Huminto si Kian sa tapat ng isang lumang convenience store, sandaling tiningnan ang paligid na binalot ng dilim ng gabi, saka pinatay ang makina ng kanyang itim na Yamaha MT-03.
Inangat niya ang helmet at tumambad ang makapal niyang buhok na halos nakatakip sa pawis niyang batok, saka siya bumaba sa motor at sinukbit ang mabigat na itim na duffel bag sa balikat.
Inilibot niya ang paningin niya at tinanaw ang paligid na parang nanunood ng isang lumang pelikula. Iniwanan niya ang helmet niya na nakasabit sa handlebar ng motor, saka mabagal na naglakad papasok sa tindahan.
Halos walang nagbago sa tindahan na nasa harapan ni Kian. Sampung taon na ang lumipas, pero ang tindahan ay parang nakulong sa lumang palabas. Parang hybrid ng isang sari-sari store at 7-Eleven ang tindahan. Ang mismong building kinatatayuan nito ay may second floor pa rin na base sa naaalala ni Kian ay kung saan nakatira ang may-ari ng mismong tindahan. Kalawangin pa rin ang bubong na yero, lawlaw pa rin ang tolda, ang salamin ay puno pa rin ng makukulay na poster—instant noodles, promo deals, at mga bagong paninda na hindi naman siguro mabenta. May bibili ba ng bagong kalamansi-flavored na chichirya?
Saglit siyang tumigil sa paglalakad. Pinakiramdaman ang baku-bakong daanan, ang amoy ng langis sa hangin, ang luma at sira-sirang ritmo ng sari-saring tunog ng District 12. Ang bawat bitak sa kalsada, parang lumang peklat sa balat ng lungsod.
Parang hindi siya nawala nang sampung taon.
Hindi man aminin ni Kian, pero pakiramdam niya, hindi na siya ang dating batang taga-rito. Hindi na siya ang batang hinulma ng usok at alinsangan ng kalapit na National Highway, kung saan iba't ibang sasakyan ang nagbibigay ng ingay sa halos mapanglaw na lugar. Malaki na ang pinagbago ni Kian mula nang huli siyang tumuntong sa lupa ng District 12.
Sampung taon.
Ang buong akala niya, hindi na niya makikilala ang lugar. Pero, surprise, surprise, halos lahat ng mga bahay at building, pareho pa rin. Amoy basang semento pa rin ang kalsada at lasang alikabok ang hangin.
District 12—isang patay na sona na parang pinilit na magpanggap na buhay.
Sa puso ni Kian, naghalo-halo ang bugso ng emosyon at damdamin: galit, lungkot at takot.
Galit, dahil halos nakuntento na lang ang mga tao sa lugar na 'to na manatili sa nakaka boring nilang sitwasyon.
Lungkot, dahil parang sinadyang ipaalala sa kanya ng lugar ang mga bagay na iniwanan niya dati.
At higit sa lahat, takot. Takot na baka bumalik ang dating ala-ala na pinilit niyang kalimutan magmula nung umalis siya.
Ang District 12 para kay Kian ay parang lumang TV ad na biglang lumitaw. Nakakainis. Nakakamiss. Pero hindi mo naman gustong panoorin ulit.
Ganun pa man, eto siya, nakatayo sa harap ng nag-iisang parte ng buhay niya na hindi niya kayang kalimutan.
Dumaan siya sa patio. Tatlong lalaking lasing na, bungisngis at walang pakialam ang nag-iinuman sa isa mga lamesa sa labas ng tindahan. Nagkalat ang mga bote ng Red Horse at pinaghalo halong upos ng Winston at Camel sa lapag. Malakas ang kwentuhan ng tatlo at ang palitan nila ng tawa. Salitan silang umiinom sa pinapaikot na paper cup na siguro ay puno ng pinagsamang alak at laway nilang tatlo. Napansin ni Kian na bahagyang humina ang usapan nila nung malapit na siya sa pinto. Naramdaman niya ang tatlong pares ng mga mata na nakatutok sa kanya na parang sinusukat ang katauhan niya. Hinayaan na lamang niya ang tatlo. Di na niya ito pinansin at nag tuloy-tuloy lang siya sa pinto at binuksan ito.
Tumunog ang kalansing ng wind chime—tunog na na aalala pa rin ni Kian hanggang ngayon.
Kabaliktaran ng sa labas, malaki na ang binagbago ng loob ng tindahan kumpara sa naaalala ni Kian. Mas maramin nang estante ngayon, at iba iba na rin ang laman. Mula sa mga de-lata, chichirya, sabon, instant noodles, alak, mga charger ng cellphone, mga lutong pagkain, inumin hanggang sa mga gamit sa katawan gaya ng napkin, pulbos, pabango, pati pagkain ng hayop, meron na sa tindahan.
Sa kaliwa niya, sa bandang dulo ng tindahan, nakalagay ang pila - pilang chiller na puno ng mga inumin: lata ng softdrinks, bote ng alak, karton ng gatas at iba pa. Tinungo ni Kian ang lagayan ng mga inumin at kumuha ng paborito niyang inumin nung bata pa siya: 6 na piraso ng maliit na Yakult.
Sa kanan naman pagpasok ng pinto, nakapwesto ang cashier. Iba na rin to sa naaalala niya. Meron nang automatic na cash register, at sa likod, isang kabinet ma punong puno ng kaha ng sigarilyo, juice ng vape at iba pang gamit ng mga nag yoyosi gaya ng lighter at kendi.
Nakatao naman sa likod ng counter, ang isang matandang nag babasa ng diyaryo. Kahit nagbago na rin ang matanda, kilalang kilala pa rin ito ni Kian. Si Mang Vic. Mas mataba na, mas maputi ang buhok, pero 'yung mga mata—matatalim pa rin. 'Yung tipong kaya kang butasan kahit may pader sa gitna niyo. Siya ang tumayong tatay kay Kian noon. Ang taong iniwan niya.
Hindi napansin ng matanda ang paglapit niya. Patuloy pa rin siya sa pagbabasa ng diyaryo. Philippine Star. Tulad ng paborito niya dati.
Iniabot ni Kian ang pack ng Yakult para ipakwenta. Nang inabot ito ni Mang Vic, itinaas niya ang paningin niya mula sa binabasang diyaryo. Iba't ibang emosyon ang napansin ni Kian na nagrehistro sa mukha ni Mang Vic nang makita siya nito. Pagtataka. Gulat. Pagtatanong. Galak.
Binaba ni Kian ang duffel bag sa paanan niya.
Nung na realize na niya kung sino ang nasa harap niya, napangiti si Mang Vic pero bakas pa rin ang gulat sa itsura niya . "Kian?"
"Kamusta, Mang Vic," bati ni Kian. "Balita sa buhay buhay."
Napailing ang matanda. "Walang hiya. Buti napadalaw ka?"
"Nangamusta lang. Magkano sa Yakult?"
"Singkwenta. Pero para sayo, isandaan na," pabirong hirit ni Mang Vic.
Tinapat ni Mang Vic ang inumin sa pulang sensor at lumabas ang presyo. Dumukot naman si Kian ng wallet at kumuha ng isandaan na inabot kay Mang Vic. "Wag mo na suklian."
"Sigurado ka diyan, ha?" Inilagay ni Mang Vic ang pera sa kaha saka ito isinarado. "Ang tagal mo ring nawala ah. Ilang taon na ba? Sampu?"
"Parang ganun." Binuksan ni Kian ang pack at kumuha ng isa, saka ininom.
Sinuri siya ni Mang Vic mula ulo hanggang paa. "Hindi ka na mukhang taga-rito."
Ngumisi si Kian. Alam niya kung anong ibig sabihin ni Mang Vic—gray na T-shirt, black suit, puting sapatos, silver na relo, at dalawang singsing na nakasabit sa silver na kwintas. Sa suot ni Kian, malayong malayo ang pananamit niya sa dati. Hindi na siya mukhang anak ng kalye. Hindi mukhang galing District 12.
"Pero itong tindahan niyo, ganon pa rin, pareho pa rin ng dati," sagot ni Kian. "Buti di ka pa nalulugi, sa dami mong pinautang noon."
Napangisi rin si Mang Vic. "Marurunong naman magbayad mga tao dito e."
"Parang wala ngang pinagbago dito sa lugar niyo e." Niyo. Hindi natin.
Napansin ni Kian na napakunot ang noo ni Mang Vic sa gusto niyang iparating. "Anong sadya mo? Ba't bumalik ka?"
"Gusto lang sana kitang makausap. May kailangan ako sayo," walang kagatol gatol na sagot ni Kian.
Nagtaas ng kilay si Mang Vic. "'Di nga? Aba, tungkol saan ba yan?"
"May iaalok sana ako. Partnership, Mang Vic."
"Partnership? Sa negosyo?"
"Parang ganun na nga."
Tumawa lang si Mang Vic. "Kita mo nga naman. Dati, katulong ka pa ni Maysh dito. Ngayon, may business offer ka na?"
Napangiti si Kian sa narinig niyang pangalan. Tumingin siya sa paligid. "Speaking of, kamusta siya? Nandito ba siya?"
"Si Maysh?" Bumuntong-hininga ang matanda. "Ayos naman. Mas independent na ngayon. Graduate na siya. Kaso wala ngayon, kasama 'yung barkada niya. May lakad."
Tumango si Kian. Si Maysh—pinakamalapit niyang kaibigan. Parang kapatid. Parang higit pa. Pero ngayon? Hindi niya alam kung paano siya tatanggapin nito ulit.
"Di pa rin umaalis dito?" tanong niya.
"Sa'n naman siya pupunta?" tanong pabalik ni Mang Vic. "Wala namang ibang pupuntahan 'yon."
"Buti nakatagal pa siya dito."
"Nasanay na siguro. Di naman siya nagsasabing gusto na niya lumayo dito e"
"Mas magulo na ba ngayon dito?"
"Kumpara dati? Sobra."
Tumango si Kian. Bata pa lang, talamak na ang gulo dito sa District 12. Halos normal na lang ang biglang may bumubulagta sa kalsada kahit tanghaling tapat. Sanay na ang mga tao sa mga nagbabarilan at naghahabulan sa kalye.
Isa iyon sa mga bagay na humubog sa kanya nung bata pa siya, at nagturo sa kanya maging kung ano siya ngayon.
Biglang bumukas ang pinto. Yung tatlong lasing mula sa labas, pumasok habang maingay na nag kukuwentuhan. Dumeretso sila sa dulo, para pumili ng beer sa fridge.
Rinig na rinig ang usapan nila hanggang counter. Parang nasa podcast at pag mamay-ari nila ang lugar. Pumunta sila sa counter bitbit ang kanilang mga pinamiling alak, habang patuloy na nag kukuwentuhan.
"Narinig niyo na ba 'yung balita sa lumang pawnshop sa highway?" sabi ng isa, payat na parang adik. Nanlalaki ang mga mata, walang ngipin sa harapan at lubog ang pisngi. Sa noo niya ay may tattoo na star.
"Oo," sagot ng isa. Medyo mataba at naka suot ng sumbrero. "Mga taga kabilang distrito raw dumale. Wala nang respeto."
"Tsk, tsk, ganyan talaga mangyayari." sabat ng isa pang pinakabata sa tatlo. Naka sando ito at kulot ang buhok. "Wala nang may hawak sa District 12. Gulo-gulo na. Kanya kanya na silang pasok."
Tahimik si Kian. Nakikinig. Tumama ang tingin niya kay Mang Vic. Nagkaintindihan.
"Kap, wala bang libreng pampulutan diyan?" Tanong ng lasing na payat nang iabot ang ng Emperador para ipa-punch.
"May utang pa nga kayo e. Hahanap ka pa ng libre?" Giit ni Mang Vic. Kinuha niya ang alak at kinuwenta. "Php 165 yan."
"Discount-an mo naman kami, Mang Vic." Hiling ng kulot. "Parang di mo kami suki ah."
"Kami na nga lang customer mo dito e." Dagdag ng naka sumbrero.
"Boy, sayong motor ba 'yong nasa labas?" Hindi agad namalayan ni Kian na siya na ang kinakausap ng payat.
"Oo, sa'kin. Bakit?"
"Taga saan ka?" Tanong ng naka sumbrero. "Ngayon lang kita nakita dito ah."
"Bakit? May problema ba d'on?"
"Nag tatanong lang kami, boy." Singit ng payat. "Ayaw lang namin ng mga dayo dito."
"Di niyo na kailangan malaman kung taga saan ako."
Lumapit ang kulot kay Kian. "Par, angas mo ah. Hindi ka taga rito tandaan mo 'yan."
Kinapa ni Kian ang kaliwang bulsa niya. Nandoon pa rin ang espesyal niyang kaha ng sigarilyo.
Nagtitigan si Kian at si Kulot ng halos sampung segundo.
"Eto na alak niyo. Walang discount." Basag ni Mang Vic sa tensyon. Tiningnan niya nang matalim ang tatlong lasing. "Kargo ko 'to. Wag niyo na arborin."
Tumutol si Kulot sa sinabi ni Mang Vic. "Nagtatanong lang naman Kap-"
"Tama na," awat ng payat sa kasama niya. Tiningnan niya si Mang Vic. "Kung okay sa 'yo, Kap, walang problema samin."
Nagbayad ang tatlo, saka lumabas ulit—tawanan pa rin, parang walang nangyari.
"Gandang pang welcome non ah," sarkastikong sabi ni Kian.
Umiling si Mang Vic. "Hayaan mo na. Mga lasing lang. Mainit lang talaga sa mga taga dito kapag dayo."
"Di naman ganyan dito dati ah."
"Ganyan na dito. Mula nang umalis ka, mas lalong naging baratan ang paligid. Bawat isa, kanya-kanyang diskarte."
Tumango si Kian. "Tama lang pala na nagpunta ako dito."
Tumitig si Mang Vic. Tahimik. Parang sinusuri kung saan ba pupunta ang usapan nila.
"May kutob akong hindi simpleng negosyo ang gusto mong pag-usapan ah."
"Malalaman natin. Mas maganda sana yung walang makakarinig."
Tapahimik si Mang Vic. Tumango. Nauunawaan ang ibig iparating ni Kian. Sa ka siya lumabas sa likod ng counter at lumakad sa pintong salamin. Sumulyap muna saglit sa labas, walang sabi-sabi, inikot ang sign sa pinto. CLOSED.
"Halika," ani Mang Vic habang kinakandado ang pintuan ng tindahan. "Dun tayo sa opisina."
---------------------------------------
Sumunod si Kian kay Mang Vic papunta sa likod ng tindahan.
Nadaanan nila ang mga estante ng paninda hanggang marating ang isang pinto. Binuksan 'yon ni Mang Vic at pumasok sila sa isang opisina.
Malamig ang aircon sa loob. Amoy kahon, papel, at lumang libro. Puno ng estante ang pader, at tambak ang mga dokumento sa gilid. Sa kanan, may isa pang nakasaradong pinto—papunta sa labasan, kung tama ang alaala ni Kian.
Bumalik sa kanya ang tanawin ng nakaraan. Ilang taon man ang lumipas, tila nanatiling buo ang mundo ni Mang Vic. Gaya ng maraming bagay sa District 12, ayaw nitong magbago.
Umupo si Mang Vic sa likod ng kahoy na desk. Inalis nya ang ilang papeles na nakakalat sa magulong lamesa, kung saan nakapatong ang mga retrato ng anak niya—si Maysh. Luma na 'yung frame, pero alagang-alaga.
"Upo ka," utos ng matanda. Tinuro ang itim na upuan sa harap ng mesa.
Nang nakapuwesto na si Kian, dumiretso agad si Mang Vic sa punto.
"Alam kong hindi tsismis lang ang habol mo rito, Kian. Ikaw na magsimula. Saan ka ba nagpunta sa loob ng sampung taon?"
"Kailangan pa ba talaga 'yon, Mang Vic?"
"Syempre," sagot niya, walang alinlangan. "Ang tagal mong nawala. Ni wala kang sinabi nung umalis ka. Bigla ka na lang naglaho. Tapos ngayon, heto ka, parang wala lang?"
Namamanhid na naman ang kaliwang kamay ni Kian. Palatandaan 'yon—kapag naaalala niya nung gabing iniwan niya ang lahat sa edad na trese.
"Alam mo naman ang lagay dati ng District 12. Noon, ngayon, pareho lang. Kahit sinong matinong bata, pipiliing lumayas."
"Dito ka lumaki." Mahinahon pero may bigat. "Wala ka bang kahit anong pinanghahawakang pagmamahal para sa lugar na 'to?"
"Wala na akong pakialam sa lugar, Mang Vic," sagot ni Kian, diretsahan. "Pero sa inyo, meron."
"Kung wala ka nang pakialam, bakit ka pa bumalik?"
Kinuha ni Kian ang duffel bag sa sahig. Inilapag sa mesa, binuksan. "Dahil dito."
Napuno ng papel na pera ang mesa. Tig iisang libo. Halos nasa tatlong daang libo lahat. Kumislap ang mata ni Mang Vic. Kinuha ang sigarilyo sa ilalim ng desk, nagsindi, humithit nang malalim, saka bumuga ng usok sa ilong.
Napasipol ng mahina si Mang Vic. "Tang ina. Mabigat 'yan, boy. Para saan 'yan?"
"May gusto akong bilhin sayo."
Ibaba ni Mang Vic ang salamin niya. "Sa pagkakaalam ko, wala akong kahit anong tinda na aabot sa ganyang halaga ang presyo?"
Kumuha si Kian ng ilang kumpol ng pera mula sa duffel bag. Binilang nya at inilapag sa taas ng mesa.
"Singkwenta mil," saad ni Kian. "Para sa impormasyon. May importanteng mpormasyon na gusto kong malaman, at sa buong District 12, ikaw lang ang may hawak no'n."
Tahimik na tango si Mang Vic.
Kinuha ni Kian ang pakete ng sigarilyo biya sa kaliwang bulsa at nagsindi. "Noong umalis ako rito, sinabi kong 'di na ako babalik. At kung hindi lang inutusan ng boss ko, 'di rin talaga ako babalik. Lahat ng alaala ko dito—sira, bulok, madugo. Maliban sa inyo. At kay Maysh."
Di pa rin sumasagot ang matanda.
"Alam kong ikaw ang may pinakamaraming nalalaman sa lugar na 'to. Lahat ng tsismis, plano, kilos ng grupo—lahat 'yan, dumadaan sa 'yo. Alam kong alam mo kung anong lagay ng District 12. Kaya, Mang Vic…" Humithit si Kian. "Ano'ng balita sa Six Cycles?"
Nagtagal bago sumagot ang matanda. "Alam ko na. May grupo ka na."
Tumango si Kian.
Ang A City—hinati sa labinlimang distrito. Bawat isa, may sariling gang. Sa umaga, tahimik ang lungsod. Pero pag dilim na, nagsisimula ang giyera. Patayan, agawan ng lugar. Ang pulisya? Para lang silang panonood ng laban. Wala silang lakas. Hawak ng mga grupo ang mga pulitiko't opisyal.
"Ano bang alam mo sa Six Cycles?" Tanong ni Mang Vic.
"Ganon rin, kung anong alam ng karamiha. Alam kong sila ang dating may hawak sa District 12. Pero anim na buwan na silang nawawala."
"Ngayon, gusto mong malaman, at ng grupo niyo kung nasaan na sila?"
"Bigla na lang silang naglaho sa eksena. At kung wala na sila, wala nang may hawak ng teritoryo sa District 12."
"Kaya ka ba bumalik?" Matigas na tanong ni Mang Vic. "Ipinadala ka ba ng grupo mo para alamin kung totoo ang balita—at kung may tsansa kayong sumingit?"
"Gusto lang namin malaman ang sitwasyon dito."
"Anong grupo ka na ba ngayon?"
Nag alinlangan saglit si Kian. Nung nakasiguro na siya, hinila niya ang manggas ng jacket niya at inilantad ang tattoo sa kanang braso niya—dalawang malaking S, hugis agos ng ilog.
Napataas ang kilay ni Mang Vic nang makita ang simbolo. "River Maze yan ah? Sa Spillway District?"
Tumango si Kian. Kilala ng lahat ang grupo na kinabibilangan niya, ang River Maze Gang. Sila ang mga hari ng tabing-ilog ng A City.
"Ang layo ng napuntahan mo ah." Dagdag ni Mang Vic.
"Pero madali pa rin akong nakapasok. Kung ganon kadali pumasok sa District 12 ang mga katulad kong taga ibang grupo, ibig sabihin, walang naghahari ngayon rito."
"Matagal na ngang wala ang Six Cycles," kumpirma ni Mang Vic. "Mga walong buwan na rin. Bakante na yung lungga nila ngayon"
"Anong nangyari? Walang natira ni isa?"
Naglabas ulit ng usok si Mang Vic. "May narinig ka na ba tungkol sa 'Himala'?"
Kumunot ang noo ni Kian. "'Yung mga... may mga kakaibang kapangyarihan di ba?"
Nararamdaman niya na naman ang pamamanhid sa kamay. Kinapa niya ang kaha ng yosi sa kaliwang bulsa—ritwal para kontrolin ang panginginig.
"May dahilan kung bakit walang makalaban sa mga gang sa iba't ibang panig ng A City." Paliwanag ni Mang Vic. "Ilang miyembro nila, may kakaibang kakayahan. 'Himala', tawag nila."
"Pero, parang di naman yata totoo yon. Sabi nila, kwento lang daw 'yon."
"Siguro dahil bihira lang ang nakakakita mismo," sabi ni Mang Vic. "Pero nagkalat lang sila sa A City. Walang nakakaalam kung sino ang may Himala, o kung sino ang wala."
"Pero ano'ng konek non sa Six Cycles?"
"May isang grupo na kumukursunadang pumasok dito. Eighty Worms ng Lower Hills."
"So, sila ang naglaban? Six Cycles vs Eighty Worms?"
"May mga narinig akong ibang miyembro raw ng Eighty Worms, ay may himala. Kung totoo nga yon, at kung naka engkuwentro nga nila sa Eighty Worms, hindi na nakakapagtakang naubos ang Six Cycles."
Tumango tango si Kian. "Wala bang pumalit nung nawala ang Six Cycles? Walang pumasok?"
"Wala pa. Pero darating at darating 'yon. Magdadagsaan rin dito ang ibang grupo. Hindi ko alam kung may susunod ba sayo"
Napansin ni Kian ang bigat sa tono ng matanda. "Kaya ba ayaw sakin kanina nung tatlong lasing? Dahil dayo ako?"
"Kung narinig nilang ibang grupo ka, duda akong makakalabas ka pa dito."
"Iniisip mo bang papasukin ng grupo ko ang lugar?"
"Hindi ba?"
"Kung may plano kaming pumasok dito, hindi lang ako ang ipapadala nila."
Hindi pa rin kumbinsido ang matanda.
"Duda akong impormasyon lang habol mo dito." Giit ni Mang Vic. "Hindi ka magdadala ng gan'yan kalaking pera para lang sa tsismis."
Napangiti si Kian. Alam niyang kakagat si Mang Vic sa tunay niyang pakay.
"Matalas ka pa rin, Mang Vic."
Inisa isang labas ni Kian ang mga nakakumpol na pera sa bag. "Sinkwenta mil para sa impormasyon na binigay mo kanina. Singkwenta mil uli para sa hindi mo sabihin sa iba ang mga sinabi mo sa 'kin."
"Ang natira?"
Inusog ni Kian ang upuan niya at inilapit ap lalo ang tumpok ng pera. "Sabihin nalang nating investment yon para sa partnership natin. Impormasyon lang ang gusto ng River Maze. Pero ako—iba ang gusto ko."
Tumitig siya sa matanda. Diretso, walang paligoy. "Papayag ka ba kung tayo ang sumakop sa District 12?"
To Be Continued. . .