KABANATA 3
PAGKATAPOS ng farewell party ng FELMG2 sa bahay ni Liza nang grumadweyt sila, bihira nang magkita-kita ang grupo maliban kina Gladys, Mike at Yod. Mas madalas na sina Gladys at Mike ang nagkakayayaang lumabas.
Laging binabalak ni Mike na mag-reunion. Kaya December ng 1988, isang taon pagkatapos nilang grumadweyt ng high school, napag-usapan nilang gumawa ng invitation letter. Nang mabuo ni Gladys, nagkasundo silang magkita sa Cubao para ipa-photo copy ito.
Alas nuwebe ang usapan nila, kaya muntik na namang maasar si Gladys dahil alas nuwebe'y medya na ay wala pa rin ito sa bookstore na meeting place nila.
"Alas nuwebe pala, ha?" sita ni Gladys pagdating ni Mike. "Anong oras na?"
"Sorry, inutusan kasi ako ng nanay ko na ideliber muna ang mga plastic bag sa mga kliyente ng business sa Divisoria," paliwanag nito na nagkakamot na naman ng batok. "Nagkagulu-gulo raw kasi ang shifting ng mga driver niya nang may dalawang sabay na nagkasakit. Ngayon, walang nag-report kahit isa. 'Tapos naligo pa 'ko dahil naisip ko na baka yayain mo 'ko sa biglang tuwid," saka tumawa nang malakas.
Nagulo nila ang tahimik na bookstore, nagtinginan sa gawi nila ang mga tao.
Sinipa ni Gladys sa paa.
Kaunti pang asaran at lumabas na sila para sa pagpapa-photo copy.
"Kain muna tayo bago umuwi," yaya nito sa kanya nang maipakopya na nila ang invitation.
"Kung magyaya ka para bang magpapapilit pa 'ko."
"Baka lang kasi ayaw mo, eh."
"Ako, basta pagkain wala nang pilitan."
"Alam ko. Sa panliligaw ko lang naman ako pilit nang pilit sa 'yo."
"Kailan kaya 'yon?" tawa niya.
"Kailan kayang ano? Liligawan kita?"
Natawa si Gladys sa reaksiyon ng kaibigan.
"Anytime, Glides, anytime," sabi nitong seryoso. "Anytime na gusto mo nang ligawan kita."
"Ang tiyaga ko naman, ano?"
"Huwag ka nang magkaila, noon pa naman halatang me crush ka sa 'kin."
"Kung sampalin kaya kita para magising ka sa ilusyon mo?"
"O, tara na!" paiwas nang sagot nito. "Ako'ng taya ngayon kahit umubos ka pa ng sanlibong hamburger."
"Teka, daan muna tayo sa Mercury. Bibili lang ako ng ano..."
"Sanitary napkin na naman 'yan!" tumatawang sabi. "Sa lahat ng mga kaibigan kong lalaki, ikaw lang ang laging gumagamit n'yan."
Pinutbol niya sa puwet.