tutulungan mo sa korte?" litong-lito niyang tanong noon.

 

"Vivianne, ang tanging hiling ko sa iyo na itago mo ang totoong pangyayari." Ma-awtoridad, nitong sabi sa kanya.

 

Nangunot naman ang kanyang noo sa narinig niya. Tinitigan niya ang dalawa, at hinawakan niya ang notebook nito.

 

"Kaya pala, binayaran ka nang malaking halaga, halagang mas malaki pa sa babae?" Napatanong na lamang siya.

 

Narinig niyang bumuntong-hininga pa ito.

 

"Para rin ito sa ikabubuti mo, Vivianne, kaya sundin mo ang sinasabi ko sa iyo, itago mo ang lihim na iyon, walang makakaalam kundi tayo—tayo lang, naiintindihan mo ba?" Sinipatan pa siya ni Felicia; pabalik-balik ang tinging ipinukol niya, lalong-lalo na ang babaeng kinikilatis siya.

 

Kaya naman, napatango siya; kapag hindi siya sumunod, sabay-sabay silang magugutom ni Tashia.

 

Umalis na siya noon, bigla siyang pumunta kung saan nalibing ang katawan nito. Abala pa rin ang mga karpintero sa pagsasaayos noon para makabuo ng magandang bahay. Nakatingin pa rin siya sa himlayan na iyon. Wala na roon ang babaeng nakita niya.

 

"Kapag ibinuka mo iyang bibig mo, ipapatay ko ang lola at ate mo, mas lalo kayong magugutom." May bigla na lamang siyang narinig na bulong sa kanyang tenga.

 

Napaatras siya at agad niyang tiningnan ang isang babae.

 

"Kaya, keep it quiet ka lang," ngumisi pa ito sa kanya.

 

Napatda siya sa kanyang pagbabalik-tanaw nang may biglang pumasok na nurse sa kwarto para sa check-up ni Ashley. Tiningnan niya ang batang natutulog; hindi niya alam kung kailan ito magigising.

 

Ate Vivianne. Tawag na maliit na boses.

 

Nabigla na lamang siya, at nakaharap niya ang batang si Ashley.

 

"Ashley," tawag niya rito.

 

Ngumiti ang bata sa kanya. "Huwag kang mag-aalala, makalalabas ka riyan." Pangako niya sa bata.

 

Tumango lang ito sa kanya.

 

Hindi po bad si tita Leah, inaalagaan po niya ako rito. Sabi pa nito sa kanya.

 

"Pinalaya ka na ba niya?" tanong naman niya.

 

Gumagawa po siya ng paraan, hindi kasi ako makadalaw ni Mama. Nalungkot pa ito.

 

"Bakit nakadalaw ka sa akin ngayon?" tanong naman niya.

 

Ate Vivianne, may kakayahan ka po na wala si Mama, kaya pakisabi sa kanya na huwag siyang masyadong mag-aalala.

 

Matapos sabihin iyon, bigla na lamang itong nawala sa kanyang paningin. Napalunok na lamang siya. Mariing ipinikit niya ang kanyang mga mata habang pinoproseso nito ang sinabi ng bata sa kanya.