CHAPTER ONE

PARA akong naupos na kandila pag-uwi ko ng bahay pagkatapos kong mag-enroll. Dumiretso ako agad sa kwarto at nahiga sa kama, bago tumunganga at tumitig sa kisame. Maliban kasi sa sobrang stressful ang proseso ng enrolment ko dahil sa pagiging irregular student ko, naging problema ko rin ang pakikisalamuha ko sa ibang mga estudyante doon. Lahat ata ng mga nararamdamang pagod at sakit ng katawan ng mga taong nadaanan ng paningin ko ay naramdaman rin ng katawan ko. Pakiramdam ko tuloy ay para akong binugbog ng napakaraming tao.

Sabihin na nating regalo ang magkaroon ka ng malakas na empathy. Pero kapag sobra naman, nagiging sumpa na. Magandang pag-uugali yung marunong kang makiramdam, pero OA na itong sa akin eh.

Mirror-touch synaesthesia. Iyan ang tawag sa kondisyong meron ako.

Nabasa ko sa isang research sa internet na 1.6% lang daw ng mga tao sa mundo ang nagkakaroon ng kondisyon na ito. Out of 7 billion, merong mahigit sandaang milyon na merong ganito.

At kasali ako doon. Nakakaasar, hindi ba? Sa dinami-dami ng tao, nakasali pa ako. Feeling ko may kasalanan ako sa past life ko kaya nagkaroon ako ng MTS eh. Bwisit.

Siguro sa tingin ng iba cool ang kondisyon na ito. In a way, oo, cool rin. Imagine, nararamdaman mo yung nararamdaman ng ibang tao. Parang superhero, hindi ba?

Pero sa totoong buhay, ang mga taong katulad ko ay hindi nagiging superhero. Imbes na mabilib, pinangingilagan pa ako dahil daw weird ako. Ganoon naman kasi ang tao. Kapag hindi nila alam o bago sa paningin nila, imbes na intindihin ay iniiwasan na lang.

Pero ako, ayoko nang pilitin na matanggap at maintindihan ako ng ibang tao. Wala naman na akong magagawa eh. Kung wala akong kaibigan, eh 'di fine. Hinahanda ko na rin naman ang sarili ko na mamuhay nang mag-isa. Syempre naman, kasi kung hindi ko nga magawang magkaroon ng kaibigan, boyfriend pa kaya?

Solong anak naman ako, kaya medyo confident ako na kaya kong mamuhay nang mag-isa. Pinalaki akong independent ng parents ko, kaya hindi ako magiging nganga kapag tumanda ako.

Simple lang naman kasi ako, pati na rin ang pamilyang pinanggalingan ko. Principal sa isang public high school ang tatay ko, habang ang nanay ko naman ay isa ring teacher sa elementary.

Magkatuwang sila para makapagtapos ako ng pag-aaral, kaya ginagawa ko rin ang parte ko. Nag-aaral ako nang mabuti para makapagtapos ng kolehiyo at makapag-aral ng medisina. Gusto ko kasing maging paediatrician balang araw.

Noong una kasi ay Pharmacy ang kinukuha kong kurso, pero hindi ko makasundo ang mga naging kaklase ko doon. Lagi kasi nila akong pinag-iinitan dahil raw napakatahimik ko at hindi namamansin. Dahil doon kaya nag-shift ako ng Biology para hindi ko na kailangan pang makisalamuha sa kanila araw-araw. Hindi man ako masyadong pinapansin ng mga kaklase ko doon, at least hindi naman nila ako binubully.

Napahinga ako nang malalim bago bumangon mula sa pagkakahiga. Napatingin ako sa orasan. Alas siyete na pala ng gabi.

Kapag nakikita ko ang 7 kahit saan, ang naaaninag ko ay isang matangkad at masungit na lalaki na matalim kung tumitig.

Pero ngayon, ang lalaking nakasalamuha ko kanina ang naaalala ko habang nakatingin ako sa numerong iyon.

"Ano kayang problema ng lalaking iyon?" tanong ko sa sarili ko habang nakatitig pa rin sa numero sa orasan.

Sa unang tingin, parang tipikal lang siyang gwapong lalaki na nuknukan ng suplado at saksakan ng tahimik. Sa tantiya ko ay mga 6'2 ang height niya, at maganda ang tindig niya kaya medyo intimidating. Natatakpan ng maitim at bagsak niyang buhok ang mga mata niya na parang laging malamlam at malamig pagmasdan. Maputla ang manipis niyang labi, at sobrang masculine ng facial features niya. Sobrang puti niya rin, at sigurado akong papasa siya bilang bampira.

Ang gwapo niyang bampira.

Pero maliban sa physical attributes niya, hindi ko basta makakalimutan ang mga naramdaman ko noong nagkalapit kami at nahawakan ko ang kamay niya. Yung sakit na naramdaman ko sa braso at likod, pakiramdam ko ay nakuha niya iyon mula sa mga bugbog at hampas. Yung hapdi naman na naramdaman ko sa likod ng binti ko ay paniguradong galing sa hagupit ng sinturon. Hindi ako maaaring magkamali dahil naramdaman ko na ang ganoong sakit noong nakita ko ang pinsan ko na sinasaktan ng tito ko gamit ang sinturon niya noong mga bata pa kami.

At dahil nararamdaman ko ang emosyon ng mga tao kapag nahahawakan ko sila, nagawa ko ring maramdaman ang sa kanya noong magkahawak kami ng kamay. Pinaghalo-halong lungkot, galit, at takot ang naramdaman ko.

Ayokong mag-conclude nang basta, pero sa tingin ko ay inaabuso siya sa kanila, pero hindi niya magawang umangal sa mga kadahilanang hindi ko alam.

Paano niya kaya nakakayanan ang lahat ng iyon? Sa tingin ko kasi ay hindi lamang iyon ang unang beses na nakaramdam siya nang ganoong pisikal na sakit. Mukhang sanay na sanay na siya sa ganoon, na para bang matagal niyang kinikimkim iyon.

Tinatago niya sa likod ng mukha at personalidad na meron siya ang lahat ng nararamdaman niya. Gusto ko siyang tulungan, pero baka isipin niyang sira ulo ako kapag ginawa ko iyon. Isa pa, hindi ko siya kilala at hindi ko rin alam kung magkikita pa kaming muli.

Napailing na lamang ako. Ano ba 'tong mga iniisip ko? Nagfifeeling superhero na naman ako.

NANG pumasok sa utak ko na Lunes ngayong araw ay nakaramdam ako ng disappointment. Napahinga ako nang malalim habang sinusuklay ang buhok ko sa harap ng salamin. Tinatamad akong pumasok ngayong unang araw ng klase, pero kung mananatili ako dito sa bahay ay paniguradong magiging mainit lang ako sa mga mata ni mama.

Pagkatapos kong magsuot ng uniform at maihanda ang sarili ay bumaba na ako mula sa kwarto. Nadatnan ko ang lolo ko sa sala na nanonood ng tv. Mukhang kadarating lang niya mula sa probinsiya para bumisita sa amin. Napangiti ako dahil close ako sa lolo ko sa side ni mama. Maliban kasi sa pagiging makulit at kalog nito ay iniintindi niya ang kondisyon ko.

"Luisa naman... Sinabi ko na sayo, uminom na ako ng gamot para sa rayuma ko. Sinabay ko na doon sa maintenance ko para sa high blood," narinig kong sagot ni lolo sa nanay ko. Sa tingin ko ay pinapagalitan siya ni mama dahil hindi na naman siya umiinom ng gamot sa tamang oras.

Tiningnan ko si lolo na nakaupo sa sofa habang nanonood ng tv, at doon ko naramdaman ang matinding pagkirot sa tuhod ko. Napailing na lamang ako at dahan-dahang naglakad papunta sa kusina para kunin ang gamot niya na nakapatong sa ibabaw ng refrigerator. Pagkatapos ay iniabot ko ito sa kanya.

Nagulat siya nang makitang hawak ko ang gamot niya, "Alam niyo namang hindi kayo makakalusot sa pagsisinungaling ninyo kapag nakita ko kayo, hindi ba?"

Nginitian na lamang ako ni lolo habang nagkakamot. Tapos ay kinuha niya mula sa akin ang lalagyan ng gamot niya para makainom na.

Tinawanan ko na lamang siya, bago ako naglakad papunta sa pintuan para tuluyan nang umalis. Pero bago pa man ako makalayo ay natigilan ako nang biglang magsalita si mama.

"Huwag mong idadahilan sa akin na nabusog ka na habang pinapanood mo kaming kumain. Umupo ka dito sa mesa para mag-almusal," ani mama habang nakatitig siya sa akin.

Napahinga na lamang ako nang malalim at naupo ako sa tabi ni papa. Kahit pa wala akong ganang kumain ay pinilit ko na lamang ang sarili ko na kumain nang kahit kaunti para hindi na kami magtalo pa ni mama. Agad kong tinapos ang almusal ko, tapos ay tahimik akong lumabas ng bahay.

Habang kinukuha ko ang bisikleta ko ay pinanood ko si papa na naglalakad papalapit sa motorsiklo niyang nakaparada sa tapat ng bahay namin. Nakaramdam ako ng pagkirot ng ulo at pag-iinit ng katawan habang pinagmamasdan ko siya.

Mukhang may sakit si Papa. Napailing na lamang ako at kinuha ang gamot na lagi kong binabaon for emergency purposes, tapos ay nagtatakbo ako papalapit sa kanya para iabot ito.

"Para saan ito, anak?" nagtataka niyang tanong sa akin.

Nginitian ko si papa. "Para sa sakit ng ulo. Baka kasi kailanganin mo eh."

Alam ni papa ang mga nararamdaman ko, pero hindi naman siya katulad ni mama na tinatawag akong oversensitive o nag-iimagine lang. Yun nga lang, hindi talaga maintindihan ni papa kung ano ang nangyayari sa akin. Pero okay lang iyon. Ako nga rin, nahihirapan intindihin ang kondisyon ko.

"Okay lang ako, anak," tugon sa akin ni papa habang ibinabalik ang gamot.

"Si Papa naman eh. Para naman hindi mo na kailangang lumabas ng school kung sakaling sumakit man ang ulo mo habang nagtatrabaho ka. Kunin mo na, 'Pa," pagpapalusot ko.

Napangiti na lamang si papa, tapos ay hinalikan niya ang noo ko at nauna nang umalis. Nang maiwan akong mag-isa ay sumakay na rin ako sa bisikleta ko para pumasok sa klase.

Bago ako lumabas ng gate ng bahay namin, sinuot ko muna ang hood ng jacket ko. Hindi ko alam kung bakit parang pagod at magkakasakit ako, pero sa tingin ko ay pahiwatig iyon ng katawan ko na hindi magiging pabor sa akin ang araw na ito.

Huwag naman sana.

PAGPASOK ko pa lang sa gate ng school ay kapansin-pansin na ang sa tantiya ko ay anim na kotseng nakatigil sa harap ng main building. Napababa ako sa bisikleta ko, at hinila ko na lamang ito habang naglalakad palapit sa kumpulan ng ilang mga estudyante.

May artista ba? Bakit nagkakagulo na naman ang mga tao dito?

Kinalabit ko ang isang estudyanteng napadaan malapit sa akin. "Excuse me. Anong meron?"

Tiningnan muna ako ng babae mula ulo hanggang paa, bago niya ako sinimangutan at inirapan. "Malay ko ba. Eh 'di alamin mo."

Pagkaalis niya ay napailing na lamang ako. Ganoon ba talaga ako ka-weird para tratuhin ako nang ganito?

Well... Kilala naman ako dito sa school bilang isang weird at creepy na estudyante, so bakit pa ba ako magugulat? Tch.

Pero kahit hindi masagot ang tanong ko ay naririnig ko naman na pinag-uusapan nila ang dahilan kung bakit naroon ang mga sasakyan na iyon. Pasimple akong dumikit sa isang grupo ng mga estudyante, at nakinig sa pinagchichismisan nila.

"...Anak yan ng politician. Yung Raeken ba yun? Sikat daw yun eh," sabi ng isang lalaki na nakaupo sa bench.

"Nakita ko na siya sa isang magazine kung saan nafeature ang pamilya nila. Sobrang gwapo niya, nakakaloka!" sabi ng babaeng katabi nito.

"Teka, siya ba yung Arevalo?"

Through eavesdropping, nakuha ko ang mga impormasyong kailangan ko para makapag-research. Dahil mukhang galing sa high-profile na pamilya ay may mga nahanap akong articles tungkol sa kanya gamit ang phone ko.

So apparently, ang dahilan ng commotion ay si Raeken Joshua Arevalo, the son of Joseph Arevalo, isang prominenteng senador who's also running for vice president; and Allyna Salcedo-Arevalo, a former beauty queen and actress. Also, Raeken has a twin by the name of Randall Alfonse, pero wala gaanong impormasyon ang nahahanap ko tungkol sa kanya. Siguro ay hindi siya kasing-high profile ng ibang miyembro ng pamilya niya.

Base sa mga nababasa ko sa article na nahanap ko, lumaki sa Amerika si Raeken. Sa tingin ko ay dito na siya mag-aaral at mananatili dahil nga tumatakbo sa eleksyon ang tatay niya. Syempre kailangan nila ng atensyon, and obviously, agaw-atensyon naman talaga si Raeken. Kailangang picture-perfect ang pamilya nila para maganda ang imahe nila sa mga taong boboto.

Dahil bukas ang bintana ng kotse, nakita kong kinakausap siya ng tatay niya bago siya lumabas ng sasakyan. Hindi ko alam kung anong pinag-uusapan nila, pero sa tingin ko ay may binibilin kay Raeken ang tatay niya.

Pero ewan. Malay ko ba. May mirror-touch synaesthesia lang ako pero wala naman akong superpowers.

Hindi nagtagal ay lumabas na rin mula sa kotse si Raeken, kaya lalong lumakas ang mga bulong-bulungan at mga impit na tili ng mga babae na kanina pa sila pinagmamasdan.

Nagulat ako nang makita ko ang mukha niya. Naka-brush up lang ang buhok niya pero sigurado akong siya ang nakita at nakabanggaan ko noong enrolment. Hindi ako maaaring magkamali.

Though... he looks a little different.

Maliban sa ayos ng buhok, naninibago lang ako dahil may ekspresyon na ang mukha niya. Nakangiti siya, at bakas ang yabang sa aura niya. Kumpara sa expressionless at malamig na lalaking nakasalubong ko noong enrolment, ang Raeken na nakikita ko ngayon ay mukhang maangas, matapang.

Hindi na natatakpan ng buhok ang mga mata niya, kaya hindi na ito mukhang malamlam.

In general, he just looks like a cocky, arrogant, and good-looking brat who wants everything his way.

Habang tinititigan ko siyang mabuti ay hindi ko na naramdaman ang sakit ng katawan na nakuha ko noon mula sa kanya. Medyo makirot pa ang braso niya, pero ang latay sa likod ng binti at ang sakit sa likod ay naglaho.

Habang ang iba ay pasimpleng dumadaan malapit sa may sasakyan nila para mas masulyapan pa nang maayos si Raeken, ako naman ay hindi pa rin natitinag sa kinatatayuan ko. Patuloy ko siyang tinitigan, na para bang pilit kong hinuhulaan kung ano ang tumatakbo sa loob ng isip niya.

Tahimik akong nagmamasid, nang bigla na lamang niyang ibinaling ang tingin sa direksyon ko. Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Raeken, na para bang pinagmamasdan niya ako. Sa ginawa niyang iyon, sigurado akong natatandaan niya ako.

All of a sudden, he smirked at me.

Now, I am totally confused. Siya ba talaga ang lalaking nakasalubong ko noong enrolment?

Or is this guy a completely different person?