MEDC OFFICE...
Kinabukasan sa loob ng opisina ay tuloy ang trabaho ni Ellah, panay ang pag pirma niya sa mga papeles, pagkuwan ay sumandal sa swivel chair.
Hinihintay niya ang pagdating ni Gian na hanggang ngayon walang paramdam.
Kagabi ay nag text ito na hindi siya masusundo at magkita na lamang sa opisina.
Hindi naman sinabi kung bakit mag absent ito.
Naalala niya ang nangyari kagabi sa sinehan na talaga namang ikinahiya niya ng husto.
"Bakit hindi mo sinabing nakita mo naman pala!" hinampas niya sa dibdib ang binata.
Natawa naman ito. "Naghinala rin ako pero no'ng makita kong nagpapadede ng bata ay akala ko nakita mo rin."
"Baliw ka!"
Humalakhak naman ito. "Iyan kasi Ms. Maling akala!"
"Ikaw Mr. Hinala!"
Napangiti na lang ang dalaga.
Magtatanghali na ngunit wala pa ring Gian na nagpakita.
Dapat sa ngayon nag text na ito bilang paalala na kakain na siya.
Tinawagan niya ang gwardya ngunit hindi ito makontak.
Nagdesisyon siyang mag order na lang at sa opisina na lang kakain.
Maya-maya dumating ang inutusan.
"Ms. Heto na po ang order niyo."
"Sige, salamat."
"Alis na po ako Ms."
Sa amoy pa lang ng pork adobo ay natakam na ang dalaga, samahan pa ng camaron rebusado at softdrinks, ay nilantakan niya ang lahat.
Pansamantalang nakalimutang may hinihintay siya.
Pagkatapos kumain ay muling nagtrabaho ang dalaga.
Itinuon ang atensyon sa trabaho hanggang sumapit ang oras ng meryenda.
"Chocolate cake Ms. Ellah at milktea."
"Thank you."
Dinalhan lang siya ni Jen ng snacks at muling nagtrabaho.
Sumapit ang oras ng uwian na walang Gian na dumating.
Sa loob ng tatlong linggo nitong paninilbihan ay ngayon lang ito lumiban.
Alam niyang hindi na magpapakita si Gian sa kanya ngayong araw.
Ayos lang naman 'yon mabuti at nakakapagpahinga naman ito.
Naghanda na siya. Nag retouch at nag toothbrush saka lumabas.
"I have to go Jen."
"Okay Ms. Ellah, ingat."
Tumango siya at dumeretso sa basement.
Naninibago lang siya dahil wala ang gwardya.
Uuwi siya mag-isa o magpapasundo sa driver nilang si mang Jude.
Pagliko ng dalaga patungo sa kanyang sasakyan ay nabanaagan niya ang isang lalaking nakasandal sa kotse nakatagilid ito, suot ang isang black polo shirt at blue jeans na sinamahan ng itim na rubber shoes.
Agad kumabog ang dibdib niya.
"Gian!"
Lumingon ang lalake at sumilay ang ngiti sa mga labi.
Halos takbuhin niya ang hallway makarating lang agad.
"Ba't 'di ka nagparamdam buong araw?" aniya sabay hampas sa braso nito.
"Hindi pa naman tapos ang buong araw hindi ba?"
"Yeah, let's go?" aniya at mabilis na binuksan ang pinto ng front seat.
Naamoy niya ang alak dito.
Nasa biyahe na sila ng tanungin niya.
"Uminom ka?"
"Kunti."
"May sakit ka ba?"
Tumango ito. "Iyong ulo ko."
"Okay ka na ba?"
Tumango lang ito at hindi na umimik.
Buong byahe ay hindi na rin siya umiimik.
Nag-iisip na siya sa nangyayari.
Gano'n pa man ay hindi niya maitatangging nanabik siya rito.
Na gano'n na lang ang kanyang tuwa nang makita ang binata.
Iyon ang hindi niya maintindihan, nakakaramdam na siya ng pananabik gayong saglit lang naman na hindi ito nagpakita.
Normal lang ba ito?
Normal bang manabik ang amo sa tauhan?
Napaigtad si Ellah nang tumigil ang sasakyan dahil naipit sa trapiko.
Nakaramdam siya ng pagkailang lalo pa at parehas silang walang imik ng kasama.
Tila ba malalim ang iniisip nito.
Lumingon siya sa labas ng bintana.
Ngunit napaigtad siya ng hawakan ni Gian ang kanyang kamay.
Ngayon naramdaman niyang tila may kung anong boltaheng nakapaloob sa hawak na iyon.
"I miss you," marahang usal ng binata.
Kumabog ang dibdib niya sa hindi malamang kadahilanan. Hinila niya ang kamay.
Binalingan niya ito at nakitang nakatingin sa kawalan bago bumaling ng tingin sa kanya ang matiim na pagtitig nito na sinalubong niya.
Subalit nang dumako sa kanyang mga labi ang mga mata nito ay mabilis siyang lumingon sa kabilang dereksyon ngunit mabilis nitong hinawakan ang kanyang mukha pabalik pasalubong sa mga labi nito.
Agad humarang ang mga kamay niyang lumapat sa dibdib ng binata ngunit hindi sapat para itulak.
Gahibla na lang ang pagitan ng kanilang mga labi, at amoy niya ang alak dito at pinaghalong mint ng toothpaste, subalit hindi na ito kumikilos pa. Hindi niya maintindihan kung ano ang nais nitong iparating at nakatitig lang sa kanyang mga mata.
Malinaw niyang nababanaagan ang tila lungkot na nababalot sa mga tingin nito, ngunit hindi na niya halos mapagtuunan ng pansin dahil sa tindi ng kabang nararamdaman sa antisipasyong mahahalikan.
Biglang may bumusina sa likuran kaya bigla rin ang kanyang paglayo at umayos siya ng upo samantalang kalmado namang bumalik sa pagmamaneho ang binata na tila walang ginawa.
Wala na naman silang imikan habang nagbabyahe uli.
Samut-saring ideya ang pumapasok sa utak ni Ellah, ni hindi niya alam kung alin ang uunahin.
'Bakit parang may dalang hipnotismo at mahika ang mga kamay at mga mata ng lalakeng ito?
Bakit Hindi ko kayang tumanggi at sinusunod ko bawat utos niya?'
May bodyguard bang gano'n ang ginagawa sa amo?
'Stupid ka talaga Ellah! Stupid!' tinakpan niya ng mga kamay ang mukha.
Kanina kung hindi sila binusinahan hindi niya alam ang mangyayari.
Nakakainis lang hindi naman niya ito nobyo!
Subalit mas naiinis siya sa sarili dahil kung makaasta siya hindi na bodyguard ang tingin niya!
Napalunok ang dalaga.
'Ano ba itong nangyayari sa akin?'
Tila alam na niya ang rason bakit siya nagkakaganito.
'Dapat habang maaga umiwas na ako! Hindi pwede ito. Hindi isang gwardya lang ang magpapadama ng ganito sa akin. Hindi pwede!'
Tumigil ang sasakyan kaya nabalik sa diwa ang dalaga.
Nilingon siya ng gwardya.
"May sasabihin ako, magpahangin muna tayo?"
Nilingon niya ang paligid at napansing nasa isang boulevard pala sila at nalalanghap ang amoy tubig - dagat.
Alam niyang ito na ang pagkakataon para sabihin ang mga bagay na gusto niyang sabihin.
Hanggat pwede pa, titigil na siya.
Humugot siya ng malalim na paghinga.
"Sige, may sasabihin din ako."
---
PASEO DEL MAR...
"Sinong mauuna?" tanong ni Ellah habang magkatabi silang nanonood sa tahimik na dalampasigan.
"Ikaw na," tugon niya.
Huminga ng malalim ang dalaga.
"Bad news ba 'yang sasabihin mo or good?" tanong ulit nito.
Marahang umiling si Gian dahil sigurado siya sa sagot.
"Ah, bad news nga."
"Sa'yo ba?" balik-tanong ng binata, umaasang may magandang maririnig sa babaeng pinoprotektahan bago man lang tuluyang iwan.
"Naka depende kung paano mo tatanggapin."
Humugot siya ng malalim na paghinga.
"Sabihin mo na," untag niya.
Sa halip na sundin nito ang kanyang utos ay iba ang sinabi ng dalaga.
"Nagugutom ako, kain tayo?"
Tumiim ang bagang ng binata.
"Sige," sang-ayon niya at hinila siya ni Ellah sa braso.
Tinungo nila ang mga may nagbebentang street foods.
Panay ang pili nito sa mga barbecue at kung anu-ano pa.
Samantalang wala siyang ganang kumain.
Pinagmamasdan niya lang ang amo.
Kitang-kita ang ngiti nito habang panay ang pili ng mga ipinaluluto.
Tumiim ang titig ni Gian sa tagapagmana.
Ilang oras na lang hindi na niya makakasama at hindi na mapoprotektahan pa ang babaeng ito.
'Isang babaeng tagapagmana ngunit hindi binibigyang karapatan, ang babaeng kahit karapatan na lang ay kailangan pang ipaglaban.'
"Hmm, sarap!" hiyaw ni Ellah na siyang nagpabalik ng diwa ng binata.
"Tikman mo, sarap!"
Napailing siya.
Paano gaganahang kakain kung magpapaalam na.
Hihintayin niya lang matapos itong kakain at saka siya magpapaalam.
"Say ah!"
Nagulat si Gian ng isinusubo na ng dalaga ang isang barbecue sa kanya, kinuha niya 'yon at saka inilagay sa bibig.
Marahan niyang nginuya ang naturang pagkain habang nakatingin sa dalagang tuwang-tuwa dahil napakain siya nito.
Hindi siya mahilig sa ganitong pagkain subalit pagdating sa babaeng ito wala siyang tatanggihan.
Makita lang niya ang ngiti at tuwa sa tagapagmana ay masaya na siya.
"Let's go?" aya nito.
Tumango ang binata. "Upo muna tayo saglit?" Tinuro niya ang isang bakanteng upuan na pang-apatang tao.
"Sure!" masiglang tugon ni Ellah.
Nang makaupo na ay humugot ng malalim na paghinga ang binata.
"May sasabihin ka hindi ba?"
Natigilan si Ellah.
Nawala sa kanyang isipan ang sasabihin.
"Ah, wala na 'yon."
Napagtanto niyang siya na lang ang iiwas kapag nagkataon.
"Ikaw meron hindi ba?"
Hindi na naman umimik ang katabing gwardya at sa halip ay yumuko ito habang nakatukod ang dalawang siko sa mga tuhod at nakatakip ang mga kamay sa mukha.
Ilang beses din itong humugot ng malalim na paghinga.
Nakakaramdam na ng kaba ang dalaga kaya hindi na siya papayag na hindi nito sasabihin ang anumang gumugulo sa isipan nito ngayon.
"Gian, tell me, ano bang problema baka makatulong ako? Sabihin mo lang para..."
Naudlot ang kanyang pagsasalita nang kabigin siya nito payakap.
Hindi siya nakahuma at tila nablangko sa nangyari hanggang sa hayaan niya itong yakapin siya.
Kumakabog ang kanyang dibdib sa nadaramang init mula sa binata subalit hinayaan niya.
Iyon ang hindi maintindihan ni Ellah, pagdating sa lalaking ito, lahat naipapaubaya niya.
Nang mas humigpit pa ang yapos nito ay saka lang siya natauhan.
Itinulak niya ito sapat para humiwalay siya, saka naman ito yumuko kasabay ng pagsuklay ng kamay sa buhok.
"Gian, anong problema? Kanina ka pa," bakas na ang pag-aalala sa tinig ng dalaga.
Sa pagkakataong ito nilingon na siya nito.
"Wala bang sinabi ang lolo mo tungkol sa'kin?"
Kumunot ang kanyang noo sabay iling. "Wala naman, bakit?"
Umiling lang ito, bagay na ikinaiinis na niya.
"Tell me, alam ko may problema, ano ba 'yon? Dapat ba hindi ko malaman? Do you think I don't have the right to know?"
"Sa amin na lang 'yon ng lolo mo," giit nito na talagang ikinairita na niya.
Ayaw na ayaw pa naman niya ang nililihiman.
"COME ON GIAN BOSS MO AKO!"
Tiningala siya ng gwardya.
"Yes, you are, and you should've known," bira nito saka tumayo.
Kumulo ang dugo niya sa narinig.
"Kung ano man 'yang lihim niyo just make sure na wala akong kinalaman!" Singhal niya sabay talikod at dumeretso sa kotse, sumunod ang bodyguard.
Nang makapasok na ang dalawa ay wala ng imikan ang mga ito.
Tahimik na nagmamaneho si Gian habang naiirita si Ellah.
"Mag seatbelt ka, " kinuha ni Gian ang seatbelt para ikabit sa kanya ngunit umiwas ang dalaga.
"Ako na, " mabilis niya 'yong ikinabit.
Napatiim-bagang ang binata habang napapailing.
"Galit ka ba?" kalmado ng tanong nito.
Hindi siya umimik.
"Kung galit ka man, I'm sorry, pero may mga bagay na sa amin na lang ng lolo mo."
Tikom pa rin ang bibig niya.
Hindi niya lang matanggap na hindi sinasabi sa kanya kung may problema ang abuelo.
Pinagkakatiwalaan siya nito pagdating sa trabaho ngunit hindi sa ibang bagay. Ngunit nakuha nitong sabihin sa taong hindi naman lubos na kilala?
Sa isang gwardya?
Mukhang tama ang una niyang plano. Iwasan na ito.
"Pasensiya na, hindi ko intention na sabihin 'yon."
Tinangka nitong hawakan ang isang kamay niya ngunit mabilis siyang umiwas.
"Pero sinabi mo!"
"Kaya nga nag so-sorry 'di ba?"
Tumahimik siya.
Kailangan na talaga niyang umasta bilang amo nito.
Masyado ng namihasa at nakakalimutan na nitong bodyguard lang ito.
Kahit kailan hindi nito mapapantayan ang mga lalaking nakaka date niya!
"Mr. Villareal," tiim ang mga labing wika ng dalaga.
Dito na kinabahan si Gian. Kapag ganito ang tono ng kausap alam niyang wala na talaga ito sa mood.
"Gusto kong ibalik ang lahat sa dati, kung saan bago pa lang tayo nagkakilala, ako ang boss mo at ikaw ang tauhan ko. "
Mariin niyang naipikit ang mga mata.
Marami pa itong sinabing masasakit na salita at lahat ay tinatanggap niya.
Wala na rin namang saysay dahil mawawala na rin naman siya.
Binubura na pala nito ang lahat ng alaala nila samantalang siya pinahahalagahan bawat piraso ng kanilang pinagsamahan.
Huminga siya ng malalim.
"Fine, if that's what you want, Ms. Ellah. "
Hindi ito umimik.
Humigpit ang hawak niya sa manibela.
Tama naman ito, siya ay tauhan lang at ito ang amo.
Bigla siyang nawalan ng gana na ipaalam pa ang pag-alis.
Si don Jaime na lang ang bahala sa lahat.
Pagdating sa tahanan ng mga ito ay mabilis bumaba ang tagapagmana.
"Paalam Ms. Ellah..." usal niya.