"Ako po si Jakie Diaz. Hindi po ako totoong reporter."
Napasinghap ang lahat ng nasa conference room na lihim ikinangiti ni Ellah.
Nakaharap ang babae sa camera habang nakaupo sa silyang metal sa loob ng tila bahay.
"Isa po akong tindera ng karenderya malapit sa AMZ station. Bagong pasok lang po ako sa karenderya.
May nag-alok sa akin na trabaho bilang reporter. Staff raw siya ng istasyon. May background ako sa mass communication pero hindi nakatapos. Ipapasok niya raw ako bilang reporter.
Pero kailangan daw muna may testing kung papasa ako. Kaya noong nasa floating resto si Ms. Lopez isinabak ako at binigyan ng script, iyon lang daw ang itanong ko." Yumuko ang babae.
"Hindi ko alam na sasampalin niya ako, hindi ko matanggap kaya ako nagsampa ng kaso."
Kumuyom ang kamay ng dalaga habang tahimik ang buong paligid.
"Pinuntahan ko ang AMZ para humingi ng tulong at maipasok na ako. H-hindi ko naman alam na hindi pala totoong staff ng AMZ ang nakausap ko. Wala raw silang staff na Andrea Suarez."
Nagsimula ang bulungan.
"Nakatanggap po ako ng kinse mil.
Hindi ko po alam na bayad na pala ito sa akin, kasi ang sabi niya kailangan ko ng panggastos para ma interview si Ms. Lopez."
Tumulo ang luha ng babae na agad pinahid ng palad.
"Biktima po ako, hindi ko alam na niloko ako. Ititigil ko na po ang pagsampa ng kaso kay Ms. Lopez, pero sana mahanap ang babaeng nanloko sa akin."
Natapos ang video.
Muling humarap ang dalaga sa lahat.
"Biktima rin ang babae. Pero kung sino man ang nasa likod nito, titiyakin kong mananagot."
Tahimik ang lahat.
Ngayon ay malinis na ang pangalan niya, salamat sa isang Gian Villareal.
"Hindi ko maisip kung bakit may mga naninira sa akin gayong ginagawa ko naman ang lahat para sa ikakabuti ng kumpanya.
Ang gabundok na reject ngayon ay wala na. Nabawi na ang nalugi."
"Hindi pa naman nalugi 'yon dahil hindi naman natin itinapon." Ang nagsabi noon ay pangalawa sa may pinakamataas na posisyon.
"Hinarap niya ito. " Hindi nga itinapon pero wala rin kayong ginawa."
Hindi na ito kumibo.
Tinitigan niya ang bawat isa.
"Hindi ba kayo natutuwang magagamit pa ang inaakala nating patapon na?"
Umugong ang bulungan.
"Ang pagbaba ng three percent ng presyo sa ating purchasing, hanggang ngayon napapakinabangan natin.
Ang FDS plant na nakuha natin na pinag-aagawan ng lahat.
Hindi tayo na reject ng GMC plant at sa halip, tumagal pa ang kontrata natin sa kanila alam niyo kung bakit? Iyon ay dahil sa nakuha nating three percent kaya nakapagsupply agad tayo."
Walang nagsalita at lahat nakatingin sa kanya.
"Kung hindi bumaba ng three percent ang presyo ng produkto, hindi tayo makakapag supply sa kanila. Sa palagay niyo ba nasa atin pa ang GMC hanggang ngayon?
Alalahanin niyo, tumaas ng twelve percent ang presyo ng BMG kaya tayo nagipit. Pero bumaba ng three percent."
Nilibot niya ang tingin sa lahat.
"Marami tayong sinusuplayan hindi lang GMC kaya tayo nagkukulang.
Kilala ninyo ang BMG ang produkto nila ang kailangan kaya tayo nakikipag-agawan.
At isa tayo sa nakakuha sa kanila. Hindi ba kayo natutuwang ang FDS plant na siyang pinakamalaking planta sa lugar natin ay nasa atin pa rin?"
"Bakit ba niya ito sinasabi ngayon?"
"Oo nga, ano ba ang ibig niyang palabasin?"
Narinig niya ang usapan ng nasa harapan na malapit sa kanya.
"Ladies and gentlemen, gusto kong malaman ninyo na sa kabila ng tagumpay nating makuha ang three percent at mapakinabagan ang reject ay hindi ako ang nag-iisang nag-isip niyan. "
"Kung gano'n may tumulong sa inyo?"
"Tama! At ang taong 'yon ay ang siyang nilalait at sinisiraan ninyo!"
Walang nangahas magsalita.
"Kung walang nakaisip ng ganoong paraan sa ating mismong nasa loob ng kumpanya bakit ang taga labas ay nakaisip?"
Walang nagsalita.
"Isa nga lang siyang gwardya pero malaki ang naitulong niya. Ngayon sabihin niyo ano ang karapatan ninyo para siraan ang taong naging dahilan ng ating tagumpay?"
Muli ay katahimikan.
"Kahit anong gawing pagtangkang alisin ako sa pwesto, ako pa rin ang papalit sa chairman. Kaya walang sino man sa inyo ang maririnig kong maninira sa taong 'yon dahil hindi ako mahihiyang tanggalin kayo sa inyong posisyon!" sigaw na ng dalaga.
Walang nangahas magsalita.
"Malinis ang intensyon ko sa kumpanya, kung sino man ang pilit akong dinudumihan, malapit ko ng malaman."
Nang wala ng mag-ingay ay nagpasya na ang mga ito na tapusin ang pagtitipon.
Palabas na siya nang sumabay ang Presidente.
"Ms. Iyong tungkol sa reject na produkto, inaamin kong wala akong maisip na paraan para doon.
Pero hindi ba parang iligal na hahaluan ng reject ang matinong produkto tapos ililihim sa planta, kapag nabuko tayo mas malaking problema 'yon. "
Sandali siyang natahimik dahil may punto rin naman ito.
Naisip niya kung si Gian ang kausap nito ano kaya ang sasabihin ni Gian?
" Mr. Go, hindi natin sinabi na hinaluan ng reject pero hindi rin natin sinabi na first class ang produkto, kumbaga hinayaan lang natin na isipin nilang walang nagbago sa dinideliver natin. Wala naman silang reklamo iyon naman ang mahalaga hindi ba?"
"Yes Ms. ang mahalaga napakinabangan pa ang reject na sana."
"Para sa kumpanya ang ginawa ko Mr. Go."
"Oo, iyon ang mahalaga, sige Ms. salamat sa sinabi mo kanina."
"Sige."
Bahagya itong yumuko bago siya iniwan.
Huminga siya ng malalim.
Isang hamak na gwardya nga lang ang binata pero hindi siya makakapayag na tapak-tapakan ito ng kung sinu-sino!
---
AMELIA HOMES...
"Magaling ang ginawa mo. Alam ko kasing hindi ka titigilan ng mga Lopez hangga't hindi ka nakikita. Maglabas ka pa ng statement, kailangang maniwala ang publiko na ang may kasalanan nito ay isang Andrea Suarez."
Tiim ang bagang ni Gian habang nakikinig sa usapan ng sinasabing biktima at ng lalaking kausap nito.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa headphone habang nakaupo at patuloy na nakikinig sa usapan.
"Ayoko na po. Natatakot na ako."
"Anong karapatan mong tumanggi?! Bayad ka babae tandaan mo 'yan!"
"A-ang totoo may nagpunta rito kahapon, alam po niya ang ginawa ko. Siya ang dahilan kaya nagbigay ako ng statement."
"Ano! Akala ko inilabas mo ang statement na iyon para mailipat ang atensyon ng publiko?!"
"P-pasensiya na po sir. Napilitan akong gawin dahil may nagpaamin sa akin."
"Sino! Nakita mo ang itsura?"
"Hindi po, naka sumbrero siya at naka mask, mata lang ang nakikita, pero sigurado ako panig siya sa Ellah Lopez na 'yon."
"Mas dapat kang maglabas ng statement, kailangang malipat sa Andrea Suarez ang atensyon ng publiko."
"Pero paano po sir? Wala naman talagang Andrea Suarez?"
Napaupo ng tuwid ang binata sa narinig.
"Basta sumunod ka na lang at hindi ka mapapahamak!"
Nawala ang usapan.
Dinampot niya ang susi ng kotse sa ibabaw ng mesa at tinungo ang sasakyan.
Lagi lang talaga siyang may plan B kung sakali man kaya nilagyan niya ng bugging device ang bahay ng naturang babae at hindi nga siya nagkamali.
Dumeretso siya sa site.
---
MEDC SITE...
Inabutan niyang abala ang Production Manager sa pagtingin sa mga papeles sa opisina nito.
Nilapitan niya ang opisyal.
Sa pagkakataong ito, hindi bilang gwardya kundi bilang totoong trabaho niya.
"Mr. Valdez."
Nilingon siya ng lalake at agad lumiwanag ang mukha nito.
"Ikaw pala Gian, napadalaw ka? Pinapunta ka ba rito ni Ms. Ellah?"
"Hindi, pagkatapos niyan pwede ba tayong mag-usap?"
Kumunot ang noo ng lalaki.
"Tungkol saan? Upo ka muna."
Umiling siya at nanatiling nakatayo.
"Tungkol sa produkto ninyo."
Kumunot ang noo nito.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Kung bibigyan mo ako ng pagkakataong kausapin ka ay ipapaliwanag ko."
Bagama't naguguluhan ay alam niyang papayag ang opisyal.
"Sandali na lang ito."
"Huwag mong hayaang masayang ang ginagawa mong kabutihan sir, huwag mong hayaang magagawa lang ng iba na tapakan ang iyong posisyon dahil lang sa mas makapangyarihan sila.
Tandaan ninyo, kayo ang inaasahan ni Ms. Ellah higit kanino man.
At nakikinig ang inyong amo sa lahat ng inyong hinaing. "
"Tama ka, nagpapasalamat talaga kami na mabait ang amo natin.
At dahil sa tulong mo nakuha namin ang supplier, at sa mababang presyo pa."
"Gusto ko lang ho na makatulong sa kumpanya gaya ninyo. Pero mas may magagawa pa tayo kapag papayag kayo sa sasabihin ko."
"Ano 'yon?"
Huminga ng malalim ang binata.
"Kayo na rin ang nagsabi nagawa kong pababain ang presyo ng produkto.
Ngayon, gagawa tayo ng paraan para maputol ang kasamaan ng mga mas makapangyarihan."
"Sana Gian, kung may magagawa lang ako."
Tumiim ang tingin niya sa opisyal.
"Sir, may magagawa tayo, kung magtitiwala lang kayo."
Sa pagkakataong ito hinarap na siya ng kausap.
"Bakit mo nasasabi 'yan? Sino ka ba bukod sa pagiging gwardya ni Ms. Ellah?"
"Malalaman niyo kapag pumayag kayo sa plano ko."
"May tiwala ako sa' yo Gian dahil sa nagawa mo pero ngayon hindi kaya mapapahamak kami niyan?"
Umiling ang binata.
"Sa laki ng naitulong mo sa pag-unlad ng negosyo sa tindi ng paghihirap mo, minsan hindi ka na umuuwi matapos lang ang trabaho.
Nagkakasakit ka na pero inuuna mo pa rin ang kumpanya.
At kahit iniisip ng iba na nagpapabango ka lang ng iyong pangalan hindi mo ininda 'yon at patuloy pa rin sa paggawa ng kabutihan."
Kumunot ang noo nito na may bahid pagtataka.
" Sandali lang, paano mo nalaman ang tungkol diyan? "
"Kapag papayag ka, sasabihin ko kung paano ko nalaman.
Isa sa magiging epekto nito,
ikaw ang magiging dahilan para kilalanin ng mas makapangyarihan ang inyong mababang posisyon."
"Paano ako makakatulong?"
"Sasabihin ko mamaya kapag natapos na kayo sa inyong ginagawa sir."
"Sige, malapit na ito, pag-uusapan natin 'yan."
Ngumiti si Gian pagtalikod niya.
Kasunod niyang pinuntahan ay ang supervisor na may kausap sa cellphone.
Sa harapan nito ay nakahilera ang sampung trak na nilalagyan ng produkto ng mga tauhan.
"Papatapos na ito, mamayang hapon makakapagdeliver na tayo sampung trak ulit.
Ano? Ikaw ang Marketing Manager responsibilidad mo 'yan! Kami rito taga handa lang! Alas singko tapos na ito!"
Tiningnan ni Gian ang suot na relo.
Alas tres ng hapon dalawang oras na lang.
Binalingan ng supervisor ang mga tauhang nagkakarga ng sako-sakong carbon.
"Kumpleto na ba ang walong trak?"
"Malapit na sir!"
"May dalawang trak pa tayo bilisan ninyo!"
"Opo!"
Muli nitong binalingan ang hawak na papel.
Nilapitan niya ang supervisor.
"Mukhang pagod ka na sir."
Lumingon ang lalaki sa gawi niya.
"O Gian, anong ginagawa mo rito?"
Tumingin siya sa mga trak na punong-puno ng produkto.
"Sigurado ka bang hindi 'yan papalpak?"
Sumama ang itsura nito.
"Ano?"
"Kahit anong paghihirap ninyong gumawa ng kabutihan kung hindi niyo kayang pigilan ang gumagawa ng masama ay madadamay pa rin kayo."
"Gumagawa ng masama? Anong ibig mong sabihin?"
Nilingon niya ang kausap.
"Hanggang ngayon, hindi pa rin tumitigil ang mga masasamang nangyayari hindi ba?
Baka nga itong produkto ninyo masisira na naman dahil magagawang sirain ng iba."
Inaasahan niya ang magiging reaksyon nito.
"Anong masisira ng iba? Kargo ko ito, responsibilidad ko walang kahit sino ang maninira nito!"
"Pagdaan ng produkto sa iyo wala ka ng magagawa, kasi mababa ang posisyon mo."
Alam niyang hindi ito magpapakababa sa sarili dahil mababa ang tingin nito sa kanya.
Napansin niya ang pagdilim ng anyo ng lalaki at bumadha ang galit dito.
"Ang lakas ng loob mong sabihin 'yan gayong gwardya ka lang naman!" dinuro siya nito.
Hindi ininda ng binata ang narinig.
"Mababa pa rin ang posisyon mo kumpara sa iba."
"Ano! Mababang posisyon? Oo mababa pero sa akin nakasalalay ang produkto! Sa akin dadaan ang lahat!" Binalingan nito ang mga tauhan at pinagduduro.
"Hoy kayo diyan! Tapos na ba 'yan?"
"Opo sir!"
Tumahimik na ito kaya muli siyang nagsalita.
"Sa'yo nga dadaan, pero wala ka namang magagawa pagkatapos dumaan sa'yo."
"Ano!"
Tumalim ang tingin nito at hinarap siya.
"Sino ka ba ha? Gwardya ka lang ng amo namin! Kahit may relasyon kayo wala kang karapatang mangialam!"
Yumuko siya at kalmadong nagsalita.
"Bakit hindi mo masagot ang tanong Mr. Salazar?
May magagawa ka pa ba pagkatapos dumaan ng produkto sa'yo?"
"Anong pakialam mo ha?"
"Kung may magagawa ka madali sa'yo na sagutin ang tanong ko.
Ikaw ang nagpapakahirap sa trabaho habang wala ka namang magagawa kapag may nangyaring masama."
"Anong wala! Ako ang magdedesisyon pagdating sa produkto!" singhal nito.
Hinarap niya ito na kalmado pa rin.
"Kung gano'n bakit na reject kayo?"
Tumahimik ito at naghagilap ng sasabihin.
"Kasalanan 'yon ng iba hindi akin!"
"Wala ka pa ring nagawa.
Kung may magagawa ka bakit hindi mo napigilan ang paggawa nila ng masama?
Dumaan sa'yo ang produkto at ginawa mo ang lahat para sa kabutihan ng kumpanya pero, wala ka ng kontrol 'pag dumaan na sa'yo."
Umiiling ito at nararamdaman na niyang napunto niya ang kahinaan ng kausap.
" Umalis ka na hindi ka nakakatulong."
Pagkakataon na niya upang bumawi.
"Alam mo bang hinahangaan ko ang kabutihan mo Mr. Salazar?"
"Ano?" Kumunot ang noo nito. "Kanina nilalait mo ako ngayon sasabihin mo 'yan! "
"Hinahangaan kita dahil kahit mababa ang posisyon mo malaki ang iyong katungkulan.
Malaki ang naitutulong mo sa pag - unlad ng kumpanya.
Kung hindi dahil sa pagsisikap mong makakuha ng matinong produkto ay walang kikitain ang kumpanya ninyo.
Mr. Salazar, siguro hindi nakikita ng iba na sa'yo nakasalalay ang buhay ng negosyo, ginagawa mo ang lahat mapapabuti lang ito at dahil doon hinahangaan kita.
Gano'n pa man limitado ang iyong kakayahan."
Yumuko ang kausap.
Alam niyang na korner na niya ito.
"Tama, limitado lang pero masaya ako sa trabaho ko dahil marangal ito."
"Mr. Salazar, ayaw mo bang isa ka sa makatulong sa pag-ayos ng pagtakbo ng kumpanya?"
"Ano?"
"Kapag ginawa mo 'yon hindi na matatapakan ang iyong katungkulan. Titingalian ka ng mas mataas pa ang posisyon sa' yo kahit pa, nasa mababang posisyon ka lang."
"Malabo 'yan, ang nasa mababang posisyon ay susunod lang sa mas nakakataas."
"Huwag mong limitahan ang kakayahan mo dahil lang sa taga sunod ka.
Alam mong ikaw ay gumagawa ng tama. Ikaw na rin ang nagsabi sa' yo nakasalalay ang produkto bakit hindi mo 'yon kayang ipakita sa iba? Hindi sa lahat ng pagkakataon ay susunod tayo sa opisyal dahil lang sa mas mataas sila.
Gamitin mo ang iyong karapatan sa mabuting paraan."
Muli itong tumingin sa kanya sa pagkakataong ito alam niyang nakuha na niya ang atensyon nito .
"Paano?"
Lihim na napangiti si Gian.
Sinadya niyang sa ganoong paraan kausapin ang supervisor dahil alam niya ang kahinaan nito.
Matapang ito sa mababa lang dito, ngunit takot sa makapangyarihan dahil iniisip nito ang mababang katungkulan.
Ginipit niya lang ito para ipagmalaki ang posisyon nang sa gano'n makukuha niya ang kalooban nito.
Ngayong nakuha na niya ang tiwala ng dalawa mas makakagawa na siya ng paraan para matulungan ang dalaga.
Alam niyang hindi niya ito misyon gano'n pa man nakahanda siyang ilantad ang totoong trabaho para lang maprotektahan at madepensahan ang tagapagmana.