Chapter 29 - The Trust

MEDC SITE...

Pagkagaling sa site dumeretso si Gian sa loob ng kotse at binuksan ang laptop.

Mula sa screen makikita sa video ang tirahan ng babaeng nagpapanggap na reporter.

Ayon sa CCTV sa lugar nito ay hindi pa nakaalis mula kanina hanggang ngayon.

Pinaandar niya ang kotse at tinungo ang kinaroroonan ng babae.

Muli niyang inalala kung paano natunton at napaamin ang naturang babae. Nalaman niya kung saan ito nakatira dahil na hack niya ang CCTV sa lugar ng restaurant hanggang sa pag-alis nito.

Nakuha niya ang plate number ng sinakyang taxi at pinahanap ang tsuper nito sa tulong ni Vince.

"Pare, para saan ba 'tong pinapagawa mo?" tanong ni Vince nang makausap niya ito sa cellphone habang nasa loob siya ng bahay, naghahanap ng impormasyon tungkol sa reporter.

"Nakuha mo na ba ang impormasyon?"

"Oo, sa Baliwasan. I text ko ang kumpletong address. Para saan nga ito sir?"

"Ipapaliwanag ko mamaya."

Nang matanggap ang text ni Vince agad niyang na i- trace ang lokasyon gamit ang laptop at na hack ang CCTV sa naturang lugar.

Ilang sandali pa nakikita na roon ang isang babaeng papasok ng isang simpleng bahay.

Palingon-lingon pa ito bago tuluyang pumasok.

Agad niya itong pinuntahan.

Ngunit bago lumabas ng sasakyan ay sinuri niya ang kabuuan ng lugar.

Tahimik ng hapong iyon.

Inayos niya ang sumbrero maging ang itim na mask. Nagsuot din siya ng item na jacket, itim na jeans, rubber shoes at gloves bago bumaba at inihanda ang baril.

Kakatok pa lang siya nang bumukas ang pinto kaya sinalubong niya ng baril sa mukha.

"S-sino ka?!" Awtomatikong tumaas ang mga kamay ng babae. Naka suot na ito ng pambahay na blouse at short.

Walang salitang isinara niya ang pinto at ini lock.

"Sino ang nag-utos sa'yo!" Umabante siya umatras ito.

"A-anong..."

"Kung ayaw mong mamatay umamin ka."

Nahagip ng tingin niya ang isang upuan sa tabi.

"Umupo ka at magpaliwanag!"

Agad itong sumunod.

Inihanda niya ang cellphone at sinimulan ang pag video rito.

"Isalaysay mo lahat-lahat."

"Pero biktima rin ako!"

"Sinungaling!"

"Maniwala kayo sir!"

"Sabihin mo sa publiko kung paano ka nasangkot dito."

Nabalik siya sa kasalukuyan ng papasok na sa lugar ng naturang babae.

Maraming tao at tila may pinagkakaguluhan.

Nang tuluyan siyang makalapit ay saka niya napagtanto na ang mismong bahay ng babae ang kinaroroonan ng mga kapwa niya pulis.

Binukas niya ang bintana.

Kinutuban ang binata at nakumpirma niya iyon ng marinig ang usapan mula sa labas.

"Kawawa naman 'yong babae ano? Biktima na nga, pinatay pa talaga."

Tumiim ang kanyang bagang lalo na ng may inilabas ang ilang awtoridad na isang stretcher at naroon ang isang bangkay na may takip na puting tela ang kabuuan.

Mariin siyang napailing.

"Shit!"

'Hindi na ito basta lang, may kasama ng pagpatay.'

Nilisan niya ang naturang lugar at tinawagan ang bagong tauhan.

"Mr. Valdez, may nagbago sa plano. Iba na ang ipapagawa ko."

"Bakit, sir?"

"Patay na ang reporter."

"P-patay?"

"Pinatay. May iba akong ipapagawa, pero mag-iingat ka pa rin."

"Ano 'yon?"

"Ipapaliwanag ko pag kita natin."

Tumiim ang bagang niya pagkatapos ng usapan.

Hindi na ordinaryo ang nangyayari, may pinatay na.

Kailangang masigurado niya ang kaligtasan ni Ellah bago ito iiwan.

---

LOPEZ MANSION...

"Ms. Ellah!"

Napatingin si Ellah sa papalapit na isa sa katulong nila sa kanya.

Kararating pa lang niya galing sa opisina.

"Bakit Julia?"

"Ms. Tingnan mo ang nasa balita." Inilahad nito ang cellphone at tiningnan niya ang video.

"Patay ang isang nagngangalang Jackie Diaz na isang 'di umano'y mamamahayag. Matatandaang nagsampa ito ng kaso sa apo ng chairman ng mining industry matapos itong sampalin sa mukha ng nasabing apo ng chairman.

Natagpuan ang bangkay nito sa loob ng pamamahay. Tatlong tama ng baril sa katawan ang ikinasawi ng naturang biktima.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon sa nangyaring insidente..."

"Shit!" Nanghihinang humakbang ang dalaga patungo sa sofa.

'Hindi pwedeng malaman 'to ni lolo lalo pa at malapit na ang event. Mahina na ang puso nito baka hindi kayanin kung malaman.'

Wala ang matanda dahil nag pa check-up ito ng tuhod sa ospital kasama si Alex.

"Julia!"

"Yes, Ms.?"

"Sabihin mo lahat sa mga kasambahay na huwag ipaalam kay lolo ang tungkol dito."

"Masusunod Ms." tumalikod na ito.

Kinuha niya mula sa bag ang cellphone at tinawagan ang kanang-kamay ng abuelo.

"Hello Ms. Ellah?"

"Kasama mo ba si lolo?"

"Nasa loob pa ng ospital, Ms. Bakit?"

"Alex, huwag mong ipaalam kay lolo na patay na 'yong nagpanggap na reporter na sinampal ko."

"Ano? Patay na?!"

"Oo, pero hindi dapat malaman ni lolo naiintindihan mo naman hindi ba?"

"Oo, hindi niya malalaman."

"Salamat."

Sinapo niya ang ulo pagkatapos makipag-usap.

Pakiramdam niya hindi na nauubos ang problema.

Nang walang ibang maisip makausap ay tinawagan niya ang dating gwardya.

"Gian, pwede ka bang makausap?"

"Oo naman, bakit may nangyari ba?"

"Patay na ang babaeng 'yon. Natatakot ako na baka pagbintangan kami. May reklamo siya sa akin eh!"

"Pero ang sabi niya binabawi na niya ang pagsasampa ng reklamo hindi ba?"

"Pero kahit na! Ayoko na ng eskandalo! Madadawit na naman ang pangalan ko nito. Paano na si lolo mahina na 'yon."

"Huwag kang mag-alala masyado, hindi ka masasangkot."

"Pero paano nga kung mangyari?"

"Poprotektahan kita."

"T-talaga?"

"Yeah, trust me."

Nakahinga ng maluwag kahit paano ang dalaga sa narinig.

"Pero aalis ka na hindi ba?"

"Lilinisin natin anuman ang mga problema bago kita iiwan."

Huminga siya ng malalim. "I trust you. Pakiramdam ko hindi na matatapos eh..."

"Hindi kita iiwan nang hindi panatag."

Napapikit siya. "Ayokong umasa Gian, pero this time... umaasa ako. Parang ayaw ko ng pumasok bukas, kapag nadamay na naman ako tutuligsain na naman ng mga opisyal."

"Pupuntahan kita bukas kapag nagkaproblema. Tawagan mo'ko darating ako."

Nabuhayan siya ng loob ngunit dagli ring naglaho.

"Pero ayaw ni lolo na magkasama tayo."

"Pupuntahan lang kita, hindi buong araw na magkasama tayo. Pupunta lang din naman ako kapag may problema ka."

"Pero Gian, bakit kaya pinatay ang babae?"

"Posibleng dahil sa ginawa ko. Nagsalita siya sa publiko ng dahil sa akin."

Kinabahan siya sa sinabi nito. "Kung gano'n posibleng nanganganib ka?"

"Pero mas nanganganib ka."

Mas tumindi ang kabog ng kanyang dibdib sa narinig.

"Kaya mag-iingat ka Ms. Ellah. Mag-iingat ka, malakas ang kutob kong kasamahan niyo lang ang salarin at hindi taga labas."

"Gian natatakot ako. Paano kung tatambangan na naman ako kagaya noon, masawi ang mga bodyguard ko."

"Huwag kang mag-isip ng ganyan. Hindi mangyayari 'yon. Magagaling ang mga bantay mo."

Mariin siyang umiling. "Ewan ko. Parang hindi ko na alam ang iisipin. Lagi na lang akong nasa panganib at ngayon, nadadamay ka na."

"Huwag mo masyado pakaisipin, hindi ka maka focus niyan sa trabaho. Mag-ingat ka lang palagi."

"Bukas, ano kayang mangyayari?"

"Kapag may problema bukas, tawagan mo lang ako, darating ako."

"Salamat ah?"

"Walang anuman Ms. Ellah."

---

AMELIA HOMES...

Kinagabihan ay halos hindi makatulog si Gian kakaisip sa nangyayari.

Papalalim na ang problema ng tagapagmana at ayaw niyang mag-alala ito.

'Kaya lang paano ko siya mapoprotektahan ng husto kung aalis ako? Siyempre aalis ako.

Walang makakapigil sa akin kahit ano!'

Buo na ang desisyon ng binata hanggang kinabukasan.

Tawag mula sa cellphone ang nagpagising sa kanya.

"Detective?"

"Sir, positive! Nakita ko na ang apo ni don Manolo! Nagpadala ako sa email ng larawan."

Agad niyang binuksan ang email at tumambad ang larawan na ikinamaang niya.

"Sir, hindi ka maniniwala, magkamukha kayo!"

Malaki ang hawig nila ng naturang lalaki. Maging sa porma at tindig, tingin niya maging sa hieght ay magkasing tangkad sila.

"Pero sir, mas gwapo ka pa rin kesa diyan sa pinsan mo."

"Alamin mo lahat ng routine ng buong pamilya, detective. Lalo na sa lalaking ito."

"Masusunod sir Gian!"

Bumuntong-hininga ang binata.

Mas kailangan na niyang tapusin ang trabaho rito sa lalong madaling panahon.

Ang pag-uwi niya ay isang bagay na tuluyang makakapanatag ng kalooban niya.

Makita man lang niya si don Manolo sa huling pagkakataon ay matutupad na niya ang huling hiling ng abuela.

---

PHOENIX AGENCY...

Kinabukasan inayos na lahat ni Gian ang mga kailangang iiwan habang hinihintay ang tawag ni Ellah.

Na hindi naman nagtagal ay tumawag nga ito ibig sabihin may problema!

"Gian! Shit!" bungad ni Ellah na ramdam ang inis at takot.

"Bakit?"

"Maraming midya sa harap ng opisina! Hindi ko alam ang gagawin!"

Kumabog ang dibdib niya ngunit pinananatili ang pagiging kalmado.

"Pupuntahan kita."

"Salamat!"

Bitbit ang mga dokumento ay mabilis siyang pumasok sa opisina ng hepe.

"Sir, ito na ang mga files."

Napatingin sa kanya ang hepe. Nabanaagan niya ang lungkot sa mga mata ng opisyal.

"Talaga bang iiwan mo na kami Gian?"

"Pasensiya na sir, pero kailangan. Last job ko na iyong sa sabado sa mga Lopez."

"Ano kaya kung hindi ka na pupunta?"

Kumunot ang kanyang noo.

"Bakit sir?"

Bahagya itong lumapit sa kanya.

"May mga akusasyon kasing kumakalat sa mga Lopez, posibleng madamay ka."

"Huling pagsisilbi ko na 'yon sa mga Lopez chief. Pagkatapos, tuluyan ko na silang iiwan."

"Sige, kung iyan ang desisyon mo."

"Salamat sir."

Pagbalik niya ng opisina ay naroon na ang babaeng kasamahan.

"Ba't ka nandito?"

Bago sumagot ay sumilip muna ito sa labas.

"Gian, alam kong may koneksyon ka pa sa mga Lopez kaya sa'yo ko ito ipapakita."

May hinugot itong larawan mula sa suot na pantalon at ibinigay sa kanya.

"Ano 'yan?"

"May nagpadala nito sa opisina. Alam mong lahat ng dumarating sa atin dumadaan sa akin bago kay chief.

Pero ngayon gusto kong ikaw muna ang unang makakaalam."

Kumunot ang noo niya dahil parang may kakaiba rito.

"Ano 'yan Hailey?"

"Tingnan mong mabuti."

Tinitigan niya ang larawan.

May dalawang lalaki roon na magkaharap sa mesa at sa gitna ay may attache` case na puno ng pera.

"Sina don Jaime at congressman Dela vega ito hindi ba?"

"Tama ka. Pero ano kaya sa tingin mo ang ibig sabihin niyan?"

"Hindi ko alam, kung ano man 'yan mamaya na. Busy ako-"

"Gian, titigan mong mabuti ang larawan. Luma na hindi ba?"

"Paano mo nasabing luma. At walang kakaiba sa larawan."

"Luma na, pinagmukhang bago. Tingnan mo sa dulo, may petsa na nakalagay."

Nang tingnan nga niya ay walong taon na ang nakalipas ayon sa nakatala.

Umiling siya at tumalikod nang muli itong magsalita.

"Pero ang tanong bakit ipinadala sa atin? Sino ang nagpadala at ano ang pakay niya?"

Dahil sa sinabi ng babae ay natahimik ang binata, nag-isip.

"Alagad tayo ng batas Gian, kaya bakit ipapadala sa atin ang isang normal na larawan?"

Napailing siya.

Nalilito sa kung ano ang dapat unahin.

Kailangan niyang mapuntahan si Ellah, kailangan siya nito ngayon!

---

MEDC OFFICE...

"Shit! Gian asa'n ka na ba?"

Tiim ang bagang ni Ellah nang tumingin sa hindi kalayuang mga taga midya.

Hindi pa sila tuluyang lumapit sa gusali dahil tiyak magkakagulo ang mga ito at hindi niya alam ang isasagot.

Takot na siyang magkamali!

Umasa siyang darating si Gian pero hanggang ngayon wala naman.

"Ms. Ellah, anong desisyon niyo?"

Nilingon niya ang leader ng mga bodyguard.

"Tumuloy na tayo."

"Okay Ms."

Pagdating sa tapat ng gusali ay agad nagsitakbuhan sa labas ng sasakyan at pinaligiran ng taga midya.

Pagbukas pa lang ng pinto, unahan na ang mga ito sa pagduldol ng mikropono o kung ano pa mang gadget sa kanya.

"Ms. Lopez, anong masasabi ninyo doon sa babaeng reporter na pinatay?"

Deretso ang lakad niya habang hinahawan ng mga gwardya ng kumpanya at mga bodyguard ang kanyang dinadaanan.

"Itinuloy ba ng babae ang pagsampa ng kaso laban sa inyo?"

"Kaya niyo ba siya pinatahimik?"

Kumuyom ang palad niya.

Hinarap niya ang mga ito at lilinisin ang kanilang pangalan at ang kumpanya!

"Wala akong alam sa sinasabi ninyo."

Muling umulan ng matitinding tanong mula sa mga ito at naririndi siya.

"May kinalaman ba ito sa sinasabing nawawalang milyones ninyo Ms. Lopez?"

Gusto na niyang sigawan ang mga ito nang may nagsalita.

"Sandali! Kunting katahimikan lang ho!"

Napalingon siya sa lalaking nakataas ang mga kamay habang nakatalikod sa kanya at nakaharap sa midya!

Ang suot ng lalaki, black jacket, black jeans, at black rubber shoes.

Nakasumbrero ng itim!