KABANATA 4
KUMPLETO sila sa reunion. Ginanap ang party sa bahay ni Mike. May bahay-kubo sa loob ng compound, nandoon silang lahat.
Magulo na naman.
"Hanggang ngayon ba naman, eh, wala pa rin kayong boyfriend?" tanong ni Mike kina Gina at Liza habang nagtutusok ng babarbekyuhin nila.
Nagkatinginan ang dalawang tinanong.
"Kung sinabi n'yong p'wedeng magsama ng boyfriend, eh, di isinama ko sana," sagot ni Liza.
"May boyfriend ka na, Lays?" tanong ni Yod.
"Siguradong malabo ang mga mata no'n," sabad ni Santos.
"Hoy, Santos mahiya ka! Kayong tatlo ang malalabo ang mata. Ni hindi ninyo napansin na kaming tatlo ang pinakamagaganda sa klase natin!"
"Sa English...?" baling ni Mike kay Santos.
"Beautiful only," mabilis na sagot ni Santos, "zero sex appeal."
"Ngayon lahat na pala kayo nauulol," pikang sabi ni Liza. "Noon, si Mike lang ang walang kinabukasan sa grupo natin. Ngayon, kayong tatlo na!"
"May kinabukasan ako, Liza, ha?" depensa ni Santos.
"Ano? Aber?"
"Ikaw!"
Tawanan.
Kuwentuhan, lutuan, kainan, inuman, at sabihan ng kanya-kanyang plano sa buhay.
"Ikaw, Santos," sabi ni Gladys, "kumusta ang buhay mo?"
"Ba't tinatanong n'yo 'yan?" tawa ni Mike. "Buhay ba 'yan?"
Hagikhikan.
Tanong ni Yod sa tatlong babae: "Kumusta ba'ng studies n'yo?"
"Kaming tatlo, laging okey," sagot agad ni Liza, "kayong tatlong bugok ang dapat naming tanungin n'yan."
"Siguradong marami na namang nahihilang mga kaklase sa pagdadamo si Mike," sabi ni Gina.
"Anong kaklase?" ganti ni Mike. "'Ba, kayo ba niyaya ko no'n? Never sa 'kin ang gano'n. Sabihin n'yo sana, profs ang ka-jamming ko ngayon!"
Tawanan ang tatlong lalaki, simangutan ang mga babae.
"Ilan na naman kaya ang girlfriend n'yan ngayon," bulalas ni Gladys.
"Bakit?" salo agad ni Santos. "Nagseselos ka na naman?"
"Hoy, Santisimo!" sita ni Liza. "Ayaw ni Yod ng ganyang biro!"
Tawanan maliban kina Yod at Gladys.
Sinulyapan ni Gladys si Yod, nagkasalubong ang mga mata nila dahil sa kanya rin ito nakatingin. Napansin niya, malungkot ang mga mata ni Yod.
"Kay Yod ka na lang, Gladys," sabi ni Liza. "At least, panatag ang loob namin kung sa kanya ka. Pero kung kay Mike? Para kang kumuha ng batong ipupukpok mo sa ulo mo."
"O nagpatuka sa ahas," dugtong ni Gina.
"Sobra naman kayo," sangga ni Mike. "Ano ba'ng akala n'yo sa 'kin? Nagbabago rin ang tao, oy!"
Ani Liza, "Tao ba 'yong nabubuhay sa damo?"
Tawanan na naman, pati si mismo Mike.
"Papasok muna 'ko sa bahay," sabing nakatawa. "'Susumbong ko kayo sa mommy ko!"
Tawanan uli.
"Sige na, Mike," salo ni Gladys, "sunduin mo na sa loob ang mom mo. Para mapatunayan na nating nanay mo lang talaga ang nagmamahal sa 'yo."
Tiningnan siya ng diretso ni Mike.
"'Kala ko ba, magkakampi tayo?"
"Kailan pa nagsimula ang maling akala mong 'yan?"
"No'ng magpabili ka sa 'kin ng sanitary napkin," tawa nito.
Idinutdot ni Gladys ang mga daliri sa baso ng juice at binasa ng saboy nito si Mike.
"Gago ka talagang Michael ka, ha? 'Di totoo 'yon, ha?" baling niya sa grupo
"Kayo na pala?" sabi ni Gina.
"Hay, naku. Kalbuhin n'yo na 'ko, never kong papatulan ang addict na 'yan."
Muling napasulyap si Gladys kay Yod. Nakatitig na naman sa kanya at muling nagkasalubong ang tingin nila. May iniwang kaba sa kanyang dibdib ang titig ni Yod.
Bandang alas onse'y medya ng hatinggabi nang magpaalaman sila. Nagkaroon uli ng kantiyawan nang magkatanungan kung sino ang maghahatid sa kanya.
Nasa bahay sila ni Mike, may dalang sasakyan si Yod at ganoon din si Liza. Iisa ang direksiyon nina Gina at Liza kaya walang problema sa dalawang babae. Hindi maaaring ihatid ng lalaki si Gina dahil alam nilang malalamog na naman ito sa ama. Mahigpit ang daddy ni Gina na kaya lamang napapayagang lumabas dahil sa garantiya nina Liza at Gladys na maayos ang kanilang pupuntahan.
Si Gladys lang ang kailangang ihatid ni Yod o ni Mike, kahit alam ng lahat na mahigpit din sa kanila.
"Kung ako'ng maghahatid," sabi ni Mike, "pipili pa siya ng gusto niyang sakyan, Chedeng, Galant, ang owner ko o bike. O karga na lang."
"Nagyabang na naman."
Dahil sa mga nangyari at napag-usapan sa reunion, pinili ni Gladys na kay Yod magpahatid. Gusto niyang magkausap sila nang sarilinan. Kailangan niya itong makausap dahil marami siyang gustong linawin. Una na ang nabubuong tatsulok sa kagagawan ni Mike.
Nagpaiwan si Santos, sanay na itong makitulog sa bahay ni Mike.
Pinanood ni Gladys si Yod habang tahimik itong nagmamaneho, hinintay na magbukas ng paksang mapag-uusapan nila.
Pero wala itong nasabi kundi 'good night' nang ihinto sa tapat ng gate ng bahay nila ang kotse. Nagpasalamat siya habang nanghihinayang kung bakit hindi pa siya ang nagsimulang magbukas ng paksa na gusto niyang linawin.
SCHOOLS. Sa CEU nag-aaral si Gina, Nursing. Magkasama pa rin sina Gladys at Liza sa iisang eskuwelahan, La Salle. Psychology ang kinukuha niya at BSC-Accounting si Liza. Sina Mike at Santos, magkasama sa STI. Nag-iisang napatapon sa UP si Yod. Journalism. Magkahiwalay ng schools ang tatlong lalaki pero madalas pa ring magkasama sa hapon.
Pagkaraan ng ilang buwan simula noong reunion, tumawag si Mike kay Gladys. Ang sabi, susunduin daw siya sa La Salle. Kasama si Yod.
"Okey, matagal na rin naman tayong 'di nagkikita-kita," sabi niya. "Sasabihan ko rin si Liza."
"Ikaw lang naman yata ang sadya ni Yod, eh," biro sa kanya.
"Hoy, Michael, baka kung ano na naman ang ipinagsasabi mo d'yan kay Yod, ha? Kaya siguro 'di makapaglakas ng loob na sumundo n'yan sa 'kin dahil sinisiraan mo na naman ako sa kanya."
"Ano ba'ng pinagsasasabi mo?" Tumatawa si Mike sa kabilang linya.
"Hoy, alam kong dini-discourage mo si Yod na manligaw sa 'kin. Be fair naman, Mike. Give us a chance to be happy naman."
"Ako pala, lonely."
"Ulol!"
"Maging mag-boyfriend ka kasi tayo, Glides. Pumayag ka na kasi na ako ang manligaw sa 'yo para matapos na ang love triangle na 'to."
"Puwede naman, Michael. Kung wala na akong taste."
"Me taste ka, Glides?" tawa na naman nito. "Sabagay, me taste ka nga siguro. Si Yod ang nataypan mo, eh. Me taste ka sa mga taong torpe."
"O, eh, ano'ng masama ro'n? Ang masama, eh, kung sa 'yo 'ko magka-crush na me makita lang na nakapalda reactivated na ang lahat na parte ng katawan. Nakakasirang-puri na magka-crush sa 'yo."
"I therefore conclude na hanggang ngayon crush mo pa rin si Yod. Glides, high school pa 'yan, ah!"
"Ano nga'ng masama?"
"Ang masama, may panibago na naman akong tsismis kay Yod -- na obsessed ka na sa kanya ngayon, hindi na crush lang."
"Talagang..." pinagbagsakan niya ng telepono.