HINDI ko alam kung bakit parang hindi ako mapakali habang bumabalik sa isip ko ang itsura ni Raeken habang nakangisi siya sa akin kanina. Para akong kinikilabutan kasi alam kong may nais siyang ipakahulugan sa ngiti niyang iyon.
Oo. Gwapo siya, pero creepy pa rin sa paningin ko.
Bukod pa doon, hindi ko rin maintindihan kung iisa lang ba o magkaibang tao ang nakasalubong ko noong enrolment at si Raeken. Magkamukhang-magkamukha sila pero magkaiba ang awra at personalidad na nakikita at nararamdaman ko mula sa kanila.
Para silang magkaibang tao pero parang hindi rin. Ang gulo. Nakakainis!
Napakamot na lamang ako at itinuon ang atensyon ko sa pagtanaw sa labas ng room namin. Naupo kasi ako sa bandang likod, sa tabi ng bintana, dahil doon ako pinakakomportable. Isinuot ko ang earphones sa loob ng tenga ko at nakinig na lamang ng musika habang hindi pa dumadating ang professor namin para sa unang subject.
Presko ang hangin na nalalanghap ko sa kinauupuan ko, kaya napakakalmado ng pakiramdam ko habang nakatanaw ako sa malayo.
Pero nasira ang lahat nang iyon nang bigla na lamang magtakbuhan pabalik sa mga upuan nila ang mga kaklase ko. Para silang mga langgam na biglang binuhusan ng tubig dahil sa sobrang pagmamadali.
Siguro dumating na yung prof kaya sila nagkakaganyan. Napakibit-balikat na lamang ako at tinanggal ang earphones mula sa tenga ko at inayos ang pagkakaupo ko para nakatingin ako sa harap ng klase.
Pero laking gulat ko nang makita ko ang isang pamilyar na lalaki sa loob ng klase namin. Pamilyar, dahil nakita ko na siya kanina lang.
Nakatayo sa pintuan si Raeken habang pinagmamasdan kaming lahat. Naroon pa rin ang angas, pero ramdam ko ang malalamig na mga matang nakita ko sa lalaking nabangga ko noong enrolment.
Mas lalo tuloy akong nalilito. Sa bawat pagkakataong nakikita ko siya ay ibang pagkatao ang pinapakita niya. Well, ganun ang case kung sakaling siya nga talaga yung nakasalubong ko noong enrolment.
Kahit pa alam niyang pinag-uusapan na siya ng lahat ay kalmado siyang pumasok sa loob ng room na para bang wala siyang narinig. Tapos ay naglakad siya papunta sa mga upuan namin. Akala ko ay mauupo siya sa harap, pero dumiretso lang siya hanggang sa likod, malapit sa kinauupuan ko.
Agad akong umiwas ng tingin sa direksyon niya habang ramdam ko ang matinding pagdagundong ng puso ko. Hindi ko maintindihan ang sarili ko, pero parang may sarili akong beatbox sa loob ng dibdib ko. Gusto kong iuntog ang sarili ko sa pader habang unti-unti kong napagtatanto na kinakabahan ako dahil sa presensya ni Raeken.
Maya-maya ay tumigil siya sa tabi ng bakanteng upuan na katabi ng inuupuan ko. Mas lalo akong napraning. Paano na lang kung diyan siya maupo?
Alam kong para akong timang ngayon dahil sa nararamdaman kong kapraningan. Pero hindi ko talaga mapigilan lalo na't kakaiba ang ipinapakitang pag-uugali ni Raeken.
"Excuse me..."
Ang baritonong boses na iyon...
Narinig ko na iyon. Iyon rin ang boses ng lalaking nakabangga ko noong enrolment. So posible ngang si Raeken iyon. O baka kapatid niya? Ah, ewan.
Para akong may stiff neck habang hinaharap ko ang mukha ko kay Raeken. "B-bakit?"
"May nakaupo na ba diyan sa likod mo?" tanong niya sa akin.
"W-wala... Wala pa."
Raeken nodded, before flashing a smile. "Thank you." Tapos ay dumiretso na siya sa upuan sa likod ko at doon naupo.
Gusto kong mapanatag dahil nga hindi siya naupo sa tabi ko, pero wala ring kwenta iyon dahil sa likod ko naman siya pumwesto. Pareho lang ang epekto noon. Pero at least hindi ko siya nakikita. Hindi basta matitrigger yung MTS ko. Nakakaramdam lang naman ako ng nararamdaman ng ibang tao kapag nakikita ko sila.
Hindi nga mati-trigger yung MTS ko, para naman akong ngumuya ng kape dahil sa kabang nararamdaman ko dahil malapit siya sa akin.
Napailing na lamang ako at tumingin sa harap ng klase. Pero nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto kong nakatingin pala silang lahat sa direksyon ko - specifically kay Raeken.
I sighed in defeat. It seems like all of the girls are smitten by him, and the boys are just extremely fascinated by his presence.
Sabagay, sino ba naman ang hindi? He projects this Mr. Perfect vibe. Edukado, mayaman, princely, at kilala ng lahat. Mukhang may hint ng yabang sa katawan, pero okay lang kasi may karapatan naman talaga siyang magyabang.
Pero para sa akin, meron talagang off sa pagkatao niya eh. Siguro dahil na rin ito doon sa lalaking nakabangga ko noong enrolment na sa tingin ko ay siya lang naman.
Feeling ko kasi may tinatago siya eh. Ewan. I believe there's more behind the surface.
Basta. I am not buying this shit.
HABANG naglalakad ako palabas ng college building namin ay napadaan ako sa may bulletin board sa lobby ng school. Wala naman sana akong balak tumingin sa mga kung anong nakalagay doon pero agad na naagaw ang atensyon ko ng isa sa mga nakapaskil doon. Isa iyong poster mula sa College of Medicine ng school namin, at base sa mga nakalagay doon ay kumukuha sila ng scholars.
Matagal akong napatitig sa poster na iyon. Gusto kong makapasok sa medical school dahil magmula pagkabata ay pangarap ko na talagang maging doktor. Siguro naging malaki rin ang naging epekto ng mirror-touch synaesthesia ko sa pagdedesisyon ko sa kung ano ang pangarap na tutuparin ko pagdating ng araw.
Dahil sa kondisyon ko, I seem to be inclined with helping other people ease their pain. Naiintindihan at literal na nararamdaman ko ang mga sakit na nararamdaman nila, kaya gusto ko rin silang matulungan na mapawi iyon.
Kung sakali man na makapagtapos ako ng Medicine, gusto ko talagang maging isang paediatrician. Kids, especially infants, rely on crying para maipahiwatig na may mga hindi sila magandang nararamdaman. Hindi naman lahat kayang i-interpret iyon, pero kung magagamit ko ang kondisyon ko para sa purpose na iyon, mas madali kong matutukoy ang mga sakit nila.
Dahil uwian ko na rin naman, sinamantala ko na ang pagkakataong iyon para magtanong sa dean namin patungkol sa scholarship na iyon. Agad akong dumiretso sa opisina niya. Sakto namang kadarating niya lang mula sa isang meeting at wala pa siyang ginagawa kaya hinayaan na akong ng sekretariya niya na kausapin siya.
"Good afternoon po, Dean. Ako po pala si Wendy Martirez, 4th year BS Biology. Itatanong ko lang po sana yung tungkol sa poster na nakapaskil sa bulletin board sa lobby. Yung tungkol po sa scholarship ng College of Medicine."
"Ahh, iyon ba?" nakangiting sagot sa akin ng dean ng college namin. Tapos ay inabot niya sa akin ang isang brochure. Nakalagay doon ang mga detalye tungkol sa scholarship. "Pwede mong tingnan dyan ang requirements. Limited lang ang slots para dyan."
Habang binabasa ko ang laman ng brochure ay nakaramdam ako ng panlulumo. Sa tingin ko ay hindi basta aabot sa requirement ang magiging general weighted average ko. Isa pa, magiging problema ko rin ang NMAT kapag nagkataon, kasi kailangan ko munang maipasa iyon dahil kasali iyon sa requirements.
Alangan akong napangiti sa dean. "Paano po ang proseso ng pagpili?"
"Maliban sa common requirements gaya ng results ng NMAT at GWA, dapat ring makapasa ka sa entrance exam. Pagkatapos noon ay dadaan sa screening ang files at exam results ng mga applicants. Interesado ka bang kumuha ng scholarship?" tanong niya sa akin.
Tumango ako. "Opo. Kaya lang baka hindi po umabot ang GWA ko."
"Pagsikapan mo na lang na magkaroon ng matataas na grades ngayong academic year. Malay mo, makalusot ka. Huwag kang panghihinaan ng loob," sabi niya sa akin.
Kahit kailan talaga ay napakabait ng dean ng college namin. Kilala siya sa pagiging encouraging at sa kakayahan niyang sabayan ang trip ng mga estudyante kaya gumaan talaga ang loob ko habang kausap ko siya.
Malungkot akong ngumiti sa kanya. "Sige po, Sir. Maraming salamat po."
Pagkatapos noon ay tahimik akong lumabas ng opisina niya. Pagkasara ng pinto ay napahinga ako nang malalim. Mabigat ang loob ko habang iniisip kong imposible nang makuha ko ang scholarship na iyon.
Pakiramdam ko ay parang lumalayo lalo sa akin ang pangarap ko.
PAGDATING ko sa bahay namin ay naabutan kong kumakain ng hapunan ang mga magulang ko at si lolo. Sinalubong ako agad ng isang ngiti ni lolo, tapos ay saka lang ako napansin ni mama na nakatayo sa may pintuan.
"Wendy, halika na dito. Kumain ka na," sabi ng nanay ko.
Ibinaba ko muna ang bag ko sa sofa sa sala at naupo ako sa hapag-kainan. Naglagay ako ng pagkain sa plato ko, at iniwasan kong tumingin kay mama at papa habang ngumunguya at lumulunok sila dahil pakiramdam ko ay parang may ibang taong naglalagay ng pagkain sa bibig ko.
"Papa'lo, kumain lang po kayo at iinom pa kayo ng gamot ninyo pagkatapos," ani papa kay lolo. "Sigurado po ba kayong babalik na kayo ng Bicol sa makalawa?"
Tumango si lolo. "Baka kasi hanapin na ako ng Mama'la mo. Alam mo naman iyon, hindi kayang mabuhay ng wala ako," sagot niya sabay tawa.
Napangiti ako. Kahit pa tinanggap ko na sa sarili ko na mahihirapan akong magkaroon ng makakasama sa buhay, hindi ko pa rin mapigilang maiinggit kapag pinagmamasdan ko si lolo. Kapag nagkukwento siya ng mga bagay tungkol kay lola, para akong nalulungkot. Gusto ko rin ng ganun. Yung meron akong makakasama sa pagtanda.
Napahinga na lamang ako nang malalim. Nagpatuloy na lamang ako sa pagkain ng hapunan, nagbabakasakaling mapunan ng kanin at ulam ang malaking espasyo sa loob ng puso ko.
"Wendy," biglang untag ni mama kaya napatingin ako sa kanya, "Huling taon mo na sa college. Ano bang plano mo pagkatapos?" Tapos ay sumubo siya ng pagkain habang nakatingin sa akin, na para bang naghihintay siya ng isasagot ko.
Tumikhim muna ako bago nagsalita. Parang nahuhulaan ko na ang magiging reaksyon ni mama sa balak kong itugon sa kanya.
"G-gusto ko po sanang tumuloy sa med school pagkatapos ko ng Biology. Gusto ko po kasing -"
"Pero magastos yun," biglang putol ni mama sa pagsasalita ko. "Wendy, alam mo namang hindi tayo pwedeng gumastos nang sobra ngayon. Sapat lang ang perang kinikita ko para sa mga gastusin sa bahay tsaka sa pangtuition mo. Ang sahod naman ng papa mo may mga kaltas na dahil sa loans."
Parang may kutsilyong tumusok sa puso ko nang marinig ko iyon mula kay mama. Nanghina ako, at hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong sabihin.
"Luisa naman," ani papa. "Hayaan na natin si Wendy sa gusto niya. Para mo namang pinuputulan ng pakpak ang anak mo."
"Hindi naman sa ganoon, Wilfred. Nagiging practical lang ako. Mahirap ang buhay ko ngayon. Hindi rin naman tayo mayaman para gumastos para sa pagmemed school niya. Saan tayo kukuha ng ibabayad sa tuition niya kung sakali? Sa uniform? Sa mga libro? Ano naman -"
"Ako na po ang bahala sa pagpasok ko sa medical school." Ako rin mismo ay nagulat sa sinabi ko, pero hindi ko na rin napigilan ang sarili ko. "Mag-aapply po ako ng scholarship. Kung hindi po ako makakuha, maghahanap na lang ako ng part-time job para may pantustos ako pag-aaral ko. Hindi niyo na po kailangang problemahin pa ang pagkuha ko ng Medicine. Kaya ko po ang sarili ko."
Pagkatapos kong sabihin iyon ay tahimik akong tumayo mula sa hapag-kainan at dumiretso sa kwarto ko. Matapos kong sarhan ang pinto ay napasandal na lamang ako doon at huminga nang malalim.
Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko at pilit na pingilan ang pag-agos ng luha ko. Pero hindi ako nagtagumpay. Napaupo na lamang ako sa sahig habang tahimik na umiiyak.
Sa huli naman, mag-isa lang naman ako sa lahat ng mga pangarap at pahihirap ko.
Tinanggap ko naman iyon. Pero bakit masakit pa rin?
"SINO dito si Wendy Martirez?"
Napatingin ako sa pinanggalingan ng tinig. Mula sa kinauupuan ko ay nakatayo ang isang babaeng instructor na para bang meron siyang hinahanap. Nasa laboratory kami noon at naghihintay para sa susunod na subject kaya wala naman akong pinagkakaabalahan.
Tinaas ko ang kamay ko para ipaalam ang presensya ko. "Ako po. Bakit po?"
"Pinapatawag ka mg dean. Kakausapin ka daw niya."
Nagtataka man ay tumayo na lamang ako mula sa kinauupuan ko at sumunod sa babaeng instructor na naghahanap sa akin. Dinala niya ako sa opisina ng dean ng college namin.
Naabutan ko si Mr. Arguelles na parang problemado at malalim ang iniisip. Dahil ayokong magulantang siya sa pagdating ko ay tumikhim muna ako bago nagsalita.
"Sir? Pinapatawag niyo raw po ako?"
Parang nabuhayan ang dean namin nang marinig ang boses ko. "Andito ka na pala Ms. Martirez. Maupo ka muna."
Naupo naman ako gaya ng utos niya. "May kailangan po ba kayo sa akin, Dean?"
"Sa totoo niyan kasi, Ms. Martirez. May gusto akong i-assign na task sa iyo. Ikaw lang ang naiisip kong pwedeng gumawa noon kaya ikaw talaga ang pinapunta ko rito."
Bigla akong kinabahan. Parang hindi maganda ang pakiramdam ko sa ipapagawa sa akin ni Dean Arguelles.
"I would like to assign you as Raeken Arevalo's school buddy. Gusto kong ikaw ang maging guide niya dito sa school, and keep him company for at least two or three weeks. Magiging magkaklase naman kayo in most subjects, kaya mas madali para sayo ang maging school buddy niya..."
Marami pang karugtong ang sinabing iyon ni Dean Arguelles, pero hindi na talaga pumapasok sa isip ko ang mga salitang lumalabas sa mga labi niya.
Hindi ko lang talaga kasi kinaya noong sinabi niyang magiging school buddy ako ni Raeken Arevalo dahil una, alam ko sa sarili ko na hindi ko kaya ang pinapagawa niya; at pangalawa, hindi ako komportable sa presensya ni Raeken dahil hindi ko maintindihan ang pagkatao niya.
Gusto kong tumanggi agad, pero ayoko namang magalit ang dean namin sa akin.
"Pero bakit kailangan pa po ng ganoon?"
"Request kasi iyon ng daddy ni Raeken. Gusto niya kasi na merong kasa-kasama si Raeken. Pero sa tingin ko ay hiningi niya rin iyon para maging bantay ng anak niya. Alam mo naman na tumatakbo sa eleksyon si Senator Arevalo. Ayaw niya lang sigurong may gawin ang anak niya na pwedeng ikasira ng image niya. Raeken is a promising young from what I see, but he tends to be reckless and really hot-tempered and cheeky sometimes."
"Pero Sir, hindi lang naman po ko ang classmate niya eh. Bakit ako pa po?"
He sighed in frustration. "Ikaw kasi ang sinuggest ni Raeken para maging school buddy niya. Magkakilala naman daw kasi kayo kaya mas komportable siya kung ikaw ang palagi niyang kasama."
What the heck? Kailan pa ba kami naging magkakilala? Nagkabanggaan at nagkatinginan lang, tapos magkakilala na? Ni hindi nga niya alam ang pangalan ko - Wait. Paano niya nalaman ang pangalan ko?
Ang creepy ng Raeken na iyon. Mas lalong hindi ako papayag na maging school buddy niya, ano.
"Ayoko naman pong madiscourage kayo sa akin, pero ayoko naman pong magsinungaling. Sa totoo lang po, hindi ko po kaya ang pinapagawa ninyo sa akin. Sana hindi po ninyo masamain ang pagtanggi ko." Tumayo ako mula sa kinauupuan ko, "Sige po, Dean Arguelles. Mauna na po -"
Natigilan ako nang biglang humarang sa dadaanan ko si Dean Arguelles. Butil-butil ang pawis niya sa noo, at namumutla siya. Humahangos din siya at ramdam ko na desperado na siya.
"Bibigyan kita ng recommendation para siguradong makakuha ka ng scholarship, pumayag ka lang na maging school buddy ni Raeken. Kapag hindi ka pumayag, baka magalit sa akin si Raeken at ang tatay niya. Posibleng i-pull out nina Senator Arevalo ang pagbibigay niya ng donasyon sa isang outreach project ng college natin. It might cost me my job too, Ms. Martirez."
Ang kaninang pagtanggi na nararamdaman ko ay napalitan ng interes. Kung papayag ako, makukuha ko ang scholarship na pinapangarap ko. Ilang linggo lang ng pagtitiis kasama ni Raeken, kapalit ay ang pagtupad sa pangarap ko.
Deal.
"Seryoso po ba kayo? Bibigyan ninyo ako ng sure slot sa scholarship?"
Tumango si Mr. Arguelles. "Pwede akong mag-recommend ng estudyante para sa scholarship na iyon. Ikaw ang irerecommend ko, basta pumayag ka lang sa hinihingi kong pabor."
Hindi ko ipinakita sa mukha ko ang sayang nararamdaman ko para hindi niya isipin na napakadesperada ko para sa scholarship na iyon. "Sige po, Sir. Payag na po akong maging school buddy ni Raeken."
Nakahinga nang maluwag si Mr. Arguelles, at naging kalmado na ang ekspresyon ng mukha niya. Paulit-ulit siyang nagpasalamat sa akin, bago niya pinaliwanag sa akin kung paano ko makukuha ang scholarship ko pagkatapos kong mapagtagumpayan ang pinapagawa niya sa akin.
Pagkatapos naming mag-usap ay masaya akong lumabas ng opisina habang iniisip ko na makukuha ko ang scholarship na hinahangad ko, basta ba maging school buddy lang ako ng spoiled brat na lalaking iyon.
Pero ang maganda kong mood ay mabilis ring napalitan nang makita ko si Raeken na nakatayo sa labas ng opisina ng dean. Nakasandal ang likod niya sa pader, at isang makahulugang ngisi ang nasa mukha niya.
Nakatitig siya sa akin, na para bang pinag-aaralan niya ang buo kong pagkatao.
"See you tomorrow, school buddy."