KABANATA 2
ANG unang isinulat ni Gladys sa kanyang diary tungkol kina Mike at Yod.
November 5, 1986
Gusto kong i-describe si Mike.
He stands about 5'6" to 5'7" tall. Kalog with capital K. Hindi marunong magalit. Puwera na lang kung may nambabastos sa mga babaeng kasama niya -- sa amin nina Liza at Gina. Hindi niya maipasa-pasa ang Trigo dahil hindi matiyaga sa numbers. Palaging nagpapa-cute kapag may chick kaming nakakasalubong, palaging nakangiti na parang laging maganda ang takbo ng mundo gayong lahat yata ng subjects babagsak na siya. Malakas ang sense of humor at genius sa pag-transform ng biro galing sa problema.
Palibhasa'y lakwatsero kaya marami ang girls na nagkakagusto sa kanya. Mas maraming kakilala, sabi niya, more exposure, more victims.
Cute naman kasi talaga. Sabi ng iba, kamukha raw ni Richard Gomez pero sabi naman namin ni Liza, mas may hawig kay Joey Marquez.
Asar na asar ako sa bawat galaw ni Mike noong una. Pero ngayong nagkakilala na kami, nalaman kong admirable naman pala. Masayang kasama. Hindi kagaya ni Eugenio (Yod) na crush ko pa naman sana, pero hawak niya ang record bilang pinaka-boring at pinakatorpe sa lahat ng boring at torpeng tao sa mundo.
Now, I find Mike more gentle and malambing than Mike. At mas cute. Si Eugenio, wala nang ibang alam gawin kundi magsulat ng tula, kuwento at articles niya sa schoolpaperm
Hindi ko alam kung marunong man lamang sumulat ng love letter si Eugenio. Cute at talented sana, mukhang mokong naman. Kung idadaan sa mathematical equation ang pagkakakilala ko kay Eugenio, lalabas na para wala akong nakilala.
Back to Mike, tama ang sinasabi ng iba na may hawig siya kay Goma, lalo na sa body at mga mata.
Iyon nga lang, lahat ng grades seventy five.
Isang araw lang nakalibre si Mike ng sermon ni Mrs. Tinio, noong absent siya.
Abnormal, pero sabi niya gaya niya dapat ang ituring na normal: pinagagalitan na nakatawa pa. At naku, superman pagdating sa kopyahan tuwing may quizzes at exams. Nakikita ang answers ko kahit sampung metro pa distansiya ng upuan namin.
Mahilig sa Collezione t-shirt si Mike. At papakero ng Chickenjoy. Kulang na lang lunukin pati buto. Paborito niya ang faded jeans at topsider shoes. Loafers ang pampasok niya at neat talagang magdala ng damit. Lagi siyang bagong gupit, clean cut, kaya kapag dumadaan, babaeng may katarata lang ang hindi mapapalingon.
Sino ba siya sa buhay namin nina Liza ag Gina kundi ang palaging nariringgan ng, "Pakigawa n'yo naman ako ng project, o."
Ewan ko, natitiis siya nina Liza at Gina, pero ako? Ako ang gaga na hindi makatulog hangga't hindi nagagawa ang kailangan niya. Siguro dahil malambing naman talaga at bumabawi sa paghahatid sa akin tuwing ginagabi kami sa mga lakwatsa. Presentado sa pagsusundo tuwing may mga kakilala kaming magde-debut.
Marami akong ayaw kay Mike. Isa na ang drugs. Isang bagay ito na hindi ko mapatunayan dahil hindi naman namin nahuhuli sa akto. Kapag tinatanong namin, sinasagot kami ng "allegation lang 'yan!" Isa pa ang pagiging pabaya sa pag-aaral na para bang ginagamit pa niyang dahilan ang pagiging rich ng pamilya nila. E, kung maghirap, sasabihin sa kanya ni Liza. Sasagutin ito ni Mike ng kayabangan: "Kami, maghihirap?"
Napakahilig sa party, halos mataranta kung nagyayaya. Super kulit.
Michael is really close to me. May instances na parang boyfriend ang turing ko sa kanya at parang girlfriend naman ang trato niya sa akin. Napakalakas mang-asar at nalakahilig magparinig na gusto raw manligaw. ('Di na lang ituloy.)
Alam niya ang pasikut-sikot ng buhay ko. Pati ang conflict ko sa parents ko. Alam ko rin ang lahat ng secrets niya. Well, almost lahat. Pati ang nagawa niyang kasalanan sa lahi naming mga babae.
Ang madalas na nagiging problema ni Mike, babae. Marami siyang girlfriend. Pero seryoso siya sa cute na taga-Forbes na pinagselosan ng barkada.
Na-figure out ko na kung bakit mas close ako sa kanya kaysa kay Yod. Si Yod, kahit wala nang umalalay, hindi asikasuhin. Mas nangangailangan si Mike ng magbibigay ng direksiyon.