IMPERIAL HOTEL...
"Let's go!" Hinatak ng dating bodyguard ang kamay ni Ellah kaya ngayon tangay na naman siya nito palabas.
"Sandali, ano bang nangyayari?"
"Napagkamalan ng kinidnap kita."
Binuksan nito ang pinto at pumasok siya, sumunod ito at nagmaneho.
"Saan tayo?"
"Sa inyo. Iuuwi na kita."
Natahimik siya.
"Ang oa talaga ng mayayaman."
"Kidnapping naman talaga ito!"
Humagkis ang mariin nitong tingin sa kanya.
"Huwag mo akong paandaran Ellah, baka totohanin kita."
Tumahimik siya sa banta nito.
"Nag-usap lang tayo, wala akong ginawa sa'yo. Hindi lang pwede sa ospital at tiyak na hindi papayag ang lolo mo."
Hindi na siya kumibo. Sa oras na maihatid na siya, ito na ang huli nilang pagkikita.
Pinakatinitigan niya ang lalaking katabi.
Mula sa suot na t-shirt na puti na may leather jacket na itim hanggang sa maong na pantalon at sapatos na rubber.
Napaka ordinaryo ng awra.
Halatang walang kayamanan, hindi maimpluwensiya, hindi maalam sa negosyo. Wala siyang maipagmamalaki na magugustuhan ng kanyang abuelo.
Gano'n pa man, ang tanging masasabi niyang kaya nitong ipagmalaki sa sarili ay ang matayog na prinsipyo.
Ma prinsipyong tao si Gian.
Nakatagilid man ito subalit ang anggulo ng mukha ay may dalang awtoridad marahil dala na rin sa anyo. May pagkapangahan ito na bumagay sa matangos na hugis ng ilong, may kakapalang kilay, noo na madalas nakakunot kahit natatabunan ng buhok. Manipis na mapupulang labi na madalas nakatikom at minsan ay babasain ng dila nito ang pang-ibabang labi lalo na kapag may gustong sabihin na tila nag-aalinlangan. Mga mata na laging may malalim na kahulugan kapag tumingin, mahahabang mapilantik na pilik-mata na sa bawat pagkurap ay tila mawawala ka sa sarili at titigan na lamang ito.
Sa anyo ng mukha at porma ng katawan anuman ang isuot nito kahit napaka ordinaryo ay hindi nakabawas sa napakalakas nitong dating.
Wala man itong kayamanan at kapangyarihan hindi maitatanggi na isa itong ma awtoridad at kayang magpasunod ng kahit sino.
"Stop staring," masungit nitong saad na ikinahiya niya.
Umayos siya ng upo at tumingin sa labas.
"Pumayat ka yata, pumangit pa."
"Huh? Ikaw nga, payat na namumutla pa, mas pangit ka."
Humagkis ang tingin niya rito.
"Aba! Ako pangit?" turo na niya sa sarili.
"Kumain ka kasi ng tama sa oras at alagaan mo sarili mo."
"Ikaw nga hindi mo rin inalagaan ang sarili mo."
"Busy ako sa paghahanda sa pag-uwi."
Natahimik siya. "Kelan ang alis mo?"
"Sa sabado."
Nanlaki ang mga mata niya sa naalala.
"Gian sandali!" Tumingin na siya rito.
"May dadaluhan akong event sa sabado, isa sa charity foundation ni lolo."
Sumulyap ito sa kanya.
"Marami kayong kawang-gawa?"
"Oo, at sa sabado isa sa anniversary nila. Kailangan kong pumunta."
Muli itong tumingin sa daan. "Okay, mag-iingat ka."
Napatanga siya.
"I mean... hindi mo ba ako pwedeng samahan? As in last na 'yon. Please?"
Bumuntong-hininga ang katabi.
Dinakma niya ang bisig nito. "Lalakihan ko bayad sa'yo, samahan mo lang ako."
Tinitigan siya nito ng mariin. "Hindi. Naka kuha na ako ng ticket pabalik ng Luzon. Isa pa, magdagdag lang kayo ng security, alam ni don Jaime ang gagawin."
Tumahimik siya at bahagyang lumayo.
Wala talagang pag-asa.
"N-natatakot kasi ako na baka maging totoo ang pagkidnap sa akin."
"Babantayan ka ng trio boys mo."
Kunot-noong nilingon niya ang lalaki. "Anong trio?"
"Tatlong robot na bodyguard mo."
Bahagya siyang natawa. "Ang cute nga nila, pero kasi parang hindi nila ako kayang protektahan. Tingnan mo nga at nadukot mo ako."
Tumahimik ito.
"Gian please? Pagbigyan mo naman ako, last na. Last na promise. Tapos no'n, uuwi ka na at hindi..." ibinulong niya ang huling sasabihin. "... na tayo magkikita."
"Hindi rin naman papayag ang lolo mo."
Nabuhayan siya ng loob at nagningning ang mga mata na muli itong hinarap.
"Papayag siya, ako bahala."
Muli ay hindi ito umimik hanggang sa nakarating sila.
---
LOPEZ MANSION...
"Umuwi ka na." Binuksan nito ang pintuan niya ng nasa gate na sila.
Tiningala niya ito. "Hindi ka na papasok?"
"Hindi." Niyuko siya nito. "Linawin mo sa lolo mo na hindi kita dinukot, maliwanag?"
Tumango siya.
"Labas na."
Kabado siya dahil malakas ang kutob niyang hindi ito sasang-ayon.
Napilitan siyang lumabas.
"Pero 'yong napag-usapan natin, pupunta ka ba?"
Hindi ito umimik at sinarado ang pinto.
"Pag-iisipan ko," anitong iikot sa kabila kaya hinila niya sa pulso.
"Gian please! Last na naman eh. Para mapanatag lang ako. Kapag walang masamang nangyari, makakalma ako at hindi na ma stress.
Huwag kang mag-alala malaki ang ibabayad ko para-"
Hinawi nito ang kamay niya.
"Talaga bang pera lang katapat lahat sa'yo?" asik nito.
"I'm sorry. Mangako ka! Mag promise ka!" Para siyang maiiyak na hindi niya maintindihan dahil sa malabong usapan.
"I refund ko ang ticket mo! Sige na please kahit last na. Samahan mo ako. Pangako hindi na kita guguluhin pa."
Hindi ito kumibo at hindi rin kumilos habang siya, pigil niya ang hininga.
"Villareal!"
Napalingon sila sa sumigaw.
Si don Jaime na galit na galit habang papalapit.
Naka wheel chair ito, sa likod ang alalay na si Alex.
"Shit!" napamura si Gian.
Nilapitan niya ang abuelo.
"Lolo!"
"Ellah apo ko! Ayos ka lang? Anong ginawa sa'yo ng hayop na 'yan?!"
"Wala po lolo! Nag-usap lang kami."
"Pumasok ka na!"
"Pero lolo, walang ginawang masama si Gian sa akin! Kung mag-uusap kayo, isama niyo ako."
"Pumasok ka sabi! At sasampahan ko ng kaso ang tarantandong 'yan!" duro nito kay Gian.
"Hindi niya ako kinidnap. Kusa akong sumama!"
Nang dahil doon ay sa kanya na tumingin ang abuelo.
"Anong sinabi mo?"
"Ang mabuti pa, sa loob na tayo mag-uusap."
Walang umimik sa dalawa.
"Gian please, pumasok ka muna sa loob."
Hindi ito natinag.
"Pasok!" singhal ng don.
Tiim ang bagang, kuyom ang kamao na sumunod ito.
Nauna ang lolo niya na tulak ang wheel chair ni Alex.
Sumunod siya rito.
Nasa likod niya si Gian na gigil na bumulong.
"This is your fault!"
"I'm sorry," bulong niya rin hanggang sa makapasok sila at umupo sa sofa sa sala.
"Magpaliwanag kayo!" mariing utos ni don Jaime.
"Sorry po lolo," pangunahing bungad niya sa abuelo.
"Nag collapse ako kaya na ospital. Nagpunta si Gian doon kaya nagkita po kami, pero walang privacy kaya lumayo po siya ng kaunti at sumama ako."
"Ang sabi ng bodyguard mo, tinangay ka. Dinukot at dinala sa kung saang lupalop ng gagong 'to!" Dinuro ng don ang binata na nakayuko.
"Hindi po. Okay, hindi kami nagkaintindihan noong una pero lolo maniwala po kayo, nag-usap lang kami."
"Saan?"
Napatingin siya sa lalaki, sumulyap din ito sa kanya.
"Diyan lang po sa tabi."
"Saang tabi Ellah?"
Napalunok siya at marahang bumulong. "S-sa hotel po..."
"ANO?! HOTEL!" Binalingan nito si Gian at hinatak sa kwelyo.
"HAYOP KA TALAGA!"
"Lolo!" Inawat niya ang matanda na ngayon ay gigil na gigil sa dating gwardya na tahimik lang umuuga at hinahayaan ang abuelo.
Inawat din naman ito ni Alex. "Don Jaime, tama na ho."
Saka pa lang ito nahiwalay.
"Lolo, please naman!"
"Tarantado 'yan!" dinuro nito uli ang binata.
Deretso nitong tinitigan ang don.
"Alam kong ayaw niyo ho akong makita don Jaime. Pero wala akong ginawang masama sa apo ninyo. Nag-usap lang kami, nagpaalam ako ng pormal, dinala ko siya sa pinakamalapit na hotel para proteksyon. Alam niyong nasa panganib ako, hindi pwede sa pampublikong lugar."
"Tama siya lolo," dagdag niya. "Katunayan, saglit lang kami doon dahil may tumawag kay Gian."
"Wala ba talagang ginawa sa'yo ang gagong 'to?" Binalingan siya ng abuelo.
Mabilis siyang umiling. "Wala po."
"Mabuti kung gano'n."
Nakahinga siya ng maluwag.
Dinilaan nito ang pang-ibabang labi bago yumuko.
Piangulong ng don ang wheel chair at lumayo. Sinundan niya.
"Tsaka lolo, humiling ako kay Gian sa sabado sa anniversary ng charity samahan niya ako sa huling pagkakataon."
"Huwag na. Magdagdag na lang tayo ng security."
"Lolo, iba si Gian. Siya ang kailangan ko. Pero mas okay kung dagdagan ninyo ang security. Pero dapat kasama ko siya," sinulyapan niya ang lalaki na ngayon ay hinahaplos ng kamay ang batok.
"Anong pinagkaiba? Nandiyan naman ang tatlong bodyguards mo!"
"Pero hindi nila napigil si Gian na kunin ako, paano kung totoong kidnaper na? Lolo please. Para mapanatag lang ako. Isama niyo pa rin ang tatlo."
Huminga ng malalim ang don at nilingon siya.
"Huli na ito Ellah," may pagbabanta sa timbre ng boses ng abuelo ngunit ikinangiti niya.
"Yes, po."
"Umakyat ka na at magpahinga. Papuntahin mo si Gian dito."
Mas lumawak ang kanyang ngiti dahil kalmado na ang abuelo.
Nilapitan niya ang nakayukong binata.
Alam niyang nag-alalangan ito at nahihiya siya gano'n pa man nilakasan na niya ang loob.
"Gian, kakausapin ka raw ni lolo."
Umangat ang tingin nito at marahang tumayo.
"Pasensiya ka na, last deal na 'to. Promise."
Hindi ito tumugon at dumeretso sa terasa.
Naiwang nakatingin ang dalaga.
Malal na buntong hininga ang pinakawalan ni Gian bago tuluyang nagsalita.
"Don Jaime..."
Nilingon siya nito. "Hindi ka pala nagpaalam sa apo ko noong umalis ka."
"Pasensiya na ho, nagkasagutan kasi kami."
"Pero nagsinungaling ka sa akin."
Ang matigas na tono ng don ay nagpapigil ng hininga niya.
Hindi naman siya takot dito dahil huling pakikipagkita na niya sa mga Lopez gano'n pa man, malaki pa rin ang utang na loob niya sa matandang ito dahil nadugtungan ang buhay niya sa tulong nito.
"Hindi pa rin kita napapatawad."
Hindi na siya kumibo.
"Pero humihingi siya ng pabor kaya pagbigyan mo."
Napapikit ang binata.
"Kapag hindi mo 'yon ginawa..." pinutol nito ang sinasabi na ikinadilat ng mga mata niya.
Nagtama ang mga tingin nila.
"Kakasuhan kita ng kidnapping."
Mariin siyang napailing bago tumango.
"Nagkakaintindihan ba tayo, Villareal?"
Marahan siyang tumango. "Oho don Jaime."
Nag hindi ito kumibo ay tumalikod siya.
Nakalabas na siya nang humabol ang isa sa bodyguard ni Ellah.
"Sandali lang!"
Nilingon niya ang lalaki.
"Alam mo bang sa ginawa mo, nagkalamat ang tiwala ni don Jaime sa amin?"
"Kasalanan niyo dahil hindi niyo binantayang mabuti ang amo niyo. "
"Ikaw na nga ang kumidnap kami pa ang may kasalanan!" dinuro siya nito.
Nilapitan na niya.
"Unintentional 'yon. Pero paano kung totoo akong kidnapper? Sa palagay niyo ba maipagtatanggol niyo siya?"
Itiniklop ni Bert ang hintuturo.
Lumapit siya at dinakot ito sa kwelyo.
"Sa susunod, maging alerto kayo, ipinagkatiwala ni don Jaime ang kanyang nag-iisang apo sa inyo. Kapag napahamak ang apo niya, ubos ang lahi mo."
"S-sino ka ba?"
"Ako... ang pinalitan niyo!"
Napalunok ang lalaki.
Inayos niya ang kwelyo nito.
"Huwag kayong umastang parang robot na minion."
Binitiwan niya ito at umalis.
---
MEDC OFFICE...
Pagpasok pa lang ni Ellah, napansin na agad niya ang mga bulong-bulungan na hindi naman niya naririnig.
Pagdating sa opisina ay sinalubong siya ni Jen.
"Good morning Ms."
"Jen, ng pinakuha kong SOA mula sa bank nakuha mo?"
"Yes, Ms. Ilalagay ko mamaya sa table mo. Inaayos ko lang."
"Okay. Anong meron Jen?"
"Nagpatawag ng urgent meeting ang mga BOD Ms."
Natigilan siya. Tiyak uungkatin ang mga nangyari nitong nakaraang araw.
Paalis na siya ng muling magsalita ang sekretarya.
"Kumusta ka na Ms.?"
"I'm good."
Napansin niya ang pag-alangan nito.
"Bakit?"
"Eh, kasi Ms. May kumakalat dito na kinidnap daw po kayo ni sir Gian?"
Nagtiim ang bagang niya bago umalis.
"Hindi 'yon totoo."
Dumeretso siya sa upuan at parang nanlatang umupo roon.
Sigurado siyang ang mga kalabang opisyal na naman ang may pakana nito.
Naghanda na siya ng mga dokumentong gagamitin para sa meeting.
Kumatok si Jen.
"Ms. Dala ko na po ang SOA."
"Pasok."
Dumeretso ito sa mesa niya at inilapag ang isang brown envelope.
"Salamat."
"Ang galing ng naisip niyo Ms. Malaki talaga ang nabawas sa utang."
Ngumiti siya at saka ito umalis.
Binuksan niya ang laman at pinasadahan ng mga mata.
Pagkuwan ay tumayo para sa meeting.
Sigurado siyang uungkatin ng mga opisyal ang ginawa ni Gian.
Bagama't kinakabahan, tinatagan niya ang sarili dahil wala siyang kakampi.
Pagbukas niya sa pinto ng conference room ay napatingin ang lahat sa kanya at nagsimula ang bulungan.
"Talaga nga kayang kinidnap siya?"
"Ang sabi, kusang sumama."
"Baka totoo 'yong pinalalabas lang na kinidnap?"
"Alin? Iyong "kidnap me"?"
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig.